Konteksto ng Bagong Tipan
Ang Kapulungan sa Jerusalem
Alamin kung ano ang itinuturo sa atin ngayon ng kapulungang nakalarawan sa Mga Gawa 15 .
Isinasalaysay sa Mga Gawa 15 ang isa sa pinakaunang mga kapulungang Kristiyano, ang Kapulungan sa Jerusalem, at itinuturo ang mga alituntuning angkop pa rin sa Simbahan ngayon.
Nagmiting ang kapulungang ito para talakayin ang isyu kung ano ang dapat gawin ng mga Gentil (mga hindi Judio) kapag lumilipat sila sa Kristiyanismo. Bagama’t ang mga unang mananampalataya ay mga Judio na tumanggap kay Jesus bilang Mesiyas, iba ang pinagmulang relihiyon at lahi ng mga Gentil, kaya naging isyu ang pagsama nila sa lumalaking Simbahang Kristiyano.
Karaniwan, hindi gaanong nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Gentil dahil sa mga pagkakaiba sa mga paniniwala, kultura, at wika, gayundin sa mga batas tungkol sa pagkain (kosher) na sinunod ng mga Judio. Inisip ng mga naunang Kristiyano kung dapat magpatuloy ang mga kaugalian at tradisyon ng mga Judio, yamang lumaki na si Jesus at ang lahat ng naunang Apostol ay lumaki na ginagawa ang mga bagay na ito.
Iba’t Ibang Pananaw ng mga Naunang Miyembro ng Simbahan
Ang mga naunang miyembro ng Simbahan ay may iba’t ibang palagay tungkol sa isyung ito. Itinuro ng ilan na ang mga lalaking gustong maligtas at tanggapin si Jesus ay kailangang tuliin, tulad ng nakaugalian sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Mga Gawa 15:1).1
Iba ang palagay nina Pablo at Bernabe. Tinuruan na nila ang mga Gentil at nadama nila na natulungan sila ng Banal na Espiritu na magbagong-loob sila. Itinuring ito nina Pablo at Bernabe bilang isang pagsaksi na ang gawain nila ay totoo (tingnan sa Mga Gawa 15:2–4). Hindi nila hiniling ang pagpapatuli o pagsunod sa mga batas ng pagkain ng mga Judio para mabinyagan.
Ang magkasalungat na mga pananaw na ito ay nangailangan ng isang kapulungan ng mga pinuno ng Simbahan sa Jerusalem para mapagpasiyahan ang bagay na ito.
Pahayag ni Pedro
Nagsalita si Pedro, ang punong Apostol, sa kapulungan. Ipinaalala niya sa kanila ang kanyang mga karanasan kung saan nalaman niya na dapat marinig ng mga Gentil ang ebanghelyo at na pinatotohanan ng Banal na Espiritu ang katotohanan sa kanila tulad sa mga Judio na tumanggap na kay Jesus bilang Mesiyas (tingnan sa Mga Gawa 15:7–8; tingnan din sa Mga Gawa 10).
Sinabi niya na ang Diyos ay “hindi [tayo] itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya” (Mga Gawa 15:9). Ang mga karanasan ng mga Gentil sa Espiritu Santo ay katibayan na ang pagbabagong-loob nila kay Cristo ay tinanggap ng Diyos. At naranasan nila ito nang hindi sinusunod ang mga hinihingi ng batas ni Moises.
Nagtapos si Pedro sa kanyang pag-asa na “maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila” (Mga Gawa 15:11).
Kompromiso ni Santiago
Si Santiago, na kapatid ni Jesus at isang mahalagang pinuno ng Simbahan sa Jerusalem noong una, ay nagsalita rin sa kapulungan. Kinilala niya ang mga karanasan ni Pedro na umakay sa kanya na malaman na ang Diyos ay gagawa ng mga pinagtipanang tao mula sa mga Gentil. (Tingnan sa Mga Gawa 15:13–17; tingnan din sa Amos 9:11.)
Pagkatapos ay nagmungkahi siya ng solusyon para pagkasunduin ang dalawang panig. Iminungkahi niya na dapat iwasan ng mga Gentil ang kahit apat na bagay lang na may kaugnayan sa pagsunod sa batas ni Moises (tingnan sa Mga Gawa 15:20, 29):
-
Mga karneng handog sa mga diyus-diyusan
-
Pakikipagtalik nang hindi kasal (seksuwal na imoralidad)
-
Karneng hindi wasto ang pagkatay (hindi inalisan ng dugo ang hayop)
-
Dugo (may kaugnayan sa pag-iwas sa karne na hindi wasto ang pagkatay)
Ang mga pagbabawal na ito ang magpapakita ng kaibahan ang nagbagong-loob na mga Gentil sa iba pang mga Gentil dahil ang mga gawaing ito ay bahagi kung minsan ng pagsamba ng mga Gentil sa mga diyos at diyosa.
Isang Mensahe sa mga Banal
Sumang-ayon ang lahat ng nasa kapulungan sa panukala ni Santiago, kaya nagpadala sila ng mga liham at kinatawan sa Antioquia at iba pang mga kongregasyong Kristiyano para ipaalam sa kanila ang patakarang ito (tingnan sa Mga Gawa 15:23–29). Kinilala rin nila sa liham ang papel ng Espiritu Santo sa pagsaksi na mabuti ang patakarang ito.
Ngayon lahat ng Kristiyano, na nagmula kapwa sa mga Judio at Gentil, ay maaari nang magsikain nang magkakasama. Hindi rin tuwirang binigyang-diin ng patakaran na ang pananampalataya at mga tipan kay Jesucristo ang landas tungo sa kaligtasan, hindi ang batas ni Moises.2
Mga Aral mula sa Kapulungan sa Jerusalem
Hindi bababa sa limang alituntunin mula sa Kapulungan sa Jerusalem ang angkop sa Simbahan ngayon:
-
Ang pagbabahagi ng iba’t ibang ideya sa isang kapulungan ay makakatulong sa mga miyembro habang hinahangad nilang sundin ang kalooban ng Panginoon at maaaring humantong sa isang kasunduang kayang sundin ng lahat.
-
Ang huling kasunduan o desisyon ay may awtoridad ng mga pinuno nito; ang mga miyembro ng kapulungan at lahat ng miyembro ng Simbahan ay maaaring sumuporta at magtiwala sa mga makapangyarihang desisyong ito.
-
Maaaring pagsama-samahin ng Simbahan ang iba’t ibang kultura, at maaaring pag-aralan ng mga miyembro kung aling mga gawi sa kultura ang salungat sa kultura ng ebanghelyo at kailangang talikuran.
-
Ang Banal na Espiritu ay magbibigay ng malakas na patotoo tungkol sa kalooban ng Diyos at na sinusunod ito ng isang tao.
-
Ang pagtanggap kay Jesucristo sa pamamagitan ng binyag at iba pang mga tipan ang susi sa pagbabagong-loob at pagsapi sa Simbahan.
Ang pagsunod sa mga alituntuning ito sa mga kapulungan ng Simbahan ngayon ay hahantong sa paggalang sa mga pananaw ng iba. Maaari din tayong magpamalas ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsuporta sa mga desisyon ng mga kapulungan.