2023
Patuloy ang mga Himala ng Diyos
Hulyo 2023


“Patuloy ang mga Himala ng Diyos,” Liahona, Hulyo 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Patuloy ang mga Himala ng Diyos

Natanto ko na ang mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mas naaayon sa Biblia kaysa sa pahayag na napalitan na ng Biblia ang mga propeta at paghahayag. Nakadama ako ng tunay na kagalakan nang matanto ko na baka nabubuhay ako sa makabagong “panahon ng Biblia.”

pamilyang magkakasamang nakatayo sa labas ng bahay

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Noong Nobyembre 9, 1989, nagkamali ng pagpapahayag ang isang opisyal ng pamahalaan sa East Germany na simula sa araw na iyon, pinayagan nang dumaan sa Berlin Wall ang mga mamamayan ng kabiserang lungsod. Makalipas ang ilang minuto, walang nagawa ang dating bagot na mga guwardiya sa hangganan kundi payagan ang marami at dumarami pang mga tao na lisanin ang teritoryo ng German Democratic Republic.

Pinanood namin ng matalik kong kaibigang si Jakub Górowski—mga tinedyer pa kami noon—ang pagsisimula ng di-inaasahang himala sa telebisyon mula sa aming tahanan sa Poland. Talagang malaki pero hindi nakapipinsala ang pagbabagong dinanas ng mundo. Napuspos ng diwa ng kalayaan at pag-asa ang puso ng milyun-milyong tao.

Para sa amin ni Jakub, ang pangarap namin ay lumipat mula Poland patungong Kanluran—Denmark, Sweden, West Germany. Nabigyang-inspirasyon kami ng mga pelikula ng Amerika at palabas sa TV. Ang paborito ko ay The Wonder Years. Gustung-gusto ko ang kapaligiran ng buhay ng mga Amerikano sa labas ng lungsod.

Palagay ko ay walang sinuman sa magkabilang panig ng Iron Curtain ang umasa na magwawakas ang Cold War. Pero may ibang plano ang Ama sa Langit. Noong 1975, hindi namin alam, inanyayahan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga Banal sa mga Huling Araw na “makiisa sa matindi at patuloy na pagsamo sa Panginoon na buksan ang mga pintuan ng mga bansa at palambutin ang puso ng mga hari at pinuno para makapasok ang mga missionary sa lahat ng lupain at makapagturo ng ebanghelyo.”1

Makalipas ang dalawang taon, bumisita si Pangulong Kimball sa Warsaw, Poland. Isang umaga, kasama ang isang maliit na grupo ng kanyang mga kasamahan, pati na si Elder Russell M. Nelson, nilisan ni Pangulong Kimball ang kanyang hotel, naglakad patungo sa Libingan ng Di-Kilalang Sundalo (Tomb of the Unknown Soldier), at pumasok sa Saski Park. Di-kalayuan sa isang malaking fountain na nakatayo pa rin doon ngayon, lumuhod siya at muling inilaan ang Poland para sa pangangaral ng ebanghelyo.

Isang dekada ng kaguluhan at mga protesta ng masa ang sumunod. Bagama’t walang tiwala at kontra ang mga adult sa mga lider sa pulitika, maraming kabataang nagduda sa ilan sa mga pinahahalagahan, tradisyon, at saloobin ng kanilang mga magulang. Nadismaya kami ng kaibigan kong si Jakub sa Kristiyanismo na naunawaan namin i. Nawalan siya ng interes sa relihiyon sa pangkalahatan, samantalang ako naman ay naakit sa mga pilosopiyang nagmula sa Asia.

Noong Abril 1990, nag-hitchhike kami ni Jakub patungong Austria. Sa Vienna ay may nakilala kaming dalawang mababait na babae na nakatayo sa bangketa ng isang kalyeng maraming tao. Ang isa sa kanila ay may hawak na Aklat ni Mormon sa wikang Polish. Ikinuwento niya sa amin ang pagdalaw ni Jesus sa mga tao sa sinaunang Amerika at nangako siyang ipapadala niya ang aklat sa aming mga tahanan kung ibibigay namin sa kanya ang aming address. Binuklat din namin ang aming address book at kinopya ang mga address ng marami sa aming mga kaibigan. Naisip namin na magandang sorpresa para sa kanila ang makatanggap ng regalo.

Makalipas ang ilang buwan itinatag ang Poland Warsaw Mission, at apat na missionary ang dumating sa aming lungsod. Kalaunan, nalaman ko na ang malaking bilang ng “mga referral”—mga address ng aming mga kaibigan—ay nagkaroon ng mahalagang papel sa desisyong buksan ang aming lungsod para sa mga missionary. Nagulat ako na pagkaraan ng ilang buwan, sinabi ni Jakub sa akin na dalawang “Mormon” missionary ang bumisita sa kanya at nagpasiya na siyang sumapi sa kanilang simbahan.

Nasaktan ako sa ibinalita niya. Ilang taon ko nang sinikap na gawin siyang interesado sa relihiyon pero hindi ako nagtagumpay. Paano siya biglang na-convert ng mga taga-ibang bansa? Determinado akong harapin sila at ipakita kay Jakub na wala silang panalo sa pakikipagdebate sa akin.

May Nadama Akong Espesyal

Nang makita ko ang dalawang nakangiting binatang missionary na nakatayo sa pintuan ng apartment ng aking mga magulang, nalimutan ko ang aking mithiin na patunayang mali sila. Masaya sila at nakakatuwa. Marami silang itinanong sa akin tungkol sa sarili ko at sa aking mga paniniwala. Iginalang nila ang mga paniniwala ko. Kalaunan ay sinabi nila sa akin na sa unang pakikipag-usap nila sa mayabang na lalaking mahaba ang buhok at punit ang maong na naninigarilyo, nahirapan silang isipin na magiging interesado akong maging alagad ni Jesucristo. Pero may nadama akong espesyal sa presensya nila, at naintriga ako na ang Simbahan lang nila ang tanging denominasyong Kristiyanong alam ko na naniniwala sa premortal na buhay.

Humanga rin ako sa kanilang mga patotoo at sa matitibay na paniniwala nina Jakub at Robert Żelewski, ang bago niyang kaibigan sa Simbahan. Si Robert ay isang psychologist, isang matalino pero praktikal na tao na ang mga kabatiran at karanasan ay nagpalakas sa interes ko sa relihiyon ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Lahat ng sinabi sa akin ng mga elder, ni Jakub, at ni Robert ay nakakaengganyo, lalo na ang doktrina ng plano ng kaligtasan, na nagsisimula sa premortal na buhay at nagtatapos sa tatlong antas ng kaluwalhatian. Pero wala akong nakitang anumang dahilan sa pagsapi sa Simbahan hanggang sa mas lubos kong naunawaan ang kakaiba nilang mga paniniwala. Ang pagkaunawa ko sa Kristiyanismo ay na noong unang panahon, ang Diyos ay gumawa ng mga himala, nagsugo ng mga anghel, at tumawag ng mga propeta, pero lahat ng iyon ay noong panahon pa ng Biblia. Nang matapos na ang Biblia, hindi na kinailangan ng sangkatauhan ng mga himala at paghahayag dahil nasa banal na kasulatan ang lahat ng kailangan nating malaman.

Dumating ang tagumpay sa aming talakayan tungkol sa Malawakang Apostasiya at sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Natanto ko na ang mga paniniwala nila ay mas naaayon sa Biblia kaysa sa pahayag na napalitan na ng Biblia ang mga propeta at paghahayag. Nakadama ako ng tunay na kagalakan nang matanto ko na baka nabubuhay ako sa makabagong “panahon ng Biblia.”

Handa na akong taimtim na humingi sa Diyos ng personal na paghahayag, pero hindi dumating ang sagot. Sa huli, sinabi ko, “Ama sa Langit, kung tinawag Mo si Joseph Smith bilang Iyong propeta, susundin ko ang bawat kautusang inihayag mo sa pamamagitan niya.” Pagkatapos ay dumating ang sagot sa aking puso’t isipan nang may katiyakan, at nalaman ko na naipanumbalik na ng Diyos ang kabuuan ng ebanghelyo at na matatagpuan iyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

missionary elder na may tren sa background

Nabinyagan si Jakub noong Nobyembre 3, 1990, at nanatiling tapat hanggang sa mamatay sa isang kalunus-lunos na aksidente sa hiking pagkaraan ng dalawang dekada. Sumapi ako sa Simbahan noong Enero 11, 1991, na determinadong magmisyon. Tinawag si Robert bilang unang lokal na pangulo ng aming branch at ipinagmaneho ako hanggang Freiburg, Germany, para matanggap ko ang aking endowment sa templo. Sa huling interbyu ko sa kanya, nangako akong bumalik sa Poland pagkatapos kong maglingkod sa Illinois Chicago Mission para gamitin ang karanasan ko sa misyon na palakasin ang Simbahan sa aming bansa.

Makalipas ang dalawang taon, nakumbinsi ako ng aking mission president na dapat akong mag-aral sa Amerika sa Brigham Young University. Pero hindi ko nalimutan kailanman ang pangako ko kay Robert.

binatang missionary elder na nakatayo sa pagitan ng mas matandang mag-asawa

Nang makapag-asawa ako noong 2000, bumalik ako sa Poland kasama ang aking asawa, na naging extra, noong 1988, sa ikaanim na episode ng The Wonder Years. Dumadalo kami sa mga miting ng Simbahan sa Krakow, na nagpapalaki ng dalawang batang lalaki at nakikipag-ugnayang mabuti sa dalawa pa naming nakatatandang anak. Kamakailan ay ibinalita ng aming panganay na anak na lalaki na nagpasiya siyang maglingkod sa full-time mission.

Noong tag-init ng 2021, dinala ko ang pamilya ko sa Berlin, kung saan ipinakita ko sa kanila ang lugar kung saan dating nakatayo ang [Berlin] wall. Hindi na nito pipigilan ang mga lingkod ng Diyos sa pagbabahagi ng mensahe ng Pagpapanumbalik sa mga tao ng Eastern Europe. Patuloy ang mga himala ng Diyos sa ating panahon.

Tala

  1. Spencer W. Kimball, sa “Insights from June Conference,” Ensign, Okt. 1975, 70.