2023
Paano Binago ng mga Sagabal sa Aking Pag-aaral ang Paraan ng Pagtingin Ko sa Pagbabago
Hulyo 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Binago ng mga Sagabal sa Aking Pag-aaral ang Paraan ng Pagtingin Ko sa Pagbabago

Paano ako nakaramdam ng pagkakuntento sa aking pag-aaral mula sa pakiramdam na napag-iiwanan ako.

isang babaeng nag-aaral at natututo mula sa mga aklat at isang computer

Naroon ako, nakatitig sa isa pang artikulong maraming komento at mungkahi. Karamihan ay may katwiran at nakakatulong, pero nalungkot pa rin ako. Dahil isa akong manunulat, palaging nagbabago ang trabaho ko. Kadalasa’y OK sa akin iyon, pero sa pagkakataong ito ay nadismaya ako.

Kailangan bang magbago palagi ang lahat?

Hindi lang mga artikulo ko ang nagbabago. Nagbabago rin ang mga plano ko sa pagtatapos sa unibersidad sa tamang panahon. Matapos magmisyon, ang pagpapalit ng major at COVID-19 ay nakasagabal sa pag-aaral ko. Habang nagtatapos ang lahat ng mga kaibigan ko, nangangalahati pa lang ako sa kurso ko. Karaniwan, pakiramdam ko ay napag-iiwanan ako. Nagbago nang husto ang mga bagay-bagay kaysa sa inasahan ko.

Sa panahong ito, naging communication intern ako sa BYU–Pathway Worldwide.

Sa trabahong ito, kinausap ko ang mga estudyante sa iba’t ibang panig ng mundo na mga single parent [magulang na walang asawa], na bumabalik sa eskuwela pagkaraan ng maraming taon, o nahihirapan sa pera. Ang ilan ay nakaranas na ng mas maraming di-inaasahang pagbabago kumpara sa akin, at nakakaraos sila.

Pero paano?

Nang makilala ko ang dalawang partikular na estudyante, sina Darlyn at Alexander, isinulat ko ang mga aral na itinuro nila sa akin.

Hindi Maiiwasan ang Pagbabago

Nang interbyuhin ko si Darlyn online at buksan niya ang kanyang kamera, ang laki ng ngiti niya sa akin. Umaga iyon sa Singapore, at maaga siyang gumising para kausapin ako bago ihatid ang tatlong anak niya sa eskuwela at bago siya pumasok sa trabaho.

Noon pa man ay gusto na ni Darlyn na makakuha ng master’s degree, pero sa edad na 36, nasuri siyang may stage four breast cancer. Nakasira ito sa kanyang mga plano na mag-aral pa at sa mga plano niya sa buhay.

Nang marinig ko ang kuwento niya, naisip ko na kung may karapatang magalit ang sinuman sa mahihirap na pagbabago, si Darlyn iyon. Ngunit binigyang-diin niya ang mga pagpapala at awang natanggap niya at ang mga taong naglingkod sa kanya. Tinanggap ni Darlyn ang pagbabago ng mga plano nang masaya. Sa halip na magtuon sa nawala sa kanya, nagtuon siya sa mga karanasang natamo niya. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”1

Sa huli, sumali si Darlyn sa BYU–Pathway Worldwide dahil gusto niyang panatilihing malusog ang kanyang isipan. Sinabi niya sa akin na hindi siya namumuhi sa kanser—nagpapasalamat siya na inakay siya nito sa BYU–Pathway at pinalalim ang kanyang relasyon kay Jesucristo.

Nilisan ko ang pag-uusap na iyon na nagnanais na baguhin ang pananaw ko tungkol sa pagbabago. Dahil isinantabi na ni Darlyn ang pagkadismaya at galit sa kanyang sitwasyon, nakontrol niya ang kanyang buhay. Sa halip na mapigilan ng mga hamon at pagbabago ang kanyang pag-unlad, nakatulong pa ito sa kanyang pag-unlad.

Hindi Nagbabago ang Ama sa Langit

Nakaupo si Alexander sa kotse niya sa American Samoa nang magkausap kami sa telepono. Namangha ako nang sabihin niya sa akin kung paano niya isinuko ang kanyang full-ride football scholarship para magmisyon. Nang makauwi na siya, nadama niya na ginabayan siyang tumulong sa negosyo ng kanyang pamilya at pakasalan ang kanyang kasintahan sa templo. Noon lamang niya nahiwatigang tapusin ang kanyang pag-aaral, at ang BYU–Pathway ang perpektong solusyon para sa kanya.

Nang sabihin sa akin ni Alexander na dalawang beses siyang nag-enrol at umalis sa paaralan dahil sa bagyo at pagkatapos ay dahil sa sunog sa bahay, nagulat ako. Pinili niyang maglingkod sa Panginoon sa loob ng dalawang taon bago magpatuloy sa pag-aaral at pagkatapos ay dumanas siya ng matinding paghihirap—pero nagpatuloy siya. Nang tanungin ko siya kung paano siya patuloy na nakasulong, binanggit niya ang kuwento tungkol sa pagkuha ni Nephi sa mga lamina mula sa Jerusalem. Kahit ginawa ni Nephi ang iniutos ng Diyos, nakatatlong subok pa rin sila ng kanyang mga kapatid bago sila nagtagumpay. Pero hindi nawalan ng pananampalataya si Nephi kailanman, dahil nangako ang Diyos na maglalaan ng paraan para sa Kanya (tingnan sa 1 Nephi 3–4).

Itinuro sa akin ni Alexander na lahat ng bagay sa buhay ay sumasailalim sa pagbabago maliban sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Tulad din ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang Panginoon ay hindi naiidlip, ni natutulog man [tingnan sa Mga Awit 121:4]. Siya ay ‘siya ring kahapon, ngayon, at [bukas]’ [Mormon 9:9]. Hindi Siya tatalikod sa Kanyang mga tipan, Kanyang mga pangako, o sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga tao.”2

Alam ko na talaga ngayon na anumang mga pagbabago ang nararanasan ko, ang Kanyang mga utos, pagpapala, at pagmamahal ay walang pag-aalinlangan at walang hanggan. Itinuro sa akin ni Alexander na kung itatakda ko ang aking landas patungo sa Diyos at kay Jesucristo at aasa ako sa Kanila, magagawa kong harapin ang walang-katiyakang hinaharap nang may pag-asa at pananampalataya.

Makasumpong ng Kapayapaan sa Sarili Kong Paglalakbay

Salamat sa mga kaibigang ito at sa oras ko sa BYU–Pathway, mas positibo na ang tingin ko ngayon sa pagbabago! Sa pagbabalik-tanaw, kung hindi nagbago ang aking personal na plano sa pag-aaral, hindi sana ako nakakita ng malaking pagmamahal o nakakilala ng mabubuting tao sa buhay ko. Alam ko na ngayon na basta’t nagtitiwala ako sa Ama sa Langit at itinutuon ko ang aking buhay kay Jesucristo, madaraig ko ang anumang pagbabagong dumarating sa akin.