2023
Jesucristo, ang Sentro ng Ating Buhay sa Kapaskuhang Ito
Disyembre 2023


Mensahe Ng Area

Jesucristo, ang Sentro ng Ating Buhay sa Kapaskuhang Ito

Ang Kapaskuhan ay isang panahon ng pagninilay tungkol sa mga pagpapalang natanggap natin mula sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa panahong ito, nakikinig tayo sa masasayang awitin para maalala natin kung ano ang ginawa ng ating Tagapagligtas para sa atin at para maipagdiwang ang Kanyang pagsilang, buhay, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang Kanyang buhay at Pagbabayad-sala ang pinakamagagandang regalong ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak”1.

Tuwing Kapaskuhan, ang ilang tahanan ng mga Pilipino ay may dekorasyon ng hugis-bituing mga ilawan na kilala bilang parol, mula sa salitang Espanyol na farol na ibig sabihi’y “ilawan” o “lampara”.

Dahil lumaki ako sa probinsya ng Pampanga, noon pa man ay nabibighani na ako sa malalaking ilawan o parol sa Pasko na sikat sa probinsya. Ang napakalalaking mga ilawang ito ay puno ng matitingkad na kulay na may masalimuot na mga disenyo, na nagpapakita ng makinang at magandang kombinasyon ng mga 5,000 bombilya na mahusay na ipinasok ng dalubhasang mga manggagawa sa loob ng parol.

Para sa atin, ano ang kahulugan ng parol sa Pasko?

Kung babalikan natin ang kasaysayan ng parol, iyon ay noon pang sakop ng Spain ang Pilipinas, nang dalhin ng mga Espanyol ang Kristiyanismo sa kapuluan. Ginamit dati ang mga parol para tanglawan ang daan papuntang simbahan noong unang panahon. Tinatanglawan ng parol ang daan para sa maraming manlalakbay.

Dapat din nating tanglawan ang daan, bilang mga alagad ni Cristo, para sa iba. Mababasa natin sa Mateo 5:15-16 na nagiging ilaw tayo sa iba sa pamamagitan ng pagiging huwaran tulad ni Cristo dahil kapag “sinisindihan [ng mga tao] ang isang ilawan … sa talagang patungan … nagbibigay [ito] ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.” Bukod pa riyan, itinuturo nito sa atin na ang liwanag o halimbawang ipinapakita natin sa iba ay upang “makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin” ang ating Ama sa Langit.

Maaari tayong maging katulad ng isang parol. Maaaring si Cristo ang maging ilaw sa loob nito. Sa gayon ding paraan ginamit ng mga Espanyol ang parol bilang mga kasangkapan para gabayan ang iba sa mga pintuan ng mga sagradong lugar, kaya maaari tayong maging mga kasangkapan sa kamay ng Ama sa Langit para hawakan ang liwanag ni Cristo para sa mga taong nasa dilim. Sa tulong natin, maaaring maakay ang mga tao sa ating paligid sa mga sagradong lugar kung saan madarama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Paano natin mahahawakan ang liwanag ni Cristo para akayin ang iba tungo sa landas ng tipan?

Nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pagiging mga kasangkapan sa kamay ng Diyos. Itinuro niya na “matibay ang paniniwala ko na ang pagdarasal para sa mga nangangailangan ay kasiya-siya sa Diyos; sa katunayan, inuutusan Niya tayong bumaling sa Kanya at ipagdasal ang iba! Gayunman, naranasan ko mismo na kapag humiling ako ng patnubay sa Diyos sa panalangin kung ano ang gagawin ko para makapaglingkod, magpasigla, magmahal, at masuportahan ang mga nangangailangan, sinasagot Niya ng partikular at simpleng mga bagay ang mga panalanging ito na maaari ko talagang gawin para mapagpala ang isa sa Kanyang mga anak.”

“Inaanyayahan ko kayong isipin kung paano maaaring mahikayat ng inyong mga iniisip at panalangin ang Diyos na bigyan kayo ng inspirasyon at patnubayan kayo tungo sa pagkilos nang may kabaitan, habag, at kabutihang-loob. Isipin kung gaano kalaking kabutihan ang magagawa ninyo sa mundo—at sa sarili ninyong pamilya, paaralan, at sa trabaho. Kapag hinangad nating maging Kanyang nagpapagaling at tumutulong na mga kamay, tiyak na dadakilain natin ang Panginoon.”2

Tiyak na marami tayong pagkakataon ngayong Kapaskuhan at sa buong taon na maging kasangkapan ng Diyos sa pagpapakita ng kabaitan, pag-ibig sa kapwa, habag, pagpapatawad, at pagmamahal sa iba. Tulad ng parol, kapag tinularan natin ang mga halimbawa ng ating Tagapagligtas, ginagawa nating sentro ang liwanag ni Jesucristo. Siya ang nagiging sentro ng ating buhay, na nag-eengganyo sa lahat ng ating ginagawa at sa ating pagkatao. Ngayong Kapaskuhan, nawa’y piliin nating gawin Siyang sentro ng ating buhay at patuloy Siyang panatilihin sa ating buhay sa darating na mga taon.

Nagpakita ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ng maraming halimbawa ng pagmamahal at habag para sa iba. Nalaman natin na ibinangon ni Jesucristo ang anak ng balo ng Nain mula sa mga patay. Naglakbay Siya nang malayo mula sa Capernaum ngunit nang makita ng Panginoon ang balo ay nahabag Siya rito at sinabi Niyang “huwag kang umiyak.” At sinabi Niya sa binatang ‘bumangon ka.’3 Ang babaeng nahuling nangalunya ay dinala sa harap ni Cristo kung saan nagpakita Siya ng halimbawa ng pagpapatawad at kabaitan. Sa panahong ito itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas na “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”4 Siya talaga ang ilaw ng sanlibutan, at sa tulong Niya ay maaari tayong maging ilaw sa iba.

Maraming halimbawa sa ating buhay na nagpapakita ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at pagmamahal sa iba. Noong bata pa ang aming mga anak, hiniling ng aming bishop na dalhan ko ng sakramento ang isang sister na nagngangalang Irma na nakatira sa isang senior assisted living institution. Tulad ng mga taong nasa dilim, wala siyang kakayahan na regular na matanggap ang ilaw ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento. Bilang pamilya, dinalhan namin siya ng tinapay at tubig ng sakramento bawat Linggo. Ang aming mga anak ay naghahatid ng liwanag ni Cristo sa pagbabahagi ng kanilang patotoo o mga lesson na natutuhan nila mula sa kanilang mga klase at sa sacrament meeting. Mula sa karanasang ito natuto kami tungkol sa pakikiramay at pagmamahal na tulad ni Cristo.

Nawa’y matanglawan ng ating mabubuting gawa ang daan para sa iba, tulad ng isang parol, patungo kay Jesucristo na siyang sentro ng ating buhay ngayong Kapaskuhan.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang regalo sa atin ng ating Tagapagligtas. Naparito Siya sa mundong ito para gawin ang kalooban ng Kanyang Ama dahil isinugo Siya ng Ama upang mailapit Niya ang lahat ng tao sa Kanya. Maaari kayong maging kasangkapan ng Diyos sa pagiging katulad ni Cristo. Nawa’y magkaroon ng oras ang bawat isa sa atin na pagnilayan ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang paanyaya sa atin na lumapit sa Kanya. Ituon ang ating pansin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo bilang sentro ng ating buhay ngayong Kapaskuhan.

Notes

  1. Juan 3:16.

  2. Russell M. Nelson, Facebook, Mayo 5, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.

  3. Lucas 7:11-15, Bagong Tipan ng Biblia.

  4. Juan 8:1-12, Bagong Tipan ng Biblia.