Mensahe Ng Area
Apatnapung Taong Kasaysayan ng Philippines Missionary Training Center
Mula nang opisyal itong [Simbahan] itatag noong 1961, direktang nagpunta ang mga Pilipinong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tinawag na maging mga missionary sa mga mission kung saan sila itinalaga nang walang training sa MTC.
Sa isang paghahayag, sinabi ng Panginoon: “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.” Nasasaisip ito, nagkaroon ng inspirasyon ang mga Kapatid na magtatag ng isang Missionary Training Center sa Pilipinas.
Noong 1983, isang Missionary Training Center para sa Pilipinas ang binuksan sa isang inuupahang bahay sa 17 La Salle Street, Northeast Greenhills sa San Juan, Metro Manila, na ang unang missionary training class ay idinaos noong Oktubre 3 para sa isang pioneer group ng labing-anim na elders at sampung sisters. Ang unang mga MTC director ay si Bernard van Wagenen at ang kanyang asawa, kasama sina Anita Bombita, Regina Dagal, Bernadeth Bernal, Dionisio Quiliza, at Rafael Osumo bilang mga unang guro. Isang katabing bahay sa kalye ring iyon ang inupahan simula noong Nobyembre 8, 1985, para maglaan ng dagdag na espasyo para sa lumalaking bilang ng mga missionary.
Noong 1989, dalawang mag-asawa, sina Ramon at Annabelle Mariano, at sina Carmelino at Alicia Cawit, ang naging mga unang Pilipinong Senior Missionary couple na dumalo sa MTC. Noong 1985, binili ng Simbahan ang lote sa tapat ng templo para pagtayuan ng mga pasilidad ng Simbahan. Noong Disyembre 1990, dalawang groundbreaking ceremony ang idinaos, isa para sa administration building at isa pa para sa Missionary Training Center. Pagsapit ng 1992, nakumpleto ang Missionary Training Center at inilaan noong Setyembre 20 ng taon ding iyon ni Elder Vaughn J. Featherstone ng Pitumpu, at si J. Weston Daw at ang kanyang asawa ang naglingkod bilang MTC President.
Maaaring magkasya sa MTC ang hanggang walumpung missionary, na naglilingkod sa 13 mission sa Pilipinas at 10 mission sa ibang bansa. Nang patuloy na lumaki ang Simbahan sa buong rehiyon ng Asia-Pacific, kinailangang palakihin pa ang mga pasilidad ng MTC. Noong Humyo 22, 2007, nagkaroon ng groundbreaking para sa pinalawak na MTC. Mula sa dating kapasidad nitong 80 kama, kasya na ngayon sa bagong MTC ang hanggang 144 na mga missionary mula sa Pilipinas at mga karatig-bansa sa Asia. Nabigyang-inspirasyon ng utos ng Panginoon na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, sampung flagpole ang itinayo para iwagayway ang mga bandila ng mga bansang pinaglilingkuran ng pinalawak na MTC, ang Pilipinas, Cambodia, Hong Kong, India, Indonesia, Mongolia, Pakistan, Sri Lanka, Taiwan, at Thailand.
Ang pinalawak na MTC ay inilaan noong Mayo 20, 2012, ni Elder Russell M. Nelson na noon ay nasa Korum ng Labindalawang Apostol. Bago ang paglalaan, hinilingan kami bilang mga Mission Leader sa Philippines Quezon City Mission ng Area Presidency na ipa-host sa aming mga missionary ang isang Open House sa MTC sa loob ng isang linggo, bago sumapit ang paglalaan. Walang mga MTC missionary sa MTC sa buong linggong iyon. Mahigit 5,000 kabataan mula sa Metro Manila area ang dumating at bumisita sa bagong gawang MTC noong linggong iyon.
Ang tiyempo ng paglalaan ng bagong MTC ay napatunayang niloob ng Diyos dahil noong Ika-182 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya, ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagbababa ng edad na kailangan para makapagmisyon. Sa buong Simbahan, maaari nang magsimulang maglingkod ngayon ang mga lalaki sa edad na labingwalo at ang mga babae sa edad na labingsiyam.
Noong 1974, inasam ni Pangulong Spencer W. Kimball ang araw na babangon ang mga Banal na Pilipino at dadalhin ang ebanghelyo sa kanilang mga kababayan. Sabi niya, “Dapat nating gamitin ang sarili nilang mga kabinataan bilang mga missionary.” Unti-unti, natupad ang pangarap ni Pangulong Kimball habang parami nang parami ang mga kabataang Pilipinong “magsisimulang maglingkod sa Diyos” sa isang kaparangan na lubhang “puti na upang anihin.” Mula 2012 hanggang 2014, lumaki ang bilang ng mga full-time missionary sa Pilipinas mula 2,380 ay naging 4,482. Ipinagmamalaki ko na 2,383 sa kanila ay mga Pilipino.
Noong 2017, anim na araw lang matapos mabuo ang ika-100 stake sa Pilipinas, inilaan ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mas pinalawak pang MTC. Dalawang bagong gusali ang idinagdag sa limang-gusaling kampus, na nagdoble sa kapasidad nito mula 144 ay naging 280 missionary. Sabi ni Elder Andersen, “Ang kamay ng Panginoon ay nasa gawaing inilalaan natin ngayon, at makikita natin ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay mula sa mga pagsisimulang ito,” ang sabi ni Elder Andersen. “Ang Pilipinas at ang MTC na ito ay naglilingkod sa halos buong Asia. Magtuturo dito ng mga wika. Darami ang mga taong magsisipunta rito.”
Sa ginawang mga renobasyon kamakailan, magkakasya na roon ngayon ang 300 mga missionary. Sa kasalukuyan ay 13 wika ang itinuturo sa MTC.
Dahil Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakakalat sa buong daigdig bilang katuparan ng propesiya, patuloy na hinahangad ng Philippines Missionary Training Center na tuparin ang sagradong utos dito na ihanda ang mga lalaki at babae na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa “bawat bansa, lahi, wika, at tao.”
Habang inaasam natin ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, nawa’y matupad ng Philippines MTC ang layunin nito hanggang sa, tulad ng ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, ang ebanghelyo ay “makapasok … sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing [tapos na] ang gawain.”