2023
Tumulong na Baguhin ang mga Buhay sa Pamamagitan ng mga #LightTheWorld Giving Machine
Disyembre 2023


Mensahe Ng Area

Tumulong na Baguhin ang mga Buhay sa Pamamagitan ng mga #LightTheWorld Giving Machine

Sa ikawalong tuluy-tuloy na taon, itinataguyod ng Simbahan ang inisyatibong #LightTheWorld para hikayatin ang lahat na paningningin ang Kapaskuhan sa pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo at pagpapakita ng pagmamahal sa iba. Tulad noong nakaraang taon, magagawa natin ito sa pamamagitan ng mga Light the World Giving Machine sa Manila at Cebu.

Ang mga espesyal na vending machine na ito, na nagtutulot sa mga tao na magpalaganap ng kabaitan kapag bumili sila ng mga item na napupunta sa mga taong nangangailangan, ay inilunsad noong Nobyembre 9 sa Trinoma Mall sa Quezon City at noong Nobyembre 16 sa Ayala Center sa Cebu. Magiging available ang dalawang machine hanggang Enero 3, 2024.

Ang Giving Machine sa Trinoma ay mangangalap ng mga donasyon para sa Mabuhay Deseret, HERO Foundation, at Caritas Manila, samantalang ang nasa Cebu ay para sa UNICEF Philippines, Feed the Children, at Cebu Caritas. Noong nakaraang taon, tinanggap ng anim na organisasyon ding ito ang 100% ng mga donasyong nakalap sa pamamagitan ng mga machine, kasama ang donasyong P500,000.00 mula sa Simbahan. “Alam ko na nagsasalita rin ako para sa iba pang mga organisasyon sa pagsasabi kung gaano kalaki ang pasasalamat namin na mapiling muli bilang mga partner beneficiary ng mga Light the World Giving Machine ngayong taon,” pagpapahayag ni MGEN Victor Bayani, Executive Director ng HERO Foundation.

Bawat partner organization ay may set menu ng mga regalo at serbisyo na maaaring bilhin ng mga donor. Kabilang sa mga item ang salamin sa mata para sa may mga kapansanan sa mata, mga gamot pagkatapos maoperahan ang katarata, mga eye surgery kit, load allowance para sa mga estudyante, mga shelter repair kits, psychosocial support resources, mga prosthetic leg kit, access sa pag-aaral para sa mga ulila, pagbabakuna para sa mga bata, mga pakete ng bitamina, at marami pang iba. Ang Simbahan ang nagbabayad ng gastusin sa pagpapatakbo ng mga machine, at lahat ng donasyong ibinigay sa pamamagitan ng mga machine ay natatanggap nang buung-buo ng mga beneficiary organization.

“Para sa 2022, nasuportahan ng pondo mula sa mga Giving Machine ang mga programa ng UNICEF na ukol sa proteksyon ng mga bata. Ang isa sa mga inisyatibong ito ay kinabibilangan ng paglalaan ng serbisyong legal, medikal, at psychosocial para sa mga batang naging biktima ng karahasan at pang-aabuso,” paliwanag ni Maida Salcedo-Mission, Major Donor Officer ng UNICEF Philippines. “Ang Light the World at Latter-day Saint Charities ay naging mahalagang contributor sa mga programa ng UNICEF para sa mga bata at pamilya. Ang pakikiramay at pangako ng Simbahan ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa gawaing aming ginagawa,” dagdag pa niya.

“Sabi ng Panginoon, “… masdan, ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman (D at T 11:11),” pagpapahayag ni Elder Yoon Hwan Choi, Pangalawang Tagapayo sa Philippines Area Presidency, na tumutukoy sa kahalagahan ng taunang inisyatibo sa Pasko at pagtutuon ng pansin sa Tagapagligtas. Binigyang-diin niya ang payo ng Panginoon na “Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit (Mateo 5:16)” at ipinaliwanag na tumutulong tayong baguhin ang mga buhay kapag nagiging ilaw tayo sa sanlibutan hindi lamang sa pamamagitan ng mga giving machine kundi maging sa ating mga salita, gawa, at serbisyong nagmumula sa ating puso.

Ayon kay Kim Morrison, Pangulo ng Mabuhay Deseret Foundation, tinutulutan ng mga donasyon ang bawat partner organization na “tulungan ang mas marami pang indibiduwal na nangangailangan na pagandahin ang kanilang buhay at kusang gumawa.” Nagpapasalamat siya sa mga nagbigay ng donasyon noong nakaraang taon at gusto niyang anyayahan ang lahat na minsan pang magpalaganap ng pagmamahal sa pamamagitan ng mga Light The World giving machine “para tulungan ang mga nangangailangan na makangiti nang mas maningning, gumawa ng mga unang hakbang, at makakita nang mas malinaw.”

Maging Ilaw sa Sanlibutan ngayong Pasko at gumawa ng kaibhan sa buhay ng napakarami!