“Kabanata 3: Lesson 3—Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 3: Lesson 3,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 3: Lesson 3
Ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang paraan para makalapit tayo kay Cristo. Simple lang ito na kaya itong maintindihan ng isang bata. Ang lesson na ito ay nakatuon sa ebanghelyo at doktrina ni Cristo, kabilang ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Nakatuon din ito sa kung paano mapagpapala ng ebanghelyo ang lahat ng anak ng Diyos.
Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay magandang balita dahil ito ay naglalaman ng doktrina—ang walang hanggang katotohanan—na kailangan natin para makalapit sa Kanya at maligtas (tingnan sa 1 Nephi 15:14). Itinuturo sa atin ng ebanghelyo kung paano magkaroon ng matwid at makabuluhang buhay. Ang mabuting balita ng ebanghelyo ay nagbibigay ng daan para tayo ay mapatawad sa ating mga kasalanan, mapabanal, at makabalik sa piling ng Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang bahaging ito ay naglalaman ng isang simpleng balangkas na tutulong sa inyo na maghandang magturo. Kabilang din dito ang mga halimbawa ng mga tanong at paanyaya na magagamit ninyo.
Habang naghahanda kayong magturo, mapanalanging isaalang-alang ang sitwasyon at espirituwal na mga pangangailangan ng bawat tao. Magpasiya kung ano ang ituturo ninyo na pinakamakatutulong sa taong ito. Maghandang ipaliwanag ang mga kataga na maaaring hindi nauunawaan ng mga tao. Planuhin kung gaano karaming oras ang mayroon kayo, at tandaan na panatilihing maikli ang mga lesson.
Pumili ng mga banal na kasulatan na gagamitin ninyo sa pagtuturo. Ang bahaging “Pinagbatayang Doktrina” ng lesson ay naglalaman ng maraming makatutulong na banal na kasulatan.
Isipin kung ano ang mga itatanong ninyo habang kayo ay nagtuturo. Planuhin ang mga paanyayang ibibigay ninyo na maghihikayat sa bawat tao na kumilos.
Bigyang-diin ang mga pangakong pagpapala ng Diyos, at ibahagi ang inyong patooo tungkol sa itinuturo ninyo.
Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 15–25 Minuto
Pumili sa ibaba ng isa o higit pang alituntunin na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay makikita pagkatapos ng balangkas na ito.
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo
-
Isinugo ng Diyos sa lupa ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.
-
Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, malilinis tayo sa ating mga kasalanan at mapababanal kapag nagsisi tayo.
-
Matapos ipako sa krus si Jesus, Siya ay nabuhay na mag-uli. Dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan.
Pananampalataya kay Jesucristo
-
Ang pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng lubos na pagtitiwala na Siya ang Anak ng Diyos at pagtitiwala sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos.
-
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan.
-
Mapatatatag natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga kautusan.
Pagsisisi
-
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay umaakay sa atin na magsisi. Ang pagsisisi ay ang proseso ng pagbaling sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan. Habang tayo ay nagsisisi, ang ating mga kilos, hangarin, at isipan ay nagbabago at umaayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos.
-
Kapag taos-puso tayong nagsisisi, patatawarin tayo ng Diyos. Ang kapatawaran ay posible dahil si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan.
-
Kapag tayo ay nagsisi, makadarama tayo ng kapayapaan habang napapawi ang pagkabagabag ng ating konsensiya at kalungkutan.
-
Ang pagsisisi ay isang panghabambuhay na proseso. Muli tayong tinatanggap ng Diyos tuwing tayo ay nagsisisi. Hindi Siya kailanman susuko sa atin.
Binyag: Ang Ating Unang Tipan sa Diyos
-
Sa binyag tayo unang nakikipagtipan sa Diyos.
-
Ang binyag ay mayroong dalawang bahagi: binyag ng tubig at binyag ng Espiritu. Kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma, tayo ay nalilinis sa ating mga kasalanan, at nabibigyan tayo ng panibagong simula sa buhay.
-
Tayo ay binibinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, alinsunod sa halimbawa ni Jesus.
-
Ang mga bata ay hindi binibinyagan hangga’t wala pa silang walong taong gulang. Ang mga batang namatay bago ang edad na ito ay naliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Tinatanggap natin ang sakramento bawat linggo bilang pag-alaala sa sakripisyo ni Jesus at para panibaguhin ang ating mga tipan sa Diyos.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
-
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.
-
Pagkatapos nating mabinyagan, tatanggapin natin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon.
-
Kapag tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, mapapasaatin habambuhay ang Kanyang patnubay kapag tayo ay nanatiling tapat.
-
Ang Espiritu Santo ay magpapabanal sa atin, gagabay sa atin, magbibigay sa atin ng kapanatagan, at tutulong sa atin na malaman ang katotohanan.
Magtiis Hanggang Wakas
-
Ang pagtitiis hanggang wakas ay kinabibilangan ng patuloy na pagsampalataya kay Cristo araw-araw. Patuloy tayong tumutupad ng ating mga tipan sa Diyos, nagsisisi, naghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo, at tumatanggap ng sakramento.
-
Kapag matapat nating hinahangad na sundin si Jesucristo, ipinangako ng Diyos na tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Pinagpapala ng Ebanghelyo ni Jesucristo ang Lahat ng Anak ng Diyos
-
Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ay maghahatid sa atin ng higit na kaligayahan, magbibigay-inspirasyon sa ating mga kilos, at pagyayamanin ang ating mga ugnayan.
-
Mas malamang na maging masaya tayo—bilang mga indibiduwal at bilang mga pamilya—kapag namumuhay tayo nang ayon sa mga turo ni Jesucristo.
-
Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang mga pamilya ay pagpapalain sa buhay na ito at maaaring muling magkasama sa kawalang-hanggan at mamuhay sa piling ng Diyos.
Mga Maaari Ninyong Itanong sa mga Tao
Ang sumusunod na mga tanong ay mga halimbawa ng maaari ninyong itanong sa mga tao. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap at maunawaan ang mga pangangailangan at pananaw ng isang tao.
-
Ano ang alam ninyo tungkol kay Jesucristo?
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng sumampalataya kay Jesucristo?
-
Anong mga pagbabago ang nais ninyong gawin sa inyong buhay?
-
Ano ang pagkaunawa ninyo sa pagsisisi?
-
Ano ang pagkaunawa ninyo tungkol sa binyag? Ano ang magagawa ninyo ngayon para maghandang mabinyagan?
-
Paano kayo matutulungan ng Espiritu Santo sa inyong paglalakbay pabalik sa piling ng Diyos?
-
Anong pagsubok ang kinakaharap ninyo o ng inyong pamilya? Maaari ba kaming magbahagi ng ilang mga paraan na makatutulong ang ebanghelyo ni Jesucristo sa inyong pagsubok?
Mga Paanyayang Maaari Ninyong Ibigay
-
Hihilingin ba ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin na tulungan kayong malaman kung totoo ang itinuro namin? (Tingnan sa “Tulong sa Pagtuturo: Panalangin” sa huling bahagi ng lesson 1.)
-
Magsisimba ba kayo kasama namin ngayong Linggo para mas matutuhan ninyo ang mga itinuro namin?
-
Babasahin ba ninyo ang Aklat ni Mormon at mananalangin para malaman na ito ay salita ng Diyos? (Maaari kayong magmungkahi ng partikular na mga kabanata o talata.)
-
Susundin ba ninyo ang halimbawa ni Jesus at magpapabinyag? (Tingnan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma,” na matatagpuan sa mga pahina bago ang lesson 1)
-
Maaari ba tayong mag-iskedyul ng susunod naming pagbisita?
Pinagbatayang Doktrina
Ang bahaging ito ay nagbibigay ng doktrina at mga banal na kasulatan na mapag-aaralan ninyo para lumago ang inyong kaalaman at patotoo sa ebanghelyo at para matulungan kayong magturo.
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo
Isinugo ng Ama sa Langit dito sa lupa ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang gawing posible para sa ating lahat na magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating. “At ito ang ebanghelyo, ang mabubuting balita, … na [si Jesucristo] ay pumarito sa daigdig … upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan; na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas” (Doktrina at mga Tipan 76:40–42).
Bilang mga mortal, lahat tayo ay nagkakasala, at lahat tayo ay mamamatay. Hinahadlangan tayo ng kasalanan at kamatayan na magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama ng Diyos maliban na lamang kung tayo ay mayroong Manunubos (tingnan sa 2 Nephi 9). Bago nilikha ang mundo, pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo para tubusin tayo. Sa pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal, si Jesus ay pumarito sa lupa at tinupad ang banal na misyon na ito. Ginawa Niyang posible na tayo ay matubos mula sa ating mga kasalanan, at tiniyak Niya na tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay.
Si Jesus ay namuhay nang walang kasalanan. Sa huling bahagi ng Kanyang ministeryo dito sa lupa, inako Niya sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani at noong ipinako Siya sa krus (tingnan sa 1 Nephi 11:33). Napakahirap ng dinanas na pagdurusa ni Jesus na naging dahilan para Siya ay “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Pagkatapos ng Pagpapako sa Kanya sa Krus, si Jesus ay nabuhay na mag-uli, at dahil dito ay nadaig Niya ang kamatayan. Ang mga pangyayaring ito ang tinatawag na Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ginagawa tayong marumi sa espirituwal ng ating mga kasalanan, at “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos” (1 Nephi 10:21). Dagdag pa rito, ang batas ng katarungan ay nagpapataw ng mga bunga para sa ating mga kasalanan.
Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng daan para tayo ay malinis sa ating mga kasalanan at mapabanal kapag tayo ay nagsisi. Nagbibigay din ito ng paraan para matugunan ang mga hinihingi ng katarungan (tingnan sa Alma 42:15, 23–24). Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako … ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko” (Doktrina at mga Tipan 19:16–17). Kung hindi dahil kay Jesucristo, wawakasan ng kasalanan ang lahat ng ating pag-asang mamuhay kalaunan kasama ng Ama sa Langit.
Sa pag-aalay ng Kanyang sarili para sa atin, hindi inalis ni Jesucristo ang ating personal na responsibilidad. Kailangan nating sumampalataya sa Kanya, magsisi, at sikaping sundin ang mga kautusan. Kapag tayo ay nagsisi, aangkinin ni Jesus para sa atin ang Kanyang karapatan sa awa ng Kanyang Ama (tingnan sa Moroni 7:27–28). Dahil ang Tagapagligtas ay namagitan para sa atin, tayo ay patatawarin ng Ama sa Langit at mapapawi ang pasanin at pagkabagabag ng konsensiya na dulot ng ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 15:7–9). Tayo ay malilinis sa espirituwal at sa huli tayo ay maaaring tanggapin sa presensya ng Diyos.
Ang isa pang banal na misyon ni Jesus ay ang iligtas tayo mula sa kamatayan. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan. Kung hindi dahil kay Jesucristo, wawakasan ng kamatayan ang lahat ng ating pag-asang mamuhay kalaunan kasama ng Ama sa Langit.
Pananampalataya kay Jesucristo
Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Pananampalataya ang pundasyon ng lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo.
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng lubos na pagtitiwala na Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos. Kinabibilangan ito ng pagtitiwala sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos—na Siya ang ating tanging daan para makabalik sa piling ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 4:10–12; Mosias 3:17; 4:6–8). Tayong lahat ay inaanyayahang magkaroon ng “hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19).
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng paniniwala na Siya ay nagdusa para sa ating mga kasalanan sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Dahil sa Kanyang sakripisyo, tayo ay malilinis at matutubos kapag nagsisi tayo. Ang paglilinis na ito ay tutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan at pag-asa sa buhay na ito. Ito ang magiging daan para matanggap natin ang ganap na kagalakan pagkatapos nating mamatay.
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng pagtitiwala na sa pamamagitan Niya, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ang pananampalatayang ito ay magbibigay ng lakas at kapanatagan kapag tayo ay namatayan. Ang kalungkutan ng kamatayan ay mapapawi ng pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng paniniwala at pagtitiwala na inako Niya sa Kanyang sarili ang ating mga paghihirap at kahinaan (tingnan sa Isaias 53:3–5). Nalaman Niya sa pamamagitan ng Kanyang personal na karanasan kung paano tayo susuportahan sa mga pagsubok ng buhay nang may pagkahabag (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8). Habang tayo ay sumasampalataya, tutulungan Niya tayong sumulong sa kabila ng mga paghihirap.
Sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya, mapagagaling tayo ni Jesus sa pisikal at sa espirituwal. Palagi Siyang handang tumulong sa atin kapag inaalala natin ang Kanyang paanyayang “isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).
Isang Alituntunin ng Pagkilos at Kapangyarihan
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at paggawa ng mabuti sa araw-araw. Pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan. Tapat tayo sa Kanya. Sinisikap nating maging higit na katulad Niya.
Kapag tayo ay kumilos ayon sa ating pananampalataya, maaari nating maranasan ang kapangyarihan ni Jesus sa ating pang-araw-araw na buhay. Palalakihin Niya ang ating pinakamahuhusay na pagsisikap. Tutulungan Niya tayong umunlad at malabanan ang tukso.
Pagpapatatag ng Ating Pananampalataya
Itinuro ni propetang Alma na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay maaaring magsimula sa simpleng pagnanais na maniwala (Alma 32:27). Pagkatapos nito, para lumago ang ating pananampalataya kay Jesucristo, kailangan natin itong alagaan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita, pagsasabuhay ng Kanyang mga turo, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Itinuro ni Alma na kapag matiyaga at masigasig nating inalagaan ang salita ng Diyos sa ating puso, “ito ay magkakaugat, [at magiging tulad ng] isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan”—at sa gayon ay mapatatatag ang ating pananampalataya (Alma 32:41; tingnan sa talata 26–43).
Pagsisisi
Ano ang Pagsisisi?
Pagsisisi ang ikalawang alituntunin ng ebanghelyo. Ang pananampalataya kay Jesucristo at ang ating pagmamahal sa Kanya ay aakay sa atin na magsisi (tingnan sa Helaman 14:13). Ang pagsisisi ay ang proseso ng pagbaling sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan. Habang tayo ay nagsisisi, ang ating mga kilos, hangarin, at isipan ay nagbabago at umaayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos. Ang kapatawaran ng kasalanan ay posible dahil kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Ang pagsisisi ay higit pa sa pagsisikap na baguhin ang ating ugali o daigin ang ating kaninaan. Ang pagsisisi ay ang taos-pusong pagbaling kay Cristo, na nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng “malaking pagbabago” sa ating mga puso (Alma 5:12–14). Kapag naranasan natin ang pagbabago ng puso na ito, tayo ay espirituwal na naisisilang na muli (tingnan sa Mosias 27:24–26).
Sa pamamagitan ng pagsisisi, nagkakaroon tayo ng panibagong pananaw sa Diyos, sa ating sarili, at sa mundo. Madarama natin sa panibagong paraan ang pagmamahal ng Diyos sa atin bilang Kanyang mga anak—at ang pagmamahal sa atin ng ating Tagapagligtas. Ang pagkakataong makapagsisi ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak.
Ang Proseso ng Pagsisisi
Kapag tayo ay nagsisisi, tinatanggap natin na tayo ay nagkasala at nakadarama tayo ng tunay na kalungkutan para sa ating nagawang kasalanan. Ipinagtatapat natin sa Diyos ang ating mga kasalanan at hinihingi ang Kanyang kapatawaran. Ipinagtatapat din natin ang mabibigat na kasalanan sa mga awtorisadong lider ng Simbahan, na tutulong sa atin na magsisi. Ginagawa natin ang ating makakaya para makagawa ng pagsasauli, na ibig sabihin ay pagtatama ng mga problemang idinulot ng ating mga kilos. Ang tunay na pagsisisi ay pinakamainam na maipapakita sa pamamagitan ng mabubuting gawa sa loob ng mahabang panahon.
Ang pagsisisi ay isang pang-araw-araw na proseso sa habambuhay. “Ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Dapat patuloy tayong nagsisisi, isinasaisip na “lahat ng mga bagay ay [ating] magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas” sa atin (Filipos 4:13). Tiniyak sa atin ng Panginoon na “kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala” (Mosias 26:30).
Mga Pagpapala ng Pagsisisi
Ang pagsisisi ay isang positibong alituntunin na naghahatid ng galak at kapayapaan. Inaakay tayo nito “sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng [ating] mga kaluluwa.” (Helaman 5:11).
Kapag tayo ay nagsisi, ang nadarama natin na pagkabagabag ng konsensiya at kalungkutan ay mapapawi sa paglipas ng panahon. Mas madarama natin ang impluwensiya ng Espiritu. Lalakas ang ating hangaring sundin ang Diyos.
“Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan. … Ngunit ang pakiramdam na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin” (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67).
Binyag: Ang Ating Unang Tipan sa Diyos
Ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi ang naghahanda sa atin sa mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon. Binyag ang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag tinanggap natin ang masayang ordenansang ito ng pag-asa, ginagawa natin ang ating unang tipan sa Diyos.
Ang ordenansa ay isang sagradong gawain o seremonya na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang ilang ordenansa, tulad ng binyag, ay kailangan para sa ating kaligtasan.
Sa pamamagitan ng mga ordenansa, tayo ay gumagawa ng mga tipan sa Diyos. Ang mga tipan na ito ay mga sagradong pangako sa pagitan natin at ng Diyos. Nangako Siya na pagpapalain tayo kapag tinupad natin ang ating mga pangako sa Kanya. Dapat magkaroon tayo ng matibay na dedikasyon na tuparin ang ating mga pangako sa Diyos.
Ibinigay ng Panginoon ang mga ordenansa at mga tipan para matulungan tayong makalapit sa Kanya at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kapag tinanggap natin ang mga ordenansa ng priesthood at tinupad ang kaugnay na mga tipan, mararanasan natin “ang kapangyarihan ng kabanalan” sa ating buhay (Doktrina at mga Tipan 84:20).
Ang Tipan sa Binyag
Itinuro ng Tagapagligtas na ang binyag ay kailangan para makapasok tayo sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:5). Kailangan din ito para tayo ay maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Ang ating Tagapagligtas ay nagpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng pagpapabinyag (tingnan sa Mateo 3:13–17).
Kapag tayo ay nabinyagan at tinupad natin ang ating tipan, nangako ang Diyos na patatawarin Niya tayo sa ating mga kasalanan (tingnan sa Mga Gawa 22:16; 3 Nephi 12:1–2). Ang dakilang pagpapalang ito ay naging posible sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, na “umiibig sa atin, at … nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo” (Apocalipsis 1:5). Nangako rin ang Diyos na pagpapalain tayo ng patnubay ng Espiritu Santo upang tayo ay mapabanal, magabayan, at mapanatag.
Sa ating bahagi ng tipan sa binyag, nangangako tayo na tataglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Nangangako rin tayo na palagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan. Nangangako tayo na mamahalin at paglilingkuran natin ang ibang tao, “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9; tingnan sa talata 8–10, 13). Ipinapahayag natin ang ating determinasyon na paglingkuran si Jesucristo hanggang sa dulo ng ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37; Mosias 2:17).
Ang ating mga pangako na nauugnay sa tipan sa binyag ay malaking responsibilidad. Ang mga ito rin ay magbibigay sa atin ng inspirasyon at kagalakan. Ang mga ito ay lumilikha ng isang espesyal na ugnayan sa pagitan natin at ng Ama sa Langit na nagiging daan para maipaabot Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal magpakailanman.
Pagbibinyag sa pamamagitan ng Paglulubog sa Tubig
Itinuro ni Jesus na kailangan nating mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:72–74). Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay sumisimbolo sa kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa Roma 6:3–6).
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay mayroon ding simbolismo para sa bawat isa sa atin. Sinasagisag nito ang kamatayan ng ating buhay dati, ang paglilibing ng buhay na iyan, at ang ating pag-ahon sa espirituwal na muling pagsilang. Kapag tayo ay nabinyagan, sinisimulan natin ang proseso ng muling pagsilang at pagiging espirituwal na anak na lalaki at anak na babae ni Cristo (tingnan sa Mosias 5:7–8; Roma 8:14–17).
Mga Bata
Ang mga bata ay hindi binibinyagan hanggang sa maabot nila ang edad ng pananagutan, na walong taong gulang (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:27). Ang mga batang namatay bago ang edad na ito ay natubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 8:4–24; Doktrina at mga Tipan 137:10). Bago binyagan ang mga bata, dapat ay naituro na sa kanila ang ebanghelyo upang maihanda sila para sa mahalagang hakbang na ito sa kanilang buhay na gumawa ng tipan sa Diyos.
Ang Sakramento
Nais ng ating Ama sa Langit na tayo ay maging matapat sa mga tipan na ginawa natin sa Kanya. Para matulungan tayong gawin ito, inutusan Niya tayo na madalas na magtipun-tipon para tumanggap ng sakramento. Ang sakramento ay isang ordenansa ng priesthood na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol bago ang Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang pagtanggap ng sakramento ang pinakalayunin ng sacrament meeting linggu-linggo. Binabasbasan ang tinapay at tubig at ibinibigay ang mga ito sa kongregasyon. Sinasagisag ng tinapay ang pagsakripisyo ng Tagapagligtas sa Kanyang katawan para sa atin. Sinasagisag ng tubig ang Kanyang dugo, na ibinuhos Niya para sa atin.
Tinatanggap natin ang mga sagisag na ito bilang pag-alaala sa sakripisyo ng Tagapagligtas at para panibaguhin ang ating mga tipan sa Diyos. Muli nating natatanggap ang pangako na mapapasaatin ang Espiritu upang makasama natin.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo
Ang Binyag ay may dalawang bahagi. Itinuro ni Jesus na kailangan nating “ipanganak ng tubig at ng Espiritu” para makapasok sa kaharian ng Diyos (Juan 3:5; idinagdag ang pagbibigay-diin). Itinuro ni Joseph Smith, “Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).
Ang pagbibinyag sa tubig ay dapat masundan ng pagbibinyag ng Espiritu upang ito ay makumpleto. Kapag tinanggap natin ang dalawang binyag na ito, tayo ay malilinis sa ating mga kasalanan at espirituwal na isisilang na muli. Pagkatapos ay magsisimula na tayo ng bagong espirituwal na buhay bilang mga disipulo ni Cristo.
Tinatanggap natin ang binyag ng Espiritu sa pamamagitan ng isang ordenansang tinatawag na kumpirmasyon. Ang ordenansang ito ay isinasagawa ng isa o higit pang mayhawak ng priesthood na magpapatong ng kanilang mga kamay sa ating ulo. Una ay kinukumpirma nila tayo na miyembro ng Simbahan, at pagkatapos ay ipagkakaloob nila sa atin ang kaloob na Espiritu Santo. Ito rin ang ordenansang tinutukoy sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mga Gawa 8:14–17; 3 Nephi 18:36–37).
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Kumikilos Siya nang may pagkakaisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, mapapasaatin habambuhay ang Kanyang patnubay kapag tayo ay nanatiling tapat.
Paano Tayo Pinagpapala ng Espiritu Santo
Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa dakilang kaloob ng Ama sa Langit. Tayo ay nililinis at pinababanal ng Espiritu Santo, ginagawa tayong mas banal, mas ganap, at mas tulad ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 27:20). Tinutulungan Niya tayo na magbago at umunlad sa espirituwal habang hinahangad nating sundin ang mga tuntunin ng Diyos.
Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman at mabatid ang katotohanan (tingnan sa Moroni 10:5). Pinagtitibay rin Niya ang katotohanan sa ating puso’t isipan. Dagdag pa rito, tinutulungan din tayo ng Espiritu Santo na maituro ang katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:14). Kapag tayo ay nag-aral at nagturo ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, dinadala Niya ito sa ating puso (tingnan sa 2 Nephi 33:1).
Kapag mapagkumbaba nating hinangad ang gabay ng Espiritu Santo, tiyak na ipagkakaloob Niya ito (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Kabilang dito ang pagbibigay sa atin ng pahiwatig kung paano natin mapaglilingkuran ang iba.
Ang Espiritu Santo ay nagbibigay ng espirituwal na lakas para matulungan tayong madaig ang ating mga kahinaan. Tutulungan Niya tayong malabanan ang tukso. Binabalaan Niya tayo sa mga panganib na espirituwal o pisikal.
Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malampasan ang mga pagsubok ng buhay. Papanatagin Niya tayo sa panahon ng pagsubok at kalungkutan, at bibigyan tayo ng pag-asa (tingnan sa Moroni 8:26). Madarama natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Magtiis Hanggang Wakas
Kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma, tayo ay gumagawa ng tipan sa Diyos. Higit sa lahat, nangangako tayo na susundin natin ang Kanyang mga kautusan at paglilingkuran Siya habambuhay (tingnan sa Mosias 18:8–10, 13; Doktrina at mga Tipan 20:37).
Pagkatapos nating pumasok sa landas ng ebanghelyo sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para manatili rito. Kapag nalihis tayo ng landas, kahit na maliit lang ito, tayo ay sumasampalataya kay Cristo para magsisi. Ang pagpapala ng pagsisisi ay tumutulong sa atin na makabalik sa landas ng ebanghelyo at mapanatili sa ating sarili ang mga pagpapala ng mga tipan natin sa Diyos. Kapag taos-puso tayong nagsisisi, ang Diyos ay palaging handang magpatawad at muli tayong tanggapin.
Ang ibig sabihin ng pagtitiis hanggang wakas ay pananatiling tapat sa Diyos hanggang sa dulo ng ating buhay—sa masasaya at mahihirap na panahon, sa kasaganaan at sa paghihirap. Mapagkumbaba nating hinahayaan si Cristo na hubugin tayo at gawin tayong higit na katulad Niya. Tayo ay sumasampalataya, nagtitiwala, at umaasa kay Cristo anuman ang mangyari sa ating buhay.
Ang pagtitiis hanggang wakas ay hindi lamang pagkapit hanggang sa tayo ay mamatay. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay ang pagtutuon ng ating buhay, isipan, at kilos kay Jesucristo. Kabilang dito ang patuloy na pagsampalataya kay Cristo araw-araw. Patuloy rin tayong nagsisisi, tumutupad ng ating mga tipan sa Diyos, at naghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo.
Kabilang din sa pagtitiis hanggang wakas ang “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.” Nangako ang ating Ama sa Langit na kapag tayo ay nagtiis hanggang wakas, tayo ay “magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).
Pinagpapala ng Ebanghelyo ni Jesucristo ang Lahat ng Anak ng Diyos
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Itinuro sa mga banal na kasulatan na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” anuman ang ating mga nakaraan at kasalukuyang sitwasyon. Inaanyayahan Niya ang lahat na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).
Pinagpapala tayo ng ebanghelyo sa buong buhay natin sa mortalidad at sa kawalang-hanggan. Mas malamang na magiging masaya tayo—bilang mga indibiduwal at bilang mga pamilya—kapag namumuhay tayo nang ayon sa mga turo ni Jesucristo” (tingnan sa Mosias 2:41; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ay maghahatid sa atin ng higit na kaligayahan, magbibigay-inspirasyon sa ating mga kilos, at pagyayamanin ang ating mga ugnayan.
Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magpoprotekta rin sa atin mula sa paggawa ng mga desisyon na makapipinsala sa ating katawan at espiritu. Tinutulungan tayong magkaroon ng lakas at kapanatagan sa mga panahon ng pagsubok at kalungkutan. Nagbibigay ito ng daan tungo sa isang maligayang buhay na walang hanggan.
Isa sa mga dakilang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Diyos. Tayo ay Kanyang minamahal na mga anak na lalaki at babae. Anuman ang sitwasyon ng ating pamilya dito sa lupa, bawat isa sa atin ay bahagi ng pamilya ng Diyos.
Ang isa pang mahalagang bahagi ng ating mensahe ay maaaring magkasama-samang muli ang mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ginagawang posible ng mga ordenansa at tipan sa templo na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.
Sa pamamagitan ng liwanag ng ebanghelyo, malulutas ng mga pamilya ang mga di-pagkakaunawaan, pagtatalo, at mga hamon. Ang mga pamilyang nahati dahil sa di-pagkakasundo ay mapagkakaisa sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapatawad, at pananampalataya sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Tinutulungan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magkaroon ng mas matatag na ugnayan ng pamilya. Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para sa pagtuturo at pag-aaral ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang tahanang binuo sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay magiging lugar ng kapahingahan at kaligtasan. Ito ay magiging isang lugar kung saan makapananatili ang Espiritu ng Panginoon.
Balangkas ng Maikli hanggang Katamtamang Haba ng Lesson
Ang sumusunod na balangkas ay isang halimbawa ng maaari ninyong ituro sa isang tao kung kakaunti lamang ang inyong oras. Kapag ginagamit ito, pumili ng isa o higit pang alituntunin na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay naibigay na sa simula ng lesson.
Habang nagtuturo kayo, magtanong at makinig. Magbigay ng mga paanyaya na tutulong sa mga tao na matuto kung paano mas mapalapit sa Diyos. Ang isang mahalagang paanyaya ay ang muling makipagkita sa inyo ang tao. Ang haba ng lesson ay nakadepende sa mga itatanong ninyo at sa inyong pakikinig.
Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 3–10 Minuto
-
Isinugo ng Diyos sa lupa ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.
-
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Tutulungan tayo ng pananampalataya na maranasan ang nagbibigay-lakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay.
-
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay umaakay sa atin na magsisi. Ang pagsisisi ay ang proseso ng pagbaling sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan. Habang tayo ay nagsisisi, ang ating mga kilos, hangarin, at isipan ay nagbabago at umaayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos.
-
Kapag nagsisisi tayo, patatawarin tayo ng Diyos. Ang kapatawaran ay posible dahil si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan.
-
Ang binyag ay mayroong dalawang bahagi: binyag ng tubig at binyag ng Espiritu. Kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma, tayo ay nalilinis sa ating mga kasalanan, at nabibigyan tayo ng panibagong simula sa buhay.
-
Pagkatapos nating mabinyagan sa tubig, matatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon.
-
Kapag matapat nating sinunod ang landas ng ebanghelyo hanggang sa dulo ng ating buhay, ipinangako ng Diyos na tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.