“Ang Ating Hangarin at Ang Ating Misyon,” kabanata 6 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3: Magiting, Marangal, at Malaya 1893–1955 (2021)
Kabanata 6: “Ang Ating Hangarin at Ang Ating Misyon”
Kabanata 6
Ang Ating Hangarin at Ang Ating Misyon
Nagningning ang mukha ni Hirini Whaanga nang isang grupo ng mga Banal na Māori ang malugod na sumalubong sa kanya at sa kanyang mga kapwa missionary sa kanilang nayon, na Te Horo, sa Hilagang Isla ng New Zealand. Mahal ng mga Banal na Māori si Hirini bilang lolo, at ipinagmamalaki nila ang kanyang gawain bilang full-time missionary. Tuwing bibisitahin niya ang kanilang mga pamayanan, binabati nila siya at ang kanyang mga kasama sa parehong pamilyar na parirala: “Haere mai!” Tuloy kayo!
Sa Te Horo, naniwala ang ilang tao sa mga sabi-sabi tungkol sa pagmamalupit na sinapit ng mga Whaanga sa Utah. Narinig pa ng ilan sa kanila na pumanaw na si Hirini. Ipinagwalang-bahala ni Hirini ang mga kuwentong ito at itinanong, “Mukha bang patay na ako? Mukha bang hindi maganda ang pag-aalaga sa akin?”1
Nagdaos ang mga missionary ng dalawang araw na kumperensya kasama ang mga Banal mula sa sampung branch sa lugar. Nang pagkakataon na niyang magsalita sa kongregasyon, nabigyang-inspirasyon si Hirini na magsalita tungkol sa kaligtasan ng mga patay. Pagkatapos, karamihan sa mga Banal sa kongregasyon ay binigay sa kanya ang mga pangalan ng kanilang mga yumaong ninuno upang siya at ang kanyang pamilya ay makapagsagawa ng kanilang gawain sa templo.2
Hindi nagtagal pagkatapos ng kumperensya, naglakbay si Hirini kasama ang mission president na si Ezra Stevenson at dalawa pang missionary sa isang liblib na nayon na tinatawag na Mangamuka. Ilang taon na ang nakararaan pinalayas sa nayon ang mga missionary at binalaang huwag nang bumalik. Gayunman, may kamag-anak si Hirini na nakatira doon, kaya nagpasiya silang bisitahin ito.
Maingat na pumunta ang mga missionary sa Mangamuka. Nang hinanap nila si Tipene, isang kamag-anak ni Hirini, sinabihan silang maghintay sa labas ng nayon. Ang pagbati ay hindi gaanong mainit kumpara sa mga natanggap nila sa ibang dako ng kanilang paglalakbay, at pinanghinaan ng loob si Hirini.
Pagkaraan ng ilang sandali, lumabas si Tipene mula sa nayon at lumuluhang niyakap si Hirini. Pagkatapos ay sama-sama silang kumain, at inihatid ni Tipene ang mga missionary sa isang komportableng tirahan. Naging mas mapagkaibigan ang mga tao sa nayon, at ang mga elder ay inanyayahang magsalita sa mga nagtipon.
Bago siya magsalita, tiniyak ni Ezra sa kanyang mga tagapakinig na hindi siya pumarito upang kundenahin sila kundi anyayahan silang makibahagi sa katotohanan ng kanyang mensahe. Interesadong nakinig ang kongregasyon, at ilang kalalakihan ang positibong tumugon sa kanyang mga salita. Nagsalita rin si Hirini, nangangaral nang buong tapang hanggang hatinggabi, nang natulog na ang kanyang mga kasama. Patuloy siyang nagsalita hanggang sa madaling araw.3
Sina Ezra at ang isa sa mga elder ay kailangang umalis nang umagang iyon, ngunit inanyayahan ng mga taganayon si Hirini at ang natitirang missionary na si George Judd, na turuan pa sila. Nanatili ang mga missionary sa loob ng apat na araw, nagdaos ng limang pulong, at nagbinyag ng dalawang binata. Pagkatapos ay nangaral sina Hirini at George sa iba pang mga nayon, at nagbinyag ng labingwalong tao pa nang muli silang sumama kay Ezra makalipas ang ilang linggo.4
Patuloy na naglakbay si Hirini kasama ang mission president, tinuturuan ang mga Banal at kinokolekta ang kanilang mga talaangkanan. Kadalasan, habang nakikinig si Ezra sa pangangaral ni Hirini, namamangha siya sa kakayahan ng kanyang kaibigan na mahikayat ang mga Māori na tagapakinig. “Taglay niya ang malakas na patotoo at pinapahanga ang mga tao,” isinulat ni Ezra sa kanyang journal. “Alam niya kung paano aantigin ang damdamin ng mga Māori, na mas mainam kaysa magagawa namin.”5
Noong Abril 1899, tumanggap si Hirini ng marangal na pag-release mula sa kanyang misyon. Isang ulat sa pahayagan na nagbabalita ng kanyang pagbalik sa Lunsod ng Salt Lake ang pumuri sa kanyang mga pagsiskap sa New Zealand. “Isang malaking puwersa ang ibinigay sa gawain sa malayong lupaing iyon,” nakasaad dito. “Sa bawat distrito ay nakalap ang impormasyon sa talaangkanan at ang pananampalataya at sigasig ng mga Banal na Māori ay napalakas at nadagdagan.”6
Noong tagsibol na iyon, pinag-aaralan ni John Widtsoe ang kimika sa University of Göttingen sa gitnang Germany. Ang kanyang gawain sa Agricultural College sa Logan ang naghikayat sa kanya na magsaliksik ng mga carbohydrate, at sa Göttingen ay nakapag-aral siya sa ilalim ng nangungunang siyentipiko sa kanyang larangan. Ngayon ay ilang buwan na lang ang kulang bago niya matapos ang kanyang doctorate.
Pinakasalan ni John si Leah Dunford sa Salt Lake Temple noong ika-1 ng Hunyo 1898, dalawang buwan bago lumipat ang mag-asawa sa Europa. Bago lumisan, itinalaga si John bilang missionary sa Europa ng tiyo ni Leah na si Brigham Young Jr., kung saan pinahihintulutan siyang ipangaral ang ebanghelyo kapag hindi siya nag-aaral. Dahil kilala ang Germany sa mga konserbatoryo nito, ang labimpitong-taong-gulang na kapatid ni Leah na si Emma Lucy Gates, ay sumama sa kanila upang mag-aral ng musika. Noong ika-2 ng Abril 1899, sina John at Leah ay nagkaanak ng isang sanggol na babae, si Anna Gaarden Widtsoe, na ipinangalan sa ina ni John.7
Bagama’t sinusustentuhan pa rin ni John ang kanyang ina at nakababatang kapatid na si Osborne, na naglilingkod sa misyon sa Tahiti, natustusan nila ni Leah ang kanilang paninirahan sa Europa dahil sa malaking tulong pinansyal mula sa Harvard. Ang Göttingen ay isang lumang bayan na may unibersidad na napapaligiran ng mga burol at ilang ektarya ng bukirin. Bilang mga tanging Banal sa mga Huling Araw sa lunsod, sina John, Leah, at Lucy ay nagdaos ng sarili nilang mga sacrament meeting at pag-aaral ng ebanghelyo. Kung minsan, ang mga missionary sa German Mission ay pumupunta sa Göttingen upang bisitahin sila.8
Ang Simbahan sa Germany ay may mga isang libong miyembro. May mga pagsasalin sa wikang Aleman ng mga pamantayang banal na kasulatan gayundin ang magasin ng Simbahan na dalawang beses kada buwan ang lathala, ang Der Stern. Ngunit limang Banal sa Germany lamang ang mayhawak ng Melchizedek Priesthood, at mabagal ang pag-unlad.9 Maraming Aleman ang nag-aalinlangan sa mga simbahan mula sa mga dayuhang lupain, at ang mga missionary ay madalas mapalayas mula sa mga lunsod. Kung minsan ay kinakailangan ng mga Banal na magtipon nang lihim o tiisin ang paniniktik ng mga pulis.10
Noong huling bahagi ng tagsibol, umalis si Lucy para mag-aral sa Berlin Conservatory of Music. Ang kanyang lola na si Lucy Bigelow Young ay nagtungo mula sa Utah upang masamahan at mabantayan siya. Nang matapos ni John ang kanyang tesis, siya, si Leah, at ang sanggol na si Anna ay sumama sa kanila sa Berlin. Pagkatapos ay nagsimula siyang mag-aral para sa kanyang pagsusulit sa doctorate, ang huling hakbang sa pagkumpleto ng kanyang degree. Naglakbay rin siya nang anim na linggo sa Norway at Denmark upang ipangaral ang ebanghelyo, bisitahin ang mga kamag-anak, at saliksikin ang kanyang talaangkanan.11
Dahil wala siya sa Norway mula nang nilisan niya ang bansa sa edad na labing-isang taong gulang, tuwang-tuwa si John na makasama ang mas maraming kapamilya. “Napakasaya ng oras ko kasama ang mga kamag-anak ng aking ina,” isinulat niya kay Leah noong Setyembre. “Ako ay mainit na tinanggap at pinakitunguhan nang tulad ng ‘isang mahalagang tao.’”12
Nang bumalik si John sa Germany, naglakbay siya pabalik sa Göttingen upang kumuha ng pagsusulit habang si Leah at ang sanggol ay nanatili sa Berlin. Maganda ang pananaw ng kanyang mga propesor tungkol sa kanyang tagumpay, ngunit nag-alala si John na mabibigo niya ang mga ito.
“Ipinagkakatiwala ko ang bagay na ito sa mga kamay ng Panginoon,” isinulat niya kay Leah noong ika-20 ng Nobyembre, ang araw ng pagsusulit. “Kung hindi ko ito makukuha, huwag nawang itulot ng Diyos, hindi ko sisisihin ang sarili ko. Ang pag-aayuno at mga panalangin ninyong lahat ay mas nagpapagalak sa akin nang higit sa masasabi ko sa inyo.”13
Nang dumating ang panahon ng kanyang pagsusulit, humarap si John sa isang lupon ng mahigit isang dosenang propesor, bawat isa ay naghandang magtanong sa kanya tungkol sa kanyang pagsasaliksik. Ginawa ni John ang lahat ng kanyang makakaya upang masagot ang kanilang mga tanong na masisiyahan sila. Nang matapos sila makalipas ang dalawa o tatlong oras, pinalabas nila siya sa silid habang pinagpapasiyahan nila kung nakapasa siya o hindi.
Kalaunan nang gabing iyon, pagkatapos niyang mag-ayuno, tumanggap si Leah ng telegrama mula kay John. “Magna, sa biyaya ng Diyos,” nakasaad rito. Alam niya kung ano kahulugan noon. Naipasa ni John ang kanyang pagsusulit at natapos ang kanyang doctorate nang may karangalan, magna cum laude.14
Makalipas ang ilang linggo, noong ika-4 ng Disyembre 1899, kabadong naghintay si B. H. Roberts sa Washington, DC, para sa kanyang panunumpa sa katungkulan bilang bagong halal na kinatawan ng Utah sa Kongreso ng Estados Unidos. Nakasalansan sa harap ng kamara ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawampu’t walong rolyo ng papel, bawat isa ay mga dalawang talampakan ang kapal. Alam ni B. H. na ang mga papel ay naglalaman ng mga pangalan ng pitong milyong tao na ayaw siyang manungkulan doon.15
Tatlong taon matapos matalo sa halalan ng 1895, muling tumakbo si B. H. sa Kongreso, at sa pagkakataong ito ay may pagsang-ayon ng Unang Panguluhan.16 Naging matagumpay ang kanyang pangangampanya, ngunit agad na ginamit ng mga kritiko ng Simbahan ang tagumpay upang sirain ang nabubuong reputasyon ng mga Banal bilang mga taong masunurin sa batas, makabayan, at may isang asawa. Pinamunuan ng mga Protestanteng ministro at mga organisasyon ng kababaihan ang pagsalakay, binabalaan ang mga tao saan mang dako na si B. H., isang polygamist na lider ng Simbahan na nagka-anak sa maraming asawa matapos ang Pahayag, ay darating sa Washington upang suportahan ang pag-aasawa nang marami, pasamain ang moralidad ng publiko, at palawakin ang kapangyarihang pampulitika ng Simbahan.17
Habang lumalala ang galit sa pagkakahalal kay B H., nakisali sa kontrobersiya ang patnugot na si William Randolph Hearst. Sabik na gamitin ang kontrobersiya upang palakasin ang benta ng kanyang pahayagan sa Lunsod ng New York, naglathala si Hearst ng mga artikulo tungkol kay B. H. at sa Simbahan, na kapwa inilalarawan bilang mga banta sa moralidad ng Amerika. Ang petisyon ng pitong milyong pangalan sa tanggapan ng Kamara, sa katunayan, ay tinipon ng pahayagan ni Hearst upang pilitin ang mga mambabatas na itatwa kay B. H. ang kanyang puwesto sa Kongreso.18
Hindi nagtagal pagkalipas ng tanghali, ipinatawag si B. H. upang manumpa sa kanyang katungkulan. Habang naglalakad siya papunta sa harapan ng silid, isang kongresista ang tumayo at mahinahon na nagmungkahi na huwag isama si B. H. sa Kamara dahil sa kanyang pag-aasawa nang marami. Isa pang kongresista ang sumang-ayon sa mungkahi. “Siya ay isang polygamist,” sabi ng lalaki, “at ang kanyang pagkakahalal ay isang pagsalakay sa tahanan ng mga Amerikano.”19
Nang sumunod na araw, tinangka ni B. H. na siguruhin sa mga mambabatas na wala siyang hangaring gamitin ang kanyang bagong posisyon upang ipagtanggol ang pag-aasawa nang marami. “Hindi ako narito upang itaguyod ito,” sabi niya sa kanila. “Walang dahilan upang itaguyod ang layuning iyon. Ito ay isang bagay na napagdesisyunan na.”20
Dahil hindi kumbinsido, inatasan ng Kongreso ang isang espesyal na komite ng mga kongresista na repasuhin ang kaso ni B. H. at ang katangian ng kanyang pag-aasawa nang marami. Talagang nabagabag sila na patuloy siyang namumuhay kasama ang kanyang mga maraming asawa at may mga anak sa kanila. Nang maglahad ang komite ng katibayan ng mga relasyong ito, iginiit ni B. H. na hindi niya hayagang sinuway ang batas. Maraming kalalakihang Banal sa mga Huling Araw ang patuloy na namumuhay nang tahimik kasama ang maraming asawa na pinakasalan nila bago ang Pahayag, at hindi sila naniniwala na ang pagsasagawa nito ay lumalabag sa kanilang kasunduan na sundin ang mga batas ng Estados Unidos mula noon. Subalit hindi sumang-ayon ang komite, at noong ika-25 ng Enero 1900, ang napakalaking bilang ng mga Kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay bumoto na huwag siyang isama.21
Ang pagkakatanggal ni B. H. mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay naging balitang inilathala sa unang pahina ng mga pahayagan sa buong bansa. Sa Utah, hinangaan ng Unang Panguluhan ang matapang na pagtatanggol ni B. H. sa kanyang mga prinsipyo sa Washington, ngunit ikinalungkot nila ang idudulot ng negatibong tugon sa kanyang pagkakahalal laban sa mga Banal sa mga Huling Araw. Muling naging kritikal sa Simbahan ang mga mamamahayag ng Amerika.22
Bagama’t ang ilan sa mga iniulat ng mga pahayagan ay hindi tumpak, tama ang mga ito sa pangunahing punto: umiiral pa rin ang pag-aasawa nang marami sa Simbahan. At hindi lamang iyon tungkol sa pagpapanatili ng kalalakihan at kababaihan ng kanilang pag-aasawa nang marami pagkatapos ng Pahayag.23 Dahil nabuhay, naturuan, at nagdusa para sa pag-aasawa nang marami nang mahigit kalahating siglo, hindi maubos-maisip ng maraming Banal ang mabuhay nang wala ito. Sa katunayan, ang ilang miyembro ng Labindalawa—na kumikilos nang may pahintulot nina George Q. Cannon, Joseph F. Smith, o ng kanilang mga tagapamagitan—ay tahimik na nagsagawa ng mga bagong pag-aasawa nang marami sa loob ng walong taon mula noong Pahayag. Noong panahong iyon, apat sa mga apostol mismo ang nagkaroon din ng maraming asawa.
Ang mga Banal na ikinasal matapos ang Pahayag ay isinagawa ito na naniniwalang hindi lubos na tinalikuran ng Panginoon ang utos na mag-asawa nang marami ngunit inalis lamang ang banal na utos para sa mga Banal na sang-ayunan at ipagtanggol ito bilang isang kaugalian ng Simbahan.24 Bukod pa rito, pinayuhan ni Wilford Woodruff ang mga Banal, sa pamamagitan ng Pahayag, na sumunod sa mga batas laban sa poligamya sa Estados Unidos. Gayunman, wala siyang sinabi sa dokumento tungkol sa mga batas ng Mexico o Canada. Karamihan sa mga bagong pag-aasawa nang marami ay naganap sa mga bansang iyon, at maliit na bilang ang isinagawa sa Estados Unidos.25
Ngayon, dahil sa napakasamang epekto ng pagkakahalal kay B. H. Roberts, nagsimulang makita ng mga lider ng Simbahan ang pinsala sa pagsang-ayon sa isang Banal na polygamist na tumakbo sa halalan para sa pederal na katungkulan. Hindi ito isang bagay na nais nilang gawin muli.26
Noong Abril 1900, si Zina Presendia Card, ang anak ng pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young, ay umuwi sa Cardston, Canada, matapos gumugol ng ilang linggo kasama ang kanyang pitumpu’t siyam na taong gulang na ina sa Lunsod ng Salt Lake. Sa pagbisita, siya at ang kanyang ina ay naglakbay patungong Oneida Stake sa katimugang Idaho upang magsalita sa isang kumperensya ng Relief Society.
“Kinaya ng kanyang pangangatawan ang paglalakbay, at nagsalita na tila anghel sa kanyang mga kapatid,” iniulat ni Zina Presendia sa isang liham sa kanyang nakababatang kapatid na si Susa Gates. “Tunay na ipinagmamalaki ko siya.”
Subalit nag-alala si Zina Presendia tungkol sa edad ng kanyang ina. Ang Cardston ay mga isang libo’t isang daang kilometro ang layo mula sa Lunsod ng Salt Lake. Kung biglang babagsak ang pangangatawan ng kanyang ina, maaaring hindi na ito makitang muli ni Zina Presendia bago ito pumanaw.27
Sa Cardston, ipinagpatuloy ni Zina Presendia ang kanyang mga responsibilidad bilang pangulo ng YLMIA ng Alberta Stake. Labing-apat na taon na ang lumipas mula nang hilingin ni Pangulong John Taylor sa kanyang asawang si Charles Card na pamunuan ang isang grupo ng mga polygamist na Banal sa Canada. Mula noon, nagtatag ang mga Banal ng isang dosenang pamayanan sa katimugang Alberta. Ang Cardston Stake ay itinatag noong 1895, kung saan si Charles ang naglingkod bilang pangulo. Bagama’t nagtapos na ang panahon ng kolonisasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw, patuloy na lumipat sa lugar ang mga bagong pamilya at negosyo, na siyang tumutulong sa paglago ng Simbahan.28 Ngayon ay maraming batang Banal sa lugar na iyon ang umaabot na sa tamang edad, at labis na nag-aalala si Zina Presendia para sa kanila.
Ang Cardston ay masasabing liblib, ngunit ang mga kabataan nito ay maaaring maimpluwensiyahan pa rin ng masasamang bagay tulad ng pagsusugal at paglalasing. Ang ilang nasa tamang edad sa bayan, batid niya, ay nagpapakita ng masasamang halimbawa sa nakababatang henerasyon.29
Malinaw din na ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Cardston at iba pang mga komunidad ay kailangang mas maturuan pa tungkol sa kalinisang-puri. Bago ang Pahayag, ang mga kabataang babae ay nagkaroon ng mas maraming pagkakataong makapag-asawa at madalas gawin ito sa mas batang edad. Ngayon, gayunman, ang bagong henerasyon ay madalas mas matagal bago mag-asawa, at ang ilan, lalo na ang kababaihan, ay hindi na nag-aasawa. Nangangahulugan ito na mas maraming kabataan ang inaasahang manatiling malinis ang puri sa loob ng mas mahabang panahon.30
Tinalakay ni Zina Presendia ang mga problemang ito sa isang pinagsamang pulong ng YLMIA at YMMIA ng Cardston Ward noong unang bahagi ng Mayo. “Ang mga panandaliang kasiyahan ay kadalasang nagdudulot ng kalungkutan habambuhay,” babala niya sa mga kabataan. “Dapat nating hangarin ang pagpapakumbaba at pag-ibig sa kapwa at gawin sa iba ang nais nating gawin sa atin.”31
Noong tagsibol at tag-init na iyon, dumalo rin siya sa ilang pulong ng YLMIA ng Cardston Ward. Nagtitipon ang samahan tuwing Miyerkules ng hapon. Si Mamie Ibey, ang dalawampu’t tatlong-taong-gulang na pangulo ng samahan ng ward, ay madalas mangasiwa sa mga pulong habang ang iba ay nagtuturo ng mga lesson. Tuwing makalawang buwan, nagdaraos din ang mga kabataang babae ng pulong ng patotoo, na nagbibigay sa bawat miyembro ng grupo ng pagkakataong magpatotoo sa kanyang mga kaklase.32
Sa buong taon ng 1900, ang Young Woman’s Journal ay naglathala ng isang serye ng lesson na may labindalawang bahagi na tinatawag na “Mga Tuntunin ng Moralidad para sa Kabataang Babae [Ethics for Young Girls].” Bawat buwan ay may bagong lesson na naglalayong tulungan ang mga kabataang babae na mahiwatigan ang tama sa mali. Kabilang sa mga paksang saklaw ang katapatan, pagpipigil sa sarili, tapang, kalinisang-puri, at pagpipitagan. Isang serye ng mga tanong ang kasunod ng bawat lesson, na naghihikayat sa mga kabataang babae na rebyuhin at talakayin ang materyal.33
Naniniwala si Zina Presendia na ang palagiang pagdalo sa MIA ay maaaring palakasin ang mga kabataan at impluwensyahan ang kanilang mga kilos para sa mas mabuti. Sa mga pulong, ang mga kabataang babae ay hinikayat na lumayo sa kamunduhan at kamalian. “Hindi natin dapat ikahiya kailanman ang katotohanan,” itinuro sa kanila ni Zina Presendia, “ni mahiyang ipaalam na tayo ay mga Mormon.”34
Hiniling din niya sa kanilang mga magulang na gabayan sila sa landas ng kabutihan. Noong unang bahagi ng taong iyon, habang binibisita ang isang stake sa Idaho, narinig niyang inulit ng kanyang ina ang isang bagay na itinuro ni Joseph Smith sa Relief Society sa Nauvoo: “Magtanim ng magagandang ideya sa isipan ng mga bata. Napapansin nila ang ating halimbawa.” Naniwala rin si Zina Presendia na angkop ang katotohanang ito sa Cardston.
“Dapat tayong magpakita ng mabubuting halimbawa para sa ating mga anak,” paalala niya sa iba pang mga lider noong Hulyo, “yakapin sila sa ating mga bisig at ating puso, at turuan silang iwaksi ang lahat ng kasamaan.”35
Noong hapon ng ika-10 ng Disyembre 1900, nakita ni George Q. Cannon ang mga Isla ng Hawaii sa unang pagkakataon mula nang magmisyon siya roon noong dekada ng 1850. Sa edad na dalawampu’t tatlo, siya ang pinakabata sa sampung orihinal na mga missionary na Banal sa mga Huling Araw na ipinadala sa mga isla. Ngayon, bilang tagapayo ng Unang Panguluhan, nagbabalik siya upang gunitain ang ikalimampung anibersaryo ng kanilang pagdating at ang pagsisimula ng Simbahan sa Hawaii.36
Ilang oras matapos makita ang mga isla, si George at ang kanyang mga kapwa pasahero ay dumaong sa Honolulu sa isla ng Oahu. Nagpalipas siya ng gabi kasama ang mga Banal sa mga Huling Araw na Hawaiian na sina Abraham at Minerva Fernandez at ginugol ang sumunod na araw sa isang pagtitipon kasama ang isang libong Banal sa isang meetinghouse. Ang ilan sa mga dumalo ay nabinyagan ni George noong kanyang misyon. Ang iba ay ang mga anak at apo ng mga taong tinuruan niya.37
Nagising si George kinabukasan, ika-12 ng Disyembre, na naaasiwang magsalita sa mga Hawaiian sa pagdiriwang ng anibersaryo. Noong bata pa siyang missionary, hinangaan siya sa kanyang kasanayan sa pagsasalita at pagsulat ng wikang Hawaiian. Ngunit bihira na niya itong ginagamit mula noong umuwi siya, at ngayon ay nag-aalala siya na ang kanyang pagiging hindi na matatas sa wika ay magpapadismaya sa mga Banal.38
Ang pagdiriwang ay ginanap sa isang bagong teatro sa Honolulu. Ang mga lokal na lider ng Simbahan ay umupa ng isang magaling na orkestra, dalawang koro mula sa Honolulu at Laie, at iba pang grupong musikal. Sa isang kalapit na gusali ng pamahalaan, naghanda rin ang mga Banal ng isang malaking piging ng mga pagkaing Hawaiian at inanyayahan ang lahat ng tao sa komunidad na dumalo. Para kay George, tila nakikisali ang buong lunsod sa pagdiriwang.39
Nang dumating ang pagkakataong magsalita si George, sinimulan niya ang kanyang mensahe sa wikang Ingles, ginugunita ang mga unang araw ng kanyang misyon, nang tinalikuran ng ilan sa kanyang mga kasama ang gawain at ang mga naninirahan sa isla na Ingles ang ginagamit na wika ay hindi interesado sa ebanghelyo. “Noon ako tumutol,” pag-alala ni George, “at nagpasiya akong manatili sa mga islang ito at maglingkod sa mga tao nito.”40
Habang nagsasalita siya, nadama ni George na napasakanya ang Espiritu. Biglang bumalik sa kanya ang mga salitang Hawaiian, at nawala ang kanyang pagkabalisa nang magsimula siyang magsalita gamit ang wika. Ang mga Banal na Hawaiian ay agad na namangha at nagalak. “Nakamamangha,” sabi ng isang tao, “na naaalala niya ang ating wika sa kabila ng napakatagal nang panahon!”41
Ang pagdiriwang ay nagpatuloy kinabukasan, at muling nagsalita si George sa mga Banal nang may kumpiyansa gamit ang kanilang wika. “Mas nadarama ko ngayon ang mga taling nagbibigkis sa mga tao ng Diyos,” sinabi niya sa kanila. “Kapag ang mga tao ay naniwala sa ebanghelyo at lumusong sa mga tubig ng binyag, natututo silang mahalin ang isa’t isa.”42
Gumugol si George ng mahigit tatlong linggo kasama ang mga Banal sa Hawaii. Habang nasa isla ng Maui, binisita niya ang bayan ng Wailuku, kung saan siya unang nakatamasa ng tagumpay bilang missionary. Halos hindi na makilala ang bayan dahil sa mga pagbabago, ngunit madali niyang natagpuan ang tahanan ng kanyang mga kaibigan na sina Jonathan at Kitty Napela, na parehong namayapa na ilang dekada na ang nakalipas. Ang mga Napela ay parang pamilya ni George, at si Jonathan ay ang kasama niyang nagsalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian.43
Nang binisita niya ang mga isla, nagkaroon si George ng maraming bagong kaibigan, kabilang na si Tomizo Katsunuma, isang lalaking Hapones na sumapi sa Simbahan habang nag-aaral sa Agricultural College of Utah. Nakilala rin niya ang mga Banal sa buong buhay nila na, sa kabila ng kanilang katapatan, hindi pa kailanman natatanggap ang mga ordenansa sa templo. Dahil naantig sa kanilang sitwasyon, hinikayat niya silang mamuhay nang karapat-dapat upang makapasok sa templo at manampalataya na bibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang propeta na dalhin ang mga pagpapala ng templo sa kanila.44
Noong araw ng paglisan ni George, daan-daang mga Banal at isang lokal na banda ang naghatid ng kanyang karwahe sa pantalan ng Honolulu. Bilang huling pagpapakita ng kanilang pagmamahal, humigit-kumulang dalawampung bata at matatandang Banal ang nagmadaling lumapit at sinabitan siya ng makukulay na lei. Pagkatapos ay umakyat na siya sa barko, at nagpatugtog ang banda ng isang awit ng pamamaalam.
Minamasdan ang mga Banal sa pantalan, batid ni George na hindi niya sila kalilimutan kailanman. “Aloha nui,” ang isinigaw nila sa kanya, na nagpapahayag ng kanilang pagmamahal at pamamaalam. “Aloha nui.”45
“Isang bagong siglo ang magbubukang-liwayway sa mundo ngayon.”
Ang tinig ni LeRoi Snow ay umalingawngaw sa buong Salt Lake Tabernacle habang binabasa niya ang mga pambungad na salita ng mensahe ng kanyang ama na si Lorenzo Snow, sa mga bansa ng mundo.46
Noon ay ika-1 ng Enero 1901, ang unang araw ng ikadalawampung siglo. Napakalamig ng panahon sa labas, ngunit mahigit apat na libong tao ang nilisan ang init ng kanilang mga tahanan nang umagang iyon upang gunitain ang okasyon sa isang espesyal na serbisyo kasama ang propeta, iba pang mga general authority, at ang Tabernacle Choir. Ang Tabernakulo mismo ay pinalamutian para sa okasyon, at nakasabit sa mga tubo ng organ ang isang kumpol ng mga de-kuryenteng ilaw na nagbabaybay ng salitang “Maligayang Pagdating.”47
Nakaupo sa pulpito, di-kalayuan sa kinatatayuan ni LeRoi, ay si Pangulong Snow mismo, minamalat ang kanyang tinig dahil sa malalang sipon. Kasama ang iba pang mga Banal sa silid, marubdob siyang nakikinig habang binabasa ni LeRoi ang mensahe. Simpleng pinamagatan ng “Pagbati sa Mundo,” tinalakay nito ang mga kagila-gilalas na tuklas ng siyensya at mga pag-unlad sa teknolohiya sa huling daang taon at ipinahayag ang optimismo ni Pangulong Snow sa darating na siglo.
Sa mensahe, nanawagan siya sa mga pinuno ng mundo na talikuran ang digmaan at hangarin ang “kapakanan ng sangkatauhan” sa halip na “pagyamanin ang isang lahi o ang pagpapalawak ng isang imperyo.” Ipinahayag niya, “Ang kapangyarihan ay nasa inyong mga kamay upang ihanda ang daan para sa pagdating ng Hari ng mga Hari, na ang kapangyarihan ay mapapasalahat ng lupa.” Hinikayat niya sila na itaguyod ang kapayapaan, wakasan ang pang-aapi, at magtulungang wakasan ang kahirapan at pasiglahin ang masa.
Nanawagan din siya sa mayayaman at maralita na maghanap ng mas mabuti at mas mapagkawanggawang paraan ng pamumuhay. “Ang araw ng inyong pagtubos ay nalalapit na,” sinabi niya sa mga maralita. “Maging masinop kapag umuunlad.” Sa mayayaman, nagpayo siya ng pagiging bukas-palad: “Buksan ang inyong mga kaha de yero, buksan ang inyong mga pitaka, at magsimula ng mga negosyo na magbibigay ng trabaho sa walang trabaho at pahupain ang kahimbian na humahantong sa bisyo at krimen na sumusumpa sa inyong malalaking lunsod at nilalason ang moral na kapaligiran sa palibot ninyo.”
Nagpatotoo Siya tungkol sa Panginoon at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. “Titiyakin Niyang isasakatuparan ang Kanyang gawain,” pahayag ni Pangulong Snow, “at mamarkahan ng ikadalawampung siglo ang pagsulong nito.”
Sa wakas, binasbasan niya ang mga tao ng mundo, saanman sila naroon. “Nawa’y ngumiti sa inyo ang sikat ng araw,” sabi niya. “Nawa’y pawiin ng liwanag ng katotohanan ang kadiliman sa inyong kaluluwa. Nawa’y madagdagan ang kabutihan at mabawasan ang kasamaan at magpatuloy ang mga taon ng siglo. Nawa’y magtagumpay ang katarungan at mawala ang katiwalian.”
“Paratingin ang mga damdaming ito sa buong mundo, bilang tinig ng ‘mga Mormon’ sa kabundukan ng Utah,” ipinahayag niya, “at ipaalam sa lahat ng tao na ang ating hangarin at misyon ay para sa pagpapala at kaligtasan ng buong sangkatauhan.”48