Kasaysayan ng Simbahan
20 Mahihirap na Panahon


Kabanata 20

Mahihirap na Panahon

hanbuk ng mga Bee-Hive Girls

Hindi nagtagal makaraan magtapos sa Utah State Agricultural College, tinanggihan ng dalawampu’t dalawang taong gulang na si Evelyn Hodges ang bayad na posisyon bilang guro upang magboluntaryo bilang manggagawa ng kagalingang panlipunan [social worker] para sa Relief Society Social Service Department sa Lunsod ng Salt Lake.1

Hindi nasiyahan ang kanyang mga magulang. Bagama’t napakaaktibo sa Relief Society, hindi iniisip ng kanyang ina na ang pagiging manggagawa ng kagalingang panlipunan ay isang bagay na dapat gawin ng kanyang anak. At nais lamang ng kanyang ama na manatili siya sa sakahan ng pamilya sa Logan.

“Isa lamang ang anak kong babae, at dapat ko siyang maitaguyod,” sabi niya. “Manatili ka sa atin. Mag-aral ka ng master’s, kumuha ng doctoral—anumang gusto mo. Pero manatili ka sa atin.”2

Sa wakas ay nakabuo ng kasunduan si Evelyn sa kanyang mga magulang. Magboboluntaryo siya sa loob ng siyam na linggo bilang social worker. Kung hindi siya aalukin ng Relief Society ng trabahong may bayad pagkatapos ng panahong iyon, uuwi na siya.

Sa kanyang unang Sabado sa Lunsod ng Salt Lake, nagpunta si Evelyn sa tahanan ni Amy Brown Lyman, ang unang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society at direktor ng Relief Society Social Service. Hindi siya sinalubong ni Amy sa pintuan. Sa halip, natagpuan ito ni Evelyn sa ikalawang palapag ng bahay, nakaupo sa gitna ng isang kama, nakatutok sa pananahi. Nakasuot ito ng lukut-lukot na bestido at napapaligiran ng mga gamit sa pananahi.

Ang hitsura at malamig na pagtanggap ni Amy ay nakaasiwa kay Evelyn. Napaisip siya kung tama ba ang kanyang desisyon sa pagpunta sa Lunsod ng Salt Lake. Nais ba niya talagang magtrabaho para sa babaeng ito?3

Nang sumunod na siyam na linggo, natuklasan ni Evelyn na gayon na nga. Ang kanyang trabaho bilang caseworker para sa walumpung pamilya ay nagdala sa kanya sa buong lunsod, at nakabisado niya ang mga kalye at eskinita nito. Noong una, nahihiya siyang makipag-usap sa mga estranghero, ngunit hindi nagtagal ay nakadama siya ng kagalakan at kasiyahan sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. Nang dumating ang kanyang mga magulang para iuwi siya pagkaraan ng siyam na linggo, lubha siyang nalungkot. Hindi pa rin siya inaalok ng trabaho ng Relief Society.

Tatlong araw matapos makabalik si Evelyn sa Logan, nakatanggap siya ng tawag mula kay Amy. Katatanggap lamang ng trabaho sa isang kalapit na ospital ang isang social worker ng Relief Society, at nais malaman ni Amy kung maaring humalili rito si Evelyn.

“Ah opo,” sabi ni Evelyn. Ni hindi niya itinanong kung magkano ang ibabayad ni Amy sa kanya.

Umalis ang ama ni Evelyn noong panahong iyon, at nalungkot itong malaman na tinanggap niya ang trabaho nang wala ito. Ayaw niyang magalit ito sa kanya, ngunit determinado siya sa kanyang bagong propesyon.4

Sa Lunsod ng Salt Lake, direktang nakipagtulungan si Evelyn sa mga lokal na bishop na naglalapit sa Relief Society ng mga balo, mga taong may kapansanan, mga pamilyang walang trabaho, at iba pang nasa gipit na kalagayan.5 Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, tutulong siya sa pagbuo ng isang plano para sa pagtulong para sa bawat sitwasyon. Makikipag-ugnayan din siya sa mga ward at lokal na pamahalaan upang magbigay ng salapi sa mga nangangailangan na kukunin mula sa mga handog-ayuno, pondo ng Relief Society, at mga kawanggawang pinangangasiwaan ng mga county.

Ayon sa mga tuntunin ng Simbahan noong panahong iyon, hinihikayat ang mga tao na humingi ng tulong mula sa pamahalaan bago lumapit sa Simbahan, kaya marami sa mga pamilyang tinulungan ni Evelyn ang nakatanggap ng tulong kapwa mula sa dalawang pinagkukunang ito. Gayunman, karaniwang kakaunti lamang ang tulong, at palagi niyang tinatanong sa kanyang mga kliyente kung anong karagdagang tulong ang maibibigay ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan, o kapitbahay.6

Noong Oktubre 1929, ilang buwan matapos bumalik si Evelyn sa Lunsod ng Salt Lake, bumagsak ang stock market sa Estados Unidos. Noong una, ang mga bumabagsak na presyo ng mga stock sa malayong Lunsod ng New York ay tila hindi nakakaapekto sa dami ng mga kasong kailangang asikasuhin ni Evelyn. Noong tagsibol ng 1930, sa katunayan, tila bumabangon ang ekonomiya mula sa pagbulusok nito.7

Ngunit panandalian lang ang pagbangon. Hindi makabayad ang mga indibiduwal at negosyo na may malalaking utang. Nagsimulang bawasan ng mga tao ang kanilang paggastos, na siyang nagpababa sa benta mga kalakal at serbisyo.8 Lubhang naapektuhan ang Utah. Ang ekonomiya nito, na lubos na nakasalalay sa pagluwas ng mga produkto ng pagmimina at pagsasaka, ay nahihirapan na noong bumagsak ang stock market. Nang bumaba ang mga presyo ng lahat ng pangunahing kalakal, hindi na nagkaroon ng kita o nakapagbayad sa mga manggagawa ang mga namumuhunan, at mabilis na natagpuan ng maraming tao ang kanilang sarili na walang trabaho. Ang nagpalala pa nito, mas kaunting tao ang may perang maibibigay sa mga organisasyong pangkawanggawa upang tulungan ang mga nangangailangan. Nabawasan din ang ikapu at iba pang mga donasyon sa Simbahan.

Hindi nagtagal matapos ang ikasandaang taong pagdiriwang ng Simbahan, nagsimulang makita ni Evelyn ang mas marami pang mga pamilya na naghihikahos. Napakatinding takot na ang nag-uugat sa kanilang mga puso.9


Noong gabi ng ika-19 ng Mayo 1930, malugod na tinanggap nina William at Clara Daniels ang South African Mission president na si Don Dalton sa kanilang tahanan sa Cape Town. Nagdaraos ang pamilya Daniels ng isang “cottage meeting” upang talakayin ang isang kabanata mula sa Jesus the Christ ni James E. Talmage. Naroon din ang nasa wastong edad na anak na babae nina William at Clara na si Alice.10

Ang mga Daniels ay nagdaraos ng mga pulong tuwing Lunes ng gabi sa kanilang tahanan mula pa noong 1921. Nagbibigay ng kapanatagan ang mga pagtitipon mula sa tensyon sa pagitan ng mga lahi na kanilang naranasan sa buong paligid nila. Sa Cape Town, ang mga simbahan at paaralan ay magkakahiwalay ayon sa lahi. Ang mga Itim at “Mga May Kulay,” o mga taong magkahalo ang lahi, ay dumadalo sa isang lugar at ang mga puti ay sa iba naman. Ngunit ang kulay ng balat ay hindi humahadlang sa mga sumasamba mula sa mga pulong ng mga Daniels. Sina William at Clara, na may mga Itim at Timog-Silangang Asyanong ninuno, ay malugod na tinatanggap ang sinumang nais dumalo. Si Pangulong Dalton at ang mga misyonero na madalas dumalo sa mga pulong ay puti.11

Unang nalaman ni William ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo mula sa kanyang kapatid na si Phyllis, na sumapi sa Simbahan kasama ang asawa nito at lumipat sa Utah noong mga unang taon ng dekada ng 1900. Makalipas ang ilang taon, noong 1915, nakilala ni William ang isang misyonerong Banal sa mga Huling Araw na ang katapatan at hindi makasariling pagmamahal sa ebanghelyo ay nakapukaw ng kanyang pansin.12

Hindi nagtagal matapos magkaroon ng interes sa Simbahan, bumisita si William sa Utah upang malaman pa ang tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kanyang nakita ay nagpahanga sa kanya. Hinangaan niya ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan at pinahalagahan ang kanilang katapatan kay Jesucristo at sa Bagong Tipan. Dalawang beses din siyang nakipagkita kay Pangulong Joseph F. Smith, na nagsabi sa kanya na hindi pa dumarating ang panahon para sa kalalakihang may lahing Aprikano na tumanggap ng priesthood.

Nabagabag si William sa mga salita ng propeta. Bagama’t ang simbahang Protestante na sinalihan niya sa South Africa ay pinaghiwalay ang mga lahi, hindi siya hinadlangan nitong maglingkod bilang elder sa kanyang kongregasyon. Kung sasapi siya sa mga Banal sa mga Huling Araw, hindi siya makapaglilingkod sa gayon ding katungkulan. Gayunman, binigyan ni Pangulong Smith si William ng basbas na nangangakong tataglayin niya ang priesthood balang-araw, kahit na sa kabilang-buhay pa ito. Naantig ng basbas si William at nagbigay sa kanya ng pag-asa. Nabinyagan siya sa Utah at hindi nagtagal ay umuwi na siya sa South Africa.13

Mula noon, sumamba si William sa Mowbray Branch ng Cape Towbray kasama ang mga puting miyembro. Sa branch, nagpatotoo siya at nanalangin. Tumulong din siya sa paglikom ng pera para sa isang bagong organo sa meetinghouse.14 Siya at si Clara, na sumapi sa Simbahan ilang taon matapos ang kanyang binyag, ay nagkaroon din ng espesyal na interes sa mga misyonero. Kadalasang naghahanda ng mga salu-salo ang mag-asawa upang malugod na tanggapin ang mga bagong misyonero, magpaalam sa mga pauwi nang elder, at magdiwang ng mga kaarawan at pista-opisyal. Upang matulungan ang mga kabataang lalaki na madama na tanggap ang mga ito sa kanyang tahanan, kung minsan ay pinatutugtog ni William ang pambansang awit ng Estados Unidos sa kanyang ponograpo o nag-oorganisa ng mga laro ng baseball.15

Ngunit hindi lahat ng nasa branch ay tumatanggap nang malugod. Nalaman kamakailan ni William na ilan sa mga miyembro ay ayaw tanggapin nang lubos ang kanyang pamilya. At naikuwento kay Pangulong Dalton ang tungkol sa mga bisita na tumigil sa pagpapakita ng interes sa Simbahan nang napansin nila na magkakahalo ang lahi sa kongregasyon sa Mowbray.16

Minsan, sinabi ni William kay Clara na iniisip niyang lisanin ang Simbahan. “Makinig ka,” sagot nito, “nakarating ka na sa Lunsod ng Salt Lake at nabinyagan.” Bakit ngayon mo pa ito isusuko?17

Ang mga salita ni Clara, pati na ang mga cottage meeting tuwing Lunes ng gabi, ay nagbigay sa kanya ng lakas na manatili sa relihiyon, sa kabila ng kanyang mga alalahanin. Sa gabing ito noong tagsibol ng 1930, matapos maghalinhinan sa pagbabasa ng Jesus the Christ ang mga Daniels at kanilang mga bisita, tinalakay nila ang Tagapagligtas na pinapayapa ang dagat na hinahampas ng mga along dulot ng bagyo.

Ipinaalala sa kanila ng talata na bumaling kay Cristo sa mga sandali ng pagsubok. Madalas na limitado ang kapangyarihan ng tao. Ngunit magagawa ni Cristo ang lahat gamit ang simpleng utos: “Pumayapa ka. Tumahimik ka!”18


Inulan ng yelo na sinlaki ng mga itlog ng mga kalapati ang tahanan ng Swiss-German Mission sa Basel, Switzerland, noong hapon ng ika-24 ng Hunyo 1930. Noong nakaraang linggo, nanatili sina John at Leah Widtsoe sa bahay, sinasanay ang mga mission president at kanilang mga asawa tungkol sa mga pangangailangan at responsibilidad ng mga misyonero. Bawat araw ay puno ng mahahabang pulong at nakakaengganyong mga talakayan tungkol sa Simbahan sa Europa. Ang ingay na dulot ng pag-ulan ng yelo ay bihirang nakagagambala sa kumperensya.19

Iyon ang panahon na labis na naging abala si Leah sa kanyang misyon. Siya ang namamahala sa pagsasanay sa mga asawa ng mga mission president upang tulungan ang mga Banal sa Europa na mag-organisa ng mga Relief Society, Young Ladies’ Mutual Improvement Association, at Primary sa kanilang mga district at branch. Dahil pinapayuhan ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal na manatili sa kanilang sariling bayan upang itayo ang Sion sa buong mundo, naniniwala si Leah na kailangan ng mga lokal na Banal na magkaroon ng pangunahing papel sa mga organisasyong ito.20 Sa ilang branch, ang mga misyonero ay naglilingkod bilang mga pangulo ng mga pinagsamang Mutual Improvement Association. Ngunit hiniling ni Leah na bawat branch ay magkaroon ng YLMIA na may isang lokal na pangulo, dalawang tagapayo, isang kalihim, at lahat ng katuwang na kakailanganin.

Bukod pa rito, ang asawa ng mission president ay hindi inaasahang personal na pangangasiwaan ang bawat organisasyon. Iisa lamang siyang babae at hindi niya magagawa nang epektibo ang lahat ng gawain. Sa katunayan, kung hindi siya nagtalaga ng mga responsibilidad sa mga lokal na lider, maaantala nang labis ang mga gawain sa mga organisasyon. Nais ni Leah na bigyang-inspirasyon ang mga mission leader at sanayin ang mga Banal sa Europa na maging mga lider mismo.21

Noong ika-27 ng Hunyo, nakipag-usap si Leah sa mga babae tungkol sa pangangailangan ng mas malakas na YLMIA sa Europa. Ang YLMIA ay nahahati sa dalawang programa, ang mga Bee-Hive Girls at Gleaner Girls. Ang Bee-Hive Girls ay isang tatlong taong programa na ngayon para sa sinumang dalagitang labing-apat na taong gulang pataas. Sa oras na matapos niya ang kanyang gawain sa Bee-Hive, ang dalagita ay sasapi sa Gleaner Girls, isang programang mas maluwag ang pagkakabalangkas na nilalayong ihanda siya sa pagtanda. Ang Bee-Hive Girls ay mayroon nang dalawang libong batang babae na nakikilahok sa Europa, at hinikayat ni Leah ang kababaihan na itaguyod ang programa sa lahat ng mga mission.22

Ibinalita rin niya na pinahintulutan siya kamakailan ng pangkalahatang pangulo ng YLMIA na si Ruth May Fox na lumikha ng isang edisyon ng hanbuk ng Bee-Hive Girls na para sa Europa. Layunin ng kasalukuyang manwal na palakasin ang mga kabataang babae sa pamamagitan ng iba’t ibang panloob at panglabas na aktibidad. Subalit ang ilan sa nilalaman ng aklat ay masyadong akma lamang sa mga kabataang babae sa Estados Unidos, kaya hindi ito naaangkop sa iba pang mga bahagi ng mundo. Inilahad ni Leah sa mga asawa ng mga mission president ang kanyang mga ideya para sa bagong hanbuk, at nagbigay sila ng payo kung paano iaangkop ang manwal upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataang babae sa Europa.23

Pagkatapos ng kumperensya, lumiham si Leah sa Unang Panguluhan tungkol sa kanyang gawain. “Nadarama ko na ang kaunting tagumpay ay maaaring iulat nang patas,” sabi niya. “Mas nadarama ng kababaihan sa bawat mission ang pangangailangan nilang umunlad at ang kanilang responsibilidad sa pagsusulong ng kanilang bahagi sa mga aktibidad sa Simbahan.”

Naunawaan niya na may puwang upang humusay pa. “Hindi pa natututuhan ng mga tao na suportahan ang isa’t isa na mga tinawag sa katungkulan,” isinulat niya. “Kailangan nilang matutuhan ito nang tulad sa tahanan.” Noong sumunod na taon, nagplano siyang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga lokal na opisyal at lider ng Simbahan.

“Araw-araw nitong nakaraang taon ay walang patid ang aking pagtatrabaho nang mahahabang oras,” dagdag pa niya. Pero hindi maihahambing ang saya ng pakiramdam niya. “Pakiramdam ko ay bumata ako at mas masayang babae kaysa noong dumating ako,” isinulat niya. “Dahil dito ay pinasasalamatan ko una, ang Ama sa Langit, at pagkatapos ay kayo, ating mga lider at kaibigan.”24


Noong taglagas na iyon, sa Tilsit, Germany, ang sampung taong gulang na si Helga Meiszus ay nabinyagan sa Ilog Memel. Malamig noon, ngunit maaliwalas ang kalangitan, puno ng mga nagniningning na bituin. Nang umahon si Helga mula sa tubig, halos hindi niya mapigilan ang kagalakang nadarama niya sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.25

Napakahalagang yugto iyon sa kanyang buhay. Nagpasiya siyang mag-aral sa isang bagong paaralan, at noong una ay nasabik siya sa pagbabago. Malapit sa bahay ang paaralan, at marami sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay ang naroon. Ngunit hindi nagtagal ay pinagsisihan niya ang kanyang desisyon. Ang kanyang guro, si Binibining Maul, ay tila hindi siya gusto.

Isang araw, pinagsumite si Helga ng papel sa paaralan na nagsasad ng kanyang personal na impormasyon. Nang binasa ni Binibining Maul ang papel, napaismid siya nang makita niya na si Helga ay isang Banal sa mga Huling Araw. Bagamat mas maraming miyembro ng Simbahan ang nakatira sa Germany kaysa sa iba pang bansa sa labas ng Estados Unidos, hindi sila gaanong kilala o pinakikitunguhan nang may paggalang.

“Hindi ito isang relihiyon,” sinabi ni Binibining Maul kay Helga. “Ito ay isang sekta, at masamang sekta pa!”26

Ang salitang “sekta” ay nakasakit kay Helga. Hindi siya sanay na kutyain dahil sa kanyang relihiyon, kung kaya umuwi siya at sinabi sa kanyang ina ang sinabi ni Binibining Maul. Naglabas lang ang kanyang ina ng isang pirasong papel at sumulat ng liham sa guro, ipinapaalala rito na wala itong pakialam kung anong simbahan ang sinalihan ni Helga at ng kanyang pamilya.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nagtungo si Binibining Maul sa klase kasama ang punong-guro. Tumayo ang lahat ng batang babae, at nilapitan ni Binibining Maul si Helga, na malapit ang upuan sa harapan ng silid-aralan.

“Naroon siya,” sabi nito, itinuturo ang isang daliri sa Helga. “Kabilang siya sa kahilahilakbot na sektang iyon.”

Tumayo roon nang ilang sandali ang punong-guro, nakatitig kay Helga na parang halimaw ito. Nanatiling nakataas ang noo ni Helga. Mahal niya ang kanyang relihiyon at hindi ito ikinahihiya.27

Pagkatapos niyon, marami sa mga kaibigan ni Helga ang hindi na nakikipaglaro sa kanya. Kapag naglalakad siya papunta o pauwi mula sa paaralan, kung minsan ay hinahigasan siya ng mga bato o dinuduraan siya ng mga estudyante. Minsan, nang makauwi na siya mula sa klase, natanto ni Helga na nalimutan niya ang kanyang pangginaw. Nagmamadali siyang bumalik sa paaralan at natagpuan ang kanyang pangginaw kung saan niya ito mismong iniwan. Ngunit nang kinuha niya ito, nakita niya na may suminga rito.28

Patuloy na inaapi ng kanyang mga kaklase si Helga, ngunit tuwing gagawin nila ito, tahimik siyang kumakanta ng isang awit na natutuhan niya sa simbahan, at nabibigyan siya nito ng lakas. Sa Ingles, ang pamagat nito ay “Ako ay Isang Batang Mormon [I Am a Mormon Boy],” ngunit ang salin nito sa wikang Aleman ay inangkop ito sa lahat ng mga batang Banal sa mga Huling Araw:

Isang batang Mormon, isang batang Mormon,

Ako ay isang batang Mormon;

Ako’y maaaring kainggitan ng isang hari,

Sapagka’t ako’y isang batang Mormon.29


Noong ika-30 ng Enero 1931, nakatayo si Evelyn Hodges at iba pang mga social worker ng Relief Society sa Lunsod ng Salt Lake sa may bintana ng ikalawang palapag ng Presiding Bishop’s Building, kung saan naroroon ang mga tanggapan ng Relief Society Social Service. Sa kalye sa ibaba, halos isang libo at limandaang raliyista ang nagmamartsa pahilaga patungo sa kapitolyo ng Utah upang hilingin sa lehislatura na tulungan ang dumaraming bilang ng mga walang trabaho sa estado.30

Habang nakamasid sa mga ralisyita, nagulat si Evelyn na hindi sila mukhang galit o militante. Bitbit nila ang dalawang watawat ng Amerika kasama ang mga karatula at bandila na naghihikayat sa iba pang mga manggagawa na sumama sa kanila. Marami sa mga raliyista ang kinakaladkad ang kanilang mga paa at nakayuko na pawang sumusuko na. Tila malungkot ang mga ito.31

Bago nagsimula ang mahihirap na panahon, ang karaniwang tinutulungan lamang ni Evelyn ay ang mga taong walang trabaho dahil sa mahinang kalusugan o kapansanan. Ngayon ay parami na nang parami ang nakikita niyang manggagawa na talagang hindi na makahanap ng trabaho. Ang ilan sa kanila ay magagaling na trabahador. Ang iba naman ay mga estudyante sa kolehiyo o mga nagtapos sa pamantasan. Marami sa kanila ang nawalan ng pagpapahalaga sa sarili at ayaw humingi ng tulong.32

Isang lalaki na kanyang nakausap ang nagtustos sa asawa at mga anak nito sa loob ng maraming taon. Nanirahan sila sa isang komportableng tahanan sa isang magandang lugar. Pero ngayo’y wala na siyang mahanap na trabaho, at nagiging desperado na ang kanyang pamilya. Umiiyak, inamin niya kay Evelyn na ang tanging pagkain na natira sa bahay ay harina at asin. Malinaw na masakit sa kanya na humingi ng salapi upang makatulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya, ngunit ano pa ang magagawa niya?33

Palaging ganito ang mga uri ng kaso na kinakaharap ni Evelyn. At habang lumalala ang lagay ng ekonomiya, hindi na kaya ng Relief Society na kumuha ng mahigit limang social worker nang sabay-sabay, at dahil dito ay natatambakan ng trabaho si Evelyn. Kadalasan, wala na siyang ibang magawa maliban sa mabilisang suriin ang sitwasyon ng isang tao bago sagutan ang isang papeles para magbigay ng mga pangunahing pagkain, tulong sa isang buwang renta, o kaunting uling para sa taglamig.34

Palagiang nakikipagpulong ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Louise Y. Robison at ang kanyang mga tagapayo sa Presiding Bishopric upang iorganisa ang mga gawain para sa kapakanan ng mga Banal. Gayundin, ang mga bishop at mga lider ng Relief Society ay nagtulungan upang matukoy ang mga naghihirap na tao sa kanilang ward at tustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Nag-isip din ang mga lokal na pamahalaan at ilang negosyo ng malikhaing mga paraan upang mapakain at makapagtrabaho ang mga manggagawa. Isang malaking kamalig na pinangangasiwaan ng county ang nagpapamigay ng libreng pagkain sa Lunsod ng Salt Lake. Lumikha ng mga pansamantalang trabaho ang pamahalaan ng lunsod, tulad ng pagpala ng niyebe o pagsisibak ng kahoy, upang mabigyan ng trabaho ang mahigit sampung libong lalaking walang trabaho.

Gayunpaman, mabilis na natanto ng mga lider ng Simbahan at komunidad na ang kanilang pinagsama-samang pagsisikap at mga mapagkukunang yaman ay hindi sapat upang harapin ang krisis sa ekonomiya.35

Hindi nagtagal ay natagpuan ni Evelyn ang kanyang sarili na nagtatrabaho nang mas mahahabang oras kasama si Amy Brown Lyman at ang iba pang mga social worker ng Relief Society. Kung minsan ay parang hindi natatapos ang mga araw. Ang mga karaniwang araw at katapusan ng linggo ay madalas na wala nang pinagkaiba. Dahil hindi maaring ipaalam kahit kanino ang mga talaan sa gawain panlipunan, sinikap ni Evelyn na sa opisina lamang asikasuhin ang mga kaso. Ngunit habang nadaragdagan ang kanyang mga responsibilidad, inuuwi na niya ang mga tala sa isang maleta upang makapagtrabaho siya tuwing Sabado ng hapon o Linggo.

Nakapapagod ang mga kahilingan sa propesyon ni Evelyn, at nagpapasama ito sa lagay ng kanyang kalusugan. Ngunit hindi niya malimutan ang malulungkot na mukha ng mga naaaping kalalakihan at kababaihan na nagmamartsa patungo sa kapitolyo ng estado. Karamihang hindi pinansin ng lehislatura ang kanilang mga pagsamo at tumutol magbigay ng mga benepisyo sa mga walang hanapbuhay. Ngayon, ang larawan ng kanilang kawalang-pag-asa at desperasyon ay nakatatak sa kanyang isipan. Gusto niyang umiyak tuwing naiisip niya ito.36

  1. “Large Class of Graduates at U.S.A.C.,” Journal (Logan, UT), May 25, 1929, 8; Lewis, Oral History Interview, 1–2.

  2. Lewis, Oral History Interview, 1–2, 25. Paksa: Relief Society

  3. Lewis, Oral History Interview, 2. Paksa: Amy Brown Lyman

  4. Lewis, Oral History Interview, 2–3.

  5. Lewis, Oral History Interview, 3; tingnan din, halimbawa sa, “Relief Society Social Service Department Report for January 1930,” [1]–[4], Presiding Bishopric General Files, 1872–1948, CHL.

  6. Ward Charity, [3]–6; Derr, “History of Social Services,” 40–41; Lewis, Oral History Interview, 3; Bell family entry, Relief Society Family Welfare Department Budget, Nov. 24, 1928, Presiding Bishopric General Files, 1872–1948, CHL. Mga Paksa: Bishop; Mga Welfare Program

  7. Lewis, Oral History Interview, 6; Payne, Crash!, 5, 83–84; Shlaes, Forgotten Man, 85–93, 101; Kennedy, Freedom from Fear, 56–58. Paksa: Great Depression

  8. Payne, Crash!, 84–85; Shlaes, Forgotten Man, 95–104; Kennedy, Freedom from Fear, 58–69.

  9. Bluth at Hinton, “Great Depression,” 481–85; Alexander, Utah, the Right Place, 310–11; Orval W. Adams to John A. Widtsoe, May 26, 1930, Widtsoe Family Papers, CHL; Lewis, Oral History Interview, 6; Heber J. Grant to Reed Smoot, Jan. 14, 1932, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL.

  10. Love Branch, Miscellaneous Minutes, May 19, 1930. Paksa: South Africa

  11. Mowbray Branch, Cottage Meeting Minutes, Apr. 25–Dec. 12, 1921; Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 49–50; Bickford-Smith, Ethnic Pride and Racial Prejudice in Victorian Cape Town, 210–11; Chidester, Religions of South Africa, 81–83; Adhikari, Not White Enough, Not Black Enough, 2–5. Paksa: Pagbubukod ng Lahi

  12. Wright, History of the South African Mission, 2:252–54; Philles Jacoba Elizabeth February Sampson entry, Cape Town Conference, South African Mission, blg. 153, sa South Africa (Country), bahagi 1, Record of Members Collection, CHL; tingnan din sa William P. Daniels, “My Testimony,” Cumorah’s Southern Messenger, Peb. 20, 1935, 9:28. Ang mga baybay ng pangalang “Phyllis Sampson” ay hindi magkakatulad sa mga talaan.

  13. Wright, History of the South African Mission, 2:252–55; Love Branch, Miscellaneous Minutes, Dec. 14, 1931; Okkers, Oral History Interview, 3–4. Mga Paksa: Joseph F. Smith; Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

  14. Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 50; Mowbray Branch, General Minutes, July 24, 1921–Jan. 1, 1928; Nicholas G. Smith, Diary, Nov. 5, 1920.

  15. Wright, History of the South African Mission, 2:253, 256; South Africa Mission, Manuscript History and Historical Reports, Jan. 4, 1923; Martin, Autobiography, Jan. 1, 1927; tingnan din, halimbawa sa, Love Branch, Miscellaneous Minutes, Feb. 20, 1929–Apr. 28, 1930; and Mowbray Branch, Cottage Meeting Minutes, Aug. 29, 1921.

  16. Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 49–50; Don M. Dalton to First Presidency, Apr. 11, 1930, First Presidency Mission Files, CHL.

  17. Okkers, Oral History Interview, 4.

  18. Love Branch, Miscellaneous Minutes, May 19, 1930; Talmage, Jesus the Christ, 308–9.

  19. Widtsoe, Diary, June 18–24, 1930; “Conference on Womans Activity in European Missions,” June 18–24, 1930, 1–2, Susa Young Gates Papers, CHL; European Mission Presidents Conference, June 18–24, 1930.

  20. Leah D. Widtsoe to Anna W. Wallace and Eudora Widtsoe, Apr. 8, 1930, Widtsoe Family Papers, CHL; “Conference on Womans Activity in European Missions,” June 25–28, 1930, 2–7, Susa Young Gates Papers, CHL; Presiding Bishopric, Office Journal, Sept. 3, 1929, 244. Paksa: Ang Pagtitipon ng Israel

  21. Conference on Womans Activity in European Missions,” June 28, 1930, 8–11, Susa Young Gates Papers, CHL; tingnan din, halimbawa sa, German-Austrian Mission, General Minutes, May 1930, 130.

  22. “Conference on Womans Activity in European Missions,” June 27, 1930, 3, 13, Susa Young Gates Papers, CHL; European Mission Relief Society Presidents’ Conference, Minutes, [Aug. 21], 1929, 28–29; Eudora Widtsoe, “The Bee-Hive Girl,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Abr. 3, 1930, 92:273. Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women

  23. “Conference on Womans Activity in European Missions,” June 27, 1930, 3, 12–13, Susa Young Gates Papers, CHL; Hand Book for the Bee-Hive Girls of the Y. L. M. I. A. [ika-10 ed.], 9; Handbook for the Bee-Hive Girls of the Young Ladies’ Mutual Improvement Association, [5]; Leah D. Widtsoe to First Presidency, Sept. 16, 1933, First Presidency Mission Files, CHL.

  24. Leah D. Widtsoe to First Presidency, Oct. 8, 1930, First Presidency Mission Files, CHL.

  25. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 36; German-Austrian Mission, General Minutes, Sept. 1930, 143.

  26. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 32, 34; Scharffs, Mormonism in Germany, xiv, tala 1; Naujoks at Eldredge, Shades of Gray, 30. Paksa: Germany

  27. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 34.

  28. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 34–36.

  29. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 34; tingnan din sa Evan Stephens, “The ‘Mormon’ Boy,” Deseret Sunday School Songs, blg. 269.

  30. Lewis, Oral History Interview, 8; “Unemployed Plan to Ask State Aid,” Salt Lake Tribune, Ene. 29, 1931, 9; “Idle Workers March upon Utah Capitol,” Salt Lake Tribune, Ene. 31, 1931, 7. Paksa: Punong Tanggapan ng Simbahan

  31. Lewis, Oral History Interview, 8; “Unemployed March on Utah Capitol,” Salt Lake Telegram, Ene. 30, 1931, 8B; Alexander, Utah, the Right Place, 312.

  32. Derr, “History of Social Services,” 42; Lewis, Oral History Interview, 7, 15.

  33. Lewis, Oral History Interview, 16.

  34. Derr, “History of Social Services,” 39; Lewis, Oral History Interview, 6–8, 15–16; Presiding Bishopric to Louise Y. Robison, Feb. 4, 1930; Amy Brown Lyman to Presiding Bishopric, Mar. 5, 1930; Presiding Bishopric to Amy Brown Lyman, [Mar. 1930], Presiding Bishopric General Files, 1872–1948, CHL; Hall, Faded Legacy, 112–13.

  35. Relief Society, Minutes of Meetings with the Presiding Bishopric, Jan.–Dec. 1930; May 24, 1932; Nov. 2, 1932; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 251; Hall, Faded Legacy, 113; Bluth and Hinton, “Great Depression,” 484–85. Mga Paksa: Great Depression; Mga Welfare Program

  36. Lewis, Oral History Interview, 8–9; Bluth at Hinton, “Great Depression,” 484.