Kabanata 7
Mga Anak ng Parehong Diyos
Noong unang bahagi ng Oktubre 1963, naghanda ang lokal na sangay ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP) para magsagawa ng mapayapang protesta sa harap ng Temple Square sa gitna ng pangkalahatang kumperensya. Dahil ibinalita na sa mga pahayagan sa kabuuan ng Estados Unidos ang palapit na protesta, umaasa ang mga nag-organisa na mahihikayat nito ang mga lider ng Simbahan na linawin ng mga ito ang kanilang posisyon ukol sa karapatang pantao.
Bagamat ineendorso ng pahayagan ng Simbahan na Deseret News ang dahan-dahang muling pagsasama ng mga lahi noong 1956, mabagal pa rin sa Utah, kung ihahambing sa ibang estado, ang pagpasa ng mga batas ukol sa karapatang sibil. Umaasa ang NAACP na isang matapang na mensahe mula sa Simbahan ay mag-iimpluwensya sa mga mambabatas na tiyakin ang pantay na proteksyon at oportunidad para sa lahat ng tao sa estado.
Ang protesta ay isa lamang sa marami noong panahong iyon sa Estados Unidos. Noong unang bahagi ng taon, ang pangulo ng U.S. na si John F. Kennedy ay nagmungkahi ng isang batas para sa karapatang sibil na magbibigay-proteksyon sa mga Aprikanong Amerikano at iba pang lahi (hindi puti) laban sa diskriminasyon. Makalipas ang ilang buwan, tumulong ang NAACP na mag-organisa ng isang malakihang protesta sa Washington, DC upang tutulan ang kawalang pagkakapantay-pantay sa lipunan at ekonomiya sa Estados Unidos. Natapos ang martsa sa isang nakakaantig na mensahe mula kay Dr. Martin Luther King Jr., isang kilalang lider ng karapatang sibil, na nagbigay-inspirasyon sa maraming tao na labanan ang kawalan ng hustisya dahil sa kulay ng balat.
Matapos malaman ang tungkol sa protesta sa Temple Square, si Sterling McMurrin, isang propesor ng pilosopiya sa University of Utah, ay nakipag-usap sa mga lider ng NAACP sa Lunsod ng Salt Lake para makipagpulong sila kay Hugh B. Brown ng Unang Panguluan.
Noong gabi ng ika-3 ng Oktubre, malugod na tinanggap ni Pangulong Brown si Albert Fritz, ang pangulo ng lokal na sangay ng NAACP, at iba pang mga nag-organisa ng mga protesta sa Church Administration Building. Si N. Eldon Tanner, na hinirang na noong araw na iyon para palitan si Henry D. Moyle sa Unang Panguluhan, ay sumama rin sa kanila.
Sa mismong pulong, tinanong ng mga nag-organisa kung layon ba ng Simbahan na magsalita para magbigay ng suporta sa karapatang sibil.
“Gaya ng alam ninyo,” sabi ni Pangulong Brown, “hindi nakikialam ang Simbahan sa pulitika.” Noon pa man ay wala na itong kinikilingan sa usaping pulitikal.
Pagkatapos ay tinukoy ng mga nag-organisa na madalas magsalita ang Simbahan ukol sa mga isyung may kinalaman sa moralidad. At ikinatwiran nila na ang karapatang sibil ay isyung may kinalaman sa moralidad.
Sumang-ayon sa kanila si Pangulong Brown, subalit ni siya o si Pangulong Tanner ay inisip na kailangan pa ang isang publikong protesta. Nangako silang kakausapin si Pangulong McKay tungkol sa paglabas ng Simbahan ng mensahe hinggil sa karapatang sibil.
Matapos ang pulong, hiniling nina Pangulong Brown at Pangulong Tanner kay Sterling McMurrin na tulungan silang maghanda ng mensahe para sa pag-apruba ni Pangulong McKay. Samantala, hinimok ni Albert Fitz ang mga miyembro ng NAACP na huwag munang mag-protesta at bigyan ng oras ang Simbahan na maglabas ng mensahe. Nakagawa na ng karatula para sa protesta ang ilan sa mga kasali, ngunit pumayag silang maghintay ng kahit isang linggo.
Noong Sabado, ika-5 ng Oktubre, ipinaalam ni Pangulong Brown sa NAACP na inaprubahan na ni Pangulong McKay ang isang mensahe, na binasa ni Pangulong Brown sa pangkalahatang kumperensya kinabukasan ng umaga.
“Sa Simbahang ito ay walang doktrina, paniniwala, o pagsasabuhay na layong ipagkait ang pagtamasa ng buong karapatang sibil ng sinumang tao anuman ang kanyang lahi, kulay, o paniniwala,” ipinahayag nito. “Naniniwala kami na lahat ng tao ay anak ng parehong Diyos, at isang moral na kasamaan para sa sinumang tao o grupo ng mga tao na ipagkait sa sinuman ang karapatang magkaroon ng maayos na hanapbuhay, lubos na karapatang makapag-aral, at ng bawat pribilehiyo ng pagiging mamamayan.”
“Nananawagan kami sa lahat ng tao sa lahat ng dako, sa loob man o sa labas ng Simbahan na ilaan ang kanilang sarili sa pagpapatupad ng lubos na pantay na karapatang sibil para sa lahat ng anak ng Diyos,” pagpapatuloy nito. “Anumang hindi lubos na pagsasagawa nito ay nagtatatwa sa aming mataas na pamantayan ng kapatiran ng lahat ng tao.”
Naging ulo ng pahayagan ang mensahe sa Lunsod ng Salt Lake at sa iba pang dako. Gaya ng hiling ni Albert Fritz, hindi nagdaos ng anumang mga protesta ang NAACP noong kabuuan ng kumperensya. Umaasa siyang magiging magka-alyado ang kanyang organisasyon at ang Simbahan.
“Kung matiwasay tayong lahat na magtatrabaho,” sabi niya, “magkakaroon tayo ng mas magandang estado.”
Sa kabuuan ng 1963, madalas na naglalakbay si Hélio da Rocha Camargo sa Brazil. Agad siyang tumanggap ng Melchizedek Priesthood matapos ang paglalakbay ni Elder Spencer W. Kimball sa Timog Amerika noong 1959, at ngayon ay naglilingkod siya bilang tagapayo sa panguluhan ng Brazilian Mission. Sa mabilis na paglago ng Simbahan sa maraming panig ng bansa, kinailangan sa kayang tungkulin na makipagpulong sa mga Banal sa mga malalayong lunsod gaya ng Rio de Janeiro, Belo Horizonte, Recife, at Brasília, ang bagong tatag na kabisera ng Brazil.
Noong nakaraang apat na taon, mahigit tatlumput-limang libong tao ang sumapi sa Simbahan sa Timog Amerika. Noong 1961 ang unang stake sa Simbahan na gumagamit ng wikang Espanyol ay inorganisa sa Lunsod ng Mexico. Kasabay nito, higit pa sa doble ang idinami ng bilang ng mga mission sa Timog Amerika. Ngayon ay mayroon nang dalawang mission sa Brazil, dalawa sa Argentina, isa sa Uruguay, isa sa Chile, at isa na sumasakop sa Peru at Bolivia.
Sa bawat isa sa mga mission na ito, ang layon ay ipalaganap sa malawak na lugar ang ebanghelyo, tulungan ang mga Banal na mamuhay nang may pananampalataya, at organisahin ang mga unang stake sa Timog Amerika. Ang pag-organisa sa mga stake na ito ay magbibigay sa mga miyembro ng karagdagang awtoridad na mamuno at maglingkod sa Simbahan, na nag-aalis sa pangangailangan sa mga lider mula sa ibayong lugar.
Si Wayne Beck, ang pangulo ng Brazilian Mission, at kanyang sinundan na si Grant Bangerter, ay kapwa naniniwala na ang pinakamainam na paraan para ihanda ang mga Banal sa responsibilidad sa mga stake ay italaga at turuan ang mga lokal na lider ng Simbahan. Ang karanasan ni Hélio bilang ministrong Methodist ay tamang-tama para maging lider ng Simbahan, at agad siyang hinirang ni Pangulong Bangerter sa ilang responsibilidad.
Ang isa sa mga unang paghirang sa kanya bilang lider ay ang maglingkod bilang tagapayo sa panguluhan ng district kasama ang dalawa pang Banal na Brazilian. Noong una ay hindi siya pamilyar sa kanyang mga bagong tungkulin, at matapos mahirapang maunawaan ang mga layon nito, kinausap niya si Pangulong Bangerter. “Wala po akong nagagawang may katuturan dito,” sabi niya.
“Ano ang nais mong gawin ko?” tanong ng pangulo.
“Nais ko pong bumalik sa aking branch at maging guro,” sagot ni Hélio. “Maaari po akong maging isang mabuting guro.”
Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Pangulong Bangerter na napakahalaga ng mga lokal na Banal sa paglago ng Simbahan sa kanilang bansa. Bilang miyembro ng panguluhan ng district, mahalaga ang papel ni Hélio sa paghirang at pagtuturo sa mga lokal na lider at guro ng Simbahan.
“Ngayon na ang panahon kung kailan tinatawag ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod para sa pag-oorganisa ng Kanyang makapangyarihang gawain sa Timog Amerika,” sabi ng pangulo. “Ang ilan ay hinirang upang balikatin ang responsibilidad, at naiatas iyon sa inyo.”
Biglang nag-iba ang tingin ni Hélio sa pamumuno sa simbahan. Sa loob ng ilang linggo, siya at ang ilang miyembro ng panguluhan ng district ay marami nang nagagawang trabaho.
Pagkatapos noon, tinuruan ni Hélio ang maraming lokal na lider—isang responsibilidad na nagpatuloy matapos mahirang sa panguluhan ng mission. Bilang tagapayo kapwa kina Pangulong Bangerter at Pangulong Beck, tinulungan niya ang kanyang mga kapwa Banal na pataasin ang kalidad ng kanilang mga sacrament meeting, hinikayat ang kanilang partisipasyon sa mga proyekto ng Simbahan sa pagtayo ng mga gusali, at nagsikap na patibayin ang mga branch. Ngayon, saanman malakas na ang Simbahan sa mission, ang mga branch at distrito ay umiiral bilang mga ward at stake. Kung kinakailangan ang binyag o kumpirmasyon, isang Brazilian na maytaglay ng priesthood ang nagsasagawa nito.
Ang kabiyak ni Hélio na si Nair ay naglingkod bilang tagapayo sa organisasyon ng Primary sa mission, kung saan nagsisikap siyang ihanda ang mga Banal para sa pamumuno sa stake. Sa pagsunod sa pamantayan ng buong Simbahan sa mga stake, nagdaos ng taunang kumperensya ang panguluhan para sa mga lider at guro ng Primary. Sa kanyang mga aralin sa kababaihan, nagbigay ng mga mungkahi si Nair sa pagtuturo ng maliliit na bata, pagpapataas ng bilang ng dumadalo sa Primary, at paggamit ng kurikulum na mayroon na at mga larawan para sa pagtuturo.
“Hinihiling natin sa Diyos na pagpalain ang lahat ng gawaing ginawa ninyo para sa mga bata,” sinabi niya sa mga manggagawa ng Primary noong 1963, “at nawa ay Kanyang dagdagan ang ating pananampalataya at ang ating pagnanais na mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, inilalaan ang ating mga sarili nang buong sigla at katapatan sa gawaing ipinagkatiwala Niya sa atin.”
Sa kanyang gawain sa panguluhan ng mission, pinalakas ni Hélio ang kanyang paghirang nang may katulad na sidhi gaya noong isa pa siyang ministro. Minsan niyang sinabi kay Pangulong Bangerter na ang totoong pagkadisipulo ay nangangailangan ng lubos na kabanalan at katapatan para sa dakilang layunin ni Cristo.
“Kahit sinong mabuting Methodist ay alam ito,” sabi ni Hélio. At naniniwala siyang dapat maunawaan din ito ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Bago matapos ang taong 1963, hindi mapakali ang apatnapu’t-apat na taong gulang na si Walt Macey. Bilang kasosyo sa tatlong tindahan ng pagkain sa Lunsod ng Salt Lake, hindi niya tiyak kung dapat niyang panatilihing bukas ang mga tindahan niya sa araw ng Linggo. Habang lumalaki siya ay itinuro sa kanya na ang araw ng Sabbath ay sagradong araw ng pahinga. Subalit kailan lamang ay napapansin niyang maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang namimili sa araw ng Sabbath gaya ng ibang tao.
Kahit saan siya tumingin, nakikita niya ang mga kainan, gasolinahan, at mga tindahang bukas sa araw ng Linggo. At ang kanyang matagal nang kasosyong si Dale Jones ay naniniwalang dapat manatiling bukas ang kanilang tindahan. Mabili sila tuwing Linggo, at tinanggap ni Walt ang katwiran na ang pananatiling bukas ay makakatulong sa mga pamilya na kailangang mamili sa araw na walang trabaho. Iilan lamang ang mga pamilya na may dalawang kotse, at dahil karaniwang dala ng mga lalaki ang sasakyan papuntang trabaho sa araw na may pasok, mahalaga ang Linggo bilang araw ng pamimili.
Hindi talaga naging komportable si Walt na magbukas ng tindahan sa araw ng Sabbath. Namimighati siya sa ideya na pinipigilan niya ang mga kabataang namamasukan sa kanya na makadalo sa kanilang mga pangrelihiyong pagtitipon. Ilang taon na ang nakalipas, sinabi niya kay Dale na pagpapalain ang kanilang negosyo kung sarado ito sa araw ng Linggo. Hindi sumang-ayon si Dale. “Hindi tayo magsasara,” sabi nito, tinatapos na ang usapan.
Subalit kamakailan lang, nang makakuwentuhan niya si Joseph Fielding Smith, ang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, may bumagabag kay Walt. Si Pangulong Smith at asawa nitong si Jessie ay mga suki sa kanilang tindahan sa kanlurang bahagi ng Lunsod ng Salt Lake. Isang araw, lumapit si Pangulong Smith sa pwesto ng mga itinitindang karne kung saan nagtatrabaho si Walt.
“Brother Macey,” sabi nito, “Nais kong alisin ang karatulang iyan sa bintana.” Maraming karatulang nakasabit sa bintana, kaya tinanong ni Walt kung ano ang tinutukoy nito.
“Ang karatulang ‘Bukas Kami sa Linggo’,” sabi ni Pangulong Smith. Sinabi nito kay Walt na mas nais niyang mamili sa mga tindahan na nagsasara tuwing Linggo bilang paggalang sa araw ng Sabbath . Pagkatapos ay tumalikod siya at lumakad palayo. Hindi na siya nakita ni Walt sa tindahan mula noon.
Mahigit kalahating siglo nang apostol si Pangulong Smith. Noong panahong iyon, nasaksihan niyang bumababa ang antas ng respeto sa araw ng Sabbath mula sa mga Kristiyano sa buong mundo. Habang kinikilala na may mga katanggap-tanggap na dahilan sa pagtatrabaho ng araw ng Sabbath, siya at iba pang mga lider ng Simbahan ay nag-aalala na ang araw ng Linggo ay magiging isa lamang araw pa para sa paglilibang at negosyo. Paulit-ulit nilang sinasabi ang kanilang opinyon laban sa paggamit ng araw ng Sabbath para sa mga aktibidad sa isports, panonood ng sine, pamimili, at iba pang mga bagay na maaaring gawin sa ibang araw. Higit pa sa sinumang apostol noong panahon niya, nakiusap si Joseph Fielding Smith sa mga Banal na panatilihing sagrado ang araw ng Panginoon.
“Dapat nating wakasan ang pagsuway sa araw ng Sabbath,” idineklara niya sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1957. “Ipinapangako ko sa inyo na kung pananatilihin ninyong banal ang araw ng Sabbath, kayo na mga nagbubukas ng tindahan sa araw ng Sabbath, kung magsasara kayo at gagawin ang mga tungkulin na ibinigay sa inyo ng Diyos, at tinupad ang Kanyang mga kautusan, gaganda ang inyong buhay.”
Makalipas ang dalawang taon, itinuro ng Unang Panguluhan ang parehong alituntunin, nanawagan sa mga Banal na huwag mamili kapag Linggo.
Matapos niyang makipag-usap kay Pangulong Smith, naging desidido si Walt na magbago. Dumating sa kanya ang pahiwatig na hindi niya ginagawa ang alam niyang tama.
Muli, kinausap niya si Dale tungkol sa pagsasara ng mga tindahan tuwing Linggo, at tumutol si Dale na pag-isipan man lang ito. “Kung gayon,” sabi ni Walt, “dahil napakahalaga nito sa akin, mainam na sigurong wakasan natin ang pagiging magkasosyo natin.”
Makalipas ang isang buwan, pumayag si Dale na buwagin ang kanilang sosyo. Kukunin niya ang dalawa sa mga tindahan at kay Walt naman ang isa. Nagpasya si Walt na muling buksan ang kanyang tindahan sa ilalim ng bagong pangalan: Macey’s.
Hindi nagtagal, inanunsyo ng Deseret News na sarado ang Macey’s tuwing Linggo. Noong gabing iyon ng 11:15, tumanggap ng tawag si Walt sa kanyang tahanan. Si Sister Smith ang nasa kabilang linya. “Nais ka sanang kausapin ng pangulo,” sabi nito.
Nagsalita si Pangulong Smith sa linya. “Brother Macey,” sabi nito, “nabasa ko sa panggabing pahayagan na isinara mo ang iyong tindahan sa araw ng Sabbath. Babalik ako.”
Hindi nagtagal, napansin ni Walt na namimili si Pangulong Smith sa tindahan.
Noong simula ng 1964, si Belle Spafford ay nasa kanyang ikalabinsyam na taon bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Mayroong 262,002 miyembro ang organisasyon sa buong mundo, kung saan ang kababaihan sa mahigit anim na libong Relief Society sa mga ward at branch ay palagiang nagpupulong upang matuto mula sa bawat isa at magbigay ng mahabaging paglilingkod. Naglikom at pinamamahalaan ng Relief Society ang sarili nitong pondo upang pairalin ang maraming programa, aktibidad, at mga inisyatiba, kabilang na ang Relief Society Magazine, na hindi magtatagal ay ipagdiriwang ang limampung taon ng pagkakalathala nito.
Lubos na ipinagmamalaki ni Pangulong Spafford ang kanyang mga kapatid sa Relief Society. “Sa panahon kung kailan nakikilahok ang mga babae sa maraming aktibidad at kung kailan mataas na bilang nila ang may hanapbuhay, nakapagpapalakas ng loob na tumaas ang karaniwang bilang ng dumadalo sa mga palagiang pulong ng society,” ang binanggit niya kailan lamang sa taunang kumperensya ng organisasyon. “Nagpapasalamat kami sa inyong katapatan sa Relief Society at sa pagkamatuwid ng inyong buhay.”
Sa pagsisimula ng bagong taon, si Pangulong Spafford at kanyang mga tagapayo, sina Marianne Sharp at Louise Madsen, ay may mga paglalakbay na gagawin sa loob ng maraming buwan.
Sa ilalim ng programang correlation, ang pangkalahatang panguluhan ng Relief Society at lupon nito ay binibisita ang mga kumperensya ng stake sa unang bahagi ng taon upang turuan ang mga lokal na lider ng Relief Society at magsalita sa mga panguluhan ng stake, mga high council, bishopric, at iba pang mga lider ng stake at ward. Ang pagdalo sa mga kumperensyang ito ay nagbigay sa kanila ng mga bagong pagkakataon na turuan ang mga lider ng priesthood ukol sa gawain ng Relief Society.
Habang nag-oorganisa ang Simbahan ng mas maraming stake sa labas ng Estados Unidos, naging mas madalas din ang paglalakbay ng panguluhan sa iba’t ibang bansa. Kailan lamang ay nagturo sila sa mga stake sa Australia, New Zealand, at Samoa, at binisita nila ang mga Banal sa Europa noong tagsibol.
Habang binibisita ang mga kumperensya ng stake sa buong mundo, inilahad ni Pangulong Spafford at kanyang mga lupon ang Ang Paggising [The Awakening], isang maikling pelikulang nagpapakita ng kahalagahan ng Relief Society. Ang maiikling pelikula ay nagiging popular na kasangkapan sa edukasyon sa loob at labas ng Simbahan, karaniwang dahil ang mga ito ay mura at madaling gamitin. Sa pamamagitan ng isang serye ng mga imaheng ipinapakita sa tabing, inilalahad ng Ang Paggising ang kathang kuwento ni Mary Smith, isang miyembro ng Simbahan kung saan ang nagmamaliw na paniniwala ay muling nabuhay sa pamamagitan ng Relief Society at mga personal na pagbisita mula sa mga miyembro ng ward. Sa mga huling eksena ng maikling pelikula, bumalik si Mary at kanyang pamilya sa Simbahan at naghahandang maibuklod sa templo.
Sa loob ng ilang taon, karaniwang inaaprubahan ni Pangulong Spafford at kanyang mga tagapayo ang mga materyal sa pagtuturo sa Relief Society. Ang Paggising, halimbawa, ay isinulat at binuo ng mga miyembro ng Relief Society ng Butler Stake ng Salt Lake bago ito ginamit ng pangkalahatang panguluhan ng Relief Society bilang bahagi ng kanilang pagtatanghal sa mga stake.
Subalit kamakailan lamang, ang responsibilidad ng pagbuo ng kurikulum para sa mga organisasyon ng Simbahan ay ibinigay kay Elder Harold B. Lee at ang bagong buong All-Church Coordinating Council. Habang hindi pa ginagamit ng Relief Society ang mga araling na-correlate, nagsimulang hilingin ng komite na lahat ng mga organisasyon ng Simbahan ay magpasa ng mga balangkas para sa mga aralin at iba pang materyales upang maaprubahan. Sinuportahan ni Pangulong Spafford ang pagbabagong ito, at bilang miyembro ng coordinating council, nakilahok siya sa proseso ng pag-correlate ng mga aralin ng Simbahan.
Noong ika-24 ng Hunyo 1964, dinala ng kanyang mga paglalakbay si Pangulong Spafford sa silangang Estados Unidos para sa “Relief Society Day” sa New York World’s Fair. Katulad ng 1893 Columbian Exposition, nakita ng Simbahan ang eksibit bilang pagkakataon para ibahagi ang mensahe nito sa mundo. Nagtayo ito ng malaking bulwagan ng eksibit na idinisenyo bilang kahawig ng Salt Lake Temple at nagbigay ng iba-ibang pagtatanghal ukol sa Tagapagligtas at Kanyang ebanghelyo, kabilang na ang kilalang labinlimang minutong pelikula na nangngangalang Man’s Search for Happiness [Paghahanap ng Tao sa Kaligayahan], na nagtuturo sa mga bisita ukol sa plano ng kaligayahan.
Inorganisa ang Relief Society Day upang ipakita ang mga nagawa ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Ang pinakatampok ng araw na iyon ay isang koro ng “mga umaawit na ina” mula sa mga Relief Society ng mga stake sa New York at iba pang lunsod. Umakit ng napakaraming manonood ang kanilang pagtatanghal, at inisip ni Pangulong Spafford na mas gumagaling pa ang konsiyerto sa bawat kasunod na pagtatanghal. Maingay ang eksibit, subalit habang magkakasamang inaawit ng mga babae ang mga himno at iba pang sagradong musika, lahat ng gulo ay tila naglaho. Para kay Pangulong Spafford, tila umaawit ang mga anghel kasama niya.
Pagkatapos, may mamamahayag na nagtanong kung bakit walang koro ng “mga umaawit na ama.”
“Kasi,” sagot niya, “isa kaming organisasyon ng kababaihan.”
Noong panahong ito, naupo si Giuseppa Oliva sa isang halos tapos nang meetinghouse sa Quilmes, Argentina. Iyon ang unang kapilya sa bansa na ginawa ng mga misyonero sa programa sa pagtatayo ng Simbahan, at ang mga Banal na dumalo sa kumperensya ng district noong umagang iyon ay nasasabik sa pagtatapos ng gusali. Gaya ng maraming meetinghouse sa buong mundo, kinakatawan nito ang ilang taon ng tapat na paglilingkod at sakripisyo ng mga Banal na nagtipon doon.
Mula sa isla ng Sicily sa Italya sina Giuseppa at kanyang asawang si Renato. Gaya ng maraming Italyano, lumipat sila sa Argentina matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang humanap ng mas magandang trabaho. Bagamat mahirap ang makibagay sa bagong bansa, kultura, at wika, nakapagtaguyod sila ng tahanan para sa kanilang limang anak sa Timog Amerika. Pitong taon matapos lisanin ang Sicily, may nakilala si Giuseppa na ilang misyonerong Banal sa mga Huling Araw at siya at dalawang anak niyang babae ay agad na niyakap ang mensahe ng mga ito. Mula noon, nagpakasal ang parehong anak niya sa mga binata mula sa Simbahan.
Subalit balisa si Giuseppa habang nakaupo siya noong kumperensya. Isang krisis sa ekonomiya ang pumipilay sa bansa. Ang kinakailangang gastos para mabuhay sa Argentina ay tumataas ng 20 porsyento kada taon, at maraming tao ang nawawalan ng trabaho dahil nahihirapan ang mga negosyong bayaran ang suweldo ng mga tauhan nito. Sa harap ng napakaraming pangamba sa ekonomoya, si Renato, isang manghahabi ng basket, ay bumalik sa Sicily, at nais niyang sumama sa kanya doon ang pamilya niya.
Gayunman, bantulot umalis si Giuseppa. Sa loob ng limang taon mula nang bumisita si Elder Spencer W. Kimball sa Argentina, lumobo ang dami ng mga miyembro ng Simbahan sa mahigit walong libo. Malalakas ang mga branch nito, at nagawa ng mga ikapu ng mga tapat na Banal na makatayo sa sariling paa ang Argentine Mission sa unang pagkakataon sa kasaysayan. Tumataas ang bilang ng mga nabinyagan, pinapalakas ang mga kongregasyon gaya ng sinalihan ni Giuseppa.
Sa kabilang banda, ang Italya ay wala ni isang branch ng Simbahan. Kung pipiliin ni Giuseppa na samahan si Renato doon, mapipilitan siyang isuko ang mga pagpapala ng palagiang pagdalo sa Simbahan. At dahil hindi miyembro ng Simbahan si Renato, hindi nito maisasagawa sa kanya ang sakramento o iba pang ordenansa ng priesthood.
Nang matapos ang pang-umagang kumperensya ng district, nilapitan ni Giuseppa si Arthur Strong, ang pangulo ng Argentine Mission, at sinabi rito ang kanyang suliranin. Sabi niya ay nais niyang manatili sa Argentina kasama ang mga anak niyang babae, ngunit nadarama rin niya na kailangan niyang makasama ang asawa niya sa Europa.
Nakinig si Pangulong Strong at pagkatapos ay iminungkahing bumalik siya sa Italya. “Iyon ang lugar kung saan ka nabibilang,” sabi nito.
“Ano po ang dapat kong gawin sa Simbahan?” tanong ni Giuseppa.
“Lalago ang Simbahan sa iyong sariling lunsod,” pangako niya. “Hindi mo kailangang alalahanin ito.”
Nag-alinlangan si Giuseppa. Posible ba talaga ang ganoong bagay? Subalit pinili niyang magtiwala sa Panginoon at bumalik sa Italya. Kunsabagay, hindi pa siya nagkamali sa pagpapasiya dahil sa kanyang pananampalataya.
Noong Hunyo 1964, napansin ng labinwalong taong gulang na si Darius Gray na isang bagong pamilya ang lumipat sa lugar nila. Habang dinadaanan niya ang bahay nila sa kanyang paglalakad, napansin niya ang isang grupo ng mga batang naglalaro sa labas.
“Kami ang mga Felix,” sabi ng isa sa kanila. “Mga Mormon kami!”
Si Darius, isang Aprikanong Amerikano, ay lumaki na nagsisimba sa iba-ibang simbahan kasama ang kanyang mga magulang, kabilang na ang ilang simbahang mas maraming kasaping Itim. Dahil sainteres sa relihiyon, pinag-aralan niya ang Katolisismo, Judaism, Islam, at ang Pananampalatayang Baha’i. Subalit nakatira man siya sa Colorado, isang estadong katabi ng Utah, kakaunti lamang ang alam niya tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. At natitiyak niyang wala pa siyang nakikilala ni isang miyembro nito.
Noong mga sumunod na ilang buwan, nakilala niya ang bagong pamilya. Si John Felix ay gumagamit ng ham radio at nagturo ng Morse code kay Darius. Si Barbara na asawa ni John ay mas interesadong ibahagi ang kanyang relihiyon. Binigyan siya at mga anak nito ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Bantulot siyang tanggapin ito, ngunit nasisiyahan siya sa mga libro at kalaunan ay nagsimulang magbasa nito.
Nangusap sa kanyang kaluluwa ang mga salita ng Aklat ni Mormon, at inanyayahan niya ang mga misyonero na bisitahin siya. Ilang taon na ang nakakaraan mula nang pumanaw ang kanyang ama, kung kaya ang naroon lang sa bahay ay sila lamang ng kanyang inang si Elsie. Isa itong debotong Kristiyano na laging bukas sa pakikipag-usap sa mga tao mula sa ibang relihiyon. Hindi inisip ni Darius na tututol ang kanyang ina na dumalaw ang mga misyonero.
Subalit hanggamng sa matapos ang pagbisita, nanatili ito sa silid nito. At nang umalis na ang mga binata, tinawag niya si Darius.
“Ayokong narito ang dalawang itim na binatang iyon,” sabi niya.
“Bakit naman po?” tanong ni Darius.
“Pamamahay ko ito,” sabi niya, “at ayokong narito sila.”
Batid ni Darius na makabubuting huwag na itong tanungin pa, ngunit mahirap bitawan ang paksa. Nang sa wakas ay muli niyang tanungin ang ina kung bakit ito tutol sa mga misyonero, ipinaliwanag nito na minsan ay may dalawang misyonerong Banal sa mga Huling Araw na dumalaw sa bahay nito. Sandali pa lamang sila sa loob ng bahay nang tinanong ng isa sa mga misyonero kung isa siyang Itim.
“Oo naman,” sagot niya.
Pagkatapos ay umalis ang dalawang misyonero nang walang paliwanag, at mula noon, nagkaroon na siya ng negatibong tingin sa Simbahan.
Nabahala si Darius sa kuwento. Naniniwala siya sa kanyang ina, ngunit inisip din niya na baka hindi naman karaniwang nangyayari ang naging negatibong karanasan nito.
Patuloy na nag-aral si Darius kasama ng mga misyonero, at hindi nagtagal ay nagdesisyon siyang sumapi sa Simbahan. Subalit isang araw bago ang kanyang binyag, tinanong niya ang mga misyonero ukol sa turo ng Simbahan pagdating sa lahi. Inisip niya kung paano ito maiaangkop sa sitwasyon niya.
Sa loob ng ilang saglit, tahimik ang lahat. Tumayo ang isa sa mga misyonero at mabagal na naglakad patungo sa sulok ng silid, nakatalikod siya kay Darius. Sinabi ng isang misyonero, “Buweno, Brother Gray, ang pangunahing implikasyon nito ay hindi mo maaaring taglayin ang priesthood.”
Biglang nadama ni Darius na parang nalinlang siya. “Tama si Inay,” naisip niya. Paano na siya ngayon sasapi sa Simbahan? Batid niya ang pakiramdam na tratuhin ng iba dahil isa siyang Itim na tao, at ayaw niyang ituring ang sarili na mas mababa kaysa sa sinuman
Noong gabing iyon, nahiga sa kama si Darius at binalot ng kumot ang sarili. Naniniwala siya sa Diyos at sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. At, hanggang ngayong araw, naniniwala siya sa lahat ng itinuro sa kanya ng mga misyonero. Ngayon ay hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Paano niya mapagkakasundo ang pananampalataya niya sa natutuhan niya tungkol sa restriksyon ng Simbahan sa priesthood?
Binuksan niya ang kalapit na bintana at isinandal niya ang ulo sa pasimano. Napuno ang kanyang mga baga ng hangin sa gabi at nag-alay ng panalangin. Nang matapos siya, isinara niya ang bintana at sinubukang matulog. Ngunit pabiling-biling siya hanggang sa wakas ay nadama niyang kailangan niyang magdasal na muli. Muli, binuksan niya ang bintana at nagsimulang manalangin.
Sa pagkakataong ito, isang malinaw, malakas na boses ang nagsalita sa kanya. “Ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo,” saad nito, “at ikaw ay sasapi.”
Sa isang iglap, alam na ni Darius ang dapat niyang gawin. Kinabukasan, lumusong siya sa tubig ng bautismo at naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.