Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 9: Ang Kagila-gilalas na Araw na Ito


Kabanata 9

Ang Kagila-gilalas na Araw na Ito

Si Elder Spencer W Kimball na isinasagawa ang kumperensya ng stake sa São Paulo

Noong huling bahagi ng 1965, sumagot ng tawag si Hélio da Rocha Camargo sa kanyang tanggapan sa São Paulo, Brazil. Si Wayne Beck, ang pangulo ng Brazilian Mission, ay nasa kabilang linya. Nais nitong malaman kung maagang makakaalis ng trabaho si Hélio at makakapunta sa tanggapan ng mission. Si Victor L. Brown, isang tagapayo ng Presiding Bishopric ng Simbahan, ay nasa São Paulo para bumisita, at nais nitong makausap si Hélio bago bumalik ng Utah.

Si Hélio, na namamasukan na ngayon sa kumpanya ng kotse, ay agad na nagtungo sa tanggapan ng mission. Kailan lamang ay tinalakay nila ni Pangulong Beck kay Bishop Brown ang iba-ibang paksa na may kinalaman sa mission, kabilang na ang lagay ng mga lathalain ng Simbahan sa Brazil at inakala ni Hélio na nais ipagpatuloy ng bishop ang usapan.

Nang dumating si Hélio sa tanggapan ng mission, sinabi sa kanya ni Bishop Brown na malaking pagbabago ang paparating sa Simbahan sa Brazil. Mayroon na ngayong higit dalawampu’t tatlong libong Banal sa bansa, higit sampung beses ang dami noong bininyagan si Hélio walong taon na ang nakararaan. Upang maipagpatuloy ang paglagong ito, nais ng Unang Panguuhan na magtatag ng sentral na tanggapan ng patnugutan upang pamahalaan ang mga lathalain ng Simbahan sa Brazil.

Kamakailan lamang ay nagbukas ang Unang Panguluhan ng katulad na tanggapan sa Lunsod ng Mexico upang pangasiwaan ang mga lathalain sa mga bansang gumagamit ng wikang Espanyol. Dahil naglalathala ang Simbahan ng maraming mga hanbuk at manwal na magkakaugnay, tama lamang na pangasiwaan ang mga ito sa mga sentral na tanggapan sa halip na asahan ang mga mission na mag-isang pangasiwaan ang malakihang gawain ng paglalathala. Ang bagong sentro sa Brazil ay isasalin ang lahat ng lathalain ng Simbahan sa wikang Portuges at pagkatapos ay ilalathala at ipamamahagi ang mga ito sa mga Banal.

“Nais kong maging tagapangasiwa ka ng gawain, kung saan magiging palagiang empleyado ka ng Simbahan,” sinabi ni Bishop Brown kay Hélio.

“Ang tanging posibleng sagot po lamang ay opo,” tugon ni Hélio.

Hindi nagtagal matapos tanggapin ang bagong posisyon, ipinagbili nina Hélio at Nair ang kanilang kotse para bumisita sa Estados Unidos at pumunta sa Salt Lake Temple. Noong buwan na nasa Utah sila, madalas silang makipagkita sa mga Banal, namamangha sa laki at tatag ng kanilang mga ward at stake. Mula sa mga napansin ni Hélio, ang mga klase ng Relief Society, Primary, Sunday School at korum ng priesthood ay puno ng mga miyembro ng Simbahan na matatag sa kanilang pananampalataya. Batid niyang lumalago pa ang Simbahan sa Brazil, at matatagalan pa bago ito mapangasiwaan nang kasing-dali gaya ng sa Utah. Ngunit naniniwala siya na halos handa na ang mga Banal sa Brazil para sa isang stake.

“Sa pamunuan na mayroon kami ngayon,” naisip niya, “mapapantayan din namin ang aming mga kapatid sa Estados Unidos, dahil ang aming mga tao ay mabuti rin, at kapag may gusto silang gawin, ginagawa nila ito.”

Bago nilisan ang Utah, na-endow at ibinuklod sina Hélio at Nair sa Salt Lake Temple at tumanggap ng kanilang patriarchal blessing mula kay Eldred G. Smith, ang patriarch sa Simbahan. Ang mga kaibigan mula sa Estados Unidos, kabilang na ang mga dating pangulo ng mission na sina Asael Sorensen at Grant Bangerter, ay dumalo sa pagbubuklod. Si Elder Spencer W. Kimball, na may espesyal na puwang sa puso ng mga Camargos matapos basbasan ang kanilang maysakit na anak na lalaki, ang nagsagawa ng seremonya.

Bumalik sina Hélio at Nair sa Brazil noong gitna ng Disyembre 1965, at agad inorganisa ni Hélio ang sentral na tanggapan ng patnugutan habang ipinagpapatuloy ang kanyang mga gawain sa panguluhan ng mission. Sa pagdalo niya sa mga kumperensya sa iba’t ibang lugar sa mission, sinubukan niyang bigyan ng inspirasyon ang mga Banal na makinita ang kahihinatnan ng Simbahan sa Brazil oras na maorganisa ang mga stake sa kanilang bahagi ng mundo.

Sa isang kumperensya ng district sa labas lamang ng São Paulo, ikinalungkot niya na halos wala silang oras na magkita at magkakasamang matuto bilang mga Banal. “Kailangan nating tapat na ipamuhay hanggat maaari ang lahat ng itinuro sa atin,” sabi niya. Hinikayat niya ang mga miyembro na tulungan ang kanilang mga pangulo ng branch at maging masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang branch ay parang kotseng pangarera, paliwanag niya. “Ang MIA, Primary, Relief Society, at Sunday School ang apat na gulong,” sabi niya. “Ang priesthood ang makina, at ang nagmamaneho ay ang pangulo ng branch.” Bawat indibidwal ay may papel upang mapagana ang kotse.

Hinimok niya silang masigasig na sundin ang mga kautusan. “Kailangan nating maging masunurin,” ipinahayag niya, “kung nais nating maging isang stake.”


Sa umpisa ng taong 1966, hindi pa rin maunawaan ni LaMar Williams kung bakit pinauwi siya ng Unang Panguluhan mula sa Nigeria. Ilang oras matapos tanggapin ang telegrama, agad siyang sumakay ng eroplano palabas ng bansa. Tutol ang mga kausap niya sa pamahalaan ng Nigeria na umalis siya sa gitna ng mga pag-uusap.

Umaasa si LaMar na mas maliwanagan oras na dumating siya sa Lunsod ng Salt Lake. Hindi nagtagal pagdating niya, nakipagpulong siya sa Unang Panguluhan at ipinahayag ang kanyang pagkalito sa biglaang pagpapauwi sa kanya. Ikinuwento niya sa kanila na tila may patutunguhan ang pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng pamahalaan at sa ilang libong masigasig na mga Nigerian na nais sumapi sa Simbahan.

Subalit nagpahiwatig na ng alinlangan ang Unang Panguluhan ukol sa maaaring kahinatnan ng mission. Noong nasa Nigeria si LaMar, itinalaga ni Pangulong McKay ang dalawang dagdag na tagapayo, sina apostol Joseph Fielding Smith at Thorpe B. Isaacson, sa Unang Panguluhan. Si Pangulong Isaacson, na naging Katuwang sa Labindalawa bago ang kanyang paghirang, ang tila pinakanabagabag sa kung paano tutugon ang mga Banal na Nigerian sa mga restriksyon sa priesthood.

Dagdag pa rito, nag-aalala ang ilan sa mga apostol na ang pangangaral sa mga Itim na mamamayan sa Nigeria ay mag-uudyok sa mga pangkat ng karapatang sibil sa Estados Unidos na pilitin ang Simbahan na bawiin ang restriksyon. Inaalala naman ng iba na ang pangangaral ng ebanghelyo sa Nigeria ay maaaring galitin ang mga opisyal ng segregationist apartheid sa South Africa at maaaring udyukan sila na higpitan ang gawaing misyonero sa kanilang bansa.

Sinubukan ni LaMar na gawin ang lahat upang maibsan ang mga alalahanin ng panguluhan. “Mukhang mabuti na isa o mahigit pa sa mga general authority ang bumisita sa Nigeria at suriin ang sitwasyon doon bago ibaba ang huling desisyon,” mungkahi niya. Subalit para sa Unang Panguluhan, ang gayong pamamaraan ay hindi ang tamang landas na dapat tahakin.

Umalis sa pulong si LaMar na pinanghihinaan ng loob. Naniniwala siya na nais ng Panginoon na iorganisa niya ang Simbahan sa Nigeria. Itinuro sa kanya ng mga banal na kasulatan na ang mensahe ng ebanghelyo ay para sa lahat ng tao at hindi ipinagkakait ng Panginoon sa sinuman na lumapit sa Kanya—“maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae.” Kung totoo iyon, bakit siya pinauwi ng Unang Panguluhan?

Pagkatapos, noong ika-15 ng Enero 1966, dalawang buwan pagkabalik ni LaMar sa Utah, naglunsad ng kudeta ang mga opisyal na militar sa hukbo ng Nigeria, pinlano at isinagawa ang pagpatay sa punong ministro at iba pang mga opisyal ng pamahalaan. Mabilis na nasupil ng mga hukbong tapat sa pamahalaan ang pag-aaklas, ngunit pinalala ng kudeta ang mga tensyon sa rehiyon at niligalig ang bansa.

Nabalisa si LaMar sa balita ng kaguluhan. Kahit na makapag-organisa siya ng mission sa Nigeria, wawakasan ng kudeta ang kanyang gawain. Naniniwala na siya ngayon na hindi ito ang tamang panahon upang organisahin ang Simbahan doon.

Ngunit nag-aaalala siya para sa kanyang maraming mga kaibigan sa Nigeria. “Humihingi ako ng paumanhin kung bigla akong pinauwi ng Unang Panguluhan,” sinabi niya kay Charles Agu sa isang liham sandali lang matapos ang kudeta. “Sana ay sabihin mo sa akin kung may maitutulong ako o mapapalakas ko ang iyong loob sa pagnanais mong paglingkuran ang Panginoon at lahat ng nasa paligid mo.”

“Charles, madudurog ang puso ko kung mawawala ang iyong pananampalataya at lakas ng loob na ipagpatuloy ang magandang gawaing iyong nasimulan,” isinulat niya. “Hindi ko kailanman pinagdudahan na ang gawain ng Panginoon ay itatatag sa iyong bansa balang araw. Nadarama ko ito sa aking puso, at natitiyak kong pinatototohanan ito ng Espiritu. Kung hanggang kailan ito magtatagal ay hindi ko alam.”


Noong panahong ito, sa Colonia Suiza, Uruguay, binabasa ni Delia Rochon ang Aklat ni Mormon sa kanyang tahanan nang tumanggap siya ng espirituwal na pahiwatig: “Kailangan mong umalis.”

Iyon ang pinakamalakas na pahiwatig na nadama niya. Labing-anim na taong gulang lamang siya noon, at guguluhin ng pag-alis na iyon ang buhay niya. Subalit alam din niyang ang manatili kung nasaan siya ay pipigil sa kanyang umunlad at tumatag bilang tagasunod ni Cristo.

Mula noong binyag ni Delia, sinuportahan siya ng kanyang ina at kung minsan ay sumasama pa sa mga aktibidad ng Simbahan. Ngunit hirap sa pananalapi ang pamilya, at may iringan sa pagitan ng kanyang ina at ama-amahan. Samantala, nakatira naman sa malayo ang kanyang ama, at inaakala nito na inilalayo siya ng Simbahan sa kanyang pamilya. Nang tumira siya kasama nito, hindi siya makapagdaos ng Primary, o makadalo sa kanyang mga pulong.

Mabuti na lamang, ilang beses sa isang taon ay nakakaalis si Delia para dumalo sa mga kumperesnya ng district at mga aktibidad ng mission sa Montevideo at iba pang mga lunsod. Natutuwang dumalo si Delia sa malayuang pulong na ito, lalo na ang mga kumperensya ng MIA kung saan nagagawa niyang makipagkaibigan sa ibang kabataang Banal sa mga Huling Araw—isang pagkakataong wala siya sa sarili niyang maliit na branch. Ang pulong ng pagpapatotoo sa pagtatapos ng bawat kumbensyon ay nakatulong sa kanya napalalimin pa ang kanyang pananampalataya.

Di nagtagal matapos matanggap ang kanyang pahiwatig, nakipag-usap si Delia sa pangulo ng branch. Kilala ni Pangulong Solari ang pamilya ni Delia at hindi na niya hinikayat ito na manatili pa. May binanggit siyang pangalan ng mag-asawa sa bayan, ang mga Pellegrini. Hindi sila mga miyembro ng Simbahan maliban sa kanilang anak na si Miryam.

“Tingnan natin kung maaari kang manirahan sa kanila,” sabi ni Pangulong Solari.

Palaging handang tumulong ang mga Pellegrini sa mga taong nangangailangan, at masaya nilang inanyayahang manirahan sa kanila si Delia. Tinanggap ni Delia ang kanilang mabuting alok at pumayag na tumulong sa paglilinis ng bahay at magtrabaho ng ilang oras sa tindahan na nasa tapat ng bahay. Bagamat mahirap na malayo sa kanyang tahanan, masayang namuhay si Delia sa kanyang mga bagong kapaligiran. Sa mga Pellegrini, nakatagpo siya ng suporta at katatagan.

Gayunpaman, hindi tuluyang nawawalan ng hirap ang buhay niya. Ang Uruguay ang isa sa pinakamayayamang bansa sa Timog Amerika, ngunit matamlay ang ekonomiya nito. May ilang taong lubhang duda sa Estados Unidos, at itinuturing nila ang komunismo bilang sagot sa mga suliranin sa pananalapi ng kanilang bansa. Habang dumaranas ang ibang bansa sa Timog Amerika ng katulad na pagbagsak ng ekonomiya, lumaganap ang galit sa mga Amerikano sa buong kontinente. Dahil ang punong-tanggapan ng Simbahan ay nasa Estados Unidos, ang mga Banal mula sa Timog Amerika ay nakakaranas kung minsan ng kawalang-tiwala at poot.

Marami sa mga kaklase ni Delia ay pinag-uusapan ang kanilang pagsang-ayon sa komunismo. Upang maiwasan ang kontrobersya, inilalahad lamang ni Delia ang kanyang pagiging miyembro ng Simbahan at mga paniniwala sa iilang kaklase lamang. Kapag masyadong hayagan siyang magsasalita, maaari siyang kutyain.

Isang gabi, dumalaw ang mga misyonero sa tahanan ni Delia. Papunta na siya noon sa MIA, kaya sumama sa kanya ang mga misyonero. Maganda ang panahon, ngunit habang palapit na sila sa liwasang bayan, alam na ni Delia kung ano ang mangyayari. Marami sa mga kaklase niya ay mahilig magtipon sa liwasan. Kapag nakita siya kasama ang mga misyonerong taga-Hilagang Amerika, malalaman nilang isa siyang Banal sa mga Huling Araw.

Tumingin si Delia sa mga misyonero, at napagpasyahan niyang hindi siya maaaring umastang ikinahihiya niya sila. “Alam kong isa akong Mormon,” sabi niya sa sarili, “ngunit hanggang saan ang pagiging Mormon ko?”

Tinitipon ang kanyang lakas ng loob, tinawid niya ang liwasan kasama ang mga misyonero. Alam niyang maiilang sa kanya ang mga kaklase niya, subalit hindi niya maaaring talikuran ang mga paniniwala niya. Ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay napakalakas.

Gaya ni Joseph Smith, alam niyang totoo ito. Hindi niya ito maipagkakaila.


Noong Pebrero 1966, ang pangulo ng Brazilian Mission na si Wayne Beck ay nagsumitepasa ng mungkahi sa mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake na organisahin ang isang stake sa São Paulo.

Ang lunsod ay may tatlong umiiral na district, dalawampung branch, at halos limang libo’tlimang daang mga Banal, at inisip nina Pangulong Beck at ibang lokal na lider na humiling ng mahigit sa isang stake. Gayunpaman ay walang ibang mga stake pa sa Timog Amerika, at nagkasundo sila na pinakamainam na mag-organisa muna ng isang central stake na binubuo ng pinakamalalakas na yunit mula sa bawat isa sa mga district ng São Paulo. Pagkatapos ay maaaring bumuo ang Simbahan ng mga dagdag na stake sa São Paulo at iba pang mga lunsod sa Brazil sa mga susunod na taon.

“Sa palagay ko ay mayroon kaming matatag na pamunuan at mga taong nakatuon sa hinaharap sa lugar nito at maging saanmang dako ng mundo,” isinaad ni Pangulong Beck sa kanyang mungkahi. “Naniniwala ako na handa silang tanggapin ang kanilang mga responsibilidad at gawin ang kanilang gampanin.”

Noong sumunod na buwan, si Elder Spencer W. Kimball, ang apostol na nangasiwa sa pitong mission ng Simbahan sa Timog Amerika, ay inilahad ang mungkahi sa Korum ng Labindalawang Apostol. Marami sa mga apostol ang lubos na natuwa sa ideya. Naglakbay sila sa buong Simbahan at nalaman nila kung paano nakinabang ang mga Banal sa mga responsibilidad ng stake. Sa tagubilin ng propeta, maraming apostol ang naka-organisa na ng mga stake sa labas ng Hilagang Amerika, at nagpatotoo sila na naramdaman nila ang Espiritu habang ginagawa ang gawaing ito.

Matapos pagnilayan ang mungkahi ni Pangulong Beck, inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paglikha ng stake. Makalipas ang isang linggo, nagpadala sina Pangulong McKay at kanyang mga tagapayo ng liham kay Pangulong Beck na nag-aanunsiyo ng balita.

“Nagkakaisang ipinasiya ng konseho na isang organisasyon ng stake ang malilikha sa Brazil na may punong-tanngapan sa São Paulo,” ipinaalam nila sa kanya. “Dalangin namin na patuloy kayong pagpalain ng Panginoon habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin.”


Sa Palermo, Italy, patuloy na ibinabahagi ni Giuesppa Oliva ang ebanghelyo sa mga kaibigan at kapamilya. Kasama sa mga taong tinuruan niya ay isang labinwalong taong gulang na nagngangalang Salvatore Ferrante. Nagtrabaho ito sa pabrikang pinagtrabahuhan din ng kanyang kuya Antonino, at nagkainteres sa mga turo ng Aklat ni Mormon.

Matapos bigyan si Salvatore ng kopya ng aklat, sumulat si Giuseppa kay Pangulong Mabey para humingi ng dagdag na materyales. Pumayag itong padalhan siya ng isa pang kopya ng Aklat ni Mormon, gayundin ang isang kopya ng Doktrina at mga Tipan, na kailan lamang ay isinalin sa wikang Italyano. Binanggit din ni Pangulong Mabey na tumanggap siya ng isang liham mula kay Salvatore na nagpapahayag ng interes nitong magpabinyag.

“Bibinyagan siya,” ipinangako ni Pangulong Mabey kay Giuseppa. “Bago dumating ang araw na iyon, mangyaring patuloy mo siyang turuan at ihanda sa binyag.”

Makalipas ang ilang buwan, nakipagkita si Giuseppa kina Pangulong Mabey, Antonino, at Salvatore sa tahanan ni Antonino para alaming mabuti ang kahandaan ni Salvatore para sa binyag. Tinalakay nila ang Word of Wisdom, pagbabayad ng ikapu, at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo, gamit ang Doktrina at mga Tipan bilang sanggunian. Naging maayos ang talakayan, sa kabila ng problema sa wika, ngunit dahil nakatira sa mga magulang niya si Salvatore, sinabi ni Pangulong Mabey na kailangan nito ang pahintulot nila upang mabinyagan.

Sumakay ng bus ang grupo papunta sa tahanan ni Salvatore. Isa itong makipot na daan kung saan nakasabit ang mga sampayan sa mga katabing gusali. Hindi nagtagal, nakita nila ang ama ni Salvatore na si Girolamo na papaliko sa kanto. Nilapitan siya ni Pangulong Mabey at binati ito sa wikang Aleman, ang tanging wikang alam niya maliban sa Ingles. Sumagot si Girolamo sa wikang Aleman, ipinapaliwanag na gumugol siya ng dalawang taon bilang bilanggo ng digmaan sa Vienna noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nang malaman ni Girolamo na naroon si Pangulong Mabey para binyagan ang kanyang anak, bigla siyang nagsalita nang mabilis sa wikang Italyano, halata ang pagkayamot sa kanyang tono at pagkumpas ng mga kamay. Pasigaw na sumagot sina Giuseppa at kapatid niya, umaalingawngaw sa buong lansangan ang mga nagsasapawan nilang boses.

“Nais kong malaman ninyo,” singit ni Pangulong Mabey sa wikang Aleman, “na ang nais ng anak ninyo ay tama at tumpak.”

Sa mga salitang iyon, nawala ang tensyon. Inanyayahan ni Girolamo sa kanyang tahanan ang grupo, kung saan pilit na hinihikayat siya ni Giuseppa na ibigay ang kanyang pahintulot sa binyag. Nagbahagi siya ng patotoo at nagmakaawa sa kanyang pahintulutan ang marapat na pagnanais ng kanyang anak.

“Kung gayon, kung nais mo siyang binyagan at nais niyang magpabinyag,” sa wakas ay sinabi niya, “makukuha niya ang pahintulot ko sa isang kundisyon—dapat ay makakapanood ako.”

Bininyagan si Salvatore noong araw ding iyon sa parehong dalampasigan kung saan naganap ang binyag ni Antonino anim na buwan na ang nakararaan.

Hindi nagtagal matapos ang kumpirmasyon ni Salvatore, nagtipon ang mga Banal sa tahanan ni Antonino. Si Pangulong Mabey, sa tulong ni Girolamo bilang tagasalin, ay nagturo tungkol sa awtoridad ng priesthood at iginawad ang Aaronic Priesthood kina Antonino at Salvatore. Pagkatapos ay pormal niyang inorganisa ang Palermo Branch kung saan si Antonino ang lider nito. Matapos ang pulong, sinabi ng tatay ni Salvatore, “Ito ay araw na hinding-hindi ko makakalimutan.”

Noong sumunod na linggo, nagtipon ang branch sa tahanan ni Giuseppa at tumanggap ng sakramento. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, tumanggap siya ng balita mula kay Pangulong Mabey na oorganisahin ng Simbahan ang Italian Mission. Hindi magtatagal ay darating ang mga misyonero sa Sicily.

“Tunay na natitiyak ko,” isinulat niya, “na ang iyong pangarap na magkaroon ng branch sa Palermo na kasinglaki ng sa Argentina ay magkakatotoo.”


Noong araw na opisyal na binuksan nina Hélio da Rocha Camargo at kanyang mga kawani ang sentral na tanggapan ng patnugutan ng Simbahan sa Brazil, magkakasama silang lumuhod upang manalangin. Tila wala sa sinuman doon ang nakakaalam talaga ng kung ano ang gagawin, ngunit hindi nabalisa rito si Hélio. Ang nagpakaba sa kanya ay tila inaakala ng lahat na alam niya kung ano ang gagawin.

Matapos niyang bumalik mula sa Lunsod ng Salt Lake, gumawa siya ng detalyadong listahan ng lahat ng literatura ng Simbahan sa mga tanggapan ng Brazilian at Brazilian South Mission. Umupa siya ng lugar sa isang gusaling pang-opisina sa São Paulo, bumuo ng punong-tanggapan, at kumuha ng maliit na grupo para mag-organisa at magsalin ng lathalain. Kasama sa mga taong kinuha niya bilang empleyado ay si Walter Guedes de Queiroz, na iniwan ang seminaryong Methodist kasama niya at sumapi sa Simbahan.

Pagsapit ng katapusan ng Abril 1966, makalipas ang unang buwan ng pagpapatakbo nito, pinamamahalaan ng tanggapan ng patnugutan ang pamamahagi ng lahat ng babasahin ng Simbahan sa Brazil. Ang mga indibidwal na Banal at lider ng Simbahan sa bansa ay maaari na ngayong humiling ng mga babasahin direkta sa tanggapan sa halip na sa mission. Inilipat rin niya ang produksyon ng A Liahona, ang magasin ng Simbahan sa wikang Portuges para sa mga Brazilian na Banal, mula sa mission patungong tanggapan ng patnugutan.

Noong hapon ng Martes, ika-26 ng Abril, dumating si Elder Spencer W. Kimball sa São Paulo upang mag-organisa ng stake. Dahil mayroon siyang panguluhan ng stake na hihirangin, kasama na ang high council ng stake at maraming bishopric na pupunan, halos hindi siya natulog noong mga sumunod na araw habang kinakapanayam niya ang mga maaaring punan ang puwesto. Hindi siya nakakaunawa ng wikang Portuges, kaya karaniwang tagasalin niya si Pangulong Beck.

Sa karamihan sa mga panayam, tinanong ni Elder Kimball, “Masaya ka ba sa Simbahan?” Sumagot ang mga lalaki nang may katapatan na nagpaluha sa mga mata niya. “Ito po ang buhay ko,” sabi ng ilan sa kanila. “Hindi ko kayang mabuhay nang wala ito.” Nagpatotoo ang iba, “Ito ang pinakamagandang bagay sa mundo” at “nagkaroon lang ako ng pag-asa sa buhay nangg sumapi ako sa Simbahan.” Sinabi ng ilang lalaki kay Elder Kimball kung paano nabago ng ebanghelyo ang kanilang buhay, tinutulungan silang mapaglabanan ang alak, tabako, o seksuwal na imoralidad.

Si Hélio ang isa sa mga unang taong kinapanayam ni Elder Kimball, at maraming tao ang naniniwala na magiging magaling na pangulo siya ng stake. Sa katunayan, sa mga magkakasunod na kapanayam, nakinig si Elder Kimball habang pinupuri ng mga tao ang pamumuno ni Hélio at inirekomenda siya para sa posisyon. Subalit matapos makapanayam si Hélio nang isa pang ulit, naniniwala si Elder Kimball na may inilaang gawain pa ang Panginoon para sa kanya.

Noong Linggo, ika-1 ng Mayo, sina Hélio at Nair, ang kanilang mga anak, at mahigit isang libo limang daang mga Banal ang nagsiksikan sa isang malaking meetinghouse sa São Paulo upang saksihan ang pag-organisa sa stake. Upang bigyang puwang ang mas maraming tao, binuksan ang mga kurtinang naghihiwalay sa kapilya mula sa bulwagang kultural. At matapos mapuno ang lahat ng upuan, may ilang taong naglagay ng mga upuan sa mga pasilyo habang sa labas naman naupo ang iba, nakikinig sa kumperensya sa pamamagitan ng mga speaker sa labas.

Puno ng emosyon si Pangulong Beck habang binubuksan niya ang pulong. Matapos batiin ang mga Banal, ibinigay niya ang oras kay Elder Kimball, na nagsabing, “Napakalaking kasiyahan para sa akin na narito ako, hinirang ng Unang Panguluhan ng Simbahan, sa kagila-gilalas na araw na ito, upang organisahin ang unang stake sa Timog Amerika sa dakilang lupain ng São Paulo.”

Nagsalita siya sandali tungkol sa mga simulain ng Simbahan sa Timog Amerika. Si Elder Melvin J. Ballard, na inilaan ang Timog Amerika para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo noong 1925, ay nagpropesiya na ang Simbahan sa Timog Amerika ay unti-unting lalago, gaya ng isang mumunting acorn na lumaki bilang matayog na oak, at kalaunang naging isa sa mga pinakamalakas na rehiyon ng Simbahan.

“Nakikita namin kung paano ito lumalago sa Timog Amerika,” sabi ni Elder Kimball, “sa Argentina, sa Uruguay, sa Chile, sa Peru, sa Paraguay, at sa kalakhang Brazil, kasama ang mababait, karismatikong mga tao nito, na tinanggap ang tawag ni Cristo at inilaan ang pinakamainam sa kanilang mga buhay sa pagpapalago ng Kanyang Simbahan.”

Nagbabasa mula sa isang inihandang mensahe sa wikang Portuges, inorganisa niya ang São Paulo Stake na may pitong bagong ward at isang branch. Hinirang niya si Walter Spät, isang gumagawa ng mga kasangkapan, bilang pangulo ng stake. Sumapit si Walter sa Simbahan noong 1950 at naging pangulo ng branch at distrito bago maglingkod bilang katuwang sa panguluhan ng mission.

Matapos organisahin ni Elder Kimball ang panguluhan ng stake at hinirang ang iba pang mga lider ng stake, na lahat ay mga lokal na Banal, ipinahayag niya ang mga bagong bishopric at panguluhan ng branch. Kasama sa kanila si Hélio, na hinirang upang maglingkod bilang bishop ng São Paulo Second Ward.

Halos malula si Hélio sa bigat ng responsibilidad ng paghirang. Bagamat marami siyang karanasan sa pagiging lider sa Simbahan, hindi pa siya naging pangulo ng branch o district, at tila nakakalula ang responsibilidad ng paglilingkod sa isang malaking kongregasyon. Gayunpaman, alam niyang pinapala ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod at tinulungan silang magtagumpay.

“Inakala ni Isaiah na hindi siya maaaring maging propeta, ngunit tinanggap niya ang paghirang at humayo,” ang sinabi niya kamakailan sa isang grupo ng mga lider ng priesthood. “Kapag hinihirang tayo sa isang gawain, tumutugon tayo na wala tayong kakayahan. Kung ganyan tayo mag-isip, kailanman ay hindi tayo magkakaroon ng kakayahan. Kailangan nating tandaan na ang Panginoon ang humihirang sa atin, at hindi natin dapat ipagkait ito.”

Matapos ang kumperensya, nakipagkamay si Elder Kimball sa mga Banal. Nakatayo sa malapit si Hélio, nakangiti at binabati ang mga bisita. Kinabukasan, babalik siya sa trabaho sa sentral na tanggapan ng patnugutan, at sa gabi naman, magdaraos siya ng pulong ng bishopric, na maaaring kauna-unahang pagkakataon pa lang mangyayari sa kontinente.

Naging napakahalagang araw iyon para kay Hélio—at isang mahalagang araw para sa Simbahan.

  1. Camargo, Oral History Interview, 26; Camargo, Reminiscences, 51–52.

  2. Camargo, Oral History Interview, 26; Camargo, Reminiscences, 52; Grover, “Mormonism in Brazil,” 299–300; Missionary Department, Full-Time Mission Monthly Progress Reports, May 1957 and Oct. 1965; First Presidency and Presiding Bishopric, Minutes, Sept. 5, 1964, and Jan. 29, 1965, First Presidency, General Administration Files, 1921–72, CHL; “Fyans to Head Translation Unit,” Church News, Mayo 1, 1965, 13. Mga Paksa: Mexico; Brazil

  3. Camargo, Reminiscences, 52; Camargo, Oral History Interview, 26; Wayne Beck and Evelyn Beck, Oral History Interview, 80–81. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “he” sa orihinal ay pinalitan ng “I,” ang “wanted” ay pinalitan ng “want,” dalawang beses na ang “me” ay pinalitan ng “you,” at ang “would be” ay pinalitan ng “is.”

  4. Camargo, Reminiscences, 53; Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; “Reunião da presidencia com as juntas das organizações auxiliares da missão brasileira,” Dec. 16, 1965, Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, CHL; Grover, “Mormonism in Brazil,” 186–87; “New Brazilian Post,” Church News, Dis. 4, 1965, 10.

  5. “Reunião da presidencia com as juntas das organizações auxiliares da missão brasileira,” Dec. 16, 1965, Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, CHL; Camargo, Reminiscences, 57; “Elder Helio R. Camargo of the First Quorum of the Seventy,” Ensign, Mayo 1985, 93; Helio da Rocha Cam[a]rgo and Nair Belmira de Gouvea Camargo, Sealing Record, Nov. 24, 1965, Temple Records for the Living, 1955–91, microfilm 470,944, FSL; Spencer W. Kimball, Journal, Nov. 24, 1965. Mga Paksa: Mga Patriarchal Blessing; Pagbubuklod

  6. Camargo, Oral History Interview, 27.

  7. “Conferencia do distrito de Tietê,” Jan. 30, 1966, Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, CHL.

  8. Williams and Williams, Oral History Interview, 20; Williams, Journal, Nov. 6–7, 1965, [155]; McKay, Diary, Nov. 10, 1965.

  9. Williams, Journal, Nov. 7, 1965, [155]; Williams and Williams, Oral History Interview, 20; McKay, Diary, Nov. 10, 1965; Allen, LaMar Williams Interview Notes [July 11, 1988], [2].

  10. Williams and Williams, Oral History Interview, 20; Tanner, Journal, Nov. 8, 1965; McKay, Diary, Oct. 18, 21, and 28, 1965; Nov. 4 and 10, 1965; Henry A. Smith, “Pres. McKay Appoints Two More Counselors: Church Growth Is Cited,” Deseret News, Okt. 29, 1965, A1, A3; Saunders, “1968 and Apartheid,” 133–35.

  11. McKay, Diary, Nov. 10, 1965; Allen, LaMar Williams Interview Notes [July 11, 1988], [2]; Williams and Williams, Oral History Interview, 20; 2 Nephi 26:33.

  12. Falola at Heaton, History of Nigeria, 172–73; Gould, Struggle for Modern Nigeria, 26–32; “Military Chief Rules Nigeria Government,” Deseret News, Ene. 17, 1966, A4; Williams and Williams, Oral History Interview, 20–21; tingnan din sa Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 236–37.

  13. LaMar Williams to Charles Agu, Feb. 18, 1966, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL.

  14. Delia Rochon to James Perry, Email, Jan. 18, 2022, Delia Rochon Interviews, CHL; Rochon, Interview, 3–6, 18–19, 22–24, 28–29, 54–55, 57; Colonia Suiza Branch, Minutes, Dec. 11, 1966, 37–38.

  15. Rochon, Interview, 8–9, 30, 42–44. Mga Paksa: Mga Organisasyon ng Young Men; Mga Organisasyon ng Young Women

  16. Rochon, Interview, 4–5, 53–55, 57. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “ang pamilya” sa orihinal ay pinalitan ng “pamilya niya.”

  17. Paul at iba pa, Paths to Victory, 266; “Reds of Every Shade Moving In on Uruguay,” Daily News (New York City), Okt. 4, 1964, pantahanang edisyon, 121; McDonald, “Struggle for Normalcy in Uruguay,” 72; George Natanson, “Chaos Reigns in Latin Nations,” Boston Globe, Ago. 15, 1965, 51.

  18. Rochon, Come and See, 19–21; Rochon, Interview, 9–10, 62, 64–65, 67–68; Theodore Tuttle to First Presidency, June 22, 1965, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Joseph Smith—History 1:25.

  19. Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, Feb. 17, 1966; Wayne Beck to A. Theodore Tuttle, Feb. 11, 1966, A. Theodore Tuttle Files, CHL; Proposal to Joseph Fielding Smith and Council of the Twelve, Mar. 23, 1966, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Wayne Beck and Evelyn Beck, Oral History Interview, 93–95; “1st Latin Stake in Church,” Deseret News, Mayo 3, 1966, B1.

  20. Proposal to Joseph Fielding Smith and Council of the Twelve, Mar. 23, 1966, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  21. Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 17 at 24, 1966; “Foreign Stakes: Shall We Organize Stakes Other Than in America?,” sa Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 20, 1966; First Presidency to Spencer W. Kimball, May 18, 1965, First Presidency, General Administration Files, 1921–72, CHL; Spencer W. Kimball to First Presidency, June 9, 1966, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Cowan, Church in the Twentieth Century, 263, 266. Mga Paksa: Globalisasyon; Korum ng Labindalawa

  22. First Presidency to Wayne Beck, Apr. 1, 1966, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 24, 1966. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; idinagdag ang “We are”.

  23. Rendell Mabey to Giuseppa Oliva, Feb. 25, 1966, ang kopya ay nasa pag-aari ng mga patnugot; Salvatore Ferrante entry, Baptisms and Confirmations, 1966, Palermo Branch, Palermo District, Italian Mission, 31, sa Italy (Country), bahagi 2, Record of Members Collection, CHL; Giurintano, Interview, [2]; Simoncini, “La storia dei primi pionieri del ramo di Palermo,” [1].

  24. Mabey, Journal, May 10, 1966; “Day I’ll Never Forget,” [1]–[2]; Salvatore Ferrante entry, Baptisms and Confirmations, 1966, Palermo Branch, Palermo District, Italian Mission, 31, sa Italy (Country), part 2, Record of Members Collection, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “that being that I can watch” sa orihinal ay pinalitan ng “that I can watch.”

  25. Mabey, Journal, May 10, 1966; “Day I’ll Never Forget,” [2]; Toronto, Dursteler, at Homer, Mormons in the Piazza, 275–76.

  26. Toronto, Dursteler, at Homer, Mormons in the Piazza, 276; Rendell Mabey to Giuseppa Oliva, June 16, 1966, Giuseppa Oliva Papers, CHL; Abner, Italian Mission Reminiscences, 26–28.

  27. Camargo, Reminiscences, 63.

  28. Camargo, Oral History Interview, 14, 27; Camargo, Reminiscences, 63; de Queiroz, Oral History Interview [2011], 6.

  29. “Reunião da presidencia da missão com presidentes dos distritos e membros do sacerdócio da missão distritos,” Jan. 30, 1966, Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, CHL; Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, Apr. 16, 1966; Liahona (São Paulo, Brazil), Abr. 1966, 3; Mayo 1966, 3.

  30. Spencer W. Kimball, Journal, Apr. 25–May 2, 1966; Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, Apr. 26–30, 1966.

  31. Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, Apr. 26 and 28, 1966.

  32. Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; Camargo and others, Oral History Interview, 13–14.

  33. Mga Banal, tomo 3, kabanata 16; “São Paulo: A primeira estaca da América do Sul,” Liahona (São Paulo, Brazil), Hunyo 1966, 10; Sharp, Autobiography, 48.

  34. Evelyn Beck, Letter, May 6, 1966, ang kopya ay nasa pag-iingat ng mga patnugot; “São Paulo: A primeira estaca da América do Sul,” Liahona (São Paulo, Brazil), Hunyo 1966, 11; Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; Camargo, Oral History Interview, 23. Paksa: Mga Ward at Stake

  35. São Paulo: A primeira estaca da América do Sul,” Liahona (São Paulo, Brazil), Hunyo 1966, 11; Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; Camargo, Reminiscences, 64. Paksa: Bishop

  36. Camargo, Oral History Interview, 23–24.

  37. “Reunião do sacerdócio da missão brasileira,” Apr. 30, 1966, Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, CHL.

  38. Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966.

  39. Camargo, Reminiscences, 64. Paksa: Brazil