2012
Panahon na para Bumangon at Magliwanag!
Mayo 2012


Panahon na para Bumangon at Magliwanag!

Elaine S. Dalton

Bilang mga anak na babae ng Diyos, ipinanganak kayo para mamuno.

Mula sa bintana ko sa opisina ng Young Women, tanaw ko ang napakagandang Salt. Araw-araw kong nakikita si anghel Moroni na nakatayo sa tuktok ng templo bilang maningning na sagisag hindi lamang ng kanyang pananampalataya kundi maging ng ating pananampalataya. Mahal ko si Moroni dahil, sa gitna ng masamang lipunan, nanatili siyang dalisay at tapat. Siya ang idolo ko. Mag-isa siyang nanindigan. Nakatayo siya sa tuktok ng templo ngayon, na parang hinihikayat tayong maging matapang, na alalahanin kung sino tayo, at maging karapat-dapat na pumasok sa templo—na “bumangon at magliwanag,”1 at tulad ng sinabi sa propesiya ni Isaias, “Halina kayo, at … magsiahon sa bundok ng Panginoon”2—ang banal na templo.

Narito ngayon ang mga piling anak na babae ng Panginoon. Wala nang iba pang mas malakas na grupo na naninindigan sa katotohanan at kabutihan sa buong mundo maliban sa mga kabataang babae at kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nakikita ko ang inyong dangal at alam ko ang inyong banal na pagkakakilanlan at kahihinatnan. Namukod-tangi kayo bago pa man kayo nabuhay sa mundo. Taglay ng inyong angkan ang mga tipan at pangako. Minana ninyo ang mga espirituwal na katangian ng matatapat na amang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Isang propeta ng Diyos ang minsa’y tinukoy ang bawat isa sa inyo bilang “maningning na sinag ng pag-asa”3 ng hinaharap. At sang-ayon ako! Sa daigdig na puno ng hamon, ang inyong liwanag ay nagniningning. Tunay ngang “ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan.”4 Ito ang inyong panahon, at ngayon ang panahon para sa mga kabataang babae saanman na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”5

“Ang pamantayan ay panuntunang sukatan kung saan ibinabatay ng tao ang pagiging wasto o perpekto.”6 Dapat tayong maging pamantayan ng kabanalang titingnan ng sanlibutan! Ang bagong rebisyon ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay hindi lang naglalaman ng mga pamantayang dapat ipamuhay nang wasto kundi pati mga ipinangakong biyaya kung susunod kayo. Ang mga salita sa mahalagang buklet na ito ay mga pamantayan para sa mundo, at kapag ipinamuhay ang mga pamantayang ito malalaman ninyo ang dapat gawin upang higit na matulad sa Tagapagligtas at maging maligaya sa mundong pasama nang pasama. Ang pagsunod sa mga pamantayan sa buklet na ito ay tutulong sa inyong maging karapat-dapat na makasama ang Espiritu Santo. At sa mundong inyong ginagalawan, kakailanganin ninyo ang Espiritu Santo sa paggawa ng mahahalagang desisyon na magtatakda ng halos lahat ng magiging tagumpay at kaligayahan ninyo. Ang pamumuhay ayon sa mga pamantayang ito ay tutulong sa inyo na maging karapat-dapat sa banal na templo ng Panginoon at matanggap doon ang mga pagpapala at kapangyarihang naghihintay sa inyo sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan.7

Noong maliit pa ang aming anak na si Emi, gustung-gusto niyang pagmasdan ang bawat galaw ko habang gumagayak ako para magsimba. Matapos masdan ang ginagawa ko, magsusuklay siya at magsusuot ng kanyang damit, at laging magpapapahid sa akin ng “pampaningning.” Ang “pampaningning” na tinutukoy niya ay ang malapot na cream na ginagamit ko para hindi mangulubot ang aking balat. Tulad ng hiling niya, ipapahid ko ito sa kanyang mga pisngi at labi, at pagkatapos ay ngingiti siya at sasabihing, “Ngayon handa na po tayong umalis!” Ang hindi alam ni Emi ay mayroon na siyang “pampaningning.” Nagniningning sa ganda ang kanyang mukha dahil siya ay dalisay at inosente at mabait. Nasa kanya ang Espiritu, at nakikita ito.

Nawa ang bawat isa sa inyo ay malaman at maunawaan na ang inyong ganda—ang inyong “ningning at liwanag”—ay hindi nakasalalay sa pampaganda, sa ipinapahid na cream, o sa mga usong damit at ayos ng buhok. Nakasalalay ito sa inyong kadalisayan. Kapag ipinamumuhay ninyo ang mga pamantayan at karapat-dapat na makasama palagi ang Espiritu Santo, malaki ang magiging impluwensya ninyo sa mundo. Ang inyong halimbawa, maging ang mga kislap ng inyong mga mata, ay makaiimpluwensya sa ibang makakakita ng inyong “ningning at liwanag,” at gugustuhin nilang maging tulad ninyo. Saan ninyo makukuha ang liwanag na ito? Ang Panginoon ang liwanag, “at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.”8 Ang banal na liwanag ay nagpapaningning sa ating mga mata at mukha kapag lumalapit tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ganyan natin nakukuha ang “pampaningning”! At isa pa, tulad nang nakikita ninyong lahat, wala naman talagang epekto ang “pampaningning na cream” sa mga kulubot ko!

Ang panawagang “bumangon at magliwanag” ay panawagan sa inyo na pamunuan ang daigdig sa isang magiting na adhikain—ang itaas ang pamantayan—at pamunuan ang henerasyong ito nang may dangal, kadalisayan, at pagiging marapat sa templo. Kung nais ninyong gumawa ng kaibhan sa mundo, dapat kayong maiba sa mundo. Babanggitin kong muli ang sinabi ni Joseph F. Smith, sa kababaihan noong kanyang panahon: Hindi kayo dapat padala sa mga [kabataang] babae ng sanlibutan; dapat na pamunuan ninyo ang … mga [kabataang] babae ng sanlibutan sa lahat ng … makapagpapalinis sa mga anak ng tao.”9 Angkop pa rin ang mga salitang ito ngayon. Bilang mga anak na babae ng Diyos, ipinanganak kayo para mamuno.

Sa daigdig na ating ginagalawan, ang kakayahan ninyong mamuno ay mangangailangan ng gabay at palaging pagsama ng Espiritu Santo, na magsasabi sa inyo ng “lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin”10 habang nadarama ninyo at umaasa kayo sa Kanyang paggabay at mga pahiwatig. At dahil hindi nananahan ang Espiritu Santo sa maruming templo, kailangang suriin ng bawat isa sa atin ang ating gawi at nadarama. Lahat tayo ay may kailangang baguhin—pagsisihan. Tulad ng sinabi ni Haring Lamoni sa Aklat ni Mormon, “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo.”11 Handa ba tayo, ikaw at ako, na gawin din ang gayon?

Isang grupo ng mga kabataan sa Queen Creek, Arizona, ang nagpasiyang “bumangon at magliwanag” at pamunuan ang mga kabataan sa kanilang komunidad sa pamumuhay ng mga pamantayang isinasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Bawat isa ay nagsulat sa journal nila ng isang bagay na sa palagay nila ay pumipigil sa kanila o isang bagay na gusto nilang baguhin sa buhay nila, at pagkatapos ay gumawa sila ng hukay. Nagsama-sama sila, pinunit ang pahinang pinagsulatan sa journal at itinapon ito sa hukay, tulad ng ginawa ng mga tao ni Ammon sa Aklat ni Mormon sa kanilang mga sandata.12 Pagkatapos ay ibinaon nila ang mga pahinang iyon, at nang araw na iyon ay nangakong magbabago. Sila ay nagsipagsisi. Determinado silang bumangon!

May isang bagay ba sa buhay ninyo na gusto ninyong baguhin? Mababago ninyo ito. Makapagsisisi kayo dahil sa walang hanggang pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ginawa niyang posible para sa atin na magbago, na maging dalisay at malinis na muli, at maging tulad Niya. At Kanyang ipinangako na kapag nagsisi tayo, hindi na Niya maaalala pa ang ating mga kasalanan at pagkakamali.13

Kung minsan parang imposibleng manatiling maningning. Marami kayong hamong kinakaharap na maaaring magpalabo sa pinagmumulan ng lahat ng liwanag, ang Tagapagligtas. Kung minsan mahirap ang daan, at kung minsan pa nga ay may makapal na ulap na lumalambong sa liwanag. Gayon ang nangyari sa dalagitang nagngangalang Florence Chadwick. Mula pa noong 10 taong gulang siya, natuklasan na ni Florence na mahusay siyang lumangoy. Nilangoy niya ang English Channel sa loob ng 13 oras at 20 minuto. Gusto ni Florence na nasusubok ang kanyang galing, kaya kalaunan ay sinubukan niyang lumangoy mula sa baybayin ng Cali hanggang Catalina Island—na mga 21 milya ang pagitan (34 km). Sa paglangoy na ito napagod siya matapos lumangoy nang 15 oras. Isang makapal na hamog ang lumambong sa may baybayin. Nakaantabay sa kanya ang kanyang ina na nakasakay sa bangka, at sinabi ni Florence sa kanyang ina na baka hindi niya matapos ang paglangoy. Hinikayat siya ng kanyang ina at kanyang trainer na magpatuloy, pero ang tanging nakikita niya ay ang hamog. Hindi niya itinuloy ang paglangoy, subalit nang nasa bangka na, nalaman niyang isang milya (1.6 km) na lamang pala ang layo niya sa baybayin. Kalaunan, nang interbyuhin siya kung bakit hindi niya tinapos ang paglangoy, inamin niyang hindi ang malamig na tubig at distansya ang dahilan. Sabi niya, “Hamog ang tumalo sa akin.”14

Kalaunan muli niyang tinangkang languyin iyon, at minsan pa, naroon na naman ang makapal na hamog. Pero sa pagkakataong ito, nagpatuloy siya hanggang sa matagumpay niyang narating ang baybayin. Sa pagkakataong ito nang tanungin kung ano ang naging kaibhan, sinabi niyang hindi niya inalis sa isip niya ang baybayin sa gitna ng makapal na hamog at hanggang sa matapos ang kanyang paglangoy.15

Para kay Florence Chadwick, ang baybayin ang minithi niyang marating. Para sa bawat isa sa atin, ang templo ang minimithi natin. Mga kabataang babae, manatiling nakapokus. Huwag kalimutan ang inyong mga mithiin. Huwag hayaang hadlangan kayo ng makapal na hamog ng imoralidad at ng nakaliligaw na tinig ng daigdig sa pagkakamit ng inyong mga mithiin, pamumuhay ng mga pamantayan, pagtatamasa ng patnubay ng Espiritu Santo, at pagiging karapat-dapat na pumasok sa templo. Manatiling nakatuon sa templo—sa banal na bahay ng Tagapagligtas—sa inyong mga puso’t isipan.

Ilang linggo na ang nakalipas tumayo ako sa loob ng silid-selestiyal ng Reno. Ang ilaw sa silid na iyon ay napakaliwanag at lalo pang pinatindi ng kristal na chandelier, na ang mga inukit na bahagi ay kababanaagan ng liwanag na nagmistulang bahaghari sa buong silid. Namangha ako nang aking matanto na ang Tagapagligtas ang “liwanag at buhay ng daigdig,”16 na ang Kanyang liwanag ang dapat nating kapitan at pagnilayan. Tayo ang maliliit na kristal na kababanaagan ng Kanyang liwanag, at upang magawa iyon, dapat ay malinis tayo at wala tayong alabok ng mundo. Sa pagtayo ko sa templo nang araw na iyon, naisip kong muli ang panawagan ni Moroni sa atin—mga anak na babae ng Sion: “Gumising at bumangon mula sa alabok“.”17 “At huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay.”18 “Gumising at bumangon … at isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, O anak na babae ng Sion … , upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay matupad.”19

Ang mga ipinangakong pagpapala ng templo ay hindi lang para sa inyo kundi sa lahat ng henerasyon. Habang minimithi ninyo ang templo, ang inyong impluwensya para sa kabutihan ay lalampas pa sa buhay na ito, at ang gawaing isinasagawa ninyo sa mga yumao na ang magiging katuparan ng propesiya!

Noong huling pangkalahatang kumperensya napakasaya ko nang mapakinggan ang paanyaya ni Elder David A. Bednar sa bawat isa sa inyo na maging sabik sa paggawa ng inyong family history at gawain sa templo para sa mga pumanaw na hindi nakaranas ng pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.20 Nang ibigay niya ang paanyayang iyon sa inyo, napalukso sa tuwa ang puso ko. Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin ang tungkol sa “iba pang mga piling espiritu na inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw, kasama ang pagtatayo ng … mga templo at ang pagsasagawa ng mga ordenansa rito para sa pagtubos ng mga patay.”21 Ito ang inyong panahon, at nagsimula na ang gawain ninyo! Panahon na para maging karapat-dapat sa at magkaroon ng temple recommend. Sa paggawa ninyo ng gawaing ito, kayo ay magiging mga tagaligtas sa Bundok ng Sion.22

Ganito ang sinabi ni Elder Russell M. Nelson tungkol sa inyo, “Ang impluwensya ng mga kabataang babae ng Simbahan, tulad ng natutulog na higante, ay gigising, babangon, at bibigyang-inspirasyon ang mga tao sa mundo bilang magigiting na impluwensya para sa kabutihan.”23 Mga kabataang babae, bumangon at makibahagi sa maluwalhating mga kaganapan na huhubog ng inyong kinabukasan at sa kinabukasan ng daigdig. Ngayon na ang panahon!

“Sa tuktok ng bundok bandila’y hinirang. Masda’t nagwagayway sa sandaigdigan”!24 Mga kabataang babae, kayo ang bandila! Maging banal at dalisay, hangaring makasama ang Espiritu Santo, ibaon ang mga kasalanan at paglabag, manatiling nakapokus at huwag hayaang padilimin ng imoralidad ang inyong mga mithiin. Maging karapat-dapat na pumasok sa templo ngayon. Gamitin ninyo ang inyong “pampaningning”! Pinatototohanan ko nang taos-puso na buhay ang Diyos at bibigyang-liwanag Niya ang ating buhay habang lumalapit tayo sa Kanyang Pinakamamahal na Anak—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. At dalangin ko na, tulad ni Moroni, tayo ay “[babangon] at magliliwanag, upang ang [ating] liwanag ay maging sagisag sa mga bansa”!25 Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.