2012
Handa at Karapat-dapat na Maglingkod
Mayo 2012


Handa at Karapat-dapat na Maglingkod

Pangulong Thomas S. Monson

Ang mga himala ay matatagpuan saan man kapag ang priesthood ay naunawaan, kapag iginalang at ginamit nang tama ang kapangyarihan nito, at nanampalataya.

Mahal kong mga kapatid, napakasayang makasama kayong muli. Sa tuwing dadalo ako ng pangkalahatang pulong ng priesthood, iniisip ko ang mga turo ng ilan sa mararangal na pinuno ng Diyos na nagsalita sa mga pangkalahatang pulong ng priesthood ng Simbahan. Marami ang nagsipanaw na, subalit sa kanilang matalinong pag-iisip, sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, at sa kanilang mabubuting puso, binigyan nila tayo ng mga natatanging tagubilin. Ibabahagi ko sa inyo ngayong gabi ang ilan sa kanilang itinuro tungkol sa priesthood.

Mula kay Propetang Joseph Smith: “Ang priesthood ay walang hanggang alituntunin, at umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon.”1

Mula sa mga salita ni Pangulong Wilford Woodruff, nalaman natin: “Ang Banal na Priesthood ang paraan na gamit ng Diyos sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa mga tao sa mundo; at ang mga sugo ng langit na dumalaw sa mundo upang makipag-usap sa tao ay mga lalaking nagtaglay at gumalang sa priesthood noong nabubuhay pa sila sa mundo; at lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, simula pa sa pagdating ng tao sa mundo hanggang sa pagtubos sa mundo, ay sa bisa at magiging sa bisa ng walang hanggang priesthood.”2

Ipinaliwanag pa ito ni Pangulong Joseph F. Smith: “Ang priesthood ay … ang kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao upang ang tao ay makakilos sa mundo para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao, sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at kumilos nang may karapatan; hindi inaangkin ang awtoridad, ni hinihiram mula sa mga namayapa at nakalipas nang mga henerasyon, kundi awtoridad na ibinibigay, sa ating panahon, ng mga anghel na isinugo at mga espiritung mula sa langit, mula mismo sa presensya ng Makapangyarihang Diyos.”3

At ang panghuli ay mula kay Pangulong John Taylor: “Ano ang priesthood? … Ito ang pamahalaan ng Diyos, maging sa lupa o sa langit man, dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan, karapatan, o alituntuning ito ay pinamamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa at sa langit, at sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ay pinagtitibay at sinasang-ayunan ang lahat ng bagay. Pinamamahalaan nito ang lahat ng bagay—pinangangasiwaan nito ang lahat ng bagay—sinasang-ayunan nito ang lahat ng bagay—at ito ay may kinalaman sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa Diyos at sa katotohanan.”4

Napakapalad natin na maparito sa mga huling araw na ito, sa panahong narito sa mundo ang priesthood ng Diyos. Malaking pribilehiyo para sa atin ang taglayin ang priesthood na iyan. Ang priesthood ay higit pa sa isang kaloob, ito ay isang tungkuling maglingkod, pribilehiyong magbigay ng inspirasyon, at pagkakataong pagpalain ang buhay ng iba.

Kaakibat ng mga oportunidad na ito ang mga responsibilidad at tungkulin. Gusto ko at pinahahalagahan ang salitang tungkulin at lahat ng ipinahihiwatig nito.

Sa aking iba’t ibang tungkulin, sa iba’t ibang pagkakataon, dumadalo ako ng mga pulong ng priesthood sa nakalipas na 72 taon—mula nang maorden akong deacon sa edad na 12. Lumilipas ang panahon. Sumasabay rito ang mga tungkuling dapat nating gawin. Hindi nangangaunti o nababawasan ang ating tungkulin. Dumarating at nawawala ang malalaking labanan, ngunit ang digmaan para sa kaluluwa ng tao ay nagpapatuloy nang walang humpay. Tulad ng tunog ng trumpeta dumarating ang salita ng Panginoon sa inyo, sa akin, at sa mayhawak ng priesthood sa lahat ng dako: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”5

Ang tawag ng tungkulin ay ibinigay kina Adan, Noe, Abraham, Moises, Samuel, at David. Ibinigay ito kay Propetang Joseph Smith at sa lahat ng humalili sa kanya. Ang tawag ng tungkulin ay ibinigay sa binatilyong si Nephi nang atasan siya ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang amang si Lehi, na bumalik sa Jerusalem kasama ang kanyang mga kapatid para kunin ang mga laminang tanso kay Laban. Umangal ang mga kapatid ni Nephi, at sinabing mahirap na bagay ang ipinagagawa sa kanila. Ano ang sagot ni Nephi? Sabi niya, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”6

Kapag ibinigay sa atin ang gayunding tungkulin, ano ang isasagot natin? Tayo ba ay aangal, na tulad nina Laman at Lemuel, at sasabihing, “Mahirap na bagay itong hinihingi sa amin”?7 O tayo ba, tulad ni Nephi, ay magsasabing “Hahayo ako. Gagawin ko”? Handa ba tayong maglingkod at sumunod?

Kung minsan ang karunungan ng Diyos ay itinuturing na kahangalan o napakahirap sundin, ngunit ang isa sa mga pinakamaganda at pinakamahalagang aral na matututuhan natin sa mortalidad ay na kapag nagsalita ang Diyos at sumunod ang tao, laging magiging tama ang taong iyon.

Kapag iniisip ko ang salitang tungkulin at kung paano mapabubuti ng tungkulin ang buhay natin at ang buhay ng iba, naaalala ko ang isinulat ng isang bantog na makata at awtor:

Natulog ako at napanaginipan

Na ang buhay ay kagalakan

Nagising ako at nakita

Na ang buhay ay tungkulin

Tumalima ako at nakita

Ang tungkulin ay kagalakan.8

Ganito ang pagkasabi rito ni Robert Louis Stevenson. Sabi niya, “Alam ko kung ano ang kasiyahan, dahil maganda ang ginawa ko.”9

Kapag ginampanan natin ang ating mga tungkulin at ginamit ang ating priesthood, nakadarama tayo ng tunay na kagalakan. Masisiyahan tayo dahil natapos natin ang ating gawain.

Itinuro sa atin ang mga partikular na tungkulin ng priesthood na hawak natin, ito man ay Aaronic o Melchizedek Priesthood. Hinihimok ko kayong pagnilayan ang mga tungkuling iyon at gawin ang lahat ng inyong makakaya para magampanan ang mga ito. Upang magawa iyan, bawat isa ay kailangang karapat-dapat. Magkaroon tayo ng mga kamay na laging handa, karapat-dapat, at nagkukusa upang makibahagi tayo sa pagbibigay ng anumang nais ng Ama sa Langit na matanggap ng iba mula sa Kanya. Kung hindi tayo karapat-dapat, mawawala sa atin ang kapangyarihan ng priesthood; at kung wala ito sa atin, nawala sa atin yaong kinakailangan para sa ating kadakilaan. Maging karapat-dapat tayo na maglingkod.

Si Pangulong Harold B. Lee, isa sa mahuhusay na guro ng Simbahan ay nagsabi: “Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng priesthood, siya ay nagiging kinatawan ng Panginoon. Dapat niyang ituring ang kanyang tungkulin na parang siya ay nasa paglilingkod sa Panginoon.”10

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa mga unang buwan ng 1944, isang karanasan tungkol sa priesthood ang nangyari habang nilulusob ng mga marino ng Estados Unidos ang Kwajalein Atoll, bahagi ng Marshall Islands at nasa bandang Pacific Ocean sa pagitan ng Australia at Hawaii. Ang pangyayaring ito ay iniulat ng isang reporter—na hindi miyembro ng Simbahan—na nagtatrabaho sa isang pahayagan sa Hawaii. Sa kanyang artikulo sa isyu ng pahayagan noong 1944, isinulat niya na siya at ang iba pang reporter ay nasa pangalawang grupong sumunod sa mga marino sa Kwajalein Atoll. Habang papalapit sila, napansin nila ang isang batang marino na nakadapang lumulutang sa tubig, na malubhang nasugatan. Ang mababaw na tubig sa palibot niya ay pulang-pula dahil sa kanyang dugo. Pagkatapos ay napansin nila ang isa pang marino na papunta sa kasamahang sugatan. May sugat din ang pangalawang marino, nakalaylay ang kaliwang kamay sa kanyang tagiliran. Iniangat niya ang ulo ng kasama na palutang-lutang para hindi ito tuluyang malunod. Balisa siyang humingi ng tulong. Tiningnang muli ng mga reporter ang lalaking kanyang inaalalayan at sinabi, “Iho, wala na tayong magagawa sa binatang ito.”

“Pagkatapos,” ayon sa isinulat ng reporter, “May nasaksihan ako na noon ko lang nasaksihan.” Ang lalaking ito, na malubha ring nasugatan, ay nakabalik sa baybayin akay-akay ang tila wala nang buhay na kasamahan. “Ipinatong niya sa kanyang tuhod ang ulo ng kasamahan. … Kamangha-mangha ang tagpong ito—dalawang kabataang malubhang nasugatan—parehong … marangal at kalugud-lugod pagmasdan sa kabila ng kalunus-lunos na kalagayan. At nagyuko ng ulo ang isa at sinabing, ‘Iniuutos ko sa iyo, sa pangalan ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng priesthood, na manatili kang buhay hanggang sa makakuha ako ng tulong.’” Ganito tinapos ng reporter ang kanyang artikulo: “Kaming tatlo, [ang dalawang marino at ako] ay narito ngayon sa ospital. Hindi alam ng mga doktor [kung paano sila nakarating nang buhay], pero alam ko.”11

Ang mga himala ay matatagpuan saan man kapag ang priesthood ay naunawaan, kapag iginalang at ginamit nang tama ang kapangyarihan nito, at nanampalataya. Kapag pinalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, kapag pinawi ng taos-pusong paglilingkod ang pansariling hangarin, naisasakatuparan ng kapangyarihan ng Diyos ang Kanyang mga layunin.

Ang tawag ng tungkulin ay tahimik na dumarating kapag tayo na mayhawak ng priesthood ay ginagawa ang gawaing natatanggap natin. Si Pangulong George Albert Smith, ang simple ngunit napakahusay na lider, ay nagsabi, “Tungkulin ninyo una sa lahat na alamin ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa kapangyarihan at lakas ng Kanyang banal na Priesthood ay gampanan ang inyong tungkulin sa harap ng inyong kapwa … na magagalak ang mga tao na tularan kayo.”12

Ang gayong tawag ng tungkulin—na hindi man gaanong kamangha-mangha ay nakasagip din ng kaluluwa—ay nangyari sa akin noong 1950 noong bagong bishop pa lang ako. Ang mga responsibilidad ko bilang bishop ay marami at iba-iba, at sinikap kong gawin ang lahat ng ipinagawa sa akin sa abot ng aking makakaya. Ibang digmaan ang kinasasangkutan noon ng Estados Unidos. Dahil maraming miyembro natin ang naglilingkod sa militar, iniutos ng Church headquarters sa lahat ng bishop na bigyan ang bawat sundalo ng suskrisyon ng Church News at ng Improvement Era, ang magasin ng Simbahan noon. Bukod pa riyan, inatasan ang bawat bishop na sulatan nang personal buwan-buwan ang bawat sundalong nagmula sa kanyang ward. May 23 sundalo ang ward namin. Pinagsikapan ng mga priesthood quorum na bayaran ang mga suskrisyong ito sa publikasyon. Ginawa ko ang iniatas, maging ang tungkulin, na magsulat ng 23 liham bawat buwan. Hanggang ngayon may mga kopya pa ako ng marami sa mga liham ko at mga sagot na natanggap ko. Madali akong mapaluha kapag binabasa kong muli ang mga liham na ito. Napakasaya na malamang muli ang pangako ng isang sundalo na ipamuhay ang ebanghelyo, ang pagpapasiya ng isang sundalo na manalig kasama ng kanyang pamilya.

Isang gabi iniabot ko sa isang sister sa ward ang 23 liham para sa buwang iyon. Tungkulin niya na ipadala ang mga liham at ilista ang mga pabagu-bagong address. Tiningnan niya ang isang sobre at, nakangiting itinanong, “Bishop, hindi ba kayo nagsasawa kahit minsan? May liham na naman kayo rito para kay Brother Bryson. Pang-17 liham na ninyo ito sa kanya na hindi niya sinasagot.”

Sabi ko, “Malay natin, baka sumagot na siya ngayong buwan.” Sumagot nga siya nang buwang iyon. Sa unang pagkakataon, sinagot niya ang liham ko. Naging isang magandang alaala ang sagot niya. Nadestino siya noon sa napakalayong lugar, napahiwalay, nangungulila, nag-iisa. Isinulat niya, “Mahal kong Bishop, hindi ako mahilig magsulat.” (Puwede kong sabihin sana sa kanya iyon noong mga nakaraang buwan.) Sabi pa sa liham niya, “Salamat sa mga Church News at magasin, pero higit sa lahat salamat sa mga ipinadala mong personal na liham para sa akin. May mahahalagang nabago na sa buhay ko. Naorden na akong priest sa Aaronic Priesthood. Nag-uumapaw sa tuwa ang puso ko. Masaya ako.”

Mas masaya ang bishop ni Brother Bryson kaysa sa kanya. Natutuhan ko kung paano ipamuhay ang kasabihang “Gawin ang [inyong] tungkulin; iyan ang pinakamainam; [ang] Panginoon na ang bahala sa iba pa.”13

Makalipas ang ilang taon, habang nasa Salt Lake Cottonwood Stake ako noong panahong si James E. Faust pa ang pangulo nito, ikinuwento ko ang pangyayaring iyon para mas mabigyang-pansin ang ating mga sundalo. Pagkatapos ng miting, isang matikas na lalaki ang lumapit sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko at itinanong, “Bishop Monson, natatandan pa po ba ninyo ako?”

Bigla kong naisip kung sino siya. “Brother Bryson!” Ang malakas na sabi ko. “Kumusta ka na? Ano na ang tungkulin mo sa Simbahan?”

Masaya at may pagmamalaking sumagot siya, “Mabuti naman po. Nasa panguluhan po ako ng elders quorum namin. Salamat pong muli sa pagmamalasakit ninyo sa akin at sa mga ipinadala ninyong personal na liham na pinakaiingatan ko.”

Mga kapatid, kailangan ng daigdig ang ating tulong. Ginagawa ba natin ang lahat ng nararapat? Naaalala ba natin ang mga salita ni Pangulong John Taylor: “Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papananagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin.”14 May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas. Ang pagpapala ng kawalang-hanggan ay naghihintay sa inyo. Pribilehiyo ninyo na hindi maging tagapanood kundi maging kabahagi sa entablado ng paglilingkod sa priesthood. Pakinggan natin ang nakapupukaw na paalalang makikita sa Sulat ni Santiago: “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili.”15

Nawa’y matutuhan at pag-isipan natin ang ating tungkulin. Maging handa at karapat-dapat tayong maglingkod. Nawa ay masundan natin ang halimbawa ng Panginoon sa pagganap sa ating tungkulin. Kapag sinundan natin ang landas na tinahak ni Jesus, matutuklasan natin na Siya ay hindi lamang sanggol sa Betlehem, hindi lamang anak ng anluwagi, at hindi lamang pinakadakilang guro na nabuhay sa mundo. Makikilala natin Siya bilang Anak ng Diyos, ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Nang ibigay sa Kanya ang tawag ng tungkulin, sumagot Siya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”16 Nawa ay ganito rin ang ating gawin, ang dalangin ko sa Kanyang banal na pangalan, ang pangalan ni Jesucristo, ang Panginoon, amen.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 121.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 42.

  3. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 139–40; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2001), 143.

  5. Doktrina at mga Tipan 107:99; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. 1 Nephi 3:7; tingnan din sa mga talata 1–5.

  7. Tingnan sa 1 Nephi 3:5.

  8. Rabindranath Tagore, sa William Jay Jacobs, Mother Teresa: Helping the Poor (1991), 42.

  9. Robert Louis Stevenson, sa Elbert Hubbard II, tinipon, The Note Book of Elbert Hubbard: Mottoes, Epigrams, Short Essays, Passages, Orphic Sayings and Preachments (1927), 55.

  10. Stand Ye in Holy Places: Selected Sermons and Writings of President Harold B. Lee (1976), 255.

  11. Sa Ernest Eberhard Jr., “Giving Our Young Men the Proper Priesthood Perspective,” typescript, Hulyo 19, 1971, 4–5, Church History Library.

  12. George Albert Smith, sa Conference Report, Abr. 1942, 14.

  13. Henry Wadsworth Longfellow, “The Legend Beautiful,” sa The Complete Poetical Works of Longfellow (1893), 258.

  14. Mga Turo: John Taylor, 197.

  15. Santiago 1:22.

  16. Moises 4:2.