2012
Mga Bundok na Aakyatin
Mayo 2012


Mga Bundok na Aakyatin

Kung may pananampalataya tayo kay Jesucristo, ang pinakamahirap at maging ang pinakamadaling mga panahon sa buhay ay maaaring maging pagpapala.

Pangulong Henry B. Eyring

Narinig kong hiniling ni Pangulong Spencer W. Kimball sa Diyos sa isang sesyon ng kumperensya na bigyan siya ng mga bundok na aakyatin. Sabi niya: “Malaki ang mga hamong darating sa atin, malalaking oportunidad na haharapin. Tinatanggap ko ang magandang pagkakataong iyon at gusto kong sabihin sa Panginoon, nang mapagpakumbaba, ‘Ibigay ninyo sa akin ang bundok na ito,’ ibigay ninyo sa akin ang mga hamong ito.”1

Naantig ang puso ko, dahil alam ko ang ilan sa mga hamon at hirap na dinanas niya. Higit kong ninais na maging katulad niya, isang magiting na lingkod ng Diyos. Kaya, isang gabi ipinagdasal kong bigyan ako ng pagsubok para mapatunayan ang aking katapangan. Tandang-tanda ko pa iyon. Pagsapit ng gabi ay lumuhod ako sa aking silid na may pananampalatayang halos mag-umapaw sa puso ko.

Sa loob ng isa o dalawang araw nasagot ang aking dalangin. Nagulat at napakumbaba ako sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay ko. Dalawang aral ang natutuhan ko rito. Una, malinaw kong napatunayan na dininig at sinagot ng Diyos ang aking taimtim na panalangin. At pangalawa, nalaman ko kung bakit ko nadama nang buong tiwala nang gabing iyon na darating ang malaking pagpapalang mula sa paghihirap na magiging sulit anuman ang mangyari.

Ang paghihirap na dinanas ko sa araw na iyon ay tila maliit na ngayon kumpara sa mga paghihirap na dumating magmula noon—sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Marami sa inyo ngayon ang dumaranas ng pisikal, mental, at emosyonal na mga pagsubok na maaaring magpatangis sa inyo tulad ng nangyari sa isang dakila at tapat na lingkod ng Diyos na kilalang-kilala ko. Narinig ng nars ang kanyang pagtangis sa nararanasang sakit, “Sinikap kong magpakabait sa buong buhay ko, bakit nangyari ito sa akin?”

Alam ninyo kung paano sinagot ng Panginoon ang tanong na iyon para kay Propetang Joseph Smith sa kanyang bilangguan:

“At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.

“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?

“Samakatwid, maging matatag sa iyong landas, at ang pagkasaserdote ay mananatili sa iyo; sapagkat ang kanilang hangganan ay nakatakda, sila ay hindi makararaan. Ang iyong mga araw ay nababatid, at ang iyong mga taon ay hindi nababawasan ng bilang; kaya nga, huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”2

Sa tingin ko wala nang mas magandang sagot sa tanong kung bakit dumarating ang mga pagsubok at kung ano ang gagawin natin kaysa mga salita ng Panginoon, na nagdanas ng mga pagsubok para sa atin na mas matindi kaysa maiisip natin.

Alalahanin ninyo ang Kanyang mga salita nang ipayo Niya na tayo, dahil sa pananampalataya natin sa Kanya, ay dapat magsisi:

“Kaya nga iniuutos ko sa iyong magsisi—magsisi, upang hindi kita masaktan ng pamalo ng aking bibig, at ng aking poot, at ng aking galit, at ang iyong mga pagdurusa ay maging masakit—kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”3

Nananalig tayo na ang paraan para malagpasan ang mga pagsubok ay maniwala na may “balsamo sa Galaad”4 at na nangako ang Panginoon na, “Hindi kita … pababayaan.”5 Iyan ang itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson para tulungan tayo at yaong mga pinaglilingkuran natin na may malungkot at mabibigat na pagsubok.6

Ngunit matalino ring itinuro ni Pangulong Monson na ang pundasyon ng pananampalataya ay kailangang patatagin nang husto upang makamtan ang mga pagpapalang iyon. Marahil ay nakita na ninyo na kailangan ang pundasyong iyan, tulad ko, sa tabi ng higaan ng isang taong handa nang sumuko na magtiis hanggang wakas. Kung hindi matibay na nakatanim sa ating puso ang pundasyon ng pananampalataya, hindi tayo makatitiis.

Layon ko ngayong ilarawan ang nalalaman ko kung paano natin maitatayo ang di-natitinag na pundasyong iyan. Mapagpakumbaba ko itong gagawin sa dalawang kadahilanan. Una, ang sasabihin ko ay maaaring magpahina sa ilan na nahihirapan sa gitna ng malaking pagsubok at nadaramang gumuguho ang pundasyon ng kanilang pananampalataya. At ikalawa, alam ko na makararanas ako ng matitinding pagsubok bago magwakas ang buhay. Samakatwid, ang ipapayo ko sa inyo ay kailangan pang patunayan ng sarili kong pagtitiis hanggang wakas.

Noong binata ako, nagtrabaho ako sa isang kontratista sa paglalagay ng mga footing at pundasyon para sa mga bagong bahay. Sa init ng araw mahirap ihanda ang lupa sa porma o hugis na pagbubuhusan namin ng semento para sa footing. Wala pang mga makinarya. Gumamit kami ng piko at pala. Mahirap gumawa ng matitibay na pundasyon para sa mga gusali sa mga panahong iyon.

Nangailangan din ito ng pagtitiyaga. Pagkatapos naming buhusan ng semento ang footing, hinintay namin itong matuyo. Gustuhin man naming mapabilis ang trabaho, naghintay rin kaming matapos ang pagbuhos ng semento para sa pundasyon bago namin inalis ang mga porma.

At ang mas kahanga-hanga sa isang bagong karpintero ay ang tila mahirap at matagal na paglalagay ng mga bakal nang buong ingat sa loob ng mga porma para tumibay ang pundasyon.

Sa gayon ding paraan, kailangang ihandang mabuti ang lupa para sa pundasyon ng ating pananampalataya upang makayanan ang mga unos na darating sa buhay ng bawat isa. Ang matibay na batayan ng pundasyon ng pananampalataya ay integridad ng sarili.

Kapag lagi nating pinipili ang tama tuwing pumipili tayo, tumitibay ang pundasyon ng ating pananampalataya. Maaari itong magsimula sa pagkabata dahil bawat kaluluwa ay isinilang na may kaloob na Espiritu ni Cristo. Sa pamamagitan ng Espiritung iyan malalaman natin kapag nagawa natin ang tama sa harap ng Diyos at kapag mali ang ating nagawa sa paningin Niya.

Ang mga pagpiling iyon, na karaniwan ay daan-daan, ay inihahanda ang pundasyong kinasasaligan ng ating pananampalataya. Ang bakal sa paligid na pinagbuhusan ng ating pananampalataya ay ang ebanghelyo ni Jesucristo, kasama ang lahat ng tipan, ordenansa, at alituntunin nito.

Ang isa sa mga susi sa di-matitinag na pananampalataya ay ang tamang pagtantiya kung sapat na ba ang lakas nito. Kaya nga hindi ako naging matalino sa pagdarasal nang napakaaga sa buhay ko na bigyan ako ng mas matataas na bundok na aakyatin at mas malalaking pagsubok.

Hindi kaagad-agad tumitibay ang pananampalataya sa paglipas ng panahon, kundi nangangailangan ito ng sapat na panahon. Ang pagtanda ay hindi sapat. Masigasig na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa nang buong puso at kaluluwa ang nagbubunga ng patotoo na nagiging matibay na espirituwal na lakas.

Ngayon, nais kong hikayatin yaong mga may mabibigat na pagsubok, na nakadarama na naglalaho na ang kanilang pananampalataya dahil sa pagdagsa ng problema. Ang problema mismo ay maaaring magpalakas at sa huli ay magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya. Sinabi sa atin ni Moroni, ang anak ni Mormon sa Aklat ni Mormon, kung paano mapapasaatin ang pagpapalang iyon. Itinuro niya ang simple at magandang katotohanan na ang pagkilos nang may maliit na pananampalataya ay nagtutulot sa Diyos na palakasin ito:

“At ngayon, ako, si Moroni, ay mangungusap nang bahagya hinggil sa mga bagay na ito; ipakikita ko sa sanlibutan na ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.

“Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ay ipinakita ni Cristo ang kanyang sarili sa ating mga ama, matapos siyang bumangon mula sa patay; at hindi niya ipinakita ang kanyang sarili sa kanila hanggang sa nagkaroon muna sila ng pananampalataya sa kanya; anupa’t kinakailangan na may pananampalataya sa kanya ang ilan, sapagkat hindi niya ipakikita ang kanyang sarili sa sanlibutan.

“Subalit dahil sa pananampalataya ng mga tao ay ipinakita niya ang kanyang sarili sa sanlibutan, at niluwalhati ang pangalan ng Ama, at naghanda ng daan nang sa gayon ang iba ay maaaring maging kabahagi sa makalangit na handog, upang sila ay umasa sa mga yaong bagay na hindi nila nakikita.

“Kaya nga, maaari rin kayong magkaroon ng pag-asa, at maging kabahagi ng handog, kung kayo ay magkakaroon lamang ng pananampalataya.”7

Ang pananampalatayang iyan na pinakamahalaga at dapat ninyong protektahan at gamitin hangga’t kaya ninyo ay ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Itinuro ni Moroni ang kapangyarihan ng pananampalatayang iyan nang ganito: “At ni hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya; anupa’t sila ay unang naniwala sa Anak ng Diyos.”8

Nakausap ko ang isang babaeng tumanggap ng lakas na matiis ang di-akalaing mga pagkabigo sa simpleng pag-uulit nang walang-tigil ng mga salitang, “Alam kong buhay ang aking Manunubos.”9 Ang pananampalataya at patotoong iyon ay naroon pa rin sa gitna ng ulap na lumalambong sa kanya ngunit hindi nito kayang pawiin ang mga alaala ng kanyang kabataan.

Nagulat akong malaman na napatawad ng isa pang babae ang isang taong matagal nang nagkasala sa kanya. Nagulat ako at tinanong ko siya kung bakit niya ipinasiyang patawarin at kalimutan ang panlilibak nito sa loob ng maraming taon.

Mahinahon niyang sinabi, “Isa ito sa pinakamahirap na bagay na ginawa ko, pero alam ko lang na kailangan kong gawin ito. Kaya ginawa ko.” Ang kanyang pananampalataya na patatawarin siya ng Tagapagligtas kung patatawarin niya ang iba ay naghanda sa kanya na pumanaw nang payapa at may pag-asa ilang buwan lang matapos niyang patawarin ang kanyang hindi nagsisising kaaway.

Itinanong niya sa akin, “Kapag naroon na ako, ano ang magiging kalagayan ko sa langit?”

At sinabi ko, “Ang alam ko lang dahil sa nakita kong kakayahan mong manampalataya at magpatawad na ito ay magiging magandang pagbabalik.”

May isa pa akong panghihikayat sa mga nag-iisip ngayon kung sapat na ang pananampalataya nila kay Jesucristo para makapagtiis hanggang wakas. Mapalad akong makilala ang iba sa inyo na nakikinig ngayon noong mas bata pa kayo, masigla, matalino kaysa karamihan sa paligid ninyo, subalit pinili ninyong gawin ang gagawin ng Tagapagligtas. Sa inyong kasaganahan nakakita kayo ng mga paraang tulungan at pagmalasakitan ang mga taong maaari sanang hindi ninyo mapansin o mapahalagahan dahil sa inyong katayuan sa buhay.

Kapag dumating ang mga pagsubok, sasainyo ang pananampalatayang matiis ito nang husto, na tinaglay ninyo nang hindi napapansin nang kumilos kayo ayon sa dalisay na pag-ibig ni Cristo, na naglilingkod at nagpapatawad sa kapwa na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Pinatibay ninyo ang pundasyon ng pananampalataya dahil nagmahal kayo tulad ng Tagapagligtas at naglingkod para sa Kanya. Ang inyong pananampalataya sa Kanya ay humantong sa pag-ibig sa kapwa na magbibigay sa inyo ng pag-asa.

Hindi pa huli ang lahat para palakasin ang pundasyon ng pananampalataya. Palaging may panahon. Sa pananampalataya sa Tagapagligtas, makapagsisisi kayo at makahihingi ng tawad. Mayroon kayong mapapatawad. Mayroon kayong mapasasalamatan. May tao kayong mapaglilingkuran at mapasisigla. Magagawa ninyo ito saanman kayo naroon at gaano man kayo kalumbay at nag-iisa.

Hindi ko maipapangakong magwawakas ang inyong paghihirap sa mundong ito. Hindi ko matitiyak sa inyo na panandalian lang ang inyong mga pagsubok. Ang isa sa mga katangian ng mga pagsubok sa buhay ay tila pinapabagal nito ang mga orasan at halos parang tumigil na ito.

May mga dahilan iyan. Ang malaman ang mga dahilang iyon ay maaaring hindi gaanong magbigay ng kapanatagan, ngunit makadarama kayo ng pagtitiis. Ang mga dahilang iyon ay mula sa isang katotohanang ito: sa sakdal na pagmamahal Nila sa inyo, gusto kayong iwasto ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para makapiling ninyo Sila at ang inyong pamilya magpakailanman. Ang mga taong nalinis lamang nang lubusan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang makaparoroon.

Nakibaka ang nanay ko sa kanser nang halos 10 taon. Ang mga pagpapagamot at operasyon at sa huli ay pagkaratay sa higaan ay ilan sa kanyang mga pagsubok.

Naaalala kong sinabi ng tatay ko pagkatapos niyang makita ang paghugot ni Inay ng kanyang huling hininga, “Umuwi na ang batang musmos para magpahinga.”

Isa sa mga nagsalita sa kanyang burol si Pangulong Spencer W. Kimball. Sa mga papuring binigkas niya, may naalala akong isa na parang ganito ang pagkakasabi: “Maaaring naisip ng ilan sa inyo na nagdusa nang matagal at matindi si Mildred dahil may mali siyang ginawa na nangailangan ng gayong mga pagsubok.” Pagkatapos sinabi niya, “Hindi ganoon, ginusto lang ng Diyos na dalisayin pa siya nang kaunti.” Naisip ko noon, “Kung ang babaeng ganoon kabait ay kailangan pang dalisayin, paano pa kaya ako?”

Kung may pananampalataya tayo kay Jesucristo, ang pinakamahirap at maging ang pinakamadaling mga panahon sa buhay ay maaaring maging pagpapala. Sa anumang sitwasyon, makapipili tayo ng tama sa patnubay ng Espiritu. Nasa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo na huhubog at gagabay sa ating buhay kung gusto natin. At dahil sa mga propetang naghahayag sa atin ng ating lugar sa plano ng kaligtasan, makapamumuhay tayo nang may lubos na pag-asa at kapayapaan. Hindi natin kailangang madama na tayo ay nag-iisa o hindi minamahal sa paglilingkod sa Panginoon, dahil hindi iyan totoo. Madarama natin ang pag-ibig ng Diyos. Nangako ang Tagapagligtas ng mga anghel na mapapasaating kaliwa at sa ating kanan, upang dalhin tayo.10 Lagi Siyang tumutupad sa pangako.

Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ang ating Manunubos. Pinagtibay ng Espiritu Santo ang katotohanan sa kumperensyang ito at muli Niya itong gagawin kung hahangarin, kung pakikinggan, at pag-aaralan ninyo kalaunan ang mga mensahe ng mga awtorisadong lingkod ng Panginoon, na narito. Si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon sa buong mundo. Pinangangalagaan kayo ng Panginoon. Ang Diyos Ama ay buhay. Ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, ay ating Manunubos. Walang hanggan ang Kanyang pagmamahal. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.