2012
Ang Mahabagin ay Kahahabagan
Mayo 2012


Ang Mahabagin ay Kahahabagan

Kapag ang ating puso ay puno ng pag-ibig ng Diyos, tayo ay nagiging “[mapagmagandang-loob] sa isa’t isa, mga mahabagin, na [nangagpapatawaran].”

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Mahal kong mga kapatid, kamakailan lang ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang nag-aalalang ina na nakiusap na magbigay kami ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa isang paksang makatutulong lalo na sa kanyang dalawang anak. Nagkaroon ng hinanakit ang dalawa sa isa’t isa, at hindi na sila nag-uusap. Lungkot na lungkot ang ina. Sa liham tiniyak niya sa akin na ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperansya tungkol sa paksang ito ay mapagkakasundo ang kanyang mga anak, at magiging maayos ang lahat.

Ang taos-pusong pakiusap ng inang ito ay isa lamang sa mga pahiwatig na natanggap ko nitong mga huling buwan na dapat kong talakayin ngayon ang paksang nakababahala na sa marami—hindi lamang para sa isang nag-aalalang ina kundi para sa marami sa Simbahan at, sa katunayan, sa buong mundo.

Humanga ako sa pananalig ng mapagmahal na inang ito na mapagkakasundo ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang kanyang mga anak. Natitiyak ko na ang tiwala niya ay hindi sa kakayahan ng mga tagapagsalita kundi sa “bisa ng salita ng Diyos,” na may “higit [na] malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa … ano pa mang bagay.”1 Mahal na kapatid, dalangin kong maantig ng Espiritu ang puso ng iyong mga anak.

Kapag Hindi Naging Maganda ang Pagsasamahan

Ang hindi maganda at nasirang pagsasamahan ay nangyayari na noon pa mang likhain ang tao. Si Cain ang unang nagpadaig sa inggit at kasamaang nadama niya sa kanyang puso. Nagtanim siya ng inggit at poot sa kanyang kalooban at hinayaang sumidhi ang damdaming ito hanggang sa magawa niya ang hindi mo iisiping magagawa niya—pinatay niya ang sarili niyang kapatid at dahil dito ay siya ang nagpasimula ng mga kasinungalingan ni Satanas.2

Magmula sa unang mga araw na iyon ang inggit at poot ay naging sanhi ng ilan sa lubhang kahindik-hindik na mga pangyayari sa kasaysayan. Napoot si Saul kay David, ang mga anak ni Jacob sa kanilang kapatid na si Jose, sina Laman at Lemuel kay Nephi, at si Amalikeo kay Moroni.

Palagay ko lahat ng tao sa mundo ay naapektuhan kahit paano ng nakapipinsalang pagtatalu-talo, pagkamuhi, at paghihiganti. Marahil ay may mga pagkakataon pa na nadarama natin ito sa ating kalooban. Kapag tayo ay nasasaktan, nagagalit, o naiinggit, madaling manghusga ng ibang tao, at kadalasan ay iniisip natin na may masama silang motibo para mapangatwiranan natin ang ating sariling pagkamuhi.

Ang Doktrina

Mangyari pa, alam nating mali ito. Malinaw ang doktrina. Lahat tayo ay umaasa sa Tagapagligtas; walang maliligtas sa atin kung wala Siya. Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay walang katapusan at walang hanggan. Ang kapatawaran para sa ating mga kasalanan ay dumarating nang may mga kundisyon. Kailangan tayong magsisi, at maging handang patawarin ang iba. Itinuro ni Jesus: “Patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad … ay [hahatulan] sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan”3 at “Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka’t sila’y kahahabagan.”4

Mangyari pa, ang mga salitang ito ay tila lubos na makatwiran—kapag patungkol sa ibang tao. Napakalinaw at madali nating nakikita ang masasamang bunga nito kapag iba ang nanghusga at naghinanakit. At tiyak na hindi natin gustong husgahan tayo ng mga tao.

Ngunit pagdating sa sariling kakitiran ng ating pag-iisip at mga hinanakit, napakadalas nating pangatwiranan na tama lang na magalit tayo at may batayan at matwid ang ating paghuhusga. Bagama’t hindi natin nakikita ang saloobin ng iba, ipinapalagay natin na sa tingin pa lang sa isang tao ay alam na natin kung siya ay may masamang motibo o masamang tao. Hindi natin isinasali ang ating sarili pagdating sa sarili nating hinanakit dahil inaakala natin, sa ginawa natin, na alam natin ang lahat tungkol sa isang tao para isiping masama siya.

Sinabi ni Apostol Pablo, sa kanyang liham sa mga taga-Roma, na yaong mga humuhusga sa iba ay “wala[ng] madadahilan.” Kapag hinusgahan natin ang iba, paliwanag niya, hinuhusgahan natin ang ating sarili, sapagka’t walang taong hindi nagkakasala.5 Ang hindi magpatawad ay malaking kasalanan—na ibinabala ng Tagapagligtas. Ang sariling mga disipulo ni Jesus ay “naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.”6

Malinaw na nagsalita ang ating Tagapagligtas tungkol sa paksang ito kaya imposibleng hindi natin maunawaan ang sinabi Niya. “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin,” ngunit pagkatapos ay sinabi Niya, “… kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”7

Maaari bang magdagdag ako ng paliwanag dito? Kapag iniutos ng Panginoon na patawarin natin ang lahat ng tao, kabilang diyan ang ating sarili. Kung minsan, sa lahat ng tao sa mundo, ang taong pinakamahirap patawarin—at marahil ay siyang pinaka-kailangan nating patawarin—ay ang ating sarili.

Ang Mahalagang Tuntunin

Ang paksang ito ng paghusga sa iba ay totoong maituturo sa dalawang salita. Pagdating sa pagkapoot, tsismis, pagbabalewala, pangungutya, paghihinanakit, o pagnanais na magpahamak, sundin sana ninyo ang sumusunod:

Itigil ito!

Ganyan lang kasimple. Kailangan lang tayong tumigil sa paghuhusga sa iba at palitan ng pusong puno ng pagmamahal para sa Diyos at sa Kanyang mga anak ang ating mapanghusgang isipan at damdamin. Ang Diyos ay ating Ama. Tayo ay Kanyang mga anak. Lahat tayo ay magkakapatid. Hindi ko talaga alam kung paano ko ipaliliwanag ang puntong huwag husgahan ang iba nang may sapat na kalinawan, sigla, at panghihikayat upang palagi ninyo itong maalala. Maaari akong bumanggit ng isang talata sa banal na kasulatan, maaari kong subukang ipaliwanag ang doktrina, at masasabi ko pa ang nakasaad sa bumper sticker na nakita ko kamakailan. Nakadikit ito sa likod ng isang kotse na mukhang masungit ang drayber, ngunit maganda ang itinuro ng mga salita sa sticker. Sabi roon, “Huwag ninyo akong husgahan dahil iba ang kasalanan ko kaysa inyo.”

Dapat nating matanto na lahat tayo ay hindi perpekto—tayo ay mga pulubi sa harap ng Diyos. Hindi ba lahat naman tayo, sa iba’t ibang pagkakataon, ay mapakumbabang dumulog sa luklukan ng awa at nagsumamong makatanggap ng biyaya? Hindi ba natin hinangad nang buong lakas ng ating kaluluwa na kahabagan tayo—na mapatawad tayo sa mga pagkakamali at pagkakasalang nagawa natin?

Dahil lahat tayo ay umaasa sa awa ng Diyos, bakit natin pagkakaitan ang iba ng kahit bahagyang biyaya na kailangang-kailangan natin para sa ating sarili? Mahal kong mga kapatid, hindi ba tayo dapat magpatawad na tulad ng nais nating mapatawad tayo?

Ang Pag-ibig ng Diyos

Mahirap ba itong gawin?

Oo naman.

Hindi madaling patawarin ang ating sarili at ang iba. Katunayan, marami sa atin ang nangangailangan ng malaking pagbabago sa ugali at isipan—maging isang pagbabago ng puso. Ngunit may mabuting balita. Itong “malaking pagbabago”8 ng puso ang mismong layon ng ebanghelyo ni Jesucristo na mangyari sa ating buhay.

Paano ito mangyayari? Sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos.

Kapag ang ating puso ay puno ng pag-ibig ng Diyos, may nangyayaring mabuti at dalisay sa atin. “[Tinutupad natin] ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat. Sapagka’t ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan.”9

Kapag higit nating tinulutang mangibabaw ang pag-ibig ng Diyos sa ating isipan at damdamin—kapag higit nating tinulutang matigib ang ating puso ng pagmamahal sa ating Ama sa Langit—mas madaling mahalin ang iba nang may dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kapag tinulutan nating puspusin tayo ng Diyos ng Kanyang pag-ibig, unti-unting mapapawi ang ating poot at inggit.

Sa tuwina, si Cristo ang ating huwaran. Sa Kanyang mga turo at maging sa Kanyang buhay, ipinakita Niya sa atin ang paraan. Pinatawad Niya ang masasama, ang mahahalay, at yaong naghangad na saktan at ipahamak Siya.

Sinabi ni Jesus na madaling mahalin ang mga nagmamahal sa atin; maging ang masasama ay magagawa iyan. Ngunit nagturo ng mas mataas na batas si Jesucristo. Ilang siglo na ang nakararaan nang sambitin Niya ang mga salitang ito at angkop iyon sa atin ngayon. Para iyon sa lahat ng nagnanais na maging Kanyang mga disipulo. Ang mga ito ay para sa inyo at sa akin: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [gumawa ng mabuti sa kanila na napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.”10

Kapag ang ating puso ay puno ng pag-ibig ng Diyos, tayo ay nagiging “[mapagmagandang-loob] sa isa’t isa, mga mahabagin, na [nangagpapatawaran] sa isa’t isa, gaya naman ng pagpapatawad sa [atin] ng Dios [alang-alang] kay Cristo.”11

Mapapawi ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ang hinanakit at pagkamuhi, na nagtutulot sa atin na ituring ang iba tulad ng pagturing sa atin ng ating Ama sa Langit: na mga mortal na may kahinaan at hindi perpekto ngunit may potensyal na higit pa sa inaakala natin. Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, dapat din nating mahalin at patawarin ang isa’t isa.

Ang Pamamaraan ng Disipulo

Mahal kong mga kapatid, pag-isipan ang sumusunod na mga tanong para masuri ang inyong sarili:

May hinanakit ba kayo sa ibang tao?

Nagtsi-tsismis ba kayo, kahit maaaring totoo ang sinasabi ninyo?

Pinaaalis, pinalalayo, o pinarurusahan ba ninyo ang iba dahil sa isang bagay na nagawa nila?

Lihim ba ninyong kinaiinggitan ang iba?

Hangad ba ninyong ipahamak ang isang tao?

Kung oo ang sagot ninyo sa alinman sa mga tanong na ito, magagamit ninyo ang itinuro kong dalawang salita kanina: itigil ito!

Sa mundong puno ng mga pagpaparatang at kasungitan, madaling humanap ng dahilan para kasuklaman at hindi igalang ang isa’t isa. Ngunit bago natin ito gawin, alalahanin natin ang mga salita ng isang Nilalang na ating Panginoon at huwaran: “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kanya.”12

Mga kapatid, ibaba natin ang ating mga bato.

Maging mabait tayo.

Magpatawad tayo.

Mahinahon nating kausapin ang isa’t isa.

Hayaang mapuno ng pag-ibig ng Diyos ang ating puso.

“Magsigawa tayo ng mabuti sa lahat.”13

Ipinangako ng Tagapagligtas: “Mangagbigay kayo, at kayo’y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw. … Sapagka’t sa panukat na inyong [ginagamit] ay doon kayo muling susukatin.”14

Hindi pa ba sapat ang pangakong ito para lagi tayong magtuon sa paggawa ng mabuti, pagpapatawad, at pag-ibig sa kapwa sa halip na gumawa ng masama?

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating gantihan ng mabuti ang masama.15 Huwag tayong maghiganti o huwag tulutang manaig ang poot sa atin.

“Sapagka’t nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.

“Kaya’t kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya’y mauhaw, painumin mo. …

“Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.”16

Alalahanin: sa huli, ang mahabagin ay kahahabagan.17

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, saanman tayo naroon, hayaan nating makilala tayo bilang mga taong “may pagibig sa isa’t isa.”18

Mahalin ang Isa’t Isa

Mga kapatid, laganap na ang hinagpis at kalungkutan sa buhay na ito hindi pa man natin ito nadaragdagan ng sarili nating pagmamatigas, hinanakit, at pagkamuhi.

Hindi tayo perpekto.

Ang mga tao sa paligid natin ay hindi perpekto.19 Ang mga tao ay nakakagawa ng mga bagay na nakakayamot, nakakalungkot, at nakakagalit. Lagi itong mangyayari sa mortal na buhay na ito.

Gayunpaman, alisin natin ang ating mga hinanakit. Bahagi ng layunin ng mortalidad ang matutong alisin ang gayong mga bagay. Iyan ang pamamaraan ng Panginoon.

Alalahanin, karaniwan ang pangyayaring ito sa mga naroon sa langit: Sila ay napatawad. At sila ay nagpatawad.

Iluhog ang inyong pasanin sa paanan ng Tagapagligtas. Huwag manghusga. Hayaang baguhin at paghilumin ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang inyong puso. Mahalin ang isa’t isa. Patawarin ang isa’t isa.

Ang mahabagin ay kahahabagan.

Pinatototohanan ko ito sa pangalan Niya na nagmahal nang lubos at ganap kaya’t ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa atin, na Kanyang mga kaibigan—sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.