2019
Pagharap sa Problema ng Pornograpiya: Pagprotekta, Pagtugon, at Paggaling
Oktubre 2019


Pagharap sa Problema ng Pornograpiya: Pagprotekta, Pagtugon, at Paggaling

Mula sa pangunahing mensahe na ibinigay sa 2018 Utah Coalition Against Pornography conference sa Salt Lake City, Utah.

Ang tatlong aplikasyong ito ng pagmamahal ay makatutulong sa ating mga anak kapag may problema sila sa pornograpiya.

mother and daughter hugging

Larawan mula sa Getty Images, ginamit para sa paglalarawan, ginamitan ng mga modelo

Alam ko ang masakit na katotohanan ng impluwensya ng pornograpiya maging sa mga pinakabata sa ating lipunan—na ating mga anak. Isang salot na patuloy na lumalaganap, ang pornograpiya ay nagdudulot ng kahihiyan, panlilinlang, masamang pakiramdam, kawalan ng pagpipigil sa sarili, napakatinding adiksyon, at pagsasayang ng oras, pag-iisip, at enerhiya. Kinakailangan nating lahat—mga magulang, pamilya, titser, lider—na tunay na makita, mapahalagahan, at maprotektahan ang ating mga anak at kabataan.

Ang pagmamahal ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos. Ang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa ay dalawang pinakadakilang utos na ibinigay mismo sa atin ni Jesucristo. Ang pagmamahal, naniniwala ako, ay pinakamalakas din nating sandata sa paglaban sa pornograpiya.

Katunayan, ayon sa popular na catchphrase, “ang pornograpiya ay pumapatay ng pagmamahal,” ngunit tandaan din natin na ang pagmamahal ay pumapatay ng pornograpiya. Hindi ibig sabihin nito na mababago ng pagmamahal natin sa isang tao ang kanyang adiksyon o maging ang kanyang ugali. Ngunit ang pagmamahal ay maghihikayat sa atin—kung paano tayo maghahanda, tutugon, makikinig—lalo na sa ating mga anak. Kung magkakaroon tayo ng anumang pag-asa na maalis ang salot na ito sa mundo, ang pagmamahal ay dapat maging kapwa motibasyon at pundasyon ng lahat ng ating pagsisikap.

Nais kong magbahagi ng tatlong aplikasyon ng pagmamahal na umaasa ako na ating pagtutuunan ng pansin, tatanggapin, at gagawin. Ang tatlong aplikasyong ito ay nakaugnay sa tatlong yugto ng pagharap sa problema ng pornograpiya na maaaring maranasan ng ating mga anak.

Una, sinasabi natin na “Mahal kita” sa pamamagitan ng tunay na pagprotekta sa kanila. Pangalawa, sinasabi natin na “Mahal pa rin kita” sa pamamagitan ng paraan ng pagtugon natin sa pagkalantad nila sa pornograpiya, sinadya man o hindi. At pangatlo, sinasabi natin na “Mamahalin pa rin kita” sa pamamagitan ng pagbibigay ng magiliw na suporta sa kanila habang nagsisikap silang mapagaling kung sila ay lulong na sa paggamit nito. Sa bawat parirala, pagmamahal ang susi.

1. Pagprotekta: “Mahal Kita”

Ilarawan sa inyong isipan ang anak na minamahal ninyo. Kapag sinasabi ninyo sa anak na ito, “Mahal kita,” ano ang kahulugan nito? Karaniwan, ang kahulugan nito ay nagbibigay tayo ng proteksiyon para matulungan natin ang mga taong mahal natin na maging pinakamabuti at makayanan ang mga hamon ng buhay. Bahagi ng pagpoprotekta ang pagbuo ng matibay, mapagtiwala, at matatag na ugnayan. Ang ganitong uri ng ugnayan ay tumutulong para mas mapalapit sa atin ang ating mga anak. Kapag bumubuo tayo ng matibay na ugnayan ng pagtitiwala at pagprotekta sa ating mga anak at apo—o sa sinumang bata—binibigyan natin sila ng ligtas na lugar na mapupuntahan. Ang proteksyong ito ay tumutulong sa kanila na maunawaan kung sino sila at tumutulong sa kanila na maintindihan ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Ang nadaramang pagpapahalaga at pagmamahal ay tumutulong sa mga anak na makaunawa at umasa sa mapagmahal na Ama sa Langit na nagbibigay ng mga tagubilin para sa kanilang kaligayahan.

Nag-aalala ako na maraming magulang ang maaaring hindi pa natatanto kung gaano talaga kapanganib ang pornograpiya o iniisip na problema lang ito ng ibang tao. Ang totoo ang problemang ito ay nakakaapekto sa mga batang lalaki at babae, at hindi natin ito lubos na pinag-uusapan.

Maraming taon na ang nakaraan, nakarinig kaming mag-asawa ng isang magandang kuwento na madalas naming ikuwento sa aming mga anak. Ang kuwento ay tungkol sa isang matandang rattlesnake o ahas na nakiusap sa isang batang lalaki na dalhin siya sa tuktok ng bundok para makita ang paglubog ng araw bago mamatay ang ahas. Nag-alinlangan ang bata, pero nangako ang ahas na hindi siya tutuklawin bilang kapalit ng pagdala ng bata sa kanya. Pagkatapos magkasundo, maingat na dinala ng bata ang ahas sa tuktok ng bundok kung saan nila pinanood nang magkasama ang paglubog ng araw.

Pagkatapos madala ang ahas pabalik sa lambak, naghanda ng pagkain ang bata para sa kanyang sarili at ng higaan sa gabi. Kinaumagahan, hiniling ng ahas, “Pwede ba, iho, na dalhin mo ako pauwi sa aking tahanan? Oras na para lisanin ko ang mundong ito, at gusto kong umuwi sa aking tahanan.” Nadama ng batang lalaki na ligtas siya at na tinupad ng ahas ang kanyang pangako, kaya’t nagpasiya siyang dalhin ang ahas sa tahanan nito gaya ng kahilingan nito.

Maingat niyang pinulot ang ahas, kinarga, at dinala sa ilang sa tahanan nito para mamatay. Bago niya mailapag ang ahas, bumaling ang ahas at tinuklaw siya sa dibdib. Napahiyaw ang bata at itinapon ang ahas sa lupa. “Ginoong Ahas, bakit mo ginawa iyon? Ngayon ay tiyak na mamamatay ako!” Tumingin sa kanya ang ahas at ngumisi: “Kilala mo kung sino ako nang pulutin mo ako.”

Sa mundo ngayon, nakakakita ako ng maraming magulang na pinahahawakan sa kanilang anak ang isang ahas. Ang tinutukoy ko ay ang smartphone. Hindi natin maaaring bigyan ng mga cell phone na may internet ang ating mga musmos na anak na wala pang sapat na gulang para makaunawa, na wala pang sapat na karunungan at kakayahang magpasiya, at na walang kontrol ng magulang at iba pang tools na makatutulong para maproptektahan sila. Si Jason S. Carroll, isang propesor ng family life sa Brigham Young University, ay nagsabing, “Pinangangalagaan natin ang ating mga anak hanggang sa mapangalagaan nila ang kanilang sarili.” Ang brain stem, na kinaroroonan ng sentro ng kasiyahan ng utak, ang unang nabubuo. Kalaunan lamang lubos na nabubuo ang mga kakayahang mangatwiran at magdesisyon sa frontal cortex. “Kaya nakatapak ang mga bata sa pedal pero hindi nila alam kung kailan sila hihinto.”1

Lahat ng phone ay dapat mayroong proteksyon, pati ang phone ng mga tinedyer.’ Ito ay maganda ring payo sa mga adult o matatanda. Walang hindi tinatablan sa tuklaw ng makamandag na ahas. Pinipili ng ilang mga magulang ang flip phone para sa kanilang mga anak na magagamit lamang sa pagtawag at pag-text.

Bukod pa sa mga smartphone, maraming iba pang mga device na maaaring maka-access sa mga hindi angkop na media sa pamamagitan ng internet. Makikita sa huling pag-aaral na 79 porsiyento ng pagkalantad sa pornograpiya ay nangyayari sa tahanan.2 Maaaring makita ito ng mga anak sa mga tablet, smartphone, game console, portable DVD player, at smart TV, at marami pang iba. May kilala akong mga pamilya na inilalagay ang ginagamit na mga electronic device sa lugar na madalas na dinadaanan ng pamilya. Ang tawag dito ng mga pamilyang ito ay “media room,” at lahat ng device nila ay lantarang makikita, sa liwanag. Walang sinumang tao ang dapat na nag-iisa sa silid na gamit ang media device.

Patakaran naman ng iba pang mga pamilya ang hindi paggamit ng phone sa mga kuwarto o banyo. Simpleng sinasabi ng iba, “Huwag mag-isa kapag gumagamit ng phone.” Ang iba pa ay nagdagdag ng access sa apps na maaaring gamitin ng kanilang mga anak sa software na nagtutulot sa mga magulang na makita ang tinitingnan ng anak sa phone. Sa paraang ito itinuturo nila na ang pagtitiwala ay pinaghihirapang matamo at mahalaga ang proteksyon sa phone.

Anuman ang pangangailangan ng ating pamilya, turuan natin ang bawat isa sa pamilya natin na gamitin nang matalino at positibo ang teknolohiya sa simula pa lamang—para magkaroon ng moral na huwaran ng pag-iisip. Turuan natin ang mga anak sa paraang positibo para magamit nila nang makabuluhan ang teknolohiya. Maaari natin silang turuan na suriin ang kanilang sarili sa pagtatanong ng, “Makabubuti ba ang paggamit nito?” Ang mga pasiya natin kung paano natin tuturuan ang ating pamilya ngayon ay makakaimpluwensya sa mga henerasyon sa hinaharap.

Bilang mga magulang, umaasa ako na pag-iisipan natin ang kahalagahan ng mga pakikipag-ugnayan natin sa ating mga anak at ang mga partikular na pagsisikap na ginagawa natin para maprotekthan sila. Kapag pinagtibay natin ang mga pakikipag-ugnayang ito nang may pagmamahal, mas mauunawaan ng mga anak kung bakit nagbabala ang Diyos laban sa kasamaan ng pornograpiya, malalaman nila kung paano iiwasan ito, at magiging handa sila kapag nakaharap nila ang mga ito.

father talking with his son

Larawan mula sa Getty Images, ginamit para sa paglalarawan, ginamitan ng mga modelo

2. Pagtugon: “Mahal Pa Rin Kita”

Ang magiliw, tapat, at kasiya-siyang pag-uusap na naghihikayat sa mga anak na magbahagi ng kanilang iniisip, karanasan, at tanong sa kanilang mga magulang ay hindi madali. Maaanyayahan natin ang mga bata anuman ang edad nila na kausapin tayo kung o kapag nagkaroon sila ng problema sa pornograpiya maliit man o malaki—mula sa maaga, hindi sadyang pagkalantad hanggang sa paminsan-minsang paggamit nito, hanggang sa madalas na paggamit, at pagkalulong. Ang maagap na pag-uusap tungkol dito ay mas makabubuti, at nagiging mas handa ang mga anak na pag-usapan ito kapag alam nila na minamahal sila at walang mababago sa pagmamahal na iyon anuman ang sinabi o nagawa nila.

Gayunpaman, napakabihira na kusang magtatapat ang isang anak. Karaniwang nangyayari ito kapag nagtanong ang isang mapagmasid na magulang sa anak ng, “May nangyari bang masama?” o “Parang wala ka sa sarili mo.” Kapag mas nararamdaman ng anak na mahal siya, mas madali sa kanya ang magtapat.

Ang katiyakang ito ng pagmamahal ay naitimo na sa kanilang isipan mula sa maliliit na karanasan na nangyari nang paulit-ulit. Ang maliliit na problema na pinag-uusapan nang may pagmamahal ay lumilikha ng isang pundasyon ng mabuting pag-uusap kaya kapag dumating ang malaking problema, bukas pa rin ang komunikasyon. Higit sa lahat, alam ng mga anak na ang itutugon ninyo ay, “Mahal pa rin kita. Hindi ako magsasawang mahalin ka kahit ganyan ang nangyari. Patuloy kitang mamahalin.”

Sa ilang kadahilanan, hindi natin gaanong kinakausap ang mga kabataan at bata tungkol sa isa sa pinakamalakas na puwersa at pinakamalaking tukso na makakaharap nila. Ang pag-aalangan natin ay naghanda sa kanila na maturuan lalo ng internet, ibang mga bata o tinedyer, o maging ng popular na media. Nag-aalangan ang ilan sa atin na gamitin ang salitang pornograpiya sa mga bata sa pagsisikap na maproteksyunan ang kawalang-muwang nila. Pakiwari natin ay nakakaasiwa ito. Marahil ay hindi tayo kinausap ng ating mga magulang tungkol dito. Paano kung sa pag-uusap ay naging mausisa sila? Paano kung gusto pa nilang malaman ang tungkol dito? Paano natin aasahan na kakausapin tayo ng ating mga anak tungkol sa pornograpiya kung hindi natin kailanman kinausap sila tungkol dito?

Mga magulang, kinakailangang simulan natin ang pag-uusap at huwag nang hintayin na ang mga anak pa natin ang lumapit sa atin. Gusto ko ang mungkahi na magkaroon ng regular, madalas, at komportableng pag-uusap sa halip na minsanan lang. Ang kagandahan ng masinsinang pag-uusap ay ang mga magulang at pinagkakatiwalaang lider ang mga eksperto, hindi ang Google; ang pag-uusap ay maaaring mangyari sa ligtas na kapaligiran; at ang pag-uusap ay nakadaragdag sa pagtitiwala ng anak. Nais natin na maging handa at matatag ang ating mga anak, hindi natatakot. Gusto natin ang pag-uusap kung saan nagtatalakayan ang mga magulang at mga anak at hindi lang mga magulang ang nagsasalita.

Bilang mga magulang at titser, hindi natin matutulungan ang mga bata kung wala tayong alam. Ang pagtuturo kung ano ang pornograpiya at kung bakit mahalagang iwasan ang pornograpiya ay napakahalaga. Malalaman natin para sa ating sarili at matutulungan ang mga anak na maunawaan kung bakit mali ang pornograpiya, kung bakit lubhang mapanganib ito, kung bakit ayaw nating mapinsala sila nito, at kung ano ang dapat gawin kapag nakaharap nila ito.

Binibigyan ba natin ang ating mga anak ng sapat na paliwanag kung bakit dapat nating iwasan ang pornograpiya sa paraang angkop sa kanilang edad? Kung ang dahilan lamang na ibinibigay natin para iwasan nila ang pornograpiya ay “masama ito,” parang hindi sapat na dahilan ito. Sa halip, dapat tayong magbigay ng maraming dahilan sa abot-kaya natin para makapagtatag ng isang kalakasang moral na maghihikayat sa ating mga kabataan.

Maraming dahilan para iwasan ang pornograpiya, pero narito lamang ang ilang motibasyon mula sa organisasyong Fight the New Drug na maaaring makatawag sa pansin ng mga kabataan:

  • Mababago ng pornograpiya ang paraan ng paggana ng inyong utak, at ayon sa pag-aaral pinaliliit nito ang inyong utak at ginagawang di-gaanong aktibo.

  • Nakalululong ang pornograpiya.

  • Sisirain ng pornograpiya ang inyong kumpiyansa sa sarili.

  • Iiwan kayong malungkot ng pornograpiya.

  • Sasaktan ng pornograpiya ang mga taong mahal ninyo.

  • Sisirain ng pornograpiya ang malusog na seksuwalidad.

  • Ang pornograpiya ay nauugnay sa karahasan.

  • Kalaunan nagiging sinungaling ang mga tao dahil sa pornograpiya.

  • Uubusin ng pornograpiya ang inyong panahon at lakas.

  • Ang pornograpiya ay nagdudulot ng depresyon, hinagpis, at kahihiyan.

Idaragdag ko na ang pornograpiya ay salungat sa mga kautusan ng Diyos. Dahil sa mga ito at marami pang ibang kadahilanan, naglalahad tayo ng maraming mabubuting dahilan para iwasan ang pornograpiya, ngunit ang kaalaman na walang implementasyon ay hahantong sa pagkabigo. Dapat tayong magtakda ng makabuluhan at makatutulong na mga hangganan, limitasyon, at inaasahan. Ang pagtulong sa mga anak na gumawa ng sarili nilang dahilan para hangaring iwasan ang pornograpiya ay kinakailangan. Kung ang anak ay hindi makapagpasiya para sa kanyang sarili kung ano ang kanyang paninindigan tungkol sa isyung ito, malamang na siya ay maging bahagi ng mga taong walang paninindigan.

3. Paggaling: “Mamahalin Pa Rin Kita”

Kapag nalantad ang mga bata sa pornograpiya at nabihag nito, nahihirapan silang tumugon, bumangon, at gumaling. Ang matapat, masigasig, patuloy, matibay, at matiyagang pagsuporta ay kinakailangan habang ginagawa nila ang sarili nilang paggaling at nagpapatuloy sa buhay. Walang sinuman ang makapagbibigay ng ganitong uri ng suporta kundi ang mga magulang. Pagkatapos nating maingat at personal na maituro ang katotohanan, pagkatapos nating magtiwala at maghikayat ng pag-uusap, kung gayon kinakailangang malaman ng mga anak na sa kabila ng kanilang mga pagkakamali at pinili, ang maibibigay nating katiyakan ay, “Mamahalin pa rin kita anuman ang mangyari.”

Naalala ko ang isang simpleng pangyayari na naganap sa aming pamilya maraming taon na ang nakaraan. Kaming mag-asawa ay wala sa bahay, at inaalagaan ng aming panganay na anak na lalaki ang kanyang mga kapatid. Nakatanggap kami ng tawag sa aming nagmamalasakit na kapitbahay na nagbalita sa amin na isang firetruck ang nasa bahay namin. Nagmadali kaming umuwi at nalaman namin na naglaro ang aming 10 taong gulang na anak na lalaki sa likod-bahay na katabi ng isang anim na akre ng lupain ng matataas at tuyong damo. Sinubukan niya kung makapagpaparikit siya ng apoy.

Nagawa nga niya! Nang makarating kami, ang maliit na apoy ay napatay na ng bumbero, pinangaralan ng mga bumbero ang aming anak, at isa-isang nagsiuwian ang mga kapitbahay namin. Ang aming anak ay nahiya, natakot, umiyak, at alam niya na nagkamali siya.

Pumasok kaming lahat sa loob ng bahay. Takot na takot ang aming anak, bagama’t mabigat ang nangyari, ang tanging magagawa namin ay yakapin ang malambing na batang ito at tiyakin sa kanya na mahal namin siya at masaya kami at hindi siya nasaktan.

Kapag nalantad ang mga anak sa pornograpiya at lalo na kung nalulong sila rito, sila ay mahihiya, matatakot, at maiiyak din. Mahirap kunin ang isang bagay na nasa madilim at ilantad ito sa liwanag. Nakakahiya ito at masakit sa damdamin. Maaaring magkaroon ng kabiguan at pagsubok habang bumabangon at nagpapagaling sila. Ang pangangailangang patuloy silang mahalin ay napakahalaga. Gayunpaman, kailangangang maunawaan ng mga magulang na palaging makatutulong ang kanilang pagmamahal ngunit hindi lamang ito ang kinakailangan.

Sa pagpapagaling, kakailanganin ninyong ituon ang ilan sa pagmamahal na iyan sa inyong mga anak sa paghahanap ng tamang mapagkukunan ng tulong. Ang pagmamahal ninyo ang pundasyon para sa kung ano ang kinakailangang mangyari, ngunit kapag ang isang taong mahal ninyo ay nabitag, kinakailangan ninyong humingi ng tulong sa mga propesyonal na makatutulong sa taong mahal ninyo at sa inyo. 

Kapag hinangad ninyo ng taong mahal ninyo ang paggaling, umaasa ako na makakasumpong kayo ng lakas sa Nilalang na nagtataglay ng kapangyarihang magpagaling ng lahat ng sugat, pinagkakaisa ang mga tao, at bumubuo ng ugnayang higit pa sa kakayahan nating maunawaan sa kasalukuyan. Ang ating Tagapagligtas, ang mabait na Tagapagpagaling, ay may kapangyarihang magligtas. Maaaring tayo ang kanilang mga magulang at tumutulong para mailapit sila sa Kanya, ngunit Siya lamang ang maaaring maging kanilang Tagapagligtas. At ang kagila-gilalas na bagay ay mahal Niya ang ating mga anak nang higit pa sa pagmamahal natin—anuman ang mangyari.

Jesus with children

Detalye mula sa Hayaang Magsilapit sa Akin ang Maliliit na Bata, ni Carl Heinrich Bloch

Mga Tala

  1. Jason S. Carroll, sa Lisa Ann Thomson, “Walong Estratehiya para Matulungan ang mga Bata na Iwaksi ang Pornograpiya,” Liahona, Ago. 2017, 19.

  2. “The Facts about Online Threats,” Parents Television Council Watchdog (blog), Hunyo 21, 2017, w2.parentstv.org/blog.