2019
Mga Pagpapala ng Pananaw ng Ebanghelyo
Oktubre 2019


Mga Pagpapala ng Pananaw ng Ebanghelyo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “A Gospel Perspective,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Setyembre 19, 2017.

Bibigyan kayo ng pananaw ng ebanghelyo ng higit na kaliwanagan hinggil sa kung paano ninyo pag-iisipan ang mga priyoridad ninyo sa buhay, lulutasin ang mga problema, at haharapin ang mga tukso.

woman adjusting her eyeglasses

Mga larawan mula sa Getty Images

Isang pagpapala ang maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo sa dispensasyon kung saan dahil sa panunumbalik ng mga susi ng kaharian at katuparan ng propesiya ay personal nating nasasaksihan na “ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (Doktrina at mga Tipan 65:2).

Ang propesiyang ito, na ibinigay ni Daniel ng Lumang Tipan at inulit muli sa dispensasyong ito, ay tila nasa kalagitnaan ng katuparan nito habang minamasdan namin ang mahigit 3,300 stake na naorganisa sa Simbahan ngayon. Sa nakaraang 50 taon, ang mga miyembro sa Simbahan ay dumami mula 2.1 milyon hanggang sa naging mahigit 16 na milyon.1

Tulad ng pagkamangha ko sa mabilis na pagdami at pagbabago nito ay ang katotohanang hindi nagbabago ang mga alituntunin at gawain ng ebanghelyo, kabilang ang plano ng Diyos na inihayag para sa Simbahan ni Jesucristo. Dahil sa planong ito naorganisa ang mga stake, na nilayong maglaan ng “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (Doktrina at mga Tipan 115:6).

Mga kapatid, ang Panginoon ay bukas-palad na nagkakaloob ng Kanyang mga pagpapala sa atin. Ang maunawaan na ang mga pagpapala ay bunga ng ating pagsunod sa mga kautusan at na ang pagtupad sa mga kautusan ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Panginoon ay mahahalagang alituntunin na dapat matutuhan. Ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tulad nito ay nagbibigay ng mahalagang pananaw sa atin.

Humahantong ito sa dalawang mahalagang bagay na nais kong bigyang-diin. Naalala ko na nagbahagi si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng dalawang mahalagang bagay sa mga young single adult noong 2015.

Panatilihin ang Pananaw ng Ebanghelyo

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang ibig sabihin ng pananaw ay ang makita ang lahat ng katotohanan sa isang makabuluhang ugnayan, ang buong senaryo.”2 Narito ang ilang bagay na mauunawaan ninyo kapag tiningnan ninyo ito mula sa pananaw ng ebanghelyo:

Isipin kung ano ang mangyayari kung ang pananaw ng ebanghelyo ang gagamitin ninyo sa bawat aspeto ng inyong buhay. Bibigyan kayo ng pananaw ng ebanghelyo ng higit na kaliwanagan hinggil sa kung paano ninyo pag-iisipan ang mga priyoridad ninyo sa buhay, lulutasin ang mga problema, at haharapin ang mga tukso. Talagang makakaapekto ito sa lahat ng ginagawa ninyo sa inyong buong buhay at sa maraming desisyon na gagawin ninyo habang naglalakbay kayo sa buhay.

Sa ganitong pananaw, alam natin na nais ng Panginoon na tumanggap tayo ng sakramento kada linggo at pag-aralan ang mga banal na kasulatan at manalangin sa Kanya araw-araw. Bukod pa rito, alam natin na tutuksuhin tayo ni Satanas na huwag sundin ang ating Tagapagligtas o huwag pakinggan ang banayad na mga bulong ng Espiritu Santo. Lalo pa nating mababatid na sinisikap ng kaaway na alisin sa atin ang ating kalayaan at kakayahan na mapaglabanan ang kanyang gawain sa pamamagitan ng adiksyon, kabilang ang droga at pornograpiya.

Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ng ebanghelyo nabibigyan tayo ng malinaw na pananaw sa kahalagahan ng pagbuo ng mga pamilya—pagpiling magpakasal at magpalaki ng mga anak sa kabutihan. Iminumulat din ng pananaw na ito ang ating mga mata upang makita natin na hangad ng kaaway na wasakin ang pamilya at gawing nakalilito ang mga tungkuling ginagampanan ng kalalakihan at kababaihan, na humahantong sa pagbaba ng pagpapahalaga ng lipunan sa pagbuo at pagtatatag ng mga pamilya.

Panatilihin ang Balanse sa Espirituwal

balanced seesaw

Ipinahayag ni Pangulong Oaks: “Kung ang mga young adult ay mayroong pananaw, kabuuang pananaw … , mahalaga para sa kanila na mapanatili ang balanse sa espirituwal sa kanilang buhay. Upang magawa ito, dapat ninyong iwasan ang ilan sa mga atraksyon ng mundo at gawin din ang mga bagay na kinakailangan para mas mapalapit sa Tagapagligtas.”3

Sa kabilang banda, marami kayong iba’t ibang mahahalagang isyu at priyoridad sa buhay, na lahat ay nangangailangan ng atensyon, pokus, at direksyon. Ang listahan ng bawat isa sa inyo ay maaaring magkakaiba batay sa inyong personal na kalagayan, ngunit sa mga ito tiyak na makakamtan ninyo ang edukasyon, trabaho, pag-aasawa, at kapwa emosyonal at pisikal na kagalingan. Mangyari pa, ang hamon sa inyo ay balansehin ang mahahalagang bagay na ito sa buhay sa inyong espirituwalidad.

Ipinayo rin ni Pangulong Oaks na dapat kayong mag-ingat kapag “ginugugol ninyo ang inyong oras para hindi ninyo mapabayaan ang inyong espirituwalidad kapag ang pangunahin ninyong mga aktibidad ay nakatuon sa ibang bagay. Ipinapaliwanag ng alituntuning iyan kung bakit lalong mahalaga sa mga young adult na sundin ang payo na dumalo sa mga pulong ng Simbahan, maglingkod sa Simbahan, araw-araw na manalangin nang nakahulod, at araw-araw na mag-aral ng mga banal na kasulatan, at maglingkod sa mga tungkulin sa Simbahan.”4

Sa gitna ng inyong personal at magkakaibang mga pangangailangan, upang maibalanse ang mga gawain at hamon sa buhay sa inyong espirituwalidad, mapagtatanto ninyo na maibabalanse ninyo ang mga ito. Hindi iniuutos sa inyo ng Panginoon na gawin ang isang bagay na hindi ninyo magagawa. Narinig kong ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) sa maraming pagkakataon na “sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.”5 Sa palagay ko, angkop ito lalo na sa mga miyembro ng Simbahan.

Kung tila mahirap na mapanatili ang balanseng ito, ipinapangako ko na ang isa sa mga pinakamagandang himala ng inyong mortal na buhay ay ang kakayahan ninyo na mabalanse ang inyong espirituwalidad at iba pang mahahalagang gawain sa buhay. Mangyayari ito sa paraang makakaya ninyo hindi lamang ang pagpapanatili ng inyong espirituwalidad at pagtupad sa mahahalagang tungkulin ninyo sa buhay sa kasalukuyan kundi pati na rin ang pag-unlad at paghusay sa mahahalagang aspetong ito.

Ang pangunahing dahilan kaya posible ito ay dahil ang Tagapagligtas ang fulcrum o sentrong hugpungan. Siya ang tunay na sentro ng balanse. At may malasakit Siya sa inyo dahil kayo ay Kanyang mga anak. Ngunit ang kahihinatnang ito ay nakabatay sa inyong angkop na pagtutuon at pagsisikap na maging balanse.

Sa aking obserbasyon at personal na karanasan, tila mayroon tayong kaugalian sa buong buhay natin na magtuon nang husto sa isang bagay. Upang mapanatiling balanse ang ating buhay, kinakailangan ang patuloy nating pagsisikap at pag-iingat. Aktibong piliin na manatiling matatag.

Maaari ring hindi maging balanse ang inyong buhay sa dalawang paraan. Maaaring may pagkakataon na kinakailangan ninyong maging maingat upang mapagtuunan ninyo ang pag-aaral o trabaho, na ang paglilingkod sa “Simbahan ay ginagawa lamang sa oras ng mga miting sa Simbahan.”6 Gayunman, tandaan na panatilihin ang Panginoon bilang inyong fulcrum o sentrong hugpungan para angkop na maibalanse ang espirituwalidad.

Tutulungan Kayo ng Panginoon

Kapag pinanatili natin ang pananaw ng ebanghelyo, madaling maunawaan ang pangunahing katotohanan na tutulungan tayo ng Panginoon. Isang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ang tayo ay mga anak ng mapagmahal na mga Magulang sa Langit. Likas sa Kanila na tulungan tayo sa lahat ng bagay para makabalik sa ating tahanan sa langit.

Gusto kong magbahagi sa inyo ng isang halimbawa kung paano kayo matutulungan ng Panginoon. Isa sa mga lider ko sa youth, si Thad Carlson, ang nagkuwento nito sa akin maraming taon na ang nakaraan. Si Thad, na pumanaw kamakailan, ay malaki ang impluwensya sa akin habang lumalaki ako. Siya ay lumaki sa panahon ng Great Depression, ang pangsiyam sa 14 na magkakapatid. Ikinabubuhay ng kanyang pamilya ang pagsasaka at pag-aalaga ng mga baka. Panahon iyon ng kagipitan sa pera, at ang pinakamahalaga nilang pag-aari ay ang kanilang bakahan.

Noong bata pa si Thad, isa sa kanyang mga responsibilidad ay alagaan at, kung kinakailangan, pastulin ang mga baka para matiyak na masustansya ang makakain ng mga ito—isang malaking gawain para sa isang batang lalaki. Nagagawa niya ito sa tulong ng isang matalinong buriko [maliit na kabayo na sinanay para makatulong sa bakahan] na alam-na-alam kung ano ang dapat gawin kapag binigyan ng kaunting direksyon. Ang pangalan ng buriko ay Old Smoky. Ngunit si Old Smoky ay may isang kapintasan: hindi siya nagpapahuli. Kapag may lumapit sa kanya, tatakbo siya, dahil alam niyang pagtatrabahuhin siya.

cowboy on a horse

Isang araw, pagkatapos mahuli si Old Smoky, at malagyan ng kabisada, sumakay dito ang batang si Thad patungo sa pastulan kung saan nanginginain ang mga baka. Tuyo ang lupa, at gayon din ang pastulan, pero napansin ni Thad na ang damuhan sa labas ng pastulan sa gilid ng riles ng tren ay mas mahahaba at luntian o berde. Kaya naisip niya na papastulin niya ang mga baka sa labas ng nababakurang pastulan at hahayaang manginain ang mga ito sa berdeng damuhan sa gilid ng riles ng tren.

Sa tulong ni Old Smoky, inilabas ni Thad ang mga baka sa labas ng pastulan, kung saan nagpabalik-balik ang mga ito sa gilid ng mga riles ng tren na nanginginain sa mas mataba, at berdeng damuhan. Tila kaya na ng mga nakuntentong baka ang kanilang sarili, kaya bumaba si Thad sa kanyang buriko at naupo sa mga renda ng kabisada, na masayang pinagmamasdan ang kanyang paligid, naglalaro at nililibang ang sarili. Gayunman, dahil gusto ring manginain sa berdeng damuhan, nakaalpas si Old Smoky, ang mga renda nito ay naalis sa kinauupuan ni Thad.

Ang masaya at payapang sandaling ito ay kaagad na natigil nang biglang makarinig si Thad ng malakas na tunog mula sa malayo. Iyon ay tunog ng isang paparating na tren na mabilis ang pagtakbo sa mismong riles kung saan nakakalat ang mga baka sa harapan niya! Natanto niya na malaking disgrasya ang mangyayari sa mga baka at sa kanya ring pamilya kung hindi siya kikilos agad para maibalik sa pastulan ang mga baka at palayo sa paparating na tren. Naramdaman niyang hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili dahil hindi niya nagawa ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya.

Mabilis na tumayo si Thad at tumakbo para hablutin ang mga renda ni Old Smoky. Nakita ni Old Smoky na papalapit si Thad at kaagad itong lumayo sa kanya, na ayaw magpahuli. Humihingal at desperado, na nakikinita sa isipan ang mga patay na baka at trahedyang idudulot nito sa pamilya, alam ni Thad na kailangan niyang kumilos agad.

Isinulat niya kalaunan ang nangyari: “Tinuruan kami ng Primary teacher namin na manalangin at binigyang-diin ang mga aral na natutuhan ko sa aking ina. Nang walang ibang opsiyon, lumuhod ako at nagdasal na humihingi ng tulong na maalis ang mga baka sa riles ng tren.”

Walang narinig na tinig si Thad, ngunit isang malinaw na ideya ang dumating sa kanya: “Pansinin mo ang paglapit ng mga baka kay Old Smoky at hindi siya lumalayo. Kaya … ngayong nakaluhod ka, gumapang ka na. Kunwari ay baka ka at gumapang papunta kay Old Smoky.”

Sinabi ni Thad: “Ginawa ko nga iyon. Hindi tumakbo si Old Smoky. Sinunggaban ko ang mga renda niya, inakay siya papunta sa bakod, sumakay sa likod niya, at tumakbo kami na kasingbilis ng hangin para mapabalik ang mga baka sa pastulan. Di-karaniwan ang ipinakitang husay ni Old Smoky sa bawat pagtakbo at pagliko.”

Kalaunan, nang nasa high school na si Thad, lubos niyang natanto na tumanggap siya ng malinaw na sagot sa kanyang panalangin sa oras ng matinding pangangailangan. Sinabi niya, “Ang mga anghel ang tumulong kay Old Smoky at hindi dahil sa kakayahan ko, at nakaligtas ang aking pamilya sa malaking kagipitan.” Sinabi pa niya kalaunan: “Ito ang una sa maraming pahiwatig na dumating sa akin. ‘At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo’ (3 Nephi 18:20).”7

Lahat tayo ay may mga baka na dapat alisin sa riles bago dumating ang tren. Ang mga panganib ay dumarating sa maraming iba’t ibang hugis at laki. Ang ilan ay kasing tindi ng mapanganib na sitwasyon ni Thad, na ang ibubunga ay banta sa buhay o kaluluwa natin o ng mga mahal natin sa buhay.

Ang iba pang mga sitwasyon na maaaring maranasan natin ay maaaring walang gayong katinding bunga ngunit gayunpaman ay mabigat na dalahin sa ating puso at isipan. Isang bagay ang tiyak—bawat isa sa atin ay makakaranas ng paghihirap at pagdurusa sa ating buhay dahil bahagi ang mga ito ng ating mortal na karanasan. Ngunit tandaan, tutulungan tayo ng Panginoon!

Gustung-gusto ko ang mga salitang matatagpuan sa Aklat ni Mormon: “Nakikita nating maalalahanin ang Diyos sa bawat tao, saan mang lupain sila naroroon; oo, bilang niya ang kanyang mga tao, at ang kanyang sisidlan ng awa ay laganap sa buong mundo” (Alma 26:37).

Ang tinutukoy riyan ay ang bawat isa sa atin. Nakakapanatag na alam natin na tutulungan tayo ng Panginoon.

Pananampalataya, Pag-asa, at Pananaw ng Ebanghelyo

Bilang buod, hinihikayat ko kayo na alalahanin na panatilihin ang pananaw ng ebanghelyo. Pagmasdan ang paligid ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Panatilihing balanse ang espirituwal. Lahat tayo ay dumaranas ng mga pagsubok o problema at pagkakataon sa iba’t ibang gawain natin sa buhay, at pinakamahusay nating magagawa ang mga ito kapag binalanse natin ang mga ito nang may pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Sa huli, manampalataya at umasa na tutulungan Kayo ng Panginoon. Ang kaalamang ito ay makatutulong sa inyo na harapin nang may kumpiyansa ang mga pagsubok o problema na hindi maiiwasang bahagi ng inyong mortal na misyon.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ulat sa Estadistika, 2018,” Liahona, Mayo 2019, 112.

  2. Dallin H. Oaks, young single adult fireside, Peb. 8, 2015, Salt Lake City, Utah.

  3. Dallin H. Oaks, young single adult fireside, Peb. 8, 2015.

  4. Dallin H. Oaks, young single adult fireside, Peb. 8, 2015.

  5. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 44.

  6. Dallin H. Oaks, young single adult fireside, Peb. 8, 2015.

  7. Thad Carlson, personal na pakikipag-usap.