2019
Dapat Ko Bang Ituloy ang Pagbabasa?
Oktubre 2019


Dapat Ko Bang Ituloy ang Pagbabasa?

Should I Keep Reading

Noong nakaraang taon, pumili ako ng isang aklat sa library tungkol sa isang batang babae na nagsimula ng blog. Naisip ko na masayang basahin iyon dahil kaedad ko ang bida, at blogger ang nanay ko. Kaya naisip ko na makakaugnay ako sa aklat na iyon.

Ilang pahina pa lang ng aklat ang nabasa ko nang banggitin ng bata ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Sumama ang pakiramdam ko nang mabasa ko ang bahaging iyon. Pero patuloy akong nagbasa, na umaasang minsan lang lilitaw iyon. Nagbasa pa ako ng ilang pahina, at sinabi niya iyong muli.

Nagpunta ako sa nanay ko at sinabi ko ang natuklasan ko. Hindi ko alam kung dapat ko pang ituloy ang pagbabasa o hindi na. Sabi sa akin ng nanay ko, ako ang magpasiya. Pero sumang-ayon siya na hindi siguro makakabuting ituloy ko ang pagbabasa kung may sinasabi ang bata na alam naming mali. Sabi ng nanay ko, hindi talaga maganda kung binabanggit niya ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan.

Naisip ko na makikita ko kung nangyari ulit ito, kaya binuklat-buklat ko ang aklat. Nalaman ko na karaniwan sa batang ito na banggitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Nagpasiya akong ibalik ang aklat sa library nang hindi na ito binabasa.

Nalungkot ako na binanggit ng may-akda ng aklat ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Pero matapos kong ibalik ang aklat sa library, masaya ako na tama ang naging pasiya ko. Alam ko na sinusunod ko ang “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo” mula sa aking aklat na Pananampalataya sa Diyos na nagsasabing, “Tanging mga bagay lamang na nakalulugod sa Ama sa Langit ang babasahin at panonoorin ko.” Alam ko na dapat lamang nating gamitin ang pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesus nang mapitagan at magalang.