2019
Mga Kaibigan na Nagbahagi ng Kanilang Liwanag sa Akin
Oktubre 2019


Mga Kaibigan na Nagbahagi ng Kanilang Liwanag sa Akin

Ang awtor ay naninirahan sa Baja California, Mexico.

Nakaramdam ako ng takot at pag-iisa noon. Pagkatapos ay lumipat ako sa ibang bansa at nagsimba sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon.

Nanirahan ako kasama ang aking ina sa maliit na bayan sa Mexico kung saan magkakakilala ang lahat. Alam ko kung ano ang tama at mali, pero naguguluhan ako at ako lang ang dalagita na aktibo sa simbahan sa buong bayan.

Gusto kong makibagay, kaya gumawa ako ng isang bagay na tila tamang gawin noong panahong iyon: magkaroon ng kasintahan. Isa lamang ito sa mga unang pagkakamali na sinimulan kong gawin. Nagsimula akong magpatangay sa impluwensya ng aking mga kaibigan at maniwalang nasa hustong gulang na ako para mag-isip para sa aking sarili, na nangangahulugang maging dalagita na hindi aktibo sa simbahan at namumuhay nang wala ang impluwensya ng ebanghelyo.

Namuhay ako sa kadiliman sa loob ng isang taon, at ang bawat araw na lumilipas ay padilim nang padilim. Ang aking mga maling desisyon ay humantong sa pagtatalo namin ng aking pamilya, at naisip ko na hindi ko na kayang mamuhay kasama sila. Ngunit nang mamatay ang matalik kong kaibigan na Banal sa mga Huling Araw, napagtanto ko na may isang bagay na kulang. Sa kasamaang-palad, sinisi ko ang Diyos at ang ebanghelyo. Hindi na ako naniniwala na ang mga pagpapala ay dumarating dahil sa pagsunod. Alam ko na kung hindi ako magpapasiya na simulang ipamuhay ang ebanghelyo, patuloy kong babalewalain ang aking ugnayan sa Simbahan at patuloy akong mamumuhay sa makamundong paraan.

Nakaupo ako sa aking kama sa madilim na silid, umiiyak at naaawa sa sarili nang mapagtanto ko na natatakot ako—natatakot na mag-isa lang ako roon at walang kausap, natatakot na hindi ko maitama ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko, natatakot na walang magpapatawad sa akin, lalo na ang Diyos.

Kalaunan, lumipat ako sa Minnesota, USA, kasama ang aking lolo’t lola, na hindi mga miyembro ng Simbahan. Kasama kong bumiyahe ang aking amain, at sa aking unang Linggo roon ay nagsimba kami, pero hanggang sacrament meeting lang. Nang matapos ang miting, nagpasiya na akong umalis sa Simbahan, pero laking gulat ko, noong papunta na kami sa aming sasakyan, nakita namin na tumatakbo ang bishop para makausap kami. Nagtanong siya sa amin ng ilang bagay at inanyayahan niya kami na bumalik sa susunod na Linggo—at ginawa naman namin iyon.

Noong sumunod na Linggo, nang papatapos na ang sacrament meeting, hindi pa man ko nakakatayo ay pinalibutan na ako ng mga dalagita mula sa ward—mga kabataan na tutulong sa akin na baguhin ang aking buhay.

young woman by a path leading to a church in the distance

Paglalarawan ni Alberto Ruggieri

Bigla na lamang akong napapasok sa isang mundo na ibang-iba: isang mundo na may bishop at Young Women president na nagmamalasakit para sa akin at, higit sa lahat, mga kabataang babae na nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo araw-araw, na masigasig na ipinapamuhay ang matataas na pamantayan at ginagawa kung ano ang tama. Napakaningning ng kanilang liwanag kaya nagawa nilang paliwanagin ang landas na tatahakin ko.

Doon ko napagtanto kung ano ang dapat kong gawin: “[Paliwanagin] na gayon ang [aking] ilaw sa harap ng mga tao, upang mangakita nila ang [aking] mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang [aking] Ama na nasa langit” (Tingnan sa Mateo 5:16). Kaya nagsimula ako sa pamamagitan ng pagpunta sa simbahan at sa Mutual bawat linggo, pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagdarasal araw-araw, pagdadamit nang disente, paggamit ng maayos na pananalita, pagpunta sa templo, at paghahanda ng aking sarili para makuha ko ang aking patriarchal blessing.

Malaki ang ipinagbago ko, pero napagtanto ko lamang ito noong Young Women camp, nang madama ko ang Espiritu Santo at matuklasan ko na mayroon akong patotoo—isang patotoo na magpapaalala sa akin na mahal ako ng Diyos, na may plano Siya para sa akin, at na ayaw Niya na mapag-isa ako. Isang patotoo na napakaliwanag at napakalakas kaya binago ako nito. Isang patotoo na maibabahagi ko at magpapaliwanag hindi lamang sa aking landas kundi pati na rin sa landas ng iba. Isang patotoo na hindi takot na magliwanag sa kadiliman.