Ang Huling Salita
Ang Pangunahing Batong Panulok ng Ating Pananampalataya
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1984.
Sa bawat templo ay mayroon tayong seremonya ng paglalatag ng batong panulok na katulad ng tradisyon na nagsimula pa noong unang panahon. Bago naging karaniwan ang paggamit ng semento, ang pundasyon ng mga gusali ay nilalatagan ng malalaking bato. Gagawa ng hukay, at lalagyan ito ng mga bato bilang pundasyon. Simula sa isang sulok, ang pundasyon ay itatayo sa isang direksyon papunta sa batong panulok; pagkatapos, mula sa sulok na iyon ay ililiko ito papunta sa susunod na sulok, kung saan maglalagay ng isa pang bato, mula rito ay itatayo ang pundasyon papunta sa susunod na sulok, at mula roon ay itatayo ang pundasyon papunta sa pinagsimulang sulok. Ang huling bato ay tinatawag na pangunahing batong panulok, at ang paglalatag nito ay isang bagay na talagang ipinagdiriwang. Kapag nailatag na ang pangunahing batong panulok, maaari nang pagtayuan ng gusali ang pundasyon. Dahil dito, ginamit ito ni Pablo bilang analohiya sa paglalarawan ng tunay na Simbahan:
“Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios;
“Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;
“Na sa kaniya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon” (Mga Taga Efeso 2:19–21).
Mayroon tayong mga pangunahing batong panulok kung saan ang dakilang Simbahang ito sa mga huling araw ay itinatag ng Panginoon at itinayo, “na nakalapat na mabuti.” Ang mga batong panulok ng Simbahan ay napakahalaga sa gawaing ito, ang pinakapundasyon, ang mga angkla kung saan nakabatay ang Simbahan. … [Ngunit] babanggitin ko ang pangunahing batong panulok, na kinikilala at iginagalang natin bilang ang Panginoong Jesucristo. …
Siya ang batong panulok ng Simbahan na nagtataglay ng Kanyang pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Walang ibang pangalan na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas (tingnan sa Mga Gawa 4:12). Siya ang gumawa ng ating kaligtasan, ang tagapagbigay ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 5:9). Siya ay walang kapantay. Kailanma’y walang nakapantay sa Kanya. Kailanma’y walang makakapantay sa Kanya. Salamat sa Diyos para sa kaloob ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang nagbuwis ng Kanyang buhay upang tayo ay mabuhay at ang di-natitinag na pangunahing batong panulok ng ating pananampalataya at ng Kanyang Simbahan.