Ang Laie Hawaii Temple: Isang Siglo ng Pagtitipon
Inilaan 100 taon na ang nakalilipas, ang Laie Hawaii Temple ang naging dahilan upang matanggap ng mga Banal ang mga pagpapala ng templo nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isa sa mga dakilang misyon ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw ay maglaan ng mga pagpapala ng templo sa mga tao sa buong mundo, kapwa sa buhay at sa patay. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng mundo … ay magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay.”1
Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, apat na nagagamit na templo lamang ang matatagpuan sa mundo, lahat ng ito ay nasa Utah. Kaya, ang pisikal na pagtitipon sa Utah ang pangunahing paraan para matanggap ang mga pagpapala ng templo. Noong 1919, nabago iyan. Noong Nobyembre 27, 1919, inilaan ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) ang Laie Hawaii Temple. Tanda ito ng makasaysayang panahon ng pagbabago sa Panunumbalik dahil ang mga pagpapala ng templo ay maaari nang matanggap ng maraming bansa.
Sa maraming aspeto, ang Laie Hawaii Temple ang unang internasyonal na templo. Kaagad nitong pinaglingkuran ang mga miyembrong mula sa Hawaii, New Zealand, Samoa, Tonga, Tahiti, Japan, at Australia. Habang patuloy sa paglago ang Simbahan sa iba’t ibang panig ng Pacific at Asia, patuloy na dumami ang mga bansang napagpala ng templong ito.
Ang taon na ito ang ika-100 anibersaryo ng mahalagang pangyayaring ito sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing.
Pagtitipon mula sa Samoa
Ang mga isla ng Samoa ay matatagpuan mga 2,500 milya (4,023 km) mula sa Hawaii. Noong 1919, sinabi ni John Q. Adams, ang mission president sa Samoa, “Nang matapos na ang templo sa Laie, ang mga miyembro namin ay biglang nagkaroon ng matinding hangaring magtamo ng mga bagay ng mundong ito para makapunta sa templo.” Si Aulelio Anae, halimbawa, ay naglingkod bilang missionary nang walang bayad sa loob ng 20 taon. Dahil sa sakripisyo niya nang maraming taon, wala siyang sapat na pera para makapunta sa Hawaii. Kaya’t ipinagbili ni Brother Anae ang lahat ng kanyang ari-arian at nakatipon ng U.S.$600 o $700.2 Isinakripisyo ni Brother Anae at ng iba pang mga Samoan ang lahat ng mayroon sila para makalipat sa Laie noong 1920s.
Isang pamilya, ang mga Leota, ang dumating sa Hawaii noong Araw ng Bagong Taon ng 1923. Naalala ng pitong taong gulang na si Vailine Leota, “Ang templo nang [makita] namin … ay ang pinakamagandang tanawin.”3 Makalipas lamang ang dalawang linggo, natanggap ng mga magulang ni Vailine, sina Aivao at Matala, ang kanilang endowment at nabuklod bilang mag-asawa, at nabuklod sa kanila ang kanilang mga anak. Naglingkod nang tapat ang mga Leota sa bahay ng Panginoon nang 50 taon at inilibing “malapit sa templo na pinakamamahal nila.”4 Ngayon, napakaraming matatapat na inapo nila ang naninirahan sa iba’t ibang panig ng Hawaii.
Isang Imposibleng Gawain
Bagama’t iniwan ng maraming miyembro sa Pacific ang kanilang sariling bayan at nandayuhan o nanirahan sa Hawaii, marami namang ward at branch mula sa iba’t ibang bansa ang nag-organisa ng mga group trip, tinatawag na iskursiyon, papunta sa templo. Ang ganitong espirituwal na uri ng pagtitipon ay naglaan ng isang paraan para makapaglakbay ang mga miyembro ng Simbahan upang makatanggap ng mga ordenansa ng templo at sa kanilang pag-uwi ay maitayo ang Simbahan sa kani-kanilang sariling bansa.
Sa paglalaan, nanalangin si Pangulong Grant sa Panginoon na buksan ang daan para sa mga Banal sa New Zealand at sa lahat ng Pacific Island at magawa ang kanilang genealogy para makapunta sila sa templo at maging mga tagapagligtas sa kanilang mga ninuno.
Ang mga iskursiyon sa templo ay nagsimula sa isang grupo ng mga Banal na Maori sa New Zealand makalipas lamang ang anim na buwan pagkatapos ng paglalaan. Bagama’t 5,000 milya (8,045 km) ang layo mula sa Hawaii, nagalak ang mga Banal na ito sa ibinalitang paglalaan.
Ninais nina Waimate at Heeni Anaru na maging bahagi ng unang grupo na pupunta sa templo. Ngunit tila imposibleng magawa ito dahil sa kahirapan ng pamilya at kinakailangang pera na 1,200 New Zealand pound para sa paglalakbay—na malaking halaga. Kakailanganin nila ng isang himala.
Sa loob ng maraming taon, sinunod ng pamilya Anaru ang payo ng propeta at tinipon ang kanilang mga rekord para sa genealogy. Ang mga rekord na iyon ay nakasalansan na habang naghihintay ang mga Anaru sa himalang mangyayari. Alam ng anak nilang lalaki na si Wiwini ang pananampalataya ng kanyang mga magulang: “Hindi kailanman inisip ni Inay na [hindi] siya makaluluhod balang-araw sa altar ng templo para sambahin ang Ama.”
Nagkaroon nga ng himala. Si Waimate ang kinontrata ng pamahalaan ng New Zealand para sa malaking land-development project. Ang kinita niya sa proyektong ito na ibinigay sa kanya nang maaga ay sumapat para sa paglalakbay nila papunta sa Hawaii. Nawala ang takot nina Waimate at Heeni sa paglalakbay sa karagatan patungo sa Hawaii kasama ang isang grupo ng 14 na mga Banal noong Mayo 1920. Natanggap nila ang kanilang endowment at sila ay ibinuklod. Nangyari ang imposible.
Ang kuwento tungkol sa mga Anaru ay isa lamang sa napakaraming kuwento tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw na naglakbay papunta sa Laie Hawaii Temple upang tumanggap ng mga ordenansa at makamtan ang mga pangakong ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang bahay. Nangailangan ito ng malaking sakripisyo, ngunit ang ibinunga nito ay mas matatatag na mga Banal na bumalik sa kanilang sariling bayan na handang pamahalaan ang Simbahan.5
Pagtatayo ng Laie
Ang pagsisikap ng Simbahan na lumikha ng mga bagay na makikita ngayon sa Laie ay patuloy na nagpala sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng Pacific. Noong 1950s at 1960s, ang mga missionary mula sa Hawaii, Tonga, Samoa, New Zealand, Tahiti, the Cook Islands, Fiji, at North America ay tinawag upang ibahagi ang kanilang mga talentong pangkultura at mga kasanayan sa pagtatayo ng gusali para makatulong sa pagtatayo ng Church College of Hawaii (ngayon ay Brigham Young University–Hawaii), ang Polynesian Cultural Center, at isang bagong visitors’ center ng templo. Apatnapu’t pitong missionary mula sa Tonga at Samoa ang tumanggap ng mga ordenansa sa templo noong Mayo 3, 1960—isang halimbawa ng mga pagpapalang espirituwal na natanggap nila na kasama sa kanilang temporal na gawain (tingnan sa Building Missionaries in Hawaii, 1960–1963, Church History Library, Salt Lake City, 100).
Isang missionary, si Matte Teʻo, ay malubhang napinsala ng sunog bago lumisan sa Samoa, ngunit pumunta pa rin siya sa Hawaii. Nangamba ang mga doktor na maaaring kailanganing putulin ang nasunog niyang kamay. Marami sa mga kapwa niya missionary ang nagdasal para sa kanya. Habang nasa templo, nagsumamo si Brother Teʻo sa Panginoon, “Hipuin po Ninyo ang kamay na ito.” “Pagalingin po Ninyo ang kamay na ito upang makatulong po ako sa kahit anong maliit na bagay na makakaya ko.” Nagsimula siyang gumaling kaagad. Ngayon walang peklat na makikita sa kanyang kamay. Naglilingkod siya ngayon bilang sealer sa Laie Hawaii Temple at nagsasabing, “Ang templong ito … ay may malakas na impluwensya hindi lamang sa mga komunidad na ito, kundi sa iba’t ibang panig ng Pacific” (sa Christensen, Stories of the Temple in Lāʻie, Hawaiʻi, 328–330).
Espirituwal na Pagtitipon mula sa Asia
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng muling pagtatatag ng Simbahan sa Japan, nag-organisa ang mga Banal doon ng unang iskursiyon ng mga taga Asia sa templo. Noong 1965 naglakbay ang isang eroplano na puno ng 165 na matatapat na Banal mula sa Tokyo papunta sa Hawaii upang tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ang iskursiyon na ito ay nagbunga ng matinding lakas para sa Simbahan sa Japan. Siyamnapu’t limang porsiyento ng mga miyembrong ito ang nanatiling aktibo sa Simbahan. Lima kalaunan ang naging temple president sa kanilang sariling bayan, kabilang si Elder Yoshihiko Kikuchi, ang unang General Authority mula sa Japan.6
Noong 1970 isang grupo ng mga miyembro na taga-Korea ang naglakbay patungo sa Laie. Sinabi ni Choi Wook Whan, isang branch president, “Nagpunta kami sa templo at nabuksan nito ang aming isipan at ipinabatid sa amin kung paano kami makatatanggap ng kaligtasan. Ang walang hanggang plano ay naging realidad; ang aming mga patotoo ay napalakas nang husto na hindi namin maipaliwanag. Napakalaking pagpapala para sa mga tao ng Korea ang pagkakaroon ng pagkakataon na makapunta sa templo.”7
Pagtitipon ng Ating mga Pumanaw na Kamag-anak
Kapag ang mga pagpapala ng templo ay maaari nang matamo ng isang bansa, hindi lamang nila dinadala ang mga pagpapala ng Panginoon sa mga nabubuhay sa bansang iyon kundi sa mga nanirahan din sa bansang iyon na ngayon ay nasa kabilang panig na ng tabing. Ang pagpapalang ito ay naramdaman ng mga miyembro sa mga bansa ng Asia, kung saan kultura na nila ang maingat na itala ang kanilang angkan sa loob ng maraming siglo.
Ang mga magulang ni Kwai Shoon Lung ay nandayuhan sa Hawaii mula sa China. Siya ay isinilang sa Kauai noong 1894 at nabinyagan noong 1944 sa kanyang ika-50 kaarawan. Nagturo si Brother Lung ng family history sa simbahan at sinabi sa kanyang klase, “Nagkaroon ako ng isang pangitain isang gabi kung saan nakita ko ang marami sa aking mga pumanaw na kamag-anak na nagpapahiwatig sa akin na magsagawa ako ng mga ordenansa para sa kanila.” Makaraan ang tatlong araw natanggap niya ang kanyang genealogy mula sa kanyang tiya sa China: 22 pahina sa wikang Chinese na naghahayag ng kanyang kanunu-nunuan pabalik sa taong AD 1221. Kasama ang kanyang anak na si Glen at manugang na si Julina, natapos nila ang napakaraming ordenansa sa templo para sa kanilang pamilya. Kalaunan, sina Glenn at Julina Lung ay naglingkod nang tapat bilang pangulo at matron ng Laie Temple mula 2001 hanggang 2004.8
Ang Balumbon o Scroll na Hindi Nasusunog
Dumating si Michie Eguchi sa Hawaii mula sa Japan noong unang mga taon ng 1900s at dala-dala niya ang isang silk Japanese scroll o sutlang balumbon na Niponggo. Ang kanyang apong babae na si Kanani Casey ay nagmisyon sa Japan at natuklasan kalaunan na sa scroll ng kanyang lola ay matutunton doon ang mga kanunu-nunuan ng kanyang pamilya pabalik nang halos isang libong taon.
Noong 2013, natupok ang bahay ni Kanani. Halos natupok ang lahat ng ari-arian nila ng kanyang pamilya. Itinago nila ang kanilang genealogy sa mga plastik na lalagyan sa ilalim ng kanilang kama. Pagkatapos ng sunog, bumalik sila sa bahay, at ang natagpuan lamang nila doon ay isang bunton ng mga abo at uling.
“Ang isang bagay lamang na gusto kong mahanap ay ang kopya ng scroll na may mga salin at kasaysayan,” sabi ni Kanani. “Sigurado naman ako na lahat ng gawain sa templo para sa aking mga ninunong Hapones ay nagawa na, pero ang kopya ng scroll ay napakahalaga sa akin.”
Habang naghahanap si Kanani at ang kanyang asawang si Billy sa mga abo, nakita nila kalaunan ang isang asul na plastic bag. Sa loob ng bag, natagpuan nila ang kopya ng scroll, kasama ang mga salin at isang aklat ng family history, na nakapagtatakang buo pa rin. Bahagyang nasunog ang gilid ng scroll, pero ito lamang ang isang bagay sa kanilang silid na hindi natupok.
Nadama ni Kanani na pinrotektahan ng Panginoon ang scroll “para sa kapakinabangan ng aking mga inapo bilang patotoo ng kanyang pagmamahal sa amin at maipakita ang kahalagahan ng paggawa ng family history at gawain sa templo” (sa Christensen, Stories of the Temple in Lāʻie, Hawaiʻi, 172–74).
Pagtitipon sa Pamamagitan ng Edukasyon
Ang mga pagpapala ng Laie Hawaii Temple ay ibinigay rin sa mga taong nagtipon sa Laie para magtamo ng mas mataas na edukasyon. Mula noong 1950s, napakaraming estudyante ang nagpuntahan sa tinatawag ngayon na BYU–Hawaii mula sa iba’t ibang panig ng Polynesia at Asia. Marami sa mga estudyanteng ito ang nagpabinyag para sa mga patay at naglingkod bilang mga ordinance worker sa templo. Nakatulong ang Laie Temple para magkaroon ang mga estudyante ng pagmamahal sa gawain sa family history at sa templo at pagpalain sila na maging mas handa sa paglilingkod kapag nagkaroon ng mga templo sa kanilang sariling bayan.
Si Choon Chua James, na tubong Singapore, ay nagpunta sa BYU–Hawaii noong 1970s kasama ang kanyang kapatid na babae. Kapwa sila nagpakasal sa mga lalaking nagmula sa ibang mga bansa noong 1978. Sinabi ni Sister James, “Ang kasal namin sa Laie temple ay nag-ugnay sa dalawang convert at dalawang kultura sa panahong ito at sa kawalang-hanggan—ang simula ng inaasam namin na mahabang pamana ng mga pagpapala ng templo sa aming pamilya. Ang kasal namin ay dalawa lamang sa napakaraming kasal na walang hanggan na kinabibilangan ng mga estudyante ng BYU–Hawaii na ikinasal sa Laie temple, marahil isa sa mga pinakamagandang pamana nito sa nakalipas na animnapung taon ng pagkakatatag ng unibersidad” (sa Christensen, Stories of the Temple in Lāʻie, Hawaiʻi, 236).
Patuloy ang Pagtitipon
Nakatayo sa mga sangang-daan ng Pacific sa pagitan ng lupain ng Amerika at Asia, ang Laie Hawaii Temple ang nagbukas ng pinto ng mga pagpapala ng templo sa maraming bansa. Kaya, ang pagtitipon ng Israel una sa lahat ay naging espirituwal na pagtitipon kapag tumatanggap ang mga miyembro ng mga pagpapala ng templo at pagkatapos ay itinatayo ang Simbahan sa pag-uwi nila sa kanilang sariling bayan. Ang pagkakataong ito ay nakatulong sa paglaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa maraming kultura at tao sa magkabilang panig ng tabing.
Sa pagdiriwang natin ng ika-100 anibersaryo ng Laie Hawaii Temple, nagkaroon tayo ng pribilehiyo na masaksihan ang mga pangyayari sa Panunumbalik at ang katuparan ng propesiya ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon: “Dakila ang mga pangako ng Panginoon sa kanila na nasa mga pulo ng dagat” (2 Nephi 10:21).