Mga Larawan ng Pananampalataya
Wilson Di Paula
San José, Uruguay
Naparalisa si Wilson dahil sa isang aksidente sa motorsiklo. Pagkaraan ng isang taon, pumanaw ang kanyang asawa. Bilang isang balo na may dalawang anak na batang babae, hindi alam ni Wilson kung ano ang gagawin. Hindi niya alam kung may layunin ang buhay. Maaari sanang naghinanakit si Wilson dahil dito. Ngunit sa halip, sinimulan niyang saliksikin ang katotohanan.
Cody Bell, litratista
Matapos ang aking aksidente sa motorsiklo at pagpanaw ng asawa ko, naiwan sa akin ang pagpapalaki ng aking dalawang anak na batang babae. Hindi ko talaga alam kung paano ko mapapalaki ang aking mga anak na babae habang ako ay nasa wheelchair. Talagang nagbago ang aking buhay dahil sa aksidenteng ito.
Marami akong tanong. Bakit nangyayari ang masasaklap na bagay? Sinisikap kong gawin ang tama, pero kinuha sa akin ang aking asawa at nasadlak ako sa isang wheelchair, pagkatapos ay kinailangang operahan ng mga doktor ang ulo ng aking anak para alisin ang isang tumor. Nagsimula akong mag-isip na walang layunin ang buhay.
Napagtanto ko na kailangan kong mahanap ang katotohanan. Siniyasat ko ang iba’t ibang relihiyon at natagpuan ko ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nadama kong ito ang totoo.
Nalaman ko na may buhay pa pagkatapos ng buhay na ito, at kapag namatay tayo, maaari nating makasama ang mga taong mahal natin. Nagdulot ito ng kaligayahan sa akin dahil sa 10 magagandang taon na pinagsamahan namin ng aking asawa.
Nagbago ang bawat aspeto ng aking buhay dahil nahanap ko ang ebanghelyo. Nawala ang aking pag-aalala at nadama ko na hindi ko kasalanan ang nangyari. Dumating ang kaligayahan sa aking pamilya sa pagsisimba namin tuwing Linggo. Umuuwi kami nang may karagdagang lakas. Kami ay nabinyagan at kalaunan ay nabuklod para sa kawalang-hanggan sa templo sa Argentina.
Ngayon ay patuloy akong sumusulong sa Simbahan. Nakapaglingkod na ako bilang tagapayo sa bishopric, at sinisikap kong matuto mula sa lahat ng aking mga karanasan, mula sa lahat ng pagsubok sa buhay. Nagbibigay ito sa akin ng lakas. Dahil mahigit 20 taon na akong naka-wheelchair, natutuhan ko na ang kaligayahan ay nagmumula sa kalooban. Nadaragdagan ang natututuhan ng isang tao araw-araw. Ipinagpapasalamat ko iyon.
Alam ko na ngayon na may layunin ang buhay sa mundo. Narito tayo bilang bahagi ng walang hanggang plano ng Ama sa Langit. Mayroon tayong Tagapagligtas na dumaig sa kamatayan at nabuhay na mag-uli. Ang kaalamang ito ay nagbibigay sa akin ng lakas. Ngayon, nagsisikap akong magtiyaga at magpatuloy sa pagsulong. Mayroon akong layunin at alam ko na kapag nagsikap akong mamuhay nang karapat-dapat, maaari akong magkaroon ng pamilyang walang hanggan.