2019
Pagprotekta sa mga Bata
Oktubre 2019


Pagprotekta sa mga Bata

Ano ang magagawa natin para mas maprotektahan at mapatibay ang mga bata sa ating buhay?

mother with baby and crying child

Paglalarawan sa litrato ni Linda Lee

Sa lahat ng grupo ng mga tao na tinuruan ni Jesus, alam natin na minahal Niya lalo na ang mga bata. Binigyan Niya ng pansin ang mga bata kahit hindi iyon madali. Inanyayahan Niya ang mga bata na isa-isang tumanggap ng basbas mula sa Kanya. Isinumpa Niya ang mga nananakit ng mga bata. At itinuro Niya na kailangan nating maging higit na katulad ng mga bata para makapasok sa kaharian ng langit.1

“Masdan ang inyong mga musmos,” sabi Niya sa mga nasa kontinente ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nabuksan ang kalangitan, at nagbabaan ang mapagmahal at pumuprotektang mga anghel at tumayo nang pabilog sa paligid ng mga bata, at pinalibutan sila ng apoy. (Tingnan sa 3 Nephi 17:23–24.)

Sa lahat ng panganib sa mundo ngayon, maaari nating naisin na palibutan palagi ang ating mga anak ng apoy mula sa langit. Tinatayang isa sa apat na tao sa buong mundo ay naabuso noong bata pa, at tumataas ang karaniwang bilang kapag tiningnan mo ang ilang partikular na mahihinang grupo, tulad ng mga taong may kapansanan.2 Ang magandang balita ay marami tayong magagawa upang makatulong sa pagprotekta sa mga bata.

“Ilarawan sa inyong isipan ang isang batang mahal ninyo,” sabi ni Sister Joy D. Jones, Primary General President. “Kapag sinabi mo sa batang ito, ‘Mahal kita,’ ano ang ibig sabihin niyan? … Nagbibigay tayo ng proteksyon para matulungan natin ang mga mahal natin na magpakahusay at harapin ang mga hamon ng buhay.”3

Siguro kung titingnan ninyo nang mas mabuti ang halimbawa ng Tagapagligtas, maghihikayat iyan ng mga ideya kung paano natin mas mapoprotektahan ang mga bata sa ating buhay.

Pinag-ukulan Sila ng Oras ni Jesus

Jesus with children

Masdan ang Inyong mga Musmos, ni David Lindsley © 1983

Naglaan ng oras si Jesus para magtuon ng pansin sa mga bata at mahihina (tingnan sa Mateo 19:14). Maaari rin tayong maglaan ng oras na makinig sa ating mga anak at sikaping unawain ang mga hamon na kinakaharap nila.

“Kapag nakadama ng higit na pagmamahal ang bata, mas madali siyang magtatapat,” sabi ni Sister Jones. “… Kailangan nating simulan ang pakikipag-usap at huwag nang hintaying lumapit sa atin ang mga bata.”4

Nalaman ng isang ina na nakakatulong na tanungin ang kanyang mga anak gabi-gabi, “May narinig ba kayong mga salita ngayong araw na hindi ninyo naunawaan?”

Maaaring ang unang likas na gagawin ng ating mga anak ay hanapin online ang mga sagot dahil nagbibigay ng agarang tulong ang internet at hindi ito nanghuhusga, ngunit kailangan natin silang kumbinsihin na tayo ay mas mapagkakatiwalaang pagkunan ng impormasyon. At kasama riyan ang hindi pagkataranta kapag may sinasabi ang mga anak natin na hindi magandang pag-usapan. Halimbawa, kung bigla tayong nagalit kapag nagtapat ang anak natin na nanonood sila ng pornograpiya, baka hindi na sila muling humingi ng tulong sa atin. Pero kung tutugon tayo nang may pagmamahal, may pagkakataon tayong magpahayag ng malinaw na mensahe—na gusto nating sabihin nila sa atin ang tungkol sa anumang bagay.

Napansin ni Sister Jones, “Ang maliliit na problemang pinag-uusapan sa magiliw na paraan ay lumilikha ng magandang tugon para kapag nagkaroon ng malalaking problema, may komunikasyon pa rin kayo.”5

Ang ilan sa pinakamahahalaga at nagbibigay-proteksyon na pakikipag-usap ng mga magulang sa mga anak ay tungkol sa kanilang katawan. Dapat isama sa mga pag-uusap na ito ang mga tamang salita para sa mga bahagi ng katawan, impormasyon tungkol sa kalinisan, at kung anong mga pagbabago ang dapat asahan sa darating na mga taon. Dapat nating pag-usapan ang seksuwalidad at kung paano naging magandang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin ang pisikal at emosyonal na intimasiya. Maaari ring pag-usapan ang mga paksang tulad ng pang-aabuso at pornograpiya. Ang mga pag-uusap na ito ay kailangang maging angkop sa edad at ginagabayan ng mga tanong ng ating mga anak. Ang pinakamaganda, magkakaroon tayo ng maraming pag-uusap sa paglipas ng panahon, na nagbibigay ng karagdagang impormasyon habang lumalaki ang ating mga anak at nadaragdagan ang kanilang pang-unawa. (Tingnan ang dulo ng artikulong ito para sa makakatulong na mga sanggunian.)

Nagpakita ng Halimbawa si Jesus para sa Kanila

Nagpakita ng perpektong halimbawa si Jesus para sa lahat (tingnan sa Juan 8:12). Bilang mga adult, may oportunidad at responsibilidad din tayong maging mabubuting halimbawa. Ang isa sa pinakamagagandang paraan na matutulungan natin ang ating mga anak na maging ligtas ay sa pagiging huwaran natin mismo ng ligtas na mga pagpapasiya. Napapansin ng mga bata kung paano tratuhin ng kanilang mga magulang ang iba at kung paano nila hinahayaang tratuhin sila ng iba. Pakiusap, kung kayo ay may karelasyon o may problema sa adiksyon na naglalagay sa inyo o sa inyong pamilya sa panganib, humingi ng tulong. Kontakin ang mga awtoridad at propesyonal na tagapayo, gayundin ang inyong bishop o Relief Society president, na makakatulong sa inyo na makipag-ugnayan sa angkop na mga tao sa Simbahan at komunidad. Nararapat kayong iligtas at igalang.

Dapat din tayong magpakita ng halimbawa ng malasakit sa ating espirituwal na lakas. Nakikita ba ng ating mga anak na nagdarasal tayo? Alam ba nila na nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan? Narinig na ba nila ang ating patotoo? Nadaramitan ba tayo ng “buong baluti ng Diyos” bilang pamilya sa umaga bago lumabas sa mundo? (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11–18; Doktrina at mga Tipan 27:15–18).

Nagsalita si Jesus para sa Kanila

Nagsalita ang Tagapagligtas laban sa mga nananakit sa mga bata (tingnan sa Mateo 18:6). Tayo man ay maaaring maging tagapagtanggol ng mga bata sa ating buhay.

“Kailangan ng mga bata ng ibang taong magsasalita para sa kanila,” pagtuturo ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “at mga taong magpapasiya na unahin ang kanilang kapakanan kaysa mga sakim na interes ng matatanda.”6

Bagama’t hindi natin kailangang matakot o maghinalang masyado sa iba, dapat nating malaman ang potensyal na mga panganib at gumawa ng matalino at ligtas na mga desisyon. Dapat sundin ng mga lider sa Primary ang mga patnubay ng Simbahan sa pag-iwas sa pang-aabuso7—may proteksyon sa pagkakaroon ng dalawang guro sa bawat klase at ng isang tao mula sa presidency na nagbabantay sa mga klase.

Dapat magsanggunian at magpasiya ang mga magulang at lider kung may karagdagang mga pag-iingat silang magagawa para mabawasan ang partikular na mga panganib. Halimbawa, maraming gusali ng Simbahan ang may mga bintana sa pintuan ng classroom. Kung walang ganoon sa inyong gusali, maaari ninyong buksan nang kaunti ang mga pintuan sa oras ng klase at kausapin ang inyong lokal na facilities-management representative upang malaman kung maaaring palagyan iyon ng mga bintana. Anuman ang kanilang mga tungkulin, maaaring makinig ang lahat ng adult sa simbahan at tumulong kapag kailangan, tulad ng pagtanggap sa mga bisitang lumilibot sa mga pasilyo, o paghikayat sa isang batang gumagala sa labas na bumalik sa klase.

Ang malungkot, kung minsan ay sinasaktan ang mga bata ng ibang mga bata. Kung may napansin tayong anumang klase ng pananakot o di-angkop na pisikal na paghipo sa simbahan o saanman, kailangan nating makialam kaagad. Kung lider tayo, kailangan ay handa nating kausapin ang mga pamilyang sangkot—kahit hindi maganda ang mga pag-uusapan—upang matiyak na ligtas ang lahat ng bata. Magsalita nang may habag at malinaw para magkaroon ng kapaligirang may paggalang.

Kung naniniwala tayo na inabuso ang isang bata, dapat nating ireport kaagad ang mga alalahaning iyon sa mga awtoridad. Sa maraming bansa, may mga hotline na nag-aalok ng agaran at panandaliang tulong, impormasyon, at suporta sa mga taong nasa krisis. Dapat din nating sabihin sa bishop ang hinihinalang pang-aabuso, lalo na kung sangkot ang sinuman na nakakalapit sa mga bata sa Simbahan. Bukod pa sa mga hakbang na ginawa para hindi makalapit ang isang kriminal sa mga bata, mabibigyan ng bishop ng kapanatagan at suporta ang mga biktima at matutulungan silang makipag-ugnayan sa iba pang mga mapagkukunan sa Family Services.

Isa-Isa Silang Binasbasan ni Jesus

Primary teacher hugging child with Down syndrome

Paglalarawan sa litrato ni Shanea Janese Acebal

Kilala at isa-isang binasbasan ni Jesus ang mga bata (tingnan sa 3 Nephi 17:21). Dapat din nating kilalanin ang bawat bata at sikaping tulungan mismo ang partikular na batang ito.

Paano natin magagawang mas ligtas ang simbahan para sa mga batang may karamdaman? May plano ba tayo sa pagtulong sa mga batang Primary na may kapansanan? Sensitibo ba ang mga Primary lesson na itinuturo natin sa iba’t ibang sitwasyon sa tahanan? Ano pa ang magagawa natin para mas marami tayong maisali?

Ang mga komento laban sa ibang lahi, mapanghamak na mga pananalita tungkol sa ibang mga kultura, at panghuhusga sa mga miyembro ng ibang mga relihiyon ay hindi dapat banggitin sa mga mensaheng ibinabahagi natin. Sa isang Primary class, may isang batang lalaki na di-gaanong marunong magsalita ng wikang ginagamit ng iba pang mga bata. Para maipadama na siya ay tanggap, tiniyak ng mga guro na mag-print ng mga handout sa dalawang wika. Ipinapakita ng mga simpleng pag-aalala sa mga bata na kilala at may malasakit tayo sa bawat isa sa kanila, at maaaring magpakita ng halimbawa ang mga ito na masusundan nila.

Maaaring matuklasan natin na nangangailangan ng agarang tulong ang ilang bata. Halimbawa, bagama’t ang ilang pabagu-bagong ugali ay normal na bahagi ng paglaki, kung galit, walang kibo, o malungkot ang isang bata sa loob ng ilang linggo, maaaring may mas mabigat na problema na nangangailangan ng propesyonal na tulong. Bagama’t mahalaga ang mabubuting gawi tulad ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kadalasan ay mas maraming suporta ang kailangan para sa mga taong nagsisimulang masiraan ng isip o may lihim na trauma. Hindi makakabuting balewalain ang sitwasyon. Sa maraming lugar, maaaring magbigay ng tulong-pinansyal ang bishop sa mga indibiduwal at pamilya para humingi ng payo sa pamamagitan ng Family Services o iba pang mga provider.

Binigyan Sila ni Jesus ng Kakayahan

father helping son ride bicycle

Paglalarawan sa litrato ni Angalee Jackson

Habang pinoprotektahan ang mga bata, binigyan rin sila ni Jesus ng kakayahan. Ginawa Niyang halimbawa ang mga bata (tingnan sa Mateo 18:3). Matapos Siyang bumisita sa mga lupain ng Amerika, naturuan ng mga batang musmos ang matatanda ng “mga kagila-gilalas na bagay” (3 Nephi 26:16).

Mabibigyan natin ng kakayahan ang mga batang kilala natin sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na malaman kung paano nangungusap sa kanila ang Espiritu at pagkatapos ay sundin ang Espiritu sa paggawa ng mga desisyon—na tumutulong sa kanila na magkaroon ng filter sa kanilang isipan na gagabay sa kanilang mga kilos. Tulad ng itinuro ni Sister Jones, “Mahalagang tulungan ang mga bata na lumikha ng sariling pangangatwiran sa kanilang isipan na naising [gumawa ng ligtas na mga desisyon].”8 Narito ang ilang ideyang nagbigay kakayahan sa iba pang mga pamilya:

  • Itinuro ng isang ina sa kanyang mga anak na bigyang-pansin ang kanilang “mga pangamba o hinala” at mag-ingat sa mga taong mukhang “manloloko.” Napakinabangan ito nang tangkain ng ilang tao na kumbinsihin ang kanyang anak na lalaki na sundan sila sa loob ng isang banyo, at nakinig ito sa babalang nadama niya at tumanggi.

  • Maagang nagpaplano ng bakasyon ang ilang pamilya kapag nakakaranas sila ng isang masamang bagay. Halimbawa, ang planong magbakasyon ng isang pamilya ay tinawag na “crash and tell” at ang ginagawa rito ay pinapatay ang computer monitor at nagsasabi kaagad sa isang magulang kung may lumabas na masamang larawan. Kailanma’y hindi kinailangang mag-isip ng kanilang mga anak kung paano haharapin ang masamang media—alam na nila ang gagawin!

  • Gumawa naman ng code word ang isa pang pamilya na maaaring i-text ng mga bata sa kanilang mga magulang o sabihin sa telepono kung kailangan silang sunduin kaagad.

  • Matutulungan mo ang iyong mga anak na magsanay sa pagsasabi ng, “Hindi!” kapag may nagtangkang kumbinsihin sila na gumawa ng isang bagay na hindi sila komportableng gawin. Dapat malaman ng bawat bata na maaari silang humingi ng tulong, at dapat ay patuloy silang humingi ng tulong hanggang sa maging ligtas na sila.

Ang Ating Tungkulin Bilang mga Adult

Muli nating gunitain ang tagpo sa 3 Nephi 17, nang “[kunin ni Jesus] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila. … At sila ay napalibutan ng apoy; at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila” (mga talata 21, 24). Ang isang mahalagang punto siguro ng kuwentong ito ay hindi lamang para ituro sa atin kung gaano kahalaga ang mga bata kundi upang ilarawan din kung ano dapat ang ating papel o tungkulin, bilang mga adult. Tayo ay mga tagapag-alaga ng susunod na henerasyon. Tayo dapat ang mga anghel na nakapalibot at naglilingkod sa mga bata. Patuloy tayong umasa kay Jesus bilang ating perpektong halimbawa at pagkatapos ay gawin natin ang lahat para mapalibutan ng pagmamahal at proteksyon ang ating musmos na mga anak.

Mga Tala

  1. Tingnan ang mga reperensya sa ilalim ng bawat section heading sa artikulong ito para mahanap ang mga kuwentong ito sa mga banal na kasulatan.

  2. Tingnan sa “Child Maltreatment (Child Abuse),” World Health Organization, who.int/violence_injury_prevention/violence/child/en.

  3. Joy D. Jones, “Pagharap sa Pornograpiya: Magprotekta, Tumugon, at Magpagaling,” Liahona, Okt. 2019, 38.

  4. Joy D. Jones, “Pagharap sa Pornograpiya,” 39, 40.

  5. Joy D. Jones, “Pagharap sa Pornograpiya,” 39.

  6. Dallin H. Oaks, “Protektahan ang mga Bata,” Liahona, Nob. 2012, 43.

  7. Tingnan sa “Preventing and Responding to Abuse,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  8. Joy D. Jones, “Pagharap sa Pornograpiya,” 40.