Hindi Takot na Ibahagi ang Katotohanan
Nasasandatahan ng isang patotoo tungkol sa ebanghelyo at mga pagpapala nito, hindi hinayaan ni Fabian na mapigilan siya ng kanyang batang edad na maging mabisa at walang takot na member missionary.
Palubog na ang araw sa Las Tomas, isang sambayanan sa mabuhanging mga dalisdis na tanaw ang Antofagasta. Sa ibaba, nagsisimulang magningning ang mga ilaw habang lumulubog ang araw sa daungang lungsod na ito sa hilagang Chile.
Sabado ng gabi, at maaaring lumabas kasama ng barkada ang 13-anyos na si Fabian H. Ngunit sa halip ay pinipili ni Fabian, isang bagong miyembro ng Simbahan, na gugulin ang gabi na kasama ang mga full-time missionary. Panahon na para “tumulong na matipon ang Israel.”1
Sa lahat ng matatapat na member missionary na tinulungan nina Kellen VanNatter at Jordan Shelton sa kanilang mga full-time mission sa Chile, si Fabian ang nakahihigit sa lahat.
“Kung libre siya, kasama namin siya sa gawaing misyonero,” sabi ni Kellen. “Nang matapos ang bakasyon, nalungkot siya hindi lang dahil kinailangan niyang bumalik sa paaralan kundi dahil wala rin siyang gaanong oras para sumama sa amin.”
Dagdag pa ni Jordan, na ilang buwang naging kompanyon ni Kellen, “Siguro apat o limang beses sa isang linggo naming kasama si Fabian—linggu-linggo—samantalang magkasama kaming naglingkod sa Antofagasta. Siya ang pinakamagaling na member missionary na nakatrabaho namin.”
Paano naging handang-handang gumawa ng gawaing misyonero ang isang binatilyo sa kabila ng paghamak ng mga kaklase at pagsusuplado ng mga estranghero? Para kay Fabian, ang sagot ay matatagpuan sa mga pagpapalang natanggap niya at ng kanyang pamilya mula nang tanggapin nila ang ebanghelyo—mga pagpapalang nais niyang ibahagi sa iba.
“Hindi Maipaliwanag na Galak”
Nagsimulang magpaturo si Fabian sa mga missionary matapos kumatok ang mga full-time missionary. Natatandaan pa niya ang kanyang unang sacrament meeting.
“Wala akong kakilala pagpasok ko ng chapel, kaya medyo kabado ako,” sabi niya. “Pero kamangha-mangha ang nadama ko. Pakiramdam ko ilang buwan o taon na ako sa Simbahan.”
Sa kanyang binyag pagkaraan ng ilang linggo, “Nakadama ako ng hindi maipaliwanag na galak nang ilubog ako sa tubig at lumitaw ulit. Pakiramdam ko bagong tao ako, batid na susundan ko si Jesucristo at gagawin ko ang lahat para sundin ang Kanyang mga utos.”
Nang sumali ang di-kasal na mga magulang ni Fabian, sina Leonardo at Angela, sa anak nila sa mga missionary lesson, nalaman nila ang tungkol sa kasal sa templo at mga walang-hanggang pamilya. “Pagkaraan ng isang linggo, nagtakda ng petsa ng kasal ang tatay ko,” sabi ni Fabian. “Masayang-masaya ang nanay ko.”
Apat na buwan matapos sumapi sa Simbahan si Fabian, sinundan siya ni Angela sa mga tubig ng binyag. “Napakagandang pagpapala niyon,” sabi niya.
Agad sumunod ang iba pang mga pagpapala. Si Leonardo, na nabinyagan noong bata pa siya, ay muling naging aktibo sa Simbahan. Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay naging pangunahing aktibidad sa kanilang tahanan. Mas napalapit ang mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Nakakita ng matatag na trabaho si Leonardo. At natanggap na ni Fabian ang Aaronic Priesthood.
“Gustung-gusto kong magtaglay ng priesthood para maipasa ko ang sakramento sa mga miyembro ng ward at tulungan silang magpanibago ng kanilang mga tipan,” sabi ni Fabian. “Masaya ako lalo na kapag napasahan ko ang aking pamilya at ang mga elder na nagturo sa akin. Labis akong pinasasaya ng nagmamalaking tingin sa akin ng tatay ko kapag nakikita niya akong magpasa ng sakramento.”
“Napakaganda Niyon”
Nagsimula si Fabian sa gawain na member missionary bago pa man siya nabinyagan.
“Sinabi ko sa tatlo sa mga kaibigan ko na bibinyagan ako. Nagpunta ang dalawa sa kanila,” sabi niya. “Gusto kong ibahagi ang ebanghelyo para maunawaan ng mga kaibigan ko kung ano ang ating pinaniniwalaan at ginagawa sa Simbahan at para matututuhan nila ang ebanghelyo, mabinyagan, at maging mas masaya sa buhay. Napakasaya ko sana kung isa sa kanila ang magpapabinyag at magiging isa sa mga miyembro ng aming korum. Napakaganda niyon.”
Laging may dalang Aklat ni Mormon si Fabian sa eskuwelahan, at nagdadala siya ng mga missionary pamphlet para ipamigay sa mga kaibigan. Masaya siyang sumagot sa mga tanong tungkol sa Simbahan at mag-anyaya ng mga kaibigan sa mga miting tuwing Linggo at sa youth activity night. At hindi siya takot na lumapit sa mga tao sa daan at, tulad ng itinuro sa kanya ng mga missionary, anyayahan silang malaman ang tungkol sa Simbahan at maghanda para sa binyag.
“Walang pakialam si Fabian kung isipin ng iba na kakaiba siya sa pagbabahagi ng kanyang patotoo,” sabi ni Kellen. “Alam niya na ginagawa niya ang tama. Alam niya na ang mga espirituwal na bagay ay mas mahalaga kaysa anupaman.”
Kapag ibinabahagi ni Fabian ang kanyang patotoo, sabi ni Jordan, humuhugot siya ng lakas sa kanyang pagbabalik-loob, pagmamahal sa ebanghelyo, at mga pagpapala.
“Nakita niya ang mga pagpapalang dumating sa kanyang pamilya, na siyang nagbibigay-inspirasyon sa kanya na maging matapang at di-maligoy sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan,” sabi ni Jordan. “Minsan nang magpatotoo siya sa isang investigator kung gaano kalaking pagpapala ang makasal ang kanyang mga magulang ngunit napakahirap para sa kanya na maghintay ng apat na buwan matapos siyang mabinyagan para mabinyagan ang nanay niya. Nadaig siya ng kanyang damdamin, at napaluha siya. Pagkatapos ay nagpatotoo siya na kung susundin natin ang mga kautusan, pangangalagaan tayo ng Diyos.”
Sa patotoo ni Fabian, naging isa siyang mabisang member missionary, dagdag pa ni Kellen.
“Hindi niya sinabing, ‘Ah, narinig kong sinabi ito sa simbahan.’ Sa halip, lagi niyang ibinabahagi ang kanyang sariling personal na mga karanasan—gaya ng nadama niya nang magsimba siya sa unang pagkakataon at ang pakiramdam niya kapag binabasa niya ang Aklat ni Mormon. Lahat ng ito ay tunay na tunay.”
“Laging Gumaganda ang Pakiramdam Ko”
Para kay Fabian, may isa pang pagpapalang hatid ang pagbabahagi ng ebanghelyo.
“Kung minsan may masasamang bagay na nangyayari sa akin sa eskuwelahan, pero kumakatok ang mga missionary sa aming pintuan at nagtatanong kung handa akong tulungan sila sa pagtuturo,” sabi niya. “Matapos sumama sa kanila, pakiramdam ko parang wala akong anumang problema. Laging gumaganda ang pakiramdam ko kapag sumasama ako sa kanila, nagbabasa ng mga banal na kasulatan na kasama sila, at tinutulungan ko silang ibahagi ang ebanghelyo. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo at ang kuwento ng pagbabalik-loob ko ay nagpapatibay sa aking patotoo. At ang pagtuturo ng ebanghelyo ay nagbibigay sa akin ng pagkakataong maging halimbawa sa iba, pati na sa bunsong kapatid ko.”
Hindi nakakagulat na isa sa pinakamalalaking mithiin ni Fabian ay ang maging full-time missionary mismo kapag natapos siya sa high school.
“Gusto kong ibahagi ang katotohanan sa mga hindi nakakaalam nito,” sabi niya. “Gusto ko silang anyayahang hugasan ang kanilang mga kasalanan. Gusto kong ituro sa kanila kung paano sila magiging walang-hanggang pamilya. Gusto ko silang anyayahang maging masaya ngayon at mabuhay sa walang-katapusang kaligayahan sa kabilang-buhay.”