Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Dalawang Pahina na Puno ng Pasasalamat
Elise Dahlen
Utah, USA
Buong buhay na nagdusa ang aking ama dahil sa mababang pagpapahalaga sa sarili at pakiramdam ng kawalang-halaga. Pinalaki siya ng isang lasinggerong ama na madalas siyang sabihan na walang kuwenta. Salamat na lamang at hindi naging lasinggeroo ang aking ama, pero kahit kailan ay hindi niya sinabi sa akin at sa aking mga kapatid na ipinagmamalaki niya kami o pinuri sa magagandang bagay na nagawa namin. Habang lumalaki ako, sinikap ko na matuwa siya sa akin, pero palagi kong nadarama na hindi sapat ang ginagawa ko para matuwa siya. Dahil dito hindi naging maganda ang aming relasyon.
Isang taon, binanggit ko ito sa aking matalinong bishop. Pinayuhan niya ako na sulatan ang aking ama at sabihin dito ang lahat ng dahilan kung bakit ako nagpapasalamat sa aking ama. Hindi ito magiging madali para sa akin. Marami akong hinanakit sa aking ama, at ayokong mapuno ng hinanakit ang aking liham ng pasasalamat. Kaya nagdasal ako. Sa patnubay ng Espiritu, ang mga bagay na ipinagpapasalamat ko sa aking ama ay nagsimulang pumasok sa aking isipan. Matagal ko itong nagawa, pero nang matapos ko ito, dalawang pahina ang napuno ko.
Ipinadala ko ang aking liham nang hindi nalalaman kung paano tutugon ang aking ama. Pero alam ko na hindi ako ang magpapasiya kung ano ang magiging tugon niya. Kailangan ko lang tingnan ang aking sariling puso at alalahanin kung bakit isinulat ko ang liham.
Kinabukasan, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa aking madrasta. Umiiyak siya. Sinabi niya sa akin na paulit-ulit na binasa ng aking ama ang liham. Sinabi niya na hindi ako makausap ng aking ama dahil humahagulgol ito.
“Salamat!” sabi niya. “Kailangan ito ng iyong ama.”
Kalaunan ng araw na iyon, tinawagan ako ng aking ama para magpasalamat. Tinatawagan niya ako araw-araw sa loob ng ilang araw upang ipahayag kung gaano kahalaga sa kanya ang liham.
Sana ay kaya kong sabihin na himalang naayos ang relasyon naming mag-ama, pero marami pa kaming dapat gawin. Sa paglipas ng panahon, nagsimulang maghilom ang aking puso, at bumuti ang aming relasyon. Sa huli ay napatawad ko na siya.
Makalipas ang ilang taon, matapos ang matinding pakikipaglaban sa kanser, pumanaw ang aking ama. Natitiyak ko na masayang-masaya na siya ngayon habang tinutulungan siya ng Tagapagligtas na maghilom mula sa maraming taon ng pang-aabuso. Alam ko na naranasan ko na ang paghilom sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga pangangailangan at matutulungan Niya tayong alisin ang masasamang epekto na dulot ng sakit at galit sa ating mga kaluluwa. Alam ko na ang pasasalamat, pagpapatawad, at pagmamahal ay mabibisang lunas.