2019
Maging o Naging: Iyan ang Tanong
Oktubre 2019


Maging o Naging: Iyan ang Tanong

Inaasahan tayong humatol. Kailangan natin itong gawin. Pero huwag nating lagyan ng kategorya o bansagan ang sinuman.

variety of different people

Mga paglalarawan ni David Green

Ilang taon na ang nakararaan binisita naming mag-asawa ang Kronborg Castle sa Helsingør, Denmark. Ang kastilyong ito ay pinasikat ng dula ni William Shakespeare na Hamlet. Habang nag-uusap kami sa loob ng kastilyo, napuno ang aming isipan ng mga eksena at diyalogo mula sa dula, lalo na ng sikat na tanong ni Hamlet na, “Mangyayari ba o hindi: iyan ang tanong.”

Pero naisip ko ang isang tanong na mas mahalagang itanong natin sa ating mga sarili: “Maging o naging: iyan ang tanong.”

Tulutang Magpakabuti

Sa kasamaang-palad, madalas tayong gumamit ng mga bansag kapag pinag-uusapan natin ang iba. Halimbawa, maaari nating sabihin ang mga bagay na tulad ng:

  • “Tamad na missionary si Elder Brown.” Sa halip, dapat nating sabihing, “Hindi nagtatrabaho nang husto si Elder Brown nitong mga huling araw, pero naniniwala ako na maaari niyang pagbutihin pa.”

  • “Hindi relihiyosa si Mary.” Sa kabilang banda, puwede nating sabihing, “Hindi interesado si Mary sa relihiyon, pero baka madama niya ang Espiritu kung magpapatotoo ako sa kanya.”

Kapag sinabi natin na ang isang tao ay ganito o ganoon, maaari tayong mauwi sa pagbabansag o pagkakategorya, na humahatol nang hindi nagbibigay ng puwang na puwede siyang magbago at magpakabuti. Pero kapag sinabi natin na naging, ipinahihiwatig natin na naniniwala tayo na puwede siyang lumago at umunlad.

Mali bang Humatol?

Ibinibigay ng karamihan sa mga salin ng Biblia ang sumusunod na bersyon ng isang turo mula sa Tagapagligtas: “Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan” (Mateo 7:1). Pero nilinaw ito sa Pagsasalin ni Joseph Smith: “Huwag hahatol nang di makatarungan … , datapwat humatol nang makatarungan” (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Tunay na katanggap-tanggap—at inaasahan pa nga—na gumamit tayo ng paghatol sa pagtatasa, pagsusuri, at pag-unawa sa mga sitwasyon at paggawa ng mga desisyon. At lalong mahalaga na gumamit tayo ng makatarungang paghatol sa pakikipag-ugnayan natin sa mga tao.

Halimbawa, dapat nating suriing mabuti kung sino ang pakakasalan natin, pakiramdaman ang mga intensyon ng isang tao para maunawaan ito, o alamin ang mga kakayahan ng isang tao na gampanan ang isang propesyonal na tungkulin.

Dapat nating palaging suriin ang mga kilos o katangian ng mga tao ayon sa mga pamantayan ng Panginoon, tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Higit sa lahat, dapat nating tiyakin na ang ating mga paghatol ay hindi para tangkaing gawan ng masamang paglalarawan, gawan ng kategorya, o bansagan ang sinuman nang wala sa katwiran.

Kayang Magbago

Gumagamit tayo ng di-makatarungang paghatol kapag hindi tama ang paglalarawan natin sa iba, lalo na kung sa paggawa nito ay ipinahihiwatig natin na hindi nila kayang magbago. Sa lahat ng pakikipag-ugnayan natin sa iba, dapat nating tandaan na dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon, bawat isa sa atin ay may kakayahang pagbutihin pa. Isipin ang mga halimbawang ito mula sa Tagapagligtas:

  • Sabi Niya sa babaeng nahuling nangangalunya, “Humayo ka … , mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).

  • Sinabi niya sa isa sa mga lalaking ipinapako sa krus sa Kanyang tabi, “Ngayon ay kakasamahin kita sa paraiso” (Lucas 23:43).

  • Bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang, patuloy Niyang nakita ang potensyal ni Pedro at tinuruan ito, kahit tatlong beses Siyang ikinaila ni Pedro (tingnan sa Mateo 26:34 at Juan 21:15–17).

  • Sinabihan Niya si Saulo, na nagpahirap sa mga Banal, na magsisi. Sumunod si Saulo, na naging si Pablo, at naging matwid. (Tingnan sa Mga Gawa 9:3–6.)

Ang Panginoong Jesucristo ay isang kampeon ng pangalawang mga pagkakataon—at ng pangatlo at pang-apat din. Tinuruan Niya tayong magpatawad nang “hanggang sa makapitongpung pito” (Mateo 18:22). Siya lamang ang taong nabuhay nang sakdal sa mundong ito, ngunit dahil sa Kanyang buhay, Kanyang mga turo, Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo, maaari rin tayong maging sakdal balang-araw. Ang pagtukoy sa ating mga kapatid sa paraang nagpapakita ng kawalan ng paniniwala sa kakayahan nilang magbago ay nagpapakita rin ng kawalan ng paniniwala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Panlabas at Panloob

Bahagi ng buhay na madalas tayong humatol (at hatulan) sa unang tingin. Gayunman, nanganganib tayong humatol nang hindi makatarungan kapag humahatol tayo batay lamang sa unang tingin at hindi na natin sinusuri ang tunay na ugali ng isang tao.

“Hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7). Tinukoy ni Jesus ang mga mapagkunwari sa Kanyang panahon bilang mga “libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng … lahat ng [karumihan]” (Mateo 23:27).

Hindi itinuro ng Tagapagligtas na hindi mabuti ang positibo at disenteng panlabas na anyo kundi na mas mahalaga ang panloob na ugali (moral at espirituwal na kalagayan) ng isang lalaki o babae. Isipin ang ating magagandang templo—maganda ang bakuran pero mas mahalaga ang mga ordenansang isinasagawa sa loob.

Pinagbibihis din nang maayos ang mga missionary ayon sa mga pamantayan ng maayos na pananamit. Sa pagiging malinis, pagbibihis nang disente, at paggamit ng wastong pananalita, nagpapakita sila ng mabuting halimbawa sa mga tao na matuturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang nakikita at naririnig mula sa mga missionary.

Paggamit ng Pagkilala

Habang sinusubukan nating gumawa ng makatarungang mga paghatol, mahalagang gumamit ng pagkilala. Sabi sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ang pagkilala ay “ang maunawaan o malaman ang isang bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. … Napapaloob dito ang pagkilala sa tunay na pag-uugali ng mga tao at ang pinagmulan at kahulugan ng mga espirituwal na pagpapatunay” (“Pagkilala, Kaloob na”).

Kung minsan ang mga taong masama ang ugali ay gumagamit ng makamundong anyo para isipin natin na karapat-dapat silang tularan. Sila ay “marurunong at mababait sa kanilang sariling pananaw” (Isaias 5:21; 2 Nephi 15:21). Nakita ng Tagapagligtas na mali ang pananaw na ito, at nakilala Niya ang katatagan ng pagkatao at matapat na layon ng puso kahit sa mga pinakaaba at naaapi.

Ginamit ni Alma ang pagkilalang iyon nang magsalita siya sa mga taong “hinahamak ng lahat ng tao dahil sa kanilang kahirapan” subalit pinagpala dahil sila ay naging mapagpakumbaba at “mapagpakumbaba sa puso” (tingnan sa Alma 32:5–8).

Dapat nating tandaan na ang “mga bagay ng Espiritu ng Dios … ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:14). Kapag tinitingnan natin ang iba tulad ng pagtingin sa kanila ng ating Ama sa Langit, tinutulutan tayo ng pagkilala na gumamit ng makatarungang paghatol.

Makatarungang Paghatol

Bawat araw sa buhay natin ay humahatol tayo sa pamamagitan ng pagtatasa, pagsusuri, at pagkilala. Gayunman, inaasahan ng Panginoon na gagawin natin ito nang makatarungan. Bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, dapat makita sa ating mga salita at kilos na tayo ay maawain, mapagmahal, at handang tumulong.

Bilang makatarungang mga hukom, kailangan nating tiyakin na mas pansinin ang ugali ng isang tao sa halip na ang kanilang anyo. Kasabay nito, dapat nating tandaan na bawat araw ay lumilikha tayo ng mga unang impresyon ayon sa ating hitsura at mga salitang ginagamit natin. Magaganyak ang karamihan sa mga tao na alamin ang iba pa tungkol sa ating pagkatao at ang mensahe ng ebanghelyo kung nababanaag sa ating anyo ang malaking halaga ng ating mensahe.

Ipinakita na sa atin ng ating Panginoon at Gurong si Jesucristo ang perpektong huwarang susundin habang sinisikap nating humatol nang makatarungan. Dapat nating ibalanse—tulad Niya—ang nakikita natin sa panlabas na anyo sa nangyayari sa kalooban ng bawat tao.