Si Destiny na Hulog ng Langit
Ang awtor ay naninirahan sa France.
Karaniwang masayahin ang aking kaibigan. Ano kaya ang bumabagabag sa kanya?
Mula ako sa bansang France, pero nanirahan kami ng aking nakababatang kapatid sa silangang Estados Unidos bilang mga exchange student. Noong panahong iyon, marami kaming nakilalang tao, pero ang taong nag-iwan ng pinakamalaking impresyon sa akin ay ang batang babaeng nagngangalang Destiny. Naging isa siya sa aking matatalik na kaibigan. Magkasama naming ginagawa ang lahat ng bagay, habang nasa klase at pagkatapos ng klase at kasama ang aking kapatid. Masayahin si Destiny. Iyon ang bagay na pinakagusto ko sa kanya.
Pero isang araw ay nakita kong balisa siya. Hindi ko pa siya nakikitang ganoon dati. Tinanong ko siya kung ano ang problema. Sabi niya ayaw niya raw itong pag-usapan. Pagkatapos ay napansin ko na may hawak siyang papel. Kinuha ko ito at binasa.
May nagsulat ng hindi kapani-paniwalang masasamang bagay tungkol sa kanya. Sinabi ng hindi nagpakilalang gumawa ng sulat na pangit si Destiny, na walang may gusto sa kanya, na walang dahilan para mabuhay pa siya, at na dapat ay magpakamatay na siya. Hindi ko sukat akalain na may taong manlalait sa kanya nang ganoon. Naapektuhan ako nang matindi dahil alam ko ang sakit na pinagdaraanan niya.
Mula noon, lalo pa akong nagsikap na maging mabuting kaibigan ni Destiny—hindi lang mag-ukol ng panahon kasama siya, kundi lagi siyang suportahan, at talagang maging tapat na kaibigan. Ipinaliwanag ko sa kanya na siya ay anak ng Diyos, biniyayaan ng banal na katangian, karapat-dapat na hangaan at may kakayahang gumawa ng mga dakilang bagay.
Mahirap piliting mahalin ang iyong sarili kapag tinatrato ka nang masama at pinipintasan ng iba. Nang kaibiganin ko si Destiny, natutuhan ko na kung minsan ang pinakamagandang paraan para matulungan ang iba ay mahalin lang sila at tulungan silang malaman kung sino talaga sila.
Sa katapusan ng taon, nang kailanganin ko nang bumalik sa France, may sinabi sa akin si Destiny na lagi kong pahahalagahan. “Emma,” sabi niya, “iniligtas mo ako. Bago ka dumating, gusto ko nang magpakamatay. Pero ang laki ng itinulong ninyo sa akin ng iyong kapatid, sa pamamagitan lamang ng pagmamalasakit ninyo. Ngayon ay mahal ko na ang aking sarili, at mahal kita.”
Maraming bata sa paaralan na nagtitiis sa pang-aapi at pangungutya ng iba, na tinatrato nang masama o nilalayuan. Maghanap kayo ng paraan para matulungan sila. Kausapin sila, isipin sila, maging mabait sa kanila. Iyan ang gagawin ng Tagapagligtas, at kung minsan ay maaaring mabago ng isang simpleng pagbati o pagngiti ang lahat ng bagay.