Ayokong Maging Iba!
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10).
Laging nasasabik si Mika na pumunta sa klase sa pagsasayaw. Mahilig siyang makinig ng musika. Gusto niyang praktisin ang kanyang butterfly skip at magawa ito nang tama. At ang pinakagusto niya sa lahat ay kapag sabay-sabay na gumagalaw ang buong klase. Kapag ginagawa nila iyon, parang pare-pareho ang lahat ng mananayaw. Parang hindi lamang siya ang may Down syndrome.
Ngayong araw, nag-aaral sila ng isang bagong galaw sa sayaw. Pinanood ni Mika ang pagtalon sa hangin ng kanyang titser. Pinanood niya ang ibang batang babae na sinusubukan itong gawin. May ilan na nagawa kaagad ito nang tama. May ilan na ilang beses sumubok. Paulit-ulit itong sinubukan ni Mika, pero hindi niya ito magawa nang tama.
“Puwede po bang tulungan ninyo ako, titser?” tanong ni Mika.
Tumingin kay Mika ang batang babae na katabi niya. Pagkatapos ay bumaling ito sa kaibigan nito. “Bakit ganyan siya magsalita?” bulong nito. Parehong tiningnan ng dalawang batang babae si Mika.
Habang pauwi mula sa klase, walang imik si Mika.
Nang makauwi na sila, nagmamasa ng tinapay sa kusina si Inay. May harina ito sa pisngi. Kung minsan, natatawa si Mika roon. Pero ngayong araw, ibinaba lang niya ang kanyang bag sa sahig at sumalampak siya sa upuan sa mesa.
“Kumusta ang pagsayaw mo?” tanong ni Inay.
“Hindi po maganda,” sabi ni Mika. “Humingi ako ng tulong, at may batang babae na nagsabi na katawa-tawa daw akong magsalita. Pagkatapos ay tinitigan niya ako.” Tumungo si Mika. “Ayaw ko na pong pumunta sa klase sa pagsasayaw.”
“Naku, Mika!” sabi ni Inay. “Nakakalungkot naman. Gustung-gusto ka pa naman naming panoorin ni Itay na sumasayaw. Ipinagmamalaki namin na masipag kang magpraktis!”
Naramdaman ni Mika na malapit na siyang maiyak. “Ayokong may Down syndrome ako. Ayokong iba ang itsura ng mukha ko. Sana hindi ako nahihirapang mag-aral ng mga bagong bagay. Kailangan ko pang magpraktis ng pagsasalita!”
Tinabihan ni Itay sa upuan si Mika at niyakap siya. “Mika, mahal na mahal ka namin. Ayaw naming may mabago na kahit ano sa iyo.”
Pero umiling lamang si Mika at isinubsob ang kanyang mukha sa kanyang mga braso. “Ayokong maging iba. Gusto kong alisin sa akin ang aking Down Syndrome!”
Ilang sandaling walang kibo sina Inay at Itay.
“May naisip ako,” sabi ni Inay. Sumilip si Mika sa ibabaw ng kanyang mga braso. “Bakit hindi ka magdasal at itanong mo sa Ama sa Langit kung ano ang nararamdaman Niya tungkol sa iyo?”
Pinag-isipan iyon ni Mika. Mahilig siyang magdasal. Dahan-dahan siyang tumango. “Pwede po ba ninyong isulat kung ano ang itatanong ko para matandaan ko?”
Isinulat ni Inay ang tanong. Pagkatapos ay kinuha ni Mika ang papel at nagpunta siya sa kanyang silid para magdasal.
Nang pumunta siya sa kusina pagkaraan ng ilang minuto, masaya at maaliwalas na ang mukha ni Mika. “Sumagot po ang Ama sa Langit” sabi niya.
“Ano ang sinabi Niya?” tanong ni Inay.
“Sabi Niya, ‘Mika, mahal kita sa kung ano ka at sino ka,’” sabi ni Mika. “At sinabi Niya po ito nang MALAKAS!”
Nang sumunod na linggo sa oras ng klase sa pagsasayaw, hindi na nag-alala si Mika sa iniisip ng ibang mga batang babae tungkol sa kanyang Down syndrome. Sa halip, napansin niya ang isa pang batang babae, si Sara, na mukhang malungkot. Nahihirapan din si Sara na matutuhan ang ilan sa mga bagong galaw.
Pag-uwi ni Mika, nagpasiya siya na gumawa ng maikling sulat para kay Sara. Gumuhit siya ng maraming puso. Tinulungan siya ni Inay sa pagbaybay.
“Mahal kong Sara,” pagsulat ni Mika. “Magaling kang sumayaw. Gusto kitang maging kaibigan. Masaya ako na kasama ka sa aking klase sa pagsasayaw.”
Nasasabik na si Mika na maibigay kay Sara ang sulat. Gusto niyang maging masaya rin si Sara at madama nitong may nagmamahal sa kanya sa kanilang klase sa pagsasayaw.