Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Nagtanim Sila ng Binhi sa Puso Ko
Marta Algarve
Santa Catarina, Brazil
Saan ako nanggaling? Ano ang ginagawa ko rito? Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito?
Noong 29 anyos ako, pabalik-balik ang mga tanong na ito sa isipan ko. Pumanaw na ang mga magulang ko. Nalungkot ako sa pagkawala ng aking panganay na sanggol na anak. May tatlo pa akong anak na palalakihin at isang buhay na puno ng mga hamon.
Sinimulang sagutin ng Panginoon ang aking mga tanong nang gabayan Niya ang dalawang dalagang missionary papunta sa bahay ko. Nang papasukin ko sila, nagtanong sila kung may anumang bagay na sa pakiramdam ko’y kulang sa buhay ko. Ikinuwento ko sa kanila ang mga magulang at anak ko. Sinabi ko na naisip ko na hindi makatarungang magkaanak at bumuo ng mga pamilya kung hahantong lang ang lahat sa kamatayan. Itinanong ko kung makikita ko pang muli ang mga magulang at anak ko.
“Marta,” sabi nila, “maaaring mapasaiyo ang pamilya mo magpakailanman.”
Napuspos ng galak ang puso ko. Ginusto kong malaman pa ang iba. Sa sumunod nilang pagbisita, tinuruan nila ako ng marami pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Binigyan nila ako ng Aklat ni Mormon at hinamon akong basahin ito at itanong sa Diyos kung ito ay Kanyang salita. Tinanggap ko ang kanilang hamon. Nang magdasal ako, dumating ang sagot ng Diyos na kasing-liwanag ng sikat ng araw. Nalaman ko sa puso ko na ito ay totoo.
Sa kasamaang-palad, nang makakuha ako ng bagong trabaho, nawalan na ako ng balita tungkol sa mga missionary. Nang sumunod na mga buwan, naghiwalay kami ng asawa ko at sinikap kong magbagong-buhay sa piling ng mga anak ko.
Kalaunan, nag-asawa akong muli. Isang araw sinabi ng asawa ko na hinahanap-hanap niya ang Diyos sa buhay niya. Nagpasiya kaming magsimba sa dati niyang simbahan. Pagpasok namin sa gusali, nakita ko ang isang Aklat ni Mormon sa ibabaw ng mesa malapit sa pintuan. Ito mismo ang simbahang naipakilala sa akin noon! Gustung-gusto ko ang Espiritung nadama ko roon. Nang umalis kami, tinanong ko ang asawa ko kung puwede akong magpabinyag.
“Kailangan kang maturuan ng mga missionary,” sabi niya.
“Tinuruan ako limang taon na ang nakararaan!” sagot ko.
Tinuruan kaming mag-iina ng mga lesson. Araw ng binyag namin ang pinakamasayang araw sa buhay namin.
Pagkaraan ng ilang taon, nadama ko na dapat kong sabihin sa mga sister na unang nagturo sa akin na sumapi na ako sa Simbahan. Sa Facebook, nakita ko ang isang grupo ng mga returned missionary mula sa Brazil Santa Maria Mission. Kabilang dito ang isa sa mga sister na nagturo sa akin noon. Pinadalhan ko siya ng friend request at sinabi ko sa kanya kung sino ako, paano ako naging miyembro ng Simbahan, na nabuklod sa templo ang aming pamilya, at na nasa full-time mission ang anak kong lalaki. Sinabi ko sa kanya na naging posible ang lahat ng ito dahil naitanim niya at ng kompanyon niya ang binhi ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa puso ko.