Manalangin Lamang
Natatakot si Prodi na matulog muli. Paano kung bangungutin na naman siya?
“Manalangin, naririnig N’ya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).
Biglang napaupo si Prodi. Mabilis ang tibok ng kanyang puso.
Marahang pumatak ang ulan sa bubungan habang nakaupo siya sa dilim. Narinig niya ang pagtulo ng tubig mula sa African fig tree sa labas ng kanyang bintana, at tila maalinsangan. Huminga siya nang malalim at sinikap na pakalmahin ang sarili. Panaginip lang ito.
Bumaba siya sa kama at sumilip sa silid ng kanyang mga magulang. Mahimbing na natutulog sina Inay at Itay. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Célia ay nakabaluktot din sa kanyang higaan. Lahat ay OK. Ligtas ang kanyang pamilya.
Bumalik si Prodi sa kanyang higaan at sinubukan niyang matulog muli. Pabiling-biling siya. Alam niya na hindi totoo ang kanyang panaginip, pero nakakatakot iyon! Kahit pagod na siya, takot siyang matulog muli. Paano kung bangungutin na naman siya?
Nakatihaya si Prodi at nakatingin sa kisame. Sinubukan niyang mag-isip ng masasayang bagay. “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?” Bumuti ang pakiramdam ni Prodi nang maisip niya ang mga salita sa kanyang paboritong awitin sa Primary. Itinuro sa kanila ni Sister Kioska na palagi silang binabantayan ng Ama sa Langit. Maaari silang manalangin sa Kanya anumang oras, kahit saan.
Alam na ni Prodi ang gagawin. Bumaba siya sa kama at lumuhod para magdasal.
“Mahal kong Ama sa Langit,” dasal niya, “Talaga pong natatakot ako. Puwede po bang iligtas Ninyo ang pamilya ko. At tulungan po Ninyo ako na makatulog at hindi managinip ng masama.”
Tinapos ni Prodi ang panalangin niya at bumalik sa kama. Kumalma ang kanyang katawan, at napanatag ang kanyang isip. Di-nagtagal nakatulog siya.
Nang umaga na, nagising si Prodi sa mainit na sinag ng araw na tumatagos sa kanyang bintana. Narinig niya ang ingay ng mga kaldero sa kusina at bumangon para hanapin si Inay. Nasa mesa si Célia at kumakain ng natirang cassava. Iniinit ni Inay ang para sa kanya para makakain din siya.
“Bonjour,” sabi ni Inay. “Kumusta ang tulog mo?”
“Nakakatakot po ang napanaginipan ko,” sabi ni Prodi. “Pero nagdasal ako. Tinulungan po ako ng Ama sa Langit na mapanatag.”
“Nalulungkot ako dahil nagkaroon ka ng masamang panaginip,” sabi ni Inay. Niyakap niya si Prodi nang matagal. “Pero natutuwa ako na nagdasal ka. Tila tinulungan ka talaga ng Ama sa Langit.”
“Tinulungan nga po Niya ako,” sabi ni Prodi. “Nakatulog po ako muli, at hindi na po ako nanaginip ng masama.” Mahigpit na niyakap ni Prodi si Inay. Masaya siya na malaman na gaano man ang takot na nararamdaman niya, tutulungan siya ng Ama sa Langit kung mananalangin lamang siya.