2019
Mula sa Pagiging Maton tungo sa Pagpapabinyag
Oktubre 2019


Mula sa Pagiging Maton tungo sa Pagpapabinyag

Ang pakikipagkaibigan at mabuting halimbawa mo ay magpapala sa mga kaibigan mo at sa darating na mga henerasyon.

young men tempting Hugo to smoke

Mga paglalarawan ni Brooke Smart

Noong 17 anyos ako, naharap ako sa labis na pamimilit ng barkada sa high school namin. Hindi magkapareho ang mga pinahahalagahan ko at ng mga kaibigan ko. Sama-sama kaming sumali ng mga kaibigan ko sa maraming angkop na aktibidad tulad ng paglalaro ng basketball o football. Pero umiinom din sila ng alak at naninigarilyo—dalawang aktibidad nila na hindi ko sinalihan.

Isang araw nasa labas ng eskuwelahan ang isang grupo namin at nag-aaral para sa isang test namin sa araw na iyon. Kasama ko ang dalawa sa pinakamatatalik kong kaibigan, sina Juan at Francisco (binago ang mga pangalan). Sa isang pagkakataon, may naglabas ng mga lighter at sigarilyo. Akala ko nabagot na sa pag-aaral ang mga kaibigan ko at nalimutan nila na naroon ako. Nalaman ko na mali ako nang bumaling sila sa akin at sinabing, “Panahon na para matutong manigarilyo si Hugo.”

Bago pa ako nakapagsalita, sinunggaban nina Juan at Francisco ang mga braso ko, tig-isa sila. Pinigilan nila ang mga braso ko habang may nagsasaksak ng sigarilyo sa pagitan ng mga labi ko. Agad itong tinanggihan ng katawan ko, at ibinuga ko ang sigarilyo sa lupa, malayo sa akin. Di-nagtagal, naramdaman ko ang suntok ng isang kamao diretso sa panga ko. Binantaan nila ako, at sinabing, “Sisindihan natin ulit ang sigarilyo, at mag-aaral kang humitit ng usok. Huwag mo itong idura sa lupa. Kapag ginawa mo iyon, sasamain ka.”

Sa sandaling iyon, nalaman ko na nasa kagipitan ako. Pumikit ako at umusal ng maikling panalangin na humihingi ng kahit anong uri ng tulong. Pagkatapos kong manalangin, dumating at pumarada ang kotse ng aming guro malapit sa amin. Lumabas ng kotse ang aming guro at nagtanong kung ano ang ginagawa namin. Pinakawalan ako ng mga kaibigan ko. “Naghahanda po kami para sa test,” pagtiyak nila sa guro. Pumasok kami sa eskuwela at kumuha ng test, at natapos ang sitwasyon.

Gaano man ako nahirapan sa karanasang iyon, pinatawad ko ang mga kaibigan ko sa ginawa nila. Alam ko na hindi nila naunawaan ang mga pamantayan at desisyon kong sundin ang Word of Wisdom, kaya pinatawad ko sila at pinili kong huwag sumama ang loob ko sa kanila. Nang makatapos kami sa pag-aaral, nagmisyon ako pero patuloy akong nakipag-ugnayan kina Juan at Francisco. Sinulatan ko sila nang madalas at ibinahagi ko sa kanila ang ebanghelyo at ang patotoo ko tungkol kay Jesucristo. Inanyayahan ko silang magsisi at magsimba. Laking gulat ko nang magpunta talaga ang isa sa kanila.

Madalas ko nang anyayahan noon ang mga kaibigan ko sa mga miting tuwing Linggo, pero ngayon lang may tumanggap niyon. Bagama’t hindi ko nasamahan si Juan, naroon ang mga kapatid at tatay ko para tulungan at kaibiganin siya. Tinanggap siya ng pamilya, at naging komportable si Juan sa simbahan. Unti-unti siyang nagbago hanggang sa nagdesisyon siyang magpabinyag. Tuwang-tuwa ako para sa kanya at mas natuwa pa ako nang sabihin niya sa akin na natutuhan na niyang mahalin si Jesucristo dahil sa mga sulat ko. Pag-uwi ko mula sa misyon, nanatili rin akong malapit kay Francisco, at makalipas ang kaunting panahon, nagpabinyag sila ng kanyang asawa. Ngayon, dalawa pa rin sa pinakamatatalik kong kaibigan sina Juan at Francisco.

Nakaapekto ang mga pangyayaring ito sa buhay ko. Nalaman ko na ang pinakamainam na paraan para maimpluwensyahan ang mga buhay ay ang mamuhay nang matwid, mahalin ang iba, at tumulong. Sabi sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, “Para magkaroon ng mabubuting kaibigan, maging mabuting kaibigan muna kayo. Ipakita na talagang interesado kayo sa iba; ngumiti at ipaalam na nagmamalasakit kayo sa kanila.”1 Tinulungan ako ng Panginoon na gawin ito kina Juan at Francisco. Dahil dito, may dalawang kaibigan akong nakilala na pinakamabait sa lahat, at ngayo’y nagtutulungan kami sa pagsuporta sa kaharian ng Diyos bilang mga miyembro ng Simbahan.

Laging panindigan ang mga pamantayan ng Simbahan, kahit nasa napakahirap na sitwasyon ka kagaya ko. Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na, “Sa pagsisikap na makipagkaibigan sa iba, huwag ikompromiso ang inyong mga pamantayan. Kung inuudyukan kayo ng inyong mga kaibigan na gumawa ng masama, panindigan ang tama, kahit mag-isa lang kayong naninindigan.”2 Kahit ang ginagawa ng iba ay parang salungat sa mga kautusan, manatiling matatag dahil mabisa ang inyong halimbawa. Maging uri ng halimbawa na maiisip ng mga kaibigan mo sa mga oras ng pangangailangan. Sa ilang sitwasyong tulad ng sa akin, maaaring ang pakikipagkaibigan mo ang tumulong sa kanila na matuto, magsisi, at magbalik-loob.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), 16.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 16.