2019
Inakay Patungo kay Monica
Oktubre 2019


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Inakay Patungo kay Monica

Rosana Soares

Utah, USA

woman standing on balcony watching other woman at window

Paglalarawan ni Stan Fellows

Noong nakatira ako sa São Paulo, Brazil, nakilala ko ang isang espesyal na babae na nagngangalang Graça. Isa siyang maganda at mabait na babae at kaibigan siya ng lahat.

Si Graça ang aking kompanyon sa visiting teaching. Siya ay may tatlong anak, walang permanenteng trabaho, at walang kotse o telepono, ngunit wala ni isa sa mga ito ang nakahadlang sa kanya sa paglilingkod.

Mula sa aking balkonahe, natatanaw ko ang nag-iisang bintana ng kanyang bahay. Kapag maaari siyang umalis, naglalagay si Graça ng pulang tela sa bintanang iyon bilang palatandaan na handa siyang magbisita. Kahit kailan ay hindi siya naghanap ng dahilan para hindi makapaglingkod. Madalas kong naiisip ang palatandaan ni Graça at ang kanyang magandang halimbawa ng katapatan at simpleng paglilingkod.

Isang pangyayari ang tumatak sa aking isipan. Naghanda at nagdasal kami bago namin binisita ang isa sa mga sister na nakatalaga sa amin na bisitahin. Habang papalapit kami sa bahay nito, napagtanto namin na sa bahay pala ng ibang sister kami napapunta! Nakatalaga sa amin na bisitahin ang sister na ito, isang di-gaanong aktibong ina na may dalawang maliliit na anak, pero hindi namin planong bisitahin siya noong araw na iyon. Dahil naroon na kami, kumatok kami, pero walang sumagot.

Nagpasiya kaming magtiyaga at maghintay. Maya-maya pa, lumabas na ang sister na si Monica at sinabi niya sa amin na marami siyang ginagawa. Napansin namin na siya ay pagod na at halos mangiyak-ngiyak. Nang sabihin namin na naroon kami para tumulong, pinatuloy niya kami. Umiiyak ang kanyang sanggol, kaya sinabi namin na alagaan niya muna ang kanyang sanggol at maghihintay kami. Nang pumanhik na sa itaas si Monica kasama ang kanyang sanggol, kumilos na kami, nilinis namin ang mga kuwarto at itinupi namin ang lahat ng damit na nakita namin.

Nang makita ni Monica kung gaano kaayos tingnan ang kanyang bahay, nagsimula siyang umiyak, naging handa siya na magbahagi sa amin, at binanggit niya ang ilan sa mga hamong nararanasan niya. Nangako kami na tutulungan namin siya, at kinausap namin ang pangulo ng Relief Society tungkol sa mga hamong nararanasan niya. Nang sumunod na Linggo, nagsimba si Monica.

Si Monica ay naging aktibo at masayahing tao. Ipinagpatuloy namin ang paglilingkod sa kanya nang may pagmamahal at pagmamalasakit. Nararanasan pa rin niya ang mga hamong iyon sa buhay, pero kaya na niyang harapin ang mga ito nang may karagdagang pananampalataya at tapang dahil sa pagiging aktibo niya sa Simbahan.

Nagpapasalamat ako para sa halimbawa ni Graça habang magkasama kaming naglilingkod noon. Nagdasal kami para sa patnubay, at inakay kami ng Diyos patungo kay Monica.