2019
Isang Karagdagang Biyaya
Oktubre 2019


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Karagdagang Biyaya

Roberto Atúncar Nieto

Lima, Peru

man holding bags of food

Paglalarawan nina Ale + Ale, Morgan Gaynin

Kasisilang pa lamang ng panganay na anak namin ni Carmen nang tawagin ako bilang bishop ng aming ward. Noong panahong iyon, gipit kami sa pera. Naging mahirap para sa akin na itaguyod ang aking pamilya habang binabantayan at pinangangalagaan ko ang mga miyembro ng aming ward.

Isang Linggo, napansin ko ang isang ina na may apat na maliliit na anak sa sacrament meeting. Nakaupo siya sa huling upuan sa chapel at ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para patahimikin ang kanyang mga anak. Alam ko na gipit din siya sa pera, pero hindi siya kailanman humingi ng tulong. Ilang linggo ang lumipas, at tuwing Linggo ay nagsisimba siya kasama ang kanyang mga anak.

Isang araw, natanggap ko ang aking sahod. Dahil nabiyayaan ako na makatanggap ng karagdagang sahod, nagpasiya ako na gamitin ang sobrang pera sa pagbili ng mga gamit para ayusin ang mga sira sa aking bahay. Pero habang papunta ako sa pamilihan, pumasok sa isip ko ang sister na iyon at ang kanyang mga anak. Pakiramdam ko ay dapat kong gamitin ang sobrang pera sa pagbili ng pagkain para sa kanila. Tinawagan ko si Carmen at sinabi ko sa kanya kung ano ang nararamdaman ko na kailangan kong gawin. Pumayag siya.

Habang namimili ako, may nakita akong cookies. Naisip ko na baka gusto ng mga bata ng mga pagkaing matatamis. Pinuno ko ng pagkain ang dalawang supot at pumunta ako sa bahay ng sister na iyon.

Ilang beses akong kumatok sa sira-sirang pinto na yari sa kahoy. Noong paalis na ako, sa wakas ay bumukas ang pinto. “Bishop,” sabi ng sister na iyon, “narito po pala kayo.” Kaagad na nagtakbuhan mula sa kanyang likuran ang kanyang mga anak.

“Dinalhan ko kayo ng pagkain,” sabi ko.

Nakita ng isa sa kanyang mga anak na babae ang cookies at sumigaw ito, “Cookies!” Tuwang-tuwang pumalibot ang kanyang mga kapatid. Niyakap ako ng kanyang pitong taong gulang na anak na babae. “Salamat po, Bishop!” sabi nito.

Sinilip ko ang loob ng kanilang bahay at napansin ko na sa sahig naglalaba ang sister na iyon gamit ang isang batya. Walang mesa ang pamilyang iyon at natutulog sila sa banig na nakalatag sa sahig. Nakita ko kung gaano kalaki ang kanilang pangangailangan. Inasikaso ko ang mga dapat gawin para matiyak na magkakaroon sila ng mesa at kani-kanyang kama.

Ang karanasang ito ay nakatulong sa akin na makita na ginagabayan at pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod. Hindi natin kailangan ng espesyal na katungkulan para makatulong sa ating mga kapatid. Kailangan lang nating maging sensitibo sa pahiwatig ng Espiritu, alamin kung sino ang mga nangangailangan ng ating tulong, at maging handa na maglingkod bilang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.