Ang Hamon Ukol sa Templo
“Ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 2:2).
Isang araw ng Linggo, bumisita kami ng aking mga tagapayo sa isang miting ng Simbahan. Nagbigay kami ng mga mensahe tungkol sa templo at sa mga espesyal na bagay na nangyayari roon. Pagkatapos ng miting, isang 12 taong gulang na batang lalaki na nagngangalang Colby ang lumapit at nakipagkamay sa akin. Nag-usap kami tungkol sa templo. Pagkatapos ay hinamon ko siya na maghanap ng pangalan ng isang kapamilya para madala sa templo.
Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng isang liham mula kay Colby. Ito ang sinabi sa akin ni Colby:
“Umuwi po ako at nakahanap po ako ng bagong pangalan. Ang nahanap ko po pala ay ang aking pangatlong lolo sa tuhod!
“Pumunta po ako kaagad sa templo at nagpabinyag po ako para sa kanya. Talagang napakaespesyal po niyon dahil si kuya ang nagbinyag sa akin at si itay naman ang nagkumpirma sa akin para kay lolo.
“Nakaramdam po ako ng kaligayahan at kapayapaan. Naramdaman ko pong maganda talaga ang ginawa ko para sa aking lolo dahil ngayon ay maaari na siyang makapunta sa selestiyal na kaharian para mamuhay kasama ang kanyang pamilya. Sa natitirang oras ng araw na iyon, napakasaya po talaga ng pakiramdam ko.
“Nalaman ko rin po na walang nakakaalam kung sino ang mga magulang ng aking pangatlong lolo-sa-tuhod, kaya maaari ko ring hanapin ang kanilang mga pangalan at dalhin ang mga ito sa templo!”
Napakagandang halimbawa ni Colby! Anuman ang edad mo, maaari kang maging magandang halimbawa sa iyong pamilya at mga kaibigan. Maaari mong ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng kakilala mo—maging sa iyong mga ninuno!