“Nagpapasalamat para sa mga Buhay na Propeta at Apostol,” Liahona, Okt. 2023.
Welcome sa Isyung Ito
Nagpapasalamat para sa mga Buhay na Propeta at Apostol
Sa pagkamatay ng mga Apostol ng Panginoon at pagsisimula ng Malawakang Apostasiya, nasadlak ang mundo sa isang panahon ng espirituwal na kadiliman. Pagkatapos, ilang siglo bago sumapit ang panahon ni Joseph Smith, sinimulang ilatag ng Panginoon ang pundasyon para sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo.
Ang imbensyon ng palimbagan, ang Renaissance, ang Repormasyon, ang pagkatuklas ng mga Europeo sa mga lupain ng Amerika, at marami pang iba ay pawang paghahanda para sa mangyayari sa Sagradong Kakahuyan sa “umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14). Sa umagang iyon ng tagsibol, muling nagkaroon ng isang propeta ng Diyos sa lupa, at sa wakas ay natapos na ang panahon ng espirituwal na kadiliman!
Sa Liahona sa buwang ito, itinuturo sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mahalagang papel ng mga makabagong propeta at apostol, ang kanilang mga susi at awtoridad ng priesthood, at ang kanilang papel bilang mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo (pahina 4).
Isang mahalagang bahagi ng kanilang patotoo ang banal na pagkatao at mga katangian ng Tagapagligtas, at inuulit ng mga ito ang Kanyang paanyaya na maging “katulad ko” (3 Nephi 27:27).
Sa pahina 10, nagbabahagi ako ng mga kabatiran kung paano maaaring “gumawa ng kabutihan” ang bawat isa sa atin (Doktrina at mga Tipan 46:33) sa ating mga pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo.
Lubos akong nagpapasalamat sa mga buhay na propeta at apostol—mga natatanging saksi ni Jesucristo!
Elder Lynn G. Robbins
Emeritus General Authority Seventy