“Maaari bang “Ituring” na Ministering ang Paglalakad at Pag-uusap?,” Liahona, Okt. 2023.
Pagtanda nang May Katapatan
Maaari bang “Ituring” na Ministering ang Paglalakad at Pag-uusap?
Ang pagpapakita natin ng malasakit ay mahalaga sa Panginoon at sa isa’t isa.
Noong mga bata pa kaming magkapatid, gustung-gusto naming bumisita sa lola namin. Mga 15 minuto ang layo ng bahay niya sa amin, kaya madalas namin siyang bisitahin. Maraming beses pagdating namin sa bahay niya, nasa telepono siya. Isang kapitbahay ang tumatawag halos araw-araw para magkausap lang sila. Hindi namin maunawaan kailanman kung bakit ginugol ni Lola ang lahat ng oras na iyon sa pakikipag-usap sa isang kapitbahay sa telepono. Kaya sinabi namin sa kanya na sabihin sa kapitbahay niya na marami siyang ginagawa. Tatapusin ni Lola ang tawag, ngingiti, at itutuon ang kanyang pansin sa amin.
Animnapu o mahigit pang mga taon ang lumipas, natanto ko na hindi nababahala si Lola noon sa madalas na pagtawag ng kapitbahay niya. Sa halip, sinusuportahan noon ng dalawang balong ito ang isa’t isa—nag-uusap sila kapag walang oras o interes ang iba para bumisita man lang.
Ang Paglilingkod ay Isang Pagpapakita ng Pagkadisipulo
Sa pagsisikap nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, tumatanggap tayo ng mga pagkakataong maglingkod, sa “kahit sino” o “kahit kailan.” Pansinin kung paano nag-ukol ng oras ang Tagapagligtas para turuan si Nicodemo—isang Fariseo—na dumating sa gabi para magtanong sa Kanya (tingnan sa Juan 3). Gayundin, nagpakita ng pagmamahal at habag si Jesus nang turuan Niya ang babaeng Samaritana sa may balon (tingnan sa Juan 4).
Pero paano kung abala tayo sa paggawa ng mabubuting bagay at kasabay nito ay kinakailangan ng iba ang tulong natin? Ang Tagapagligtas ulit ang ating halimbawa. Nang abutin Siya ng babaeng dinudugo upang hipuin Siya habang naglalakad Siya para maglingkod sa iba, tumigil Siya at pinaglingkuran ito bago Siya humayo para maglingkod sa naghihingalong dalagita (tingnan sa Mateo 9:20–25). Ipinapakita sa atin ng halimbawa ni Jesus na kahit ang mga gambala ay saganang mga pagkakataon para maglingkod.
Nagbigay si Sister Jean B. Bingham, dating Relief Society General President, ng isang magandang buod kung paano tayo maaaring maglingkod sa isa’t isa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito: “At wala nang mas mahusay na paraan upang maghanda sa pagharap sa kanya kaysa sikaping maging katulad Niya sa pamamagitan ng magiliw na ministering sa bawat isa! [Tulad ng itinuro ni] Jesucristo sa Kanyang mga [alagad] sa simula ng dispensasyong ito, ‘Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin’ [Doktrina at mga Tipan 42:29]. Ang ating paglilingkod sa iba ay isang pagpapakita ng ating pagkadisipulo at ng ating pasasalamat at pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.”1
Saan Tayo Makakahanap ng mga Pagkakataong Maglingkod?
Madalas, ang paglilingkod na tulad ng ginawa ni Cristo ay nangyayari sa maliliit at tapat na ginagawa mo sa araw-araw.2
Ang kapitbahay kong si Marriner Rigby ay 95 taong gulang. Ilang taon na ang nakalilipas nasa parking lot siya nang maatrasan siya ng isang natarantang drayber, at nadurog ang kanyang kaliwang binti. Pagkaraan ng anim na linggo ng rehabilitasyon, nakalakad na siyang muli sa tulong ng isang walker. Nagsimula siyang maglakad nang hanggang isang milya bawat araw. Sa ibang ruta isang umaga, nadaanan niya ang bahay ng 84-na-taong-gulang na si Ron Bracken, isang miyembro ng ward na may stage 4 na kanser sa buto. Dahil walang isa man sa kanila ang may ministering assignment, nagpasiya silang maglingkod sa isa’t isa habang naglalakad-lakad sa paligid.
Pinag-usapan nila ang lahat: pananampalataya, pananalapi, mga pamilya, mga plano para sa hinaharap. Tama, mga plano para sa hinaharap. Tanggap nila ang kanilang mga karamdaman pero naganyak nila ang isa’t isa na magtakda ng mga mithiin para sa hinaharap. At muli, di-gaanong mahalaga kung ano ang pinag-usapan nila kundi basta magkasama sila. Naglaan sila ng oras para sa isa’t isa.
Maaaring ibilang sa ministering ang pagbabahagi at pakikinig, paglalakad at pag-uusap, pagpaplano at pagpapaalala. Kung minsa’y maaaring nag-aalala tayo kung ano ang “mahalaga” bilang ministering. Pero ang taos-pusong pagmamalasakit ay mahalaga sa Panginoon at sa isa’t isa. Magagawa iyan ng lahat—at gumagawa ito ng kaibhan na tulad ni Cristo!
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.