2023
Pagkonekta sa mga nasa Kabilang Panig ng Tabing
Oktubre 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagkonekta sa mga nasa Kabilang Panig ng Tabing

Nang magpunta ako sa templo sa ikalawang pagkakataon, nakatanggap ako ng pagpapatibay na ang mga salita ng propeta ay totoo.

Cordoba Argentina Temple

Dalawang taon na mula nang una kong bisitahin ang templo, at nasasabik akong pumunta muli kasama ang isang grupo ng mga young adult. Ang pokus ko ay palakasin ang aking sarili, makipagkaibigan, at maranasan ang pribilehiyong magsagawa ng mga sagradong ordenansa.

Habang nasa bautismuhan sa templo, medyo nagulumihanan ako dahil sa kaba. Pangalawang beses ko pa lang pumunta sa templo, at natakot akong magkamali habang nagsasagawa ako ng mga ordenansa. Pero pagkatapos ay sinabi ng isang miyembro ng temple presidency na tumutulong sa mga pagbibinyag sa mga naghihintay sa amin na kung mahahawi namin sandali ang tabing, makikita namin kung ilang tao ang nasa daigdig ng mga espiritu na naghihintay na matulungan.

Inantig ang puso ko ng ideyang iyon, at bigla kong natanto kung gaano kahalaga ang mga ordenansang ito.

Pagkadama ng Kagalakan sa Gawain sa Templo

Habang pinagninilayan ko ang sinabi niya, naalala ko ang isang pamamaraan na natutuhan ko sa isang klase sa teatro kung saan inilalagay ng mga aktor ang kanilang sarili sa sitwasyon ng mga tauhan na ginagampanan nila upang maisadula ang mga ito nang mas epektibo. Inisip ko kung matutulungan ako ng Ama sa Langit habang sinisikap kong ilagay ang sarili ko sa posisyon ng mga taong ginagawan ko ng mga ordenansa sa templo.

Ano ang madarama ko kung, pagkaraan ng ilang dekada o maging ng ilang siglo ng paghihintay, sa wakas ay matatanggap ko ang nakapagliligtas na mga ordenansa na inaasam ko?

Habang sinisikap kong mas isipin ang mga ginagawa ko, tinulungan ako ng Espiritu Santo na makadama ng matinding kagalakan. Hindi ko mapigilan ang lumuha. Nadama ko ang kaligayahan ng mga taong ginawan ko ng pagbibinyag. Nakadama ako ng malakas na impresyon kung paano sila naghintay nang napakatagal para sa kanilang nakaliligtas na mga ordenansa.

Nag-alala ako tungkol sa pagpunta sa templo, pero natanto ko na kung kakalimutan ko ang sarili kong mga alalahanin at damdamin at sa halip ay magtutuon nang lubos sa pagkatawan sa bawat taong binibinyagan sa pamamagitan ko, madarama ko ang kanilang kagalakan sa kabila ng tabing.

Labis akong nagpapasalamat na nakapaglingkod ako nang buong maghapon sa templo at natulungan ang mga nangangailangan sa akin na suportahan sila upang maging handa silang makabalik sa piling ng Ama. Mas naunawaan ko ang paghahayag na ibinigay ng Diyos kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland Temple: “Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na tatanggapin ito kung sila ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 137:7).

Binabago Ka ng Gawain sa Templo

Bago umuwi mula sa templo, nagtipon ang lahat ng young adult para ibahagi ang kanilang mga patotoo at karanasan. Inantig ng Espiritu Santo ang puso ng lahat, at alam namin na may nagbago sa amin dahil sa bago naming pagtutuon sa paggawa ng gawain sa templo at family history.

Dapat nating tandaan ang sinabi ng ating minamahal na propetang si Russell M. Nelson, “Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito.”1

Kasalukuyan akong naglilingkod bilang elders quorum counselor na nakatalaga sa gawain sa templo at family history. Nagsisikap kaming makamit ang mithiin na magkaroon ng bahay ng Panginoon sa aming lugar. Sa aming pagsisikap, nadama ko mismo ang nakadadalisay na impluwensyang binanggit ni Pangulong Nelson.

Alam ko na sa paggawa natin ng gawaing ito, labis tayong pagpapalain ng Panginoon. Lahat ng pangako Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol ay matutupad, sa buhay man na ito o sa buhay na darating. Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Palalakasin, tutulungan, at paninindigan tayo ng Diyos [tingnan sa Isaias 41:10]; at gagawin Niyang banal para sa atin ang pinakamalalim nating pighati [tingnan sa Mga Himno, blg. 47]. Kapag tinitipon natin ang mga kasaysayan ng ating pamilya at pumupunta sa templo para sa mga ninuno natin, sabay na tinutupad ng Diyos ang marami sa mga ipinangakong pagpapala sa magkabilang panig ng tabing.”2

Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng gawain sa templo at family history sa ating buhay. Ang paggawa ng gawaing iyon ay makatutulong sa atin na mapalakas ang ating pananampalataya at saligan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari tayong maging mga taong tumutulong sa mga tao sa kabilang panig ng tabing—at sa paggawa nito, madarama natin ang kagalakang nagmumula sa mga sagradong karanasang iyon.