2023
Sa Huling Araw Patnubay S’ya
Oktubre 2023


Digital Lamang

Sa Huling Araw Patnubay S’ya

Mula sa debosyonal sa BYU–Hawaii na ibinigay noong Pebrero 18, 2020.

Ang pagsunod sa mga propeta ay palaging hahantong sa mga ipinangakong pagpapala at personal na pag-unlad.

Pangulong Russell M. Nelson

Sa pagdanas natin ng mga hamon ng buhay, nagiging mahalaga sa atin ang patnubay ng mga propeta.

Nakakakita tayo ng malalaking pagpapala kapag sinusunod natin ang patnubay ng mga propeta. Naaalala ko ang isang napakahalagang halimbawa na naganap wala pang tatlong linggo matapos kaming ikasal ng asawa kong si Jill. Dumalo kami sa isang debosyonal kung saan nagsalita ang Pangulo ng Simbahan noong panahong iyon, si Spencer W. Kimball, tungkol sa kasal.1 Parang sa amin mismo patungkol ang sinabi niya. Ang mensaheng iyon ay nakatulong sa amin na magtakda ng ilang huwaran sa pagsisimula ng aming pagsasama bilang mag-asawa at pamilya, at nakatulong ito sa amin na maiwasan ang mga patibong na binigyang-inspirasyon siya ng Panginoon na magbabala. Napagnilayan ko sa paglipas ng mga taon kung gaano kami napagpala na matanggap ang patnubay na iyon sa napakahalagang panahon para sa amin. Ngayon, makalipas ang 47 taon, pinagpapala pa rin kami dahil sa payong iyon na natanggap namin noong bata pa kaming mag-asawa.

Kapag Sinunod Natin ang Propeta, Pinagpapala Tayo

Natitiyak ko na bawat isa sa inyo ay makapagkukuwento ng mga karanasan nang kayo ay pinagpala sa pagsunod sa propeta.

Ang pagsunod sa inspiradong turo ng mga propeta ay hindi garantiya na hindi tayo kukutyain o uusigin o hindi haharap sa iba pang mga paghihirap dahil sa ating pagsunod. Ngunit ang kahandaan nating sumunod ay kalaunang naghahatid ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23).

Si Nephi at ang bahagi ng mga pamilya nina Lehi at Ismael na sumunod sa mga turo ni Lehi ay nakaranas ng matitinding hamon, pero sa huli ay namuhay sila “nang maligaya” (2 Nephi 5:27) sa lupang pangako. Ang paghihintay at paniniwala sa mga ipinangakong pagpapala sa hinaharap ay maaaring maging isang hamon sa panahong naiinis tayo kung ang paghahanap natin sa computer ay lumalampas sa .62 na segundo.

Kapag Nagsimulang Lumayo ang mga Lipunan sa Diyos, Marami ang Hindi Tumatanggap sa Payo ng mga Propeta

Noong bata pa ako, inisip ko kung bakit hindi tinanggap ng mga tao sa Aklat ni Mormon ang mga propeta. Nahirapan akong unawain ito. Hindi ba nila nakikita kung ano ang magiging resulta nito? Paano dumarating ang mga tao sa punto kung saan hindi nila tinatanggap ang mga mensahe ng mga propeta at hindi nila tinatanggap at kinamumuhian pa ang mga propeta mismo?

Ilang taon na ang nakararaan, nagpasiya akong pag-aralan ang mga reaksyon sa mga mensahe ng mga propeta. Kung minsan ay tinatanggihan ng mga tao ang mga propeta dahil naiinggit sila sa kanila at sa kanilang kapangyarihan.

Sa Aklat ng Ikatlong Nephi noong naglilingkod si Nephi nang may dakilang kapangyarihan, “sila ay nagalit sa kanya, maging dahil sa nakahihigit ang kanyang kapangyarihan kaysa sa kanila” (3 Nephi 7:18). Nakita pa nga ng mga tao si Nephi na binuhay ang kanyang kapatid mula sa patay; “at nakita ito ng mga tao, at nakasaksi rito, at nagalit sa kanya dahil sa kanyang kapangyarihan” (3 Nephi 7:20).

Nang bumalik si Thomas Marsh sa Simbahan matapos ang kanyang kawalan ng katapatan, ipinaliwanag niya ang nangyari:

“Siguro nawala ang Espiritu ng Panginoon mula sa aking puso. …

“Nainggit ako sa Propeta … at kinalimutan ang lahat ng bagay na tama, at ginugol ang lahat ng aking panahon sa paghahanap ng masama; … akala ko may nakita akong troso sa mata ni Brother Joseph, ngunit ito ay isang puwing lamang, at ang sarili kong mata ay puno ng troso; … nagalit ako at gusto kong magalit ang lahat. Kinausap ko sina Brother Brigham Young at Brother Heber C. Kimball, at gusto kong magalit sila na katulad ko; at nakita ko na hindi sila galit, at ako ay nagalit lalo dahil hindi sila galit. Si Brother Brigham Young, na nakatitig sa akin, ay nagtanong, ‘Ikaw ba ang pinuno ng Simbahan, Brother Thomas?’ Sumagot ako ng ‘Hindi.’ ‘Kung gayon,’ sabi niya, ‘bakit hindi mo na hayaan iyan?’”2

May iba pang mga dahilan kung bakit hindi sinusunod ng mga tao ang payo ng mga propeta. Isa sa mga pinaka-karaniwan ay dahil sa pinatotohanan ng mga propeta ang mga kasalanan ng mga tao at nangangaral ng pagsisisi. Hindi ito nagugustuhan ng maraming tao. Bago ang unang talata sa Aklat ni Mormon, sa maikling pambungad na ibinigay ni Nephi sa Unang Aklat ni Nephi, makikita natin ang temang ito. Isinulat ni Nephi, “Ang Panginoon ay nagbabala kay Lehi na lisanin ang lupain ng Jerusalem, sapagkat nagpropesiya siya sa mga tao hinggil sa kanilang kasamaan at hinangad nilang kitlin ang kanyang buhay.” Ang huwarang ito ay inulit sa mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 16:2; Mosias 13:4; Alma 35:15; Helaman 8:4; 13:26–28).

Karamihan sa atin ay ayaw marinig na may ginagawa tayong mali. Ayaw nating itinatama tayo. Ito ay nagiging mas mahirap kapag ang lipunan ay lalong lumalayo sa mga turo at kautusan ng Diyos. Sa matwid na lipunan, ang mga taong nalilihis sa kasalanan ay nagiging iba; subalit sa isang lipunan na binabalewala o tinatanggihan ang mga turo ng Panginoon, yaong mga sumusunod sa mga kautusan ang nagiging iba at nahaharap sila sa matinding pressure.

Sa Aklat ni Mormon, ang mga lipunang pinaka-nahulog sa mga maling pilosopiya at kasalanan—tulad ng mga tao ni Haring Noe, ang mga tao ng Ammonihas, o mga Zoramita—ay ang pinakamadalas na may negatibong tugon sa mga mensahe ng mga propeta. Habang lumalayo ang lipunan sa kautusan ng Diyos, ang malaki at maluwang na gusali ay nagkakaroon ng mas malakas na impluwensya sa mga indibiduwal. Tila mas malapit ito at mas malaki. Ang panlalait ay tila mas matindi at mas partikular. Tila mas maraming daliri ang nakaturo—at ito ay dahil mas marami talaga. Ang pressure ay hindi lamang na talikuran natin ang landas at bunga ng punungkahoy, kundi sumama sa panlalait at pag-atake sa mga taong nagsisikap na manatili sa landas.

Ano ang nangyari para makarating ang mga lipunang iyon sa puntong hindi nila tinatanggap ang mga propeta at nauuhaw pa sa kanilang dugo? Paano naantig ng mga maling pilosopiya at doktrina ang puso ng mga tao? Anong mga bagay ang nakatulong sa kanila na magbago mula sa kapakumbabaan tungo sa kapalaluan at mula sa pagsunod tungo sa pagka-agresibo? Marahil ito ay isang paksa sa ibang pagkakataon.

Kapag tiningnan natin ang mga lipunan at indibiduwal na ito na tumalikod sa mga propeta at sa Panginoon, makikita natin ang mga ibinunga nito. Ang lunsod ng Ammonihas ay nawasak sa isang araw. Ang mga tao ni Noe ay inalipin, at marami ang napatay. Nagalit ang mga Zoramita na ilan sa mga maralita sa kanila na tumanggap ng ebanghelyo ay malugod na tinanggap sa Lupain ng Jerson. Dahil dito, sumama silang nakidigma sa isang digmaan laban sa bansa ng mga Nephita.

Gumagawa Tayo ng Personal na Pagpili na Sundin ang Propeta o Hindi

Bawat isa sa atin ay may pagkakataong pumili na sundin ang propeta, anuman ang kalagayan ng partikular na lipunan kung saan tayo naroroon. Maaaring pilitin tayo ng lipunan na balewalain o tanggihan ang mensahe ng propeta, pero nananatili pa rin tayong may kakayahang pumili. Kung tutuparin natin ang ating mga tipan at mananatiling malapit sa Panginoon, magiging mas madali para sa atin na sundin ang propeta. Mapapasaatin ang Espiritu upang kapwa gabayan at palakasin ang ating pasiya na sundin ang kalooban ng Panginoon. At natatanggap natin ng mga pagpapala ng Panginoon.

May kausap ako ilang taon na ang nakararaan tungkol sa isang partikular na paksa na may kinalaman sa pulitika, pero ang paksa ay hindi tinalakay ng Simbahan o ng propeta. Nagbigay ng komento ang taong kausap ko na kung ipagagawa sa amin ng propeta ang pinag-uusapan namin, hindi niya ito gagawin at para sa kanya ay nangangahulugan ito na ang propeta ay hindi na totoong propeta. Nagulat ako at napaisip na delikadong desisyon ito. Pero matapos ang aming pag-uusap, naisip ko: may isang bagay bang ganoon katindi ang nararamdaman ko hinggil doon, o bagay na lubhang nilalabanan ng lipunan, na maaaring maging dahilan para hindi ko tanggapin ang propeta?

Kapag ang payo ng propeta ay naiiba sa ating mga personal na damdamin, hangarin, o paniniwala, o kapag ang payong iyon ay salungat sa mga pananaw ng lipunan, ano ang reaksyon natin? Sinabi ni Joseph Smith, “Sinikap ko sa loob ng ilang taon na maihanda ang isipan ng mga Banal sa pagtanggap ng mga bagay ukol sa Diyos; subalit malimit na makakita kami ng ilan sa kanila, na matapos magpakasakit para sa gawain ng Diyos, ay nawawala katulad ng salaming madaling mabasag sa sandaling may dumating na anumang salungat sa kanilang mga kaugalian; hindi na nila matagalan ang pagsubok.”3

Si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagsalita tungkol sa pagtugon sa payo ng mga propeta:

“Kapag tila paulit-ulit ang mga salita ng mga propeta, dapat matuon doon ang ating pansin at puspusin ng pasasalamat ang ating puso na nabubuhay tayo sa isang pinagpalang panahon.

“Ang paghahanap sa landas tungo sa kaligtasan sa payo ng mga propeta ay makabuluhan sa mga taong may malakas na pananampalataya. Kapag nagsasalita ang propeta, maaaring isipin ng mga taong kaunti lang ang pananampalataya na ang naririnig nila ay isang matalinong tao lamang na nagbibigay ng magandang payo. Pagkatapos, kung ang kanyang payo ay tila komportable at makatwiran, at naaayon sa gusto nilang gawin, susundin nila ito. Kung hindi, itinuturing nila na mali ang payo o ginagamit nila ang kanilang sitwasyon upang bigyang-katwiran na hindi sila kasama o saklaw ng payo. Maaaring isipin ng mga taong walang pananampalataya na ang naririnig lamang nila ay mga taong naghahangad na magamit ang kanilang impluwensya para sa makasariling hangarin…

“…Ang kabiguang sundin ang payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap. …

“Tuwing pinakikinggan ko ang payo ng mga propeta, nadamang napagtibay ito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, nadarama kong kumikilos ako patungo sa kaligtasan… 

“Kung minsan ay tumatanggap tayo ng payo na hindi natin maunawaan o tila hindi angkop sa atin, kahit taimtim nating ipinagdasal at pinag-isipan ito. Huwag balewalain ang payo, sa halip ay madalas na pagnilayan ito. Kung binigyan ka ng isang taong pinagkakatiwalaan mo ng tila puro buhangin at nangakong naglalaman ito ng ginto, mangyaring hawakan ninyo ito sandali, at maingat itong alugin. Sa bawat pagkakataon na ginawa ko ito sa isang payo ng isang propeta, pagkaraan ng ilang panahon ay nagsisimulang lumitaw ang maninipis na ginto at nagpasalamat ako.”4

Ang mga Bulag na Gabay ay Nagtatangkang Ihiwalay Tayo kay Jesucristo

Matapos ilarawan ni Samuel na Lamanita sa mga tao kung paano nila tinanggihan ang mga propeta at sa halip ay nakinig sa iba na nagturo sa kanila na “lumakad alinsunod sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, at gawin anuman ang nais ng [kanilang] puso” (Helaman 13:27), nagtanong siya ng dalawang nakaaantig na tanong: “Hanggang kailan ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na akayin ng mga hangal at bulag na taga-akay?” at “Hanggang kailan ninyo pipiliin ang kadiliman sa halip na liwanag?” (Helaman 13:29).

Walang sinumang aamin na gusto nilang maakay ng mga bulag na gabay. Ang mga taong nalinlang ay hindi tatawagin ang mga taong nagturo sa kanila ng mga maling pilosopiya bilang “mga bulag na taga-akay.” Sa katunayan, malamang na ang mga taong nag-akay sa kamalian ay madalas ituring na naliwanagan, progresibo, mahusay, at malay.

Iniisip ko kung paano makaaangkop ang ilan sa mga bulag na gabay na iyon mula sa Aklat ni Mormon ngayon. Isipin si Sherem, na natuto at nagkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa wika ng mga tao upang magamit niya sa maraming panghihimok. Sa kanyang kahusayan sa wika, tiyak na magiging sikat siya sa Twitter. Magkakaroon siya ng maraming nakawiwili at matatalinong tweet na ire-retweet dahil alam niya kung paano magpaikot ng mga salita o maglagay ng isang kritikal na komento.

Sa matinding lakas, mamahaling kasuotan, at kasikatan ni Nehor sa mga tao, marami ang ipa-follow siya sa Instagram—na nagpapakita ng “magandang buhay” nang walang naglilimitang mga kautusan at gagamitin ang kanyang huwaran sa pagtuligsa sa Simbahan at sa mga turo nito.

At si Korihor ay magkakaroon ng milyun-milyong subscriber sa kanyang YouTube channel kung saan magkakaroon siya ng kalayaang pagtawanan ang mga mananampalataya at ituro ang mga bagay na “kasiya-siya sa makamundong isipan” (Alma 30:53). Siya ay “[mangungusap] sa lumalakas na pananalita … at … [lalaitin]” (Alma 30:31) ang mga propeta at lider ng Simbahan. Magkakaroon siya ng marami pang mga subscriber sa pagtuturo niya na “ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala” (Alma 30:17).

Mangyari pa, ang pinaka-karaniwan sa lahat ng kanilang pakikipag-ugnayan ay na walang Cristo. Ang kanilang mga turo ay hindi na masyadong makabago o orihinal. Ang mga ito ay kopya mula sa awtor ng mga kasinungalingan. Maging si Korihor ay inamin na itinuro sa kanya ng diyablo kung ano ang sasabihin (tingnan sa Alma 30:53).

Kapag inihiwalay ng mga indibiduwal o lipunan ang kanilang sarili mula sa mga turo ng Panginoon, na dumarating sa pamamagitan ng mga propeta, hinahanap nila ang mga alternatibong turo na binibigyang-daan silang mamuhay ayon sa nais nila—nang wala ang nakababagabag na damdamin na kailangan nilang magsisi.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang malungkot, mga kaibigan kong kabataan, normal sa panahon natin na kung gusto man ng mga tao ng mga diyos, gusto nila ng mga diyos na walang maraming utos, mga panatag na diyos na hindi nanliligalig o nanggugulo, mga diyos na tinatapik tayo sa ulo, pinapatawa tayo, pagkatapos ay sinasabi sa atin na humayo at mamitas ng mga bulaklak.”5

Ang mga bulag at hangal na gabay ay hindi tayo kailanman aakayin sa kagalakan at mga pagpapalang nais ng Panginoon na matanggap natin. Sa pagsunod natin sa mga propeta, kailangang handa tayong manindigan para sa tama sa kabila ng panlilibak at pang-uusig, kahit hindi ito popular.

Inaanyayahan Tayo ng mga Propeta na Lumapit sa Tagapagligtas

Bagama’t ang mga bulag na gabay at panlilibak ng mundo ay nagtatangkang ilayo tayo sa Diyos at sa kanyang mga pagpapala, inaanyayahan tayo ng mga propeta na lumapit sa Tagapagligtas. Hindi sinisikap ng mga propeta na kumbinsihin tayo na sambahin sila kundi tinatawag tayong sumamba at mas mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan, halimbawa, si Lehi sa 1 Nephi 8:12).

Ilang taon na ang nakararaan, nakipag-usap kami ni Jill kay Pangulong Russell M. Nelson. Tinanong niya kami kung handa kaming tumanggap ng ibang assignment. Noon pa man ay napakabait na ni Pangulong Nelson sa amin at pinakitunguhan nang may malaking pagmamahal at paggalang si Jill. Matapos niyang itanong ang tungkol sa kahandaan namin, sinabi ni Jill, “Kahit ano ay gagawin namin para sa iyo, Pangulong Nelson.” Agad siyang sumagot ng, “Gawin mo ito para sa Kanya.” Inantig kami nito ni Jill. Nagturo siya ng isang magandang aral. Nais ni Pangulong Nelson na magkaroon tayo ng wastong mga motibo at panatilihin ang ating mga mata kung saan ito dapat nakatuon.

Kapag ginagabayan tayo ng mga propeta, sinusunod natin ang payo dahil sa Kanya—ang Tagapagligtas. Sapat ang pagpapala Niya para sa bawat isa sa atin.

Konklusyon

Alam natin ang kahandaan ni Pangulong Nelson na sundin ang mga propeta sa buong buhay niya. Isinuko niya ang isang napakagandang oportunidad sa trabaho dahil sa payo ng propeta. Bilang isang abalang siruhano na may malaking pamilya, nag-aral siya ng Chinese dahil nagkomento ang propeta na kailangan ng mga miyembro ng Simbahan na marunong magsalita ng Chinese. Alam natin na noong hiniling ni Pangulong Thomas S. Monson sa mga miyembro ng Simbahan na pag-aralan ang Aklat ni Mormon, ginawa ito kaagad ni Pangulong Nelson. Ano kaya ang mangyayari sa Simbahan o sa mundo kung handa ang bawat isa sa atin na sundin ang propeta tulad ng pagsunod ni Pangulong Nelson?

Alam ko na napakaraming pagpapala kapag sinusunod natin ang patnubay na ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Kung ang sinasabi nila ay naiiba sa kasalukuyang umiiral sa lipunan, magkaroon sana tayo ng lakas-ng-loob na sumunod, sumang-ayon, at magtanggol. Hindi ito palaging humahantong sa payapang paglalakbay, ngunit lagi itong hahantong sa ipinangakong mga pagpapala at personal na pag-unlad.

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, “Marriage and Divorce” (Brigham Young University devotional, Set. 7, 1976), speeches.byu.edu.

  2. Testimonies of the Divinity of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints by Its Leaders, comp. Joseph E. Cardon at Samuel O. Bennion (1930), 103, 105.

  3. Joseph Smith, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 608.

  4. Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25, 26.

  5. Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 7.