Digital Lamang
Mga Propeta at Apostol—Ang Ating Malinaw at Mapagkakatiwalaang mga Gabay
Sa paghingi natin ng patnubay sa ating buhay, maaari tayong magtiwala sa pagsunod sa payo ng mga propeta at apostol.
Noong walong taong gulang ako, isinama kami ng tatay ko sa mahabang hiking.
Habang papalapit kami sa tuktok ng bundok, sinimulan naming magtanong ng kapatid ko ng mga bagay na kinatatakutan ng bawat magulang:
“Gaano pa po kalayo?”
“Malapit na po ba tayo?”
Matiyagang sumagot ang tatay ko:
“Napakalapit na!”
“15 minuto pa lang!”
Pero 15 minuto ang lilipas, at pagkatapos ay 15 pa. Nanghikayat, nagpanatag, at nakiusap ang ama ko. “Kaunti na lang,” sabi niya, na pinaniniwalaang totoo ito. Kahit siya ay nagulat na wala pa kami sa tuktok.
Nang may nakasalubong kaming mga nag-hike na bumababa mula sa tuktok, sabik naming tinanong kung gaano pa karaming paglalakad ang gagawin namin.
“Napakalapit na ninyo!” ang nakahihimok nilang sagot. “Halos nasa taas na kayo!”
Nangyari ito nang ilang beses. Kalaunan, umupo ang kapatid ko sa gitna ng daan, humalukipkip, at sinabing, “Hindi na ako gagalaw mula rito ni isang dipa.”
Mga Bantay sa Tore
Nalaman namin sa hiking trail na iyon na ang iba’t ibang tao ay may iba’t ibang opinyon. Sinabi sa amin ng lahat ng nakasalubong namin sa daan na “malapit” na kami sa tuktok, pero lahat sila ay may iba’t ibang ideya kung ano ang kahulugan niyon. Maging ang aking kahanga-hangang ama—na nag-impake ng aming meryenda, pinuno ang aming mga bote ng tubig, at dinala kami sa daan—ay mali ang pagkakaalala kung gaano talaga katagal ang pag-akyat doon. Dahil walang bihasang gabay, kaming magkapatid ay pagod na pagod at nadismaya sa punto ng gusto na naming sumuko.
Sa pagtahak natin sa landas ng tipan araw-araw, mahaharap tayo sa maraming iba’t ibang impluwensya at opinyon. Maraming tao ang naghahangad na maging mga gabay natin—mga influencer, pulitiko, pamilya, kaibigan. Ang ilan sa mga gabay na ito ay hindi tinataglay ang pinakamainam na interes natin sa kanilang puso. Gusto ng iba pang mga gabay ang pinakamabuti para sa atin, at makatutulong at makasusuporta sila habang umuunlad tayo—tulad ng tatay ko—pero maaaring wala silang mga sagot para sa lahat ng bagay.
Sa kabutihang-palad, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga nilalang na lubos na nakakikilala sa atin at nakakaalam sa kasalukuyang sitwasyon at mangyayari sa hinaharap sa mundong ginagalawan natin. At binigyan Nila tayo ng mga propeta at apostol upang maging ating mga gabay at bantay sa tore (tingnan sa Ezekiel 33:1–7).
Narito ang ilang paraan na ginagabayan nila tayo sa landas ng tipan:
Pagbibigay ng Lubos na Katotohanan
Ibinuod ni Pangulong Russell M. Nelson ang maaaring ibigay sa atin ng paghahangad at pagkilos ayon sa mga salita ng mga propeta at apostol: “dalisay na katotohanan, dalisay na doktrina ni Cristo, at dalisay na paghahayag.” Sa isang mundo kung saan “kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan,” maaari tayong magtiwala na natututuhan natin at sinusunod natin ang “hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan,” hangga’t nakikinig tayo sa mga salita ng ating mga lider sa panahong ito.1
Tutal, tulad ng natutuhan natin sa Amos 3:7, “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.” Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May isang pinagmumulan ng lubos, wasto, at hindi nawawasak na katotohanan. Ang pinagmumulang iyan ay ang ating napakatalinong Ama sa Langit na nakakaalam sa lahat ng bagay.”2
Ang Ama sa Langit ang pinagmumulan ng katotohanan, at ipinaaalam Niya ang katotohanang iyan sa Kanyang mga propeta. Makapagtitiwala tayo sa kakayahan nating maghanap at makahiwatig ng katotohanan kapag sinusunod natin ang payo ng propeta.
Pagtulong sa Atin na Manatiling Nakaayon at Nagkakaisa
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang pandaigdigang Simbahan; ang ating mga miyembro ay nasa iba’t ibang panig ng mundo at may iba’t ibang karanasan sa buhay. Paano tayo mananatiling nakaayon? Paano tayo magtitiwala na ginagawa nating lahat ang dapat nating gawin?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na kailangan ng organisasyon sa isang pandaigdigang simbahan at kung paano ito naisasakatuparan sa pamamagitan ng mga propeta at apostol:
“Ang gawain ng Panginoon ay nangangailangan ng isang organisasyon na pinamumunuan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lider na Kanyang pinili at binigyan ng awtoridad at na Kanyang ginagabayan sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Ipinapakita sa kasaysayan sa banal na kasulatan na ang mga lider na iyon ay isang propeta o kaya’y mga propeta at mga apostol. …
“Bakit kinakailangan ng isang organisasyon upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon? Bagama’t mahal tayo ng Tagapagligtas at tinutulungan Niya ang bawat isa sa atin, upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin para sa lahat ng anak ng Diyos—lalo na sa Kanyang mga pinagtipanang tao—kumikilos Siya sa pamamagitan ng isang organisasyon na pinamumunuan ng mga propeta at mga apostol.
“Tanging sa pamamagitan lamang ng isang organisasyon matatanggap ng bawat miyembro na tinatawag ni Apostol Pablo na ‘katawan ni Cristo’ (1 Corinto 12:27) ang mga pagkakataong kailangan nila para makamtan ang espirituwal na pag-unlad na siyang layunin ng kanilang pagkalikha.3
Ang pagpapala ng mga buhay na propeta at apostol ay pinagkakaisa tayo at nagpapalakas sa atin bilang Simbahan. Makapagtitiwala tayo na ang pagsunod sa kanilang mga salita ay magpapanatili sa atin sa landas ng tipan at na matatahak natin ang tamang direksyon.
Pagbabahagi ng Pagmamahal ng Diyos para sa Atin
Alam natin na ang mga propeta at apostol ay isang kahanga-hangang pagpapala, pero paano kung hilingin nila sa atin na gawin ang isang bagay na tila mahirap? O isang bagay na salungat sa sinasabi ng mga tao sa ating paligid? Tulad ng sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Madalas hilingin ng Panginoon sa Kanyang mga propeta na magbigay ng payo na mahirap para sa mga tao na tanggapin. Ang kaaway ng ating mga kaluluwa ay tatangkaing akayin tayo na magkasala at pagdudahan ang tungkulin ng propeta mula sa Diyos.”4
Pero, tulad ng ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang katotohanang iyan ay hindi natin dapat na ipag-alala: “Huwag mabahala kapag ang nagbababalang tinig ng propeta ay taliwas sa popular na mga opinyon. Ang mga pangungutya ng nayayamot na mga taong hindi sumasampalataya ay palaging kaagad na ibinabato matapos na magsalita ang propeta.”5
Ibinahagi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mapapanatag tayo kapag naririnig nating nagsalita ang mga lider, kahit na maaaring mahirap ang payo nila:
“Nakakapanatag malaman na hindi tayo nag-iisa sa mundo, sa kabila ng mga pasubok na kinakaharap natin sa buhay. Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipinapakita nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao. …
Kinakatawan [ng mga propeta at apostol] ang isip at puso ng Panginoon at tinawag sila upang kumatawan sa Kanya at turuan tayo ng kung ano ang dapat nating gawin upang makabalik sa presensya ng Diyos at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo. … Sa pagsunod sa kanila, ang ating buhay ay magiging mas masaya at hindi masyadong komplikado, ang ating mga pagsubok at problema ay mas gagaan, at makakagawa tayo ng espirituwal na baluti sa paligid natin na poprotekta sa atin mula sa mga pagsalakay ng kalaban sa panahon natin ngayon.”6
Ang katotohanan na ang ilang turo ay taliwas sa mga turo ng mundo ang mismong dahilan kung bakit kailangan natin ng mga propeta—nais ng Ama sa Langit na gabayan ang Kanyang mga anak at protektahan sila laban sa mga kasamaan ng kaaway.
Pagsunod sa mga Ipinag-uutos ng Propeta
Sa huli, tumayo ang kapatid ko at nakarating sa magandang lawa na buong maghapon naming nilakad. Isa iyong napakaganda at makabuluhang karanasan.
Pero gaano kaya kabuti kung nalaman namin kung ano ang aasahan? Hindi magiging mas maikli o di-gaanong matarik ang pag-hike namin, pero magiging mas handa kami. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Ang pagdaig sa mundo … ay mas pinadadali ang lahat sa buhay,” kahit hindi nito ginagawang madali ang lahat.7
Kapag sinang-ayunan natin ang mga propeta at apostol at gumawa ng “personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang ipinag-uutos,”8 tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, tatanggap tayo ng patnubay at direksyon sa ating buhay.