2023
Ang mga Pagsubok kay Apostol Pablo
Oktubre 2023


“Ang mga Pagsubok kay Apostol Pablo,” Liahona, Okt. 2023.

Ang mga Pagsubok kay Apostol Pablo

Ano ang nakatulong kay Pablo na tiisin ang paghihirap?

si Pablo na nakakadena

Except for These Chains [Maliban sa mga Kadenang Ito], © Pacific Press, lisensyado ng GoodSalt.com

Anong mga Pagsubok ang Tiniis ni Pablo?

Isinulat ni Pablo, “Tatlong ulit na ako’y hinampas ng mga pamalo, minsan ako’y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako’y nasa laot” (2 Corinto 11:25). Subalit sa kabila ng lahat ng ito, sinabi niya, “Ako’y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan” (talata 30).

Si Pablo ay itinuring na “isang masamang tao” (2 Timoteo 2:9) at ibinilanggo nang mahigit limang taon dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Pero hindi ito makapigil sa kanya sa pagsulat ng nakahihikayat na mga liham sa mga kaibigan at lider ng Simbahan. Hinamon siya at binigyan ng “isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang [siya’y] saktan” (2 Corinto 12:7). Hindi inalis ng Diyos ang pagsubok na ito pero tinulungan si Pablo na makasumpong ng lakas sa kanyang kahinaan (tingnan sa mga talata 8–10).

si Pablo na nagdidikta ng isang liham

Paul Dictating Letter [Si Pablo na Nagdidikta ng Liham], ni Arthur Twidle, © Providence Collection, lisensyado ng GoodSalt.com

Ano ang Nakaganyak kay Pablo?

Sa kabila ng mga pambubugbog at di-makatarungang pagkabilanggo, isinulat ni Pablo, “aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan” (Filipos 4:11). Nagtiis siya dahil sa kanyang matinding pag-asa at tiwala kay Jesucristo.

Isinulat ni Pablo na “lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). Pero kinilala rin niya na ang ating mga pagsubok ay “inihahanda tayo … para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian” (2 Corinto 4:17). Hinangad ni Pablo ang “putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:8) at “gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos” (Filipos 3:14).

Paano Tayo Maaaring Magtiyaga na Katulad ni Pablo?

Bagama’t maaaring hindi kasama sa ating mga pagsubok ang pagkawasak ng barko, mga pambubugbog, at pagkabilanggo, matutularan natin ang pagtitiyaga ni Pablo sa pamamagitan ng paghingi ng patnubay kay Cristo. Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo na mag-ugat, maging matatag, at matibay sa ating pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa ating determinasyong sundan Siya.”1

Hinggil sa kanyang tungkulin bilang apostol, isinulat ni Pablo, “Hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan” (2 Timoteo 1:12). Anuman ang ating mga pagsubok, maaalala natin kung kanino tayo naniniwala habang “ating lubos na [pinangangalagaan, pinatitibay, at pinalalakas ang] mga ugat ng ating pananampalataya kay Jesucristo.”2