2023
Mga Himala ng Pagpapagaling: Paglilingkod sa Isang Nawala
Oktubre 2023


“Mga Himala ng Pagpapagaling: Paglilingkod sa Isang Nawala,” Liahona, Okt. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Mga Himala ng Pagpapagaling: Paglilingkod sa Isang Nawala

Ano ang matututuhan natin mula sa pagpapagaling ni Jesus sa babaeng inaagasan ng dugo at sa babaeng hindi kayang tumayo nang tuwid?

si Jesus na naglalakad na may iba pang kasama habang umaabot ang babae para mahawakan ang laylayan ng Kanyang bata

Who Touched Me? [Sino ang Humawak sa Akin?], ni Yongsung Kim, sa kagandahang-loob ng HavenLight

Ang ilan sa mas kapana-panabik at napakagandang mga pangyayari sa buhay ni Jesus ng Nazaret ay kinapalooban ng maraming himalang ginawa Niya. Nagsagawa Siya ng iba’t ibang himala sa maraming iba’t ibang sitwasyon.

Palaging nagpalakas ng pananampalataya ang mga iyon sa mga pusong nananalig at nagpala sa buhay ng mga tunay na tao. Dahil sa kamangha-manghang mga resulta ng mga ito, ang mga himalang ito—na inilarawan sa iba’t ibang pagsasalin ng Biblia bilang mga tanda, kababalaghan, kapangyarihan, at makapangyarihang mga gawa—ay may potensyal na patindihin at palakihin ang espirituwal na epekto ng mga turo ni Cristo. Nagdagdag ang mga ito ng isang bagay na nakamamangha at kadalasa’y napakahalaga sa Kanyang ministeryo. Naipaunawa ng mga ito na kapani-paniwala ang Kanyang mga gawa.

Ngunit ang layunin ng mga himala ni Jesus ay higit pa sa simpleng pagtutuon ng pansin at kamangha-manghang mga tao (bagama’t tiyak na gayon nga ang naging epekto niyon). Hindi nagpapasikat noon ang Cristo, ni hindi Niya tinangkang maging tanyag. Wala tayong nabasa na nagpaanunsyo Siya nang maaga na gagawa Siya ng himala, nagpareserba Siya sa templo, o nagpasikat ng Kanyang kapangyarihan. Bagkus, ang Kanyang mga himala ay may mas dakilang layunin. Ginawa lang Niya ang kalooban ng Ama.

Pagpapagaling sa “Isang Babaeng Inaagasan ng Dugo”

Bilang isang manggagamot, madalas akong magkainteres sa mga salaysay tungkol sa mga pagpapagaling ng Tagapagligtas. Ang isang gayong himala ay nangyari bilang bahagi ng kamangha-manghang kuwento tungkol sa babaeng inaagasan ng dugo (tingnan sa Mateo 9:20–22; Marcos 5:25–34; Lucas 8:43–48). Malungkot ang kanyang kuwento. Sa loob ng 12 taon nagdusa siya sa karamdamang ito at sa maraming bunga nito.

Sa kabila ng paggugol ng lahat ng kanyang oras at talento (at pera!) para makahanap ng lunas, hindi siya napagaling ng mga manggagamot sa kanyang panahon. Posibleng nagkaroon siya ng menorrhagia, isang diperensya sa matris na makikita sa abnormal na malakas at matagal na pagreregla. Marami itong posibleng dahilan—kabilang na ang mga hormone imbalance, problema sa pamumuo ng dugo tulad ng von Willebrand disease, mababang platelets, abnormal na uterine anatomy, at kanser—at kadalasang may kasamang matinding sakit at pulikat. Pagkaraan ng 12 taon ng matinding pagdurugo, ang kawawang babaeng ito ay malamang na dumanas din ng panghihina, pagod, at anemia.

Pero ang kanyang pisikal na hirap ay kalahati lang ng problema! Ayon sa batas, dahil sa pagdurugo ay maaaring itinuring siyang “marumi”—ibig sabihin ay napilitan siyang mamuhay nang malayo sa iba habang siya ay maysakit. Malamang na nangahulugan ito ng paglayo sa asawa o mga anak kung mayroon siya nito. Hindi niya sila makakasama o mapapangalagaan. Dahil sa iba pang mga paghihigpit ay maaaring pinagbawalan siyang sumamba sa templo o bumisita sa sinagoga. Bukod pa rito, sinumang nahawakan niya, o humawak sa kanya, ay ipapahayag ding “marumi.”

Sa kabila ng mga balakid na ito sa batas at lipunan, nilapitan ng nananampalatayang babaeng ito ang Tagapagligtas, malamang ay mula sa likuran at sa gitna ng maraming tao, na may taos na pag-asa na mahawakan lang niya ang damit ni Jesus ay makakamtan niya ang hangarin ng kanyang puso. Ipinapaalam sa atin ng banal na kasulatan na nang mahawakan niya ang damit ni Jesus, nakadama siya ng agarang pagbabago sa kanyang katawan, pagdaloy ng kapangyarihan, na nagpatunay sa kanya na siya sa wakas ay “magaling na” (tingnan sa Marcos 5:28–29).

Marahil dahil sa kanyang dati nang bawal na kalagayan, tinangka niyang pumuslit nang palihim, pero alam ni Cristo na nakaaalam sa lahat ang tungkol sa paghawak niya—at ang kanyang puso at layunin. Para sa kapakanan ng mga nakapaligid sa Kanya, nagtanong Siya, “Sino ang humawak sa akin?” at idinagdag pa, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang [nawala] sa akin” (Lucas 8:45, 46).

Ang butihing babaeng ito, sa pagpuri sa kanya, ay lumapit at nagtapat, na nagsusumamo at nagbabalita tungkol sa kanyang paggaling. Ang “maruming” paghawak ng iba ay naituring sanang maliit na kasalanan, pero sa nawawari kong malaking pagmamahal sa Kanyang puso, inalo ni Jesus ang babae, na tinitiyak dito na maayos ang lahat, na pinagaling siya ng kanyang pananampalataya, at na maaari siyang yumaon nang payapa, nang wala na ang dati niyang sakit. Namangha ang lahat ng nasa paligid.

Nangyari ito habang si Jesus, ang Kanyang mga disipulo, at ang isang pinuno ng lokal na sinagoga na nagngangalang Jairo ay nagmamadaling pumunta sa bahay ng huli para makita ang naghihingalo niyang anak. Kailangan nilang magmadali at wala nang oras—tutal, “naghihingalo” na ang batang babae (Marcos 5:23)—subalit nag-ukol ng panahon ang Tagapagligtas para maglingkod sa isang nawala, sa isang kaluluwang nangangailangan. Napakagandang aral sa ministering! Dahil sa pagkaantala, tulad ng maaalala ninyo, nahuli sila ng pagdating sa bahay ni Jairo—patay na ang kanyang mahal na anak. Ang pagkaantala ay nagsilbi lang para gawing mas kahanga-hanga ang kasunod na pagpapagaling sa bata.

si Jesus na naglilingkod sa babaeng hindi makatayo nang tuwid

Kahit hindi pinakiusapan, pinansin ng Tagapagligtas ang nagdurusang babaeng ito. Itinigil Niya ang Kanyang ginagawa, pinaghintay ang iba pa sa grupo ng mga tao, at pinaglingkuran ang isang nawala.

The Woman with an Infirmity of Eighteen Years [Ang Babaeng Labingwalong Taon nang May Karamdaman], ni James Tissot, © Brooklyn Museum / nabili sa pamamagitan ng public subscription / Bridgeman Images

Pagpapagaling sa Isang Babaeng “Hindi Kayang Tumayo nang Tuwid”

Ang isa pang pambihirang pangyayari sa ministeryo ng Tagapagligtas ay sa pangalawang “anak [na babae] ni Abraham” na matagal nang may karamdaman (tingnan sa Lucas 13:11–16). Nagpapasalamat kami sa pagtatala ni Lucas sa pangyayaring ito, siya na isang manggagamot at disipulo ni Cristo.

Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang walang-dudang malaking kongregasyon sa isang sinagoga. Kasama sa mga tao ang isang babaeng labingwalong taon nang miserable ang kalagayan na naging sanhi para bumaluktot ang kanyang likod kaya hindi niya maituwid ang kanyang katawan. May ilang kundisyon na maaaring maging sanhi ng gayong karamdaman. Ang ilan sa mga iyon ay maaaring naroon na mula pa sa pagsilang kaya mas malamang na hindi nangyari sa sitwasyong ito, dahil ang biktima ay isang matandang babae. Ang iba pa, depende sa kung saan naroon ang diperensya sa gulugod o ang limitasyon, ay maaaring dahil naging biktima siya ng matinding arthritis, traumatic back injury, ankylosing spondylitis, Scheuermann’s disease, o ng advanced osteoporosis. Lahat ng kundisyong ito ay masakit at nakakapanghina (subukan mong yumuko nang mahigit 90 degrees gaano man katagal; nakakapagod iyon at, kalaunan, napakasakit).

Kahit hindi pinakiusapan, pinansin ng Tagapagligtas ang nagdurusang babaeng ito. Tulad ng nagawa Niya kasunod ng pagpapagaling sa babaeng inaagasan ng dugo, itinigil Niya ang Kanyang ginagawa, pinaghintay ang iba pang mga tao, at pinaglingkuran ang isang nawala. Pinalapit Niya ito at ipinatong ang Kanyang mga kamay rito, at sinabi Niya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit” (Lucas 13:12). Agaran ang naging resulta ng Kanyang mga salita. Tumayo ito nang tuwid—at, maaari nating ipalagay, wala na ang sakit—sa unang pagkakataon sa loob ng halos dalawang dekada. Niluwalhati niya (at marahil ay ng marami pang iba) ang Diyos at nagpasalamat.

Sa kabilang banda, sumama ang loob ng pinuno ng sinagoga sa “gawain” na ito sa araw ng Sabbath. Para sa kapakanan ng rabbi at ng iba pang katulad niya, nagsimulang magturo si Jesus ng isang napakahalagang sermon tungkol sa araw ng Sabbath; naglaan ng perpektong pagkakataon ang naunang himala.

Bakit May mga Himala?

Sa pamamagitan nito at ng iba pang mga pagkakataon, napansin ko na ang mga himala ni Cristo ay:

  • Laging nagiging isang paraan para magpala.

  • Nagbigay ng katibayan ng Kanyang pagmamahal at damdamin sa Kanyang mga kapatid. Katibayan ang mga iyon ng kahalagahan ng isang nawala sa Tagapagligtas. Nang maglingkod Siya sa mga tao, bihira Niyang pagsabay-sabayin ang maraming bagay; sa halip, ibinigay Niya sa kanila ang Kanyang buong pansin.

  • Nagbigay ng isang aral na malaki ang halaga ng mga kaluluwa. Alam na alam Niya ang lahat ng nilalang, ang kanilang sitwasyon, at kanilang mga pangangailangan.

  • Nagpamalas ng Kanyang kapangyarihan at kahusayan sa mismong mga elemento sa paraang hindi natin nauunawaan sa ngayon. Sinunod Niya ang mga batas ng sansinukob, at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Kanyang kapangyarihan.

  • Madalas mangyari bago magsimula ang magagandang sandali ng pagtuturo, na naghahanda ng tagpo para sa Kanyang pagpapaliwanag sa mga sagradong katotohanan ng ebanghelyo. Nakaagaw ng pansin ang mga ito sa kung ano ang mangyayari.

  • Nagsilbing saksi sa mga taong personal na naapektuhan, gayundin sa mga nagmamasid, na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas ng propesiya at na naroon Siya para gawin ang gawain ng Kanyang Ama.

  • Inihayag na kapwa ang pisikal at espirituwal na paggaling ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihang kusang ginagamit ni Cristo, hindi sa paggamit ng mahihiwagang bagay o anting-anting, at na ang mga himalang ito (tulad ng nangyari sa babaeng inaagasan ng dugo) ay maaaring mangyari kung minsan sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga humiling nito.1

Sa kabila ng katotohanan na ang mga himala ay hindi palaging tiyak na katibayan ng kapangyarihan ng Diyos (halimbawa, tingnan sa Exodo 7:11; Mateo 7:22–23; Marcos 3:22; Apocalipsis 16:13–14), ang Kanyang mga himala ay palaging mga gawa ng kabutihan at habag. Laging nagpapala ang mga ito. At kabilang dito ang pinakapambihirang himala sa lahat, na para sa lahat at pangwalang-hanggan ang kahalagahan, na isinagawa sa Getsemani, sa Golgota, at sa libingan. Tinitiyak ng himalang ito na balang-araw, bawat pisikal at espirituwal na karamdaman ay mapapagaling at malalampasan.

Ang Kanyang mga himala ay may banal at dakilang layunin—at napakahalaga sa may dalisay na puso at sa nananalig, kapwa noong unang panahon at ngayon! Pinatototohanan ng mga ito na Siya nga, talaga, ang Cristo. At abangan! Pinayuhan na tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na patuloy na hangarin at asahan ang mga himala nang ipropesiya niya na ang mga pinakadakilang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Tagapagligtas ay mangyayari pa lang sa darating na mga taon.2