2023
Pagbaha ng Tubig at mga Pagpapala
Oktubre 2023


“Pagbaha ng Tubig at mga Pagpapala,” Liahona, Okt. 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Pagbaha ng Tubig at mga Pagpapala

Maaaring bumaha ng mga pagsubok sa ating buhay, pero pinatototohanan namin na pagpapalain tayo ng ating pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos.

trak sa ilog, na may nakapatong na larawan ng dalawang missionary

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng mga awtor; inset na larawang-kuha ni Christine Hair

Bilang mga missionary companion, 45-minuto kaming lumipad sakay ng eroplano mula Efate Island sa timog patungong Tanna Island. Nagdala kami ng maraming kopya ng mga form sa binyag at gumamit ng mission pickup truck para simulan ang aming pagbisita sa walong branch sa isla. Pagdating namin noong Agosto, 114 na ang mga taong handa nang magpabinyag.

Noong Agosto 18, 2022, nagpunta kami sa branch sa Sideseawi. Wala kaming paraan para kontakin at sabihan ang branch president na paparating na kami. Basta nagpunta lang kami at umasang makikita namin siya.

Kapag inisip mo ang Tanna, isipin mo ang mga daanan sa gubat. Minaneho namin ang aming pickup truck paakyat ng bundok hanggang sa kaya naming abutin. Pagkatapos ay iniwan namin ito at nagsimula kaming maglakad. Inabot kami ng tatlong oras bago nakarating sa nayon. Ang nakain lang namin ay mga niyog na nahulog sa daan.

Pagdating namin sa nayon, wala roon ang branch president, pero naroon ang kanyang counselor. Kinausap namin siya tungkol sa gawaing misyonero, at pagkatapos ay nagsimulang umulan. Kapag nagsisimulang umulan sa Sideseawi, ginagawa ng mga tao ang lahat para makahanap ng ligtas na lugar. Nagmadali kaming bumaba ng bundok papunta sa aming trak.

Kapag walang ulan sa Tanna, ligtas na magmaneho. Pero kapag umuulan, iyon ang nakakatakot. Nang makarating kami sa aming trak, sinimulan naming patakbuhin ito pero hindi nagtagal ay nabalaho kami sa pagtawid sa ilog.

Sinubukan naming itulak ang trak, pero hindi iyon umubra. Kaya, tinawagan namin ang district president para humingi ng tulong. Dumating ang tulong at sinubukan naming itulak muli ang trak, pero patuloy na lumakas ang ulan. Napupuno na ang ilang ilog at dumadaloy na pababa mula sa iba’t ibang lugar sa paligid namin.

missionary na nakaupo sa likod ng trak

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng mga awtor

“Iwan na ninyo ang Trak!”

Umahon na mula sa ilog ang mga tumutulong sa amin, pero mahigpit kaming humawak sa mga upuan ng sasakyan habang tumataas ang tubig ng ilog. Ayaw naming iwan ang trak. Hanggang sa mga hawakan na ng pintuan ng trak ang tubig na nasa panig ng agos.

Tinawagan namin ang aming mission president na si Mark Messick, at ikinuwento sa kanya ang nangyayari. “Palaki na nang palaki ang tubig ngayon,” sabi namin. Itinanong namin kung OK lang na isalba ang buhay namin at iwan ang trak.

“Salamat sa pagtawag sa akin,” sabi sa amin ni President Messick. “OK lang! Iwan na ninyo ang trak kung saan iyan naroon at maghanap kayo ng ligtas na lugar ngayon!”

Malapit kami sa lugar kung saan nagtatagpo ang dalawang ilog. Malaki na ang tubig at mabilis na ang agos ng isa pang ilog na malapit sa amin, pero maliit pa rin ang tubig sa ilog na kinaroroonan namin, na para bang hinihintay nito na makaalis kami. Kaya lang, boom!

May sumigaw mula sa tabing-ilog. Naunawaan ni Elder Nalin, na taga-Tanna, ang babala: “Tubig!”

Nakapatagilid ang trak namin, at humahampas ang tumataas na agos sa pintuang kinaroroonan ni Elder Toa. Unang lumabas si Elder Nalin. Kinailangang umakyat ni Elder Toa sa likurang upuan at lumabas ng pinto sa kabilang panig ng trak para makalabas. Agad niyang tiningnan sa likurang upuan ang aming mga form sa binyag at mga banal na kasulatan pero hindi niya nakita ang mga iyon. Akala niya ay nakuha na ni Elder Nalin ang mga iyon. Paglabas ni Elder Toa, tinangay na ng ilog ang trak.

Kung nasira ng tubig ang mga form, kakailanganin naming bumalik sa mga lugar na nabisita na namin at ulitin ang mga interbyu. Kailangan din naming lumipad pabalik sa mission office sa Efate para kumuha ng marami pang form ng binyag at pagkatapos ay magbalik sa Tanna.

lalaking missionary

Elder Silas Toa

Larawang-kuha ni Christine Hair

lalaking missionary

Elder Brian Moses Nalin

Larawang-kuha ni Christine Hair

Pananampalataya sa Kapangyarihan ng Diyos

Habang pinanonood namin na tinatangay ng agos ang trak, sa wakas ay nakita ni Elder Toa ang mga banal na kasulatan at ang mga form ng binyag sa likurang upuan. “Paano nangyari iyon?” Nagtaka siya kung bakit hindi niya nakita ang mga iyon kanina.

Habang nasa ilog pa kami, nanawagan kami sa kapangyarihan ng Diyos na protektahan ang aming mga banal na kasulatan at mga form sa binyag. Nanampalataya kami na maililigtas Niya ang mga iyon ayon sa Kanyang kalooban.

Pagkatapos ay umalis na kami sa ilog at lumuhod at ipinagdasal ang trak at mga form sa binyag at ang mga banal na kasulatan. Hindi na namin natatanaw ang trak, pero alam namin na magiging maayos ang lahat.

Natagpuan ng mga taong taga-Sideseawi ang trak kinalaunan sa araw ding iyon at tinawagan ang district president. Ang trak ay inanod nang mga hanggang 820 talampakan (250 m) pababa ng ilog. Lahat ng nasa trak ay basa, maliban sa aming mga form sa binyag at mga banal na kasulatan! Tuyo ang mga iyon, nakapatong sa ibabaw ng ilang polyeto, notebook, at manwal.

Nagtipon kami ng isang grupo para tulungan kaming iahon ang trak mula sa ilog. Kailangang matuyo ang trak pero agad naman itong naayos. Wala itong mga yupi o gasgas.

Pagkatapos ng bagyo, nilakad namin ang halos buong daan papunta sa iba’t ibang branch sa Tanna. Kapag pagod na ang mga binti mo sa kalalakad, gamitin mo ang puso mo sa paglakad.

Sa loob ng sumunod na ilang araw, natapos namin ang aming mga interbyu sa binyag at nabinyagan ang 114 na tao, at marami sa kanila ay mga pamilya. Ang isang branch ay may 48 taong handa nang mabinyagan. Sinimulan namin silang interbyuhin nang alas-7:00 n.u. Nang makatapos kami, nakita naming palubog na ang araw.

Maaaring bumaha ng mga pagsubok sa ating buhay, pero pinatototohanan namin na pagpapalain tayo ng ating pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos. Kahit ang pagbaha ng tubig sa Tanna ay hindi nakayang daigin ang pagbaha ng mga pagpapala ng ating Ama sa Langit.