2023
Ang Panganib ng Maliliit na Paglihis
Oktubre 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Panganib ng Maliliit na Paglihis

Ang espirituwal na kapabayaan ay unti-unting makapagpapalayo sa atin sa landas ng tipan.

mahahanging daan sa mga bundok

Isang gabi, umuwi ako na malalim na ang gabi sakay ng bus. Pagod na pagod ako, pero alerto at gising na gising ang drayber ng bus. Pagkatapos ay napansin ko kung gaano kadelikado ang mga dinaraanan namin. Walang daan na mahihintuan, ang mayroon lang ay isa pang daraanan sa kabilang panig ng kalye at isang malaking bangin sa kabila pa. Anumang paglihis mula sa kalsada ay maaaring maging sanhi ng isang matinding aksidente sa paparating na sasakyan o ng isang nakapanlulumong pagkahulog sa bangin.

Napansin ko na ang drayber ay hindi kailanman lumabas sa mga linya ng highway—hindi kailanman nagpunta sa potensyal na pinsala sa magkabilang panig. Sinimulan kong isipin kung gaano natutulad ang buhay natin sa sitwasyong ito.

Ang mga tukso, kung minsan, ay nakapalibot sa atin mula sa lahat ng panig habang naglalakbay tayo sa buhay sa landas ng tipan at sumusulong tungo sa ating walang-hanggang destinasyon. At tulad ng drayber ng bus na kailangang manatili sa tamang daraanan para ligtas kaming makarating sa aming destinasyon, kailangan nating manatili sa loob ng mga linya ng ebanghelyo na nagpoprotekta sa atin laban sa espirituwal na trahedya sa ating paglalakbay.

Itinuro ni Sister Rebecca L. Craven, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Nasa landas tayo, isang landas ng tipan na ipinangako nating tahakin nang mabinyagan tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Makaranas man tayo ng panaka-nakang mga balakid sa daan, ang landas na ito ay patuloy tayong isusulong patungo sa pinakamimithi nating walang-hanggang hantungan kung matibay tayong nakakapit dito.”1

Ang Panganib na Maging Kaswal o Walang Ingat

Mali ang paniniwala ng ilan na ang maliliit na paglihis mula sa landas ng tipan ay hindi mahalaga at na hindi ito humahantong sa makabuluhang kahihinatnan. Pero hindi totoo iyan. Ang pag-iisip na ito mismo ang nais ni Satanas na paniwalaan natin—na hindi tayo masasaktan sa pagtawid sa mga linya patungo sa darating na panganib (kahit minsan lang).

Gayunman, tulad ng babala ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf noong siya ang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa maraming taon na paglilingkod sa Panginoon at sa di mabilang na interbyu, natutuhan ko na ang kaligayahan at kalungkutan sa bawat tao, buhay mag-asawa, at pamilya ay kadalasang nangyayari dahil lamang sa maliliit na bagay.”2

Siyempre, dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari tayong palaging bumaling sa Kanya at magsisi at magbago kapag nagkakamali tayo—dahil lahat tayo ay hindi perpekto. Pero ang pagsisikap na tumayo sa mga banal na lugar ay nangangahulugan na pinahahalagahan natin ang kaloob na pagsisisi at natututo tayo mula sa ating mga pagkakamali. Dahil sa mga panggagambala at tinig ng mundo, kung hindi natin palaging aanyayahan ang Espiritu sa ating buhay, nanganganib tayong maging kaswal o walang ingat sa ating pagkadisipulo at makagagawa ng maliliit na paglihis mula sa landas ng tipan.

Nagbahagi ng pananaw si Sister Craven tungkol dito nang sabihin niyang:

Ang mundo ay puno ng mga gambalang maaaring luminlang kahit sa mga hinirang … Kung hindi tayo maingat sa pagtupad ng ating mga tipan nang may kahustuhan, ang kaswal nating mga pagsisikap ay maaari tayong ihantong kalaunan sa mga ipinagbabawal na landas o maisama sa mga nakapasok na sa malaki at maluwang na gusali. …

“… Mapapangatwiranan natin ang lahat ng gusto natin, pero ang totoo, walang tamang paraan sa paggawa ng mali!”3

Pananatiling Kasama si Cristo

Alam ng drayber ko sa bus na ang paglihis mula sa kanyang linya ay maaaring magkaroon ng mga nakapipinsalang resulta, at dahil diyan, hindi siya lumihis mula sa kanyang landas. Ang pagkakaroon ng gayon ding pag-iisip tungkol sa mga tukso at gambala ng mundo ay makatutulong sa atin na maiwasan ang mga sitwasyon na maaaring maglagay sa ating sarili o sa iba sa espirituwal na panganib.

Sa Lumang Tipan, ang mga tao ng Israel ay nangako na gagawin ang anumang iniutos ng Panginoon matapos maligtas mula sa mga hukbo ni Faraon (tingnan sa Exodo 24:3, 7). Sa kasamaang-palad, matapos magpunta si Moises sa bundok upang tanggapin ang Sampung Utos, agad na nakalimutan ng mga Israelita ang Panginoon at sinimulang sambahin ang gintong guya na ginawa nila (tingnan sa Exodo 32:7–8).

Tulad ng mga tao ng Israel, ang paglayo sa landas ng tipan ay mabilis na mangyayari kung hindi tayo maingat. Mahalagang tanungin ang ating sarili kung gaano tayo katapat sa paggawa ng ipinagagawa ni Jesucristo. Maaaring kasama rito ang pag-iisip kung nagbibigay tayo ng oras para sa Kanya at sa Ama sa Langit araw-araw. O pag-iisip kung anong mga gawi o gambala ang maaari nating tanggalin. Ang pagsuri sa ating sarili at kung gaano tayo katapat at kahandang manatili sa landas ng tipan ay makatutulong sa atin na manatiling matatag.

Kung minsan, tulad ni Nephi, hindi natin palaging mauunawaan ang dahilan sa mga iniuutos sa atin ng Ama sa Langit (tingnan sa 1 Nephi 11:17). Gayunman, maaari tayong magtiwala na mahal Niya tayo at nais Niyang manatili tayo sa landas ng tipan upang makabalik tayo sa Kanya. Alam Niya ang wakas mula sa simula, na ibig sabihin ay maaari tayong manampalataya at magtiwala na alam Niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin, kahit na nahaharap tayo sa mga tukso.

Kung ipapakita natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan at mga propeta, pagtitiwala sa Kanila, at pag-anyaya sa Espiritu sa ating buhay araw-araw, patuloy tayong magiging kumpiyansa at ligtas sa landas ng tipan patungo sa ating walang hanggang destinasyon.