“Paglilingkod nang May Kasigasigan,” Liahona, Okt. 2023.
Mga Alituntunin ng Ministering
Paglilingkod nang May Kasigasigan
Maaari tayong makagawa ng malaking kaibhan sa pamamagitan ng paglilingkod nang may kasigasigan.
Hindi Tiquico ang pinaka-pamilyar na pangalan sa Bagong Tipan, pero isa siyang halimbawa ng paglilingkod nang may kasigasigan. Bagama’t nabanggit paminsan-minsan ang kanyang paglilingkod, dahil sa kanyang katapatan ay nagawa ni Pablo ang kanyang mahalagang gawain. Si Tiquico ang naghatid ng mga sulat sa mga Banal sa Efeso at Colosas at umaliw at nagpasigla sa kanila (tingnan sa Efeso 6:21–22; Colosas 4:7–8). Naglakbay siya sa iba’t ibang lugar, tulad ng Creta at Efeso, para tumulong sa gawain, na pinalalaya ang mga lider na gaya nina Tito at Timoteo para tulungan si Pablo (tingnan sa 2 Timoteo 4:12). Tinawag ni Pablo si Tiquico na “minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon” (Efeso 6:21).
Kasama sa kasigasigan ang pagtitiyaga, lalo na sa harap ng oposisyon. Ipinapaalam ng ating kasigasigan sa Panginoon na makakaasa Siya sa atin dahil hindi tayo susuko, kahit mahirap ang mga bagay-bagay. Tila dahil sa kasigasigan ni Tiquico, ipinagkatiwala sa kanya ni Pablo ang ilang mahahalagang tungkulin. Nabigyan din tayo ng Panginoon ng ilang mahahalagang tungkulin. Magpupumilit ba tayo sa ating mga pagsisikap na pagpalain ang mga taong hiniling Niyang paglingkuran natin?
Pagkakaroon ng Pusong Masigasig
Maaaring maraming dahilan kaya tayo nakakaranas ng oposisyon kapag naglilingkod tayo sa iba. Pero nagtitiwala ang Panginoon na magpupumilit tayo sa ating mga pagsisikap na gawin ang lahat ng ating makakaya, kahit hindi iyon madali.
Narito ang ilang ideya kung paano tayo magkakaroon ng kasigasigang tulad ng kay Cristo:
-
“Kapag nakikita ko na inilalayo ako ng ibang mga libangan sa mga tungkulin ko sa priesthood at gustong magpahinga ng katawan ko, hinihikayat ko ang sarili ko sa mga salitang ito, ‘Alalahanin Siya.’ Ang Panginoon ang ating sakdal na halimbawa ng kasigasigan.”1
-
Alalahanin na tumawag ng mga lider ang Panginoon para tumulong na gawin ang Kanyang gawain. Ang paglilingkod nang may kasigasigan ay hindi nangangahulugan na kailangan mong magpatuloy nang mag-isa. Humingi ng suporta mula sa Panginoon at sa iyong mga lokal na lider.
-
Ipagdasal na bigyan ka ng inspirasyon kung paano ka maaaring maging mas masigasig. Nauunawaan ng Ama sa Langit na ang mga hamon ng buhay ay nangangahulugan na ang paglilingkod ay hindi palaging madali, at handa Siyang tulungan tayo at bigyang-inspirasyon.
-
Tandaan na gustung-gusto ng Panginoon ang pagsisikap at na ang pagkatutong maging mas masigasig ay hindi nangyayari kaagad. Sa pagsasanay at pagtitiyaga, madaragdagan ang iyong kasigasigan.
Paglilingkod nang May Kasigasigan
-
Ang pagiging masigasig ay hindi nangangahulugan na magpumilit sa isang paraan na hindi komportable ang mga tao. Igalang ang mga naisin ng mga pinaglilingkuran mo. Isaisip na bagama’t gusto ng ilang tao na pilitin silang makipag-ugnayan, halos lahat ay nais magkaroon ng mas maraming tunay na kaibigan sa buhay nila.
-
Kabilang sa kasigasigan ang pagpapakita ng pagkukusa sa iyong paglilingkod sa halip na kailanganin ka pang sabihan palagi kung ano ang gagawin.
-
Kasama sa kasigasigan ang maliliit at tapat na mga kilos. Ang pagiging masigasig sa paglilingkod ay hindi kailangang maging pagpapasikat.
-
Ang isa sa mga pinakamainam na paraan para maglingkod nang masigasig ay ang makilala ang mga pinaglilingkuran mo at pagnilayan kung paano mo matutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Itanong, ano ang pasasalamatan kong tulong kung ako ang nasa lugar nila? Ang pagdaan sa prosesong ito ay tutulong sa iyo na makaugnay sa mga pinaglilingkuran mo at gawing mas maalalahanin at personal ang iyong paglilingkod.