“Gumawa [ng Kabutihan] … sa Tuwina,” Liahona, Okt. 2023.
“Gumawa [ng Kabutihan] … sa Tuwina”
Sa ating mga pagsisikap na maging katulad ni Jesucristo, narito ang anim na mahahalagang ideya na dapat tandaan kapag hinahangad nating magkaroon ng mga katangian ni Cristo.
Ang pinakadakila at pinaka-kahanga-hangang sermon na ibinigay ng Tagapagligtas ay ang Kanyang buhay na walang kasalanan—ang sermon ng Kanyang buhay. Lakip nito ang nagbibigay-inspirasyong paanyayang ito: “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).
“Kailangan Ninyong Gumawa ng Kabutihan … sa Tuwina” (Doktrina at mga Tipan 46:33)
Ang kabutihan ay “integridad at kagandahang-asal.”1 Ang paggawa ng kabutihan sa tuwina ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap na may inspiradong listahan ng mga gagawin. Ang mga pandiwang be [maging] at do [gawin] ay magkapares na doktrina. Ang be [maging] na walang do [gawin]—tulad ng pananampalatayang walang mga gawa o pag-ibig sa kapwa nang walang paglilingkod—“kung ito ay walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:17). Gayundin, ang do [gawin] na walang be [maging] ay naglalarawan sa mga taong “iginagalang ako … ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin” (Marcos 7:6). Kinokondena ng Tagapagligtas na pagpapaimbabaw ang do [gawin] na walang be [maging] (tingnan sa Mateo 23:23; Marcos 7:6).
Kadalasa’y may mga listahan ng mga dapat gawin ang mga tao at nilalagyan nila ito ng tsek matapos kumpletuhin ang isang gawain sa listahan. Pero hindi ka makatatanggap ng mga tsek sa be [maging]. Halimbawa, kailan mo malalagyan ng tsek sa listahan mo ang pagiging magulang para masabing tapos ka na rito? Hindi ka kailanman natatapos sa pagiging ina o ama, na isang habambuhay na pagsisikap.
Ginagawa natin ang bawat kabutihan (maging) sa pamamagitan ng isang inspiradong listahan ng mga kaukulang gagawin. Kung nais kong maging mas mapagmahal, anong mga gawain ng ministering ang magagawa ko ngayon para tulungan akong maging mas mapagmahal? Kung nais kong maging mas mapagpasensya, ano ang magagawa ko ngayon para mas magawa ito?
Kapag kailangan nating gumawa ng moral na desisyon sa buhay, madalas nating itanong sa ating sarili, Ano ang gagawin ni Jesus? Kapag ginagawa natin ang gagawin Niya, gumagawa tayo ng kabutihan at nagiging katulad Niya. Kung “[naglilibot tayo] na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38), tulad ng ginawa Niya, sa bawat karagdagang mabuting gawa, lumalago tayo sa pagmamahal at habag, at nagiging bahagi ito ng ating likas na pagkatao.
Ang Epekto ng mga Alitaptap
Ang kamangha-manghang alitaptap ay nakikita lamang sa gabi. Ang nakabibighaning munting hiwagang ito ng kalikasan ay hindi nakikita sa araw. Kailangang madilim ang paligid para makita ang liwanag ng alitaptap. Ang madilim na paligid ang naghahayag ng liwanag nito.
Ang alitaptap at mga bituin ay mga halimbawa sa kalikasan kung paanong kailangan ang kadiliman para mahayag ang liwanag na kung hindi ganito ay hindi ito makikita. Dahil laging nariyan ang Liwanag ni Cristo, hindi napapansin ng maraming miyembro ng Simbahan ang araw-araw na pagpapamalas na naghihikayat sa kanila na gumawa ng kabutihan.
Ang patotoo tungkol sa mga katangiang tulad ng kay Cristo ay nagkaroon ng malaking bahagi sa pamamagitan ng pagkukumpara sa magkakabaligtad, o “[pagtikim ng] pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55). Kung hindi lumabag sina Adan at Eva, hindi sana sila nagkaroon ng “kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan” (2 Nephi 2:23). Itinuro ni Brigham Young, “Lahat ng totoo ay napatunayan at naipakita ng kabaligtaran nito.”2
Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng pagkukumpara sa magkakabaligtad: oo/hindi, pataas/pababa, ibabaw/ilalim, malaki/maliit, mainit/malamig, mabilis/mabagal, at marami pang iba. Ang kaibhan o pagkakaiba ang nagbibigay ng mas malinaw na pang-unawa. Gayundin, ang pag-unawa sa isang mabuting katangian ay nangangailangan ng pag-aaral ng kabaligtaran nito.
Halimbawa, nais nating lahat na maging malusog, pero ang pasasalamat para sa kalusugan at ang hangaring panatilihin ito ay kadalasang dumarating lamang matapos maranasan ng isang tao ang kabaligtaran: karamdaman, sakit, pinsala. Kahit ang Tagapagligtas ay “natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis” (Mga Hebreo 5:8).
Kung minsa’y pinakamainam na nailalarawan ang isang kabutihan sa pag-unawa sa kabaligtaran nito, tulad ng “walang pagkukunwari” at “walang pandaraya” (Doktrina at mga Tipan 121:42), “hindi madaling magalit” (Moroni 7:45), at iba pa.
Ang paggawa ng kabutihan ay hindi lamang habambuhay na pagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ito ay pagsisikap ding “[itakwil] ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa” (Tito 2:12; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Matthew 16:26; Moroni 10:32). Habang nagsisikap tayong magkaroon ng kabutihang tulad ng kay Cristo, lumalago ito kapag inaalis natin ang kabaligtaran nito: ating “[hinuhubad] ang likas na tao” habang tayo ay “nagiging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Mosias 3:19).
Ang pag-aangkop ng epekto ng alitaptap sa isang halimbawa ng mga katangian ay naghahayag ng katotohanan, kapangyarihan, at patotoo ng bawat isa:
-
Pagmamahal bersus pagkamuhi, galit, kasungitan
-
Tapat bersus hindi tapat, mapanlinlang, mapagpaimbabaw
-
Pagpapatawad bersus paghihiganti, sama-ng-loob, kapaitan
-
Mabait bersus salbahe, galit, malupit
-
Mapagpasensya bersus walang pasensya, mainitin ang ulo, hindi mapagparaya
-
Maamo bersus mayabang, hambog, suplado
-
Tagapamayapa bersus palaaway, nagpapalayo ng damdamin, nagpapagalit
Ang kaibhan ay tumutulong sa atin na makita ang lakas ng ating patotoo tungkol sa bawat kabutihan at kung gaano karami ang espirituwal na karanasan natin sa bawat araw dahil sa ating konsiyensya. Ang kaibhan ay naghahayag ng Liwanag ni Cristo sa ating pananaw.
Kapag Sobra, Bawat Kabutihan ay Nagiging Kahinaan
Kapag sobra, ang mga gana ay nagiging tiwali at kailangang “[kontrolin] nang may karunungan, hindi sa kalabisan” (Doktrina at mga Tipan 59:20). Ang mga silakbo ng damdamin ay maaaring maging pabigla-bigla; samakatwid, “pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin” (Alma 38:12). Ang mga naisin ay maaaring maging pabugsu-bugso at labis-labis, kaya “[magpigil] sa sarili sa lahat ng mga bagay” (1 Corinto 9:25; Alma 7:23; 38:10; Doktrina at mga Tipan 12:8).
Para lalo pang mailarawan, narito ang ilang kabutihang nagagawa nang labis-labis:
-
Ang labis na katapangan ay nagiging panunupil (tingnan sa Alma 38:12).
-
Ang kasigasigan ay nagiging labis na kapaguran o pagtakbo nang mas mabilis kaysa kaya mo (tingnan sa Mosias 4:27).
-
Ang labis na matapat ay nagiging manhid at walang pakundangan. Maaari itong pagpasensyahan sa mga bata pero hindi sa matatanda na kulang o walang mga katangian ng pagkamaalalahanin, mabait, at pagdamay.
-
Ang labis na matipid ay nagiging makasarili, maramot, at kuripot.
-
Ang labis na mapagparaya ay nagiging mapagpalaya, maluwag, pabaya.
-
Ang labis na mapagmahal ay nagiging mapagpalayaw, nakakasakal, nakakabalda, at nagbibigay-kakayahan.
Bawat kabutihan ay kailangan ng katugmang kabutihan o mga kabutihan, isang banal na pagbalanse sa mga bagay-bagay, para hindi ito lumabis. Tulad ng timbangan ng katarungan na sumisimbolo na kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng katarungan at awa, lahat ng kabutihan ay kailangan ng matalinong pagbalanse sa katugma nitong mabubuting katangian.
Ibinahagi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang kabatirang ito tungkol sa Tagapagligtas: “Sa kanyang buhay, lahat ng kabutihan ay ipinamuhay at nanatiling ganap na balanse.”3
Kapag nadarama ng mga tao na hindi balanse o labis-labis ang pag-uugali nila, makabubuting isipin kung anong mga katangian ang kulang at kailangan upang maibalik ang balanse sa kanilang buhay. Kung hindi, ang isang kabutihan ay maaaring maging katiwalian at ang isang kalakasan ay “maaari nating ikabagsak,” tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan.4
Ang Kabutihan Kung Wala ang Katugma Nitong Kabutihan ay Kalahating Katotohanan
Ang kalahating katotohanan ay nakakapanlinlang dahil bahagi lang nito ang totoo o maaaring ganap na totoo pero bahagi lang ng buong katotohanan. Narito ang ilang halimbawa ng mga kalahating katotohanan na may kabutihan:
-
Kalayaang pumili nang walang responsibilidad ang itinuro ni Korihor: “na ang bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala” (Alma 30:17).
-
Ang pananampalataya na walang mga gawa at awa na walang katarungan ay mga halimbawa ng itinuro ni Nehor: “ang buong sangkatauhan ay maliligtas … ; sapagkat nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao, at kanya ring tinubos ang lahat ng tao; at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (Alma 1:4).
-
Ang katarungan na walang awa ay ipinapakita sa nakalulungkot na obra maestra ni Victor Hugo na Les Misérables, sa katauhan ni Javert. Ang katarungan ay isang kabutihan lamang kapag may kahalong awa; kung hindi, ito ay nagiging kawalang-katarungan, na siyang kabaligtaran nito.
-
Ang pagmamahal at pagkahabag na walang self-reliance ay makikita sa buhay ni Helen Keller.5 Kakaunti o walang mga inaasahan ang kanyang mga magulang sa kanilang bulag at binging anak. Si Anne Sullivan, isang guro ng mga bulag at bingi, ang nagpakilala sa katugmang kabutihan ng self-reliance at tumulong kay Helen na maabot ang kanyang tunay na potensyal.
-
Ang pagpaparaya na walang katotohanan at pagmamahal na walang batas ay nagpapaba sa halaga, ikinokompromiso, at ginagawang tiwali ang mga pamantayan ng Panginoon at nagreresulta sa apostasiya dahil sa panlilinlang sa sarili (tingnan sa 4 Nephi 1:27).
-
Sa kabilang dako, ang batas na walang pagmamahal at katotohanang walang pagpaparaya ay ipinakita ng mga Fariseo at nagresulta sa apostasiya dahil sa kapalaluan.
-
Ang pagiging matwid nang hindi iniisip ang iba (tingnan sa Lucas 15:1–7) ay maaaring humantong sa pagmamagaling, maling palagay, at pagpapaimbabaw.
-
Ang pananampalataya at pag-asa na walang pagtitiyaga (“kayo ay kaagad … pagpapalain” ng Panginoon [Mosias 2:24], subalit “sinusubukan niya ang kanilang tiyaga” [Mosias 23:21]) ay maaaring humantong sa pagdududa sa sarili at pagkawala ng pananampalataya.
Bawat kabutihan ay kalahating katotohanan maliban kung nabalanse ng katugma nitong (mga) kabutihan na kailangan para sa doktrinal na pagbalanse.
Ang Kapangyarihan at Kahalagahan ng At
Bilang “ama ng pagtatalo” (3 Nephi 11:29), pinupukaw ni Satanas ang galit sa tusong paraan sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mabubuting katangian na ginagamitan ng mentalidad na “bersus o laban sa”, tulad ng katarungan bersus awa. Ngunit ang Panginoon ay “nagpapayo … sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa” (Jacob 4:10; idinagdag ang diin). Ang dalawang kabutihang ito ay hindi magkabaligtad kundi magkatugma. Para makamit ang perpektong balanse, mas tumpak sa doktrina at mas tamang sabihing:
-
Katarungan at awa (kumpara sa katarunganbersus kawalan ng katarungan)
-
Kalayaang pumili at responsibilidad
-
Pananampalataya at mga gawa
-
Pagtupad sa relihiyon/tipan (panlabas) at espirituwal/pagkadisipulo (sa kalooban)
-
Pagkakatulad at pag-akma
-
Pagkakaisa at pagkakaiba
-
Titik ng batas at diwa ng batas
-
Pagpipitagan/katahimikan at kagalakan/pakikisalamuha
-
Katapangan at kaamuan
-
Lakas-ng-loob at pagpapasiya
-
Disiplina at magiliw na kabaitan
-
Pantay na pagtingin sa lahat at pagiging matigas
-
Kahinahunan at katatagan
-
“Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao” (Mateo 5:16) at huwag “[maghangad] ng mga parangal ng tao” (Doktrina at mga Tipan 121:35)
-
At marami pang iba
Pag-ibig sa Kapwa-Tao—ang Kabutihang para sa Lahat
Nasa sentro ng dalawang dakilang utos—ang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa—ay ang mabuting katangian na pag-ibig sa kapwa. “Sa dalawang utos na ito,” sabi ni Jesus, “nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta” (Mateo 22:40). Tinawag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pag-ibig sa kapwa na “una at dakila at walang katapusang kautusan” at napansin na ito ang pinakadakila “batay sa simple at katotohanang pang-matematika na ang kabuuan ay mas malaki kaysa anumang bahagi nito.”6
“At kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan” (Mga Taga Roma 13:9–10). Pagmamahal ang kabutihang naghihikayat sa sangkatauhan na sundin ang batas ng ebanghelyo sa halip na ang batas ni Moises.
Dahil malawak ang saklaw ng pag-ibig sa kapwa, lahat ng iba pang kabutihan ay maaaring masabi na mga bahaging kabutihan nito, sapagkat ito ay “matiisin,” ito ay “magandang loob,” ito ay “hindi mainggitin,” at “hindi mapagmalaki” (tingnan sa 1 Corinto 13:4–8; Moroni 7:45).
Isipin ang halimbawang ito: Kapag binibigyan ng isang ina ng kutsara ang kanyang munting anak, isang magandang halimbawa ito ng pag-ibig sa kapwa, o pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Isipin ang maraming kabutihan sa sitwasyong ito: pagtitiwala, pagmamahal, pag-asa, pag-asa sa sarili, pagpapaumanhin (sa gulo at pagsuway), kaamuan, kabaitan, tiyaga, kahinahunan, katatagan, panghihikayat, at iba pa. Ang ina “ay hindi mayayamutin, … pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay. Ang [kanyang] pag-ibig ay walang katapusan” (1 Corinto 13:5–5, 7–8).
Lubos tayong nagpapasalamat sa mapagmahal na Ama sa Langit na ang pag-ibig sa kapwa ay matiyaga at matiisin sa mga gulong ginagawa natin sa ating buhay!
Nakapagtataka ba, kung gayon, kung bakit tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang pag-ibig sa kapwa-tao bilang “pinakadakila” (1 Corinto 13:13; Moroni 7:46), bilang “isang daan na walang kahambing” (1 Corinto 12:31), at “higit sa lahat”? (1 Pedro 4:8). Ibig sabihin, ang paanyayang “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48) ay isang paanyayang ipagdasal ang lahat ng kabutihan at sikaping magkaroon ng ganap na balanse sa mga ito. Kung walang balanse, kahit ang pag-ibig sa kapwa ay maaaring mapalabis, tulad ng mapagmahal ngunit maluwag at mapagparayang mga magulang ni Helen Keller.
Ang mga Kabutihan ay mga Kaloob ng Espiritu
Sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo kabanata 6, “Paano Ako Magkakaroon ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo?” itinuturo sa mga missionary na “ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Dumarating ang mga ito kapag ginamit mo nang wasto ang kalayaan mong pumili. Hilingin sa iyong Ama sa Langit na biyayaan ka ng mga katangiang ito; hindi ka makapagtataglay nito kung wala ang tulong Niya.”7
Para matagumpay na makagawa ng kabutihan, kailangang balansehin ang pananampalataya kay Jesucristo at ang panalangin at “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya” (Doktrina at mga Tipan 123:17).
Itinuro sa atin ni Moroni na ang pag-asa nating maging katulad ni Jesucristo ay nakasentro sa Kanya: “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong … iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni10:32).
Nawa’y ang sermon sa buhay ng Panginoon ang maging panalangin at hangarin natin. Kapag tayo’y “gumawa [ng kabutihan] sa tuwina” (Doktrina at mga Tipan 46:33; idinagdag ang diin), “[mapupuspos] ng kabanalan] ang [ating] mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpadadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit” (Doktrina at mga Tipan 121:45; idinagdag ang diin).