“Ang Ibig Sabihin at Hindi Ibig Sabihin ng Magpatawad,” Liahona, Okt. 2023.
Ang Ibig Sabihin at Hindi Ibig Sabihin ng Magpatawad
Ang pagpapatawad sa ating sarili at sa iba ay isang banal na kaloob na naghahatid sa atin ng kapayapaan ng kalooban at mas inilalapit tayo nito sa ating Tagapagligtas.
Bilang isang psychotherapist, sinisikap kong tulungan ang maraming indibiduwal habang nakikipaglaban sila sa nakababagabag na mga sitwasyon at isyu sa buhay, pati na ang pagpapatawad. Naghahangad sila ng kapatawaran mula sa iba, mula sa lipunan, mula sa batas, o mula sa kanilang sarili. Pero sa kasamaang-palad, tila mailap ang kapatawaran, at ang paghahangad dito kung minsan ay nagdudulot ng problema, pagkabalisa, at maging ng pangamba. Bakit?
Mahirap talagang patawarin ang sarili at ang iba. Madalas itong magbunga ng pagkasiphayo, na nagpapahirap na marinig o madama ang tinig ng Banal na Espiritu dahil abala tayo sa nakababalisang mga ideya. Ang Espiritu ay “banayad tayong hinahaplos kaya maaaring hindi natin ito madama kung abala tayo.”1
Ang pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan at ng mga turo ng mga propeta sa mga huling araw ay maghahayag kung paano mo malalaman at madarama ang diwa ng pagpapatawad—at kung ano ang hindi pagpapatawad. Kapag nalaman mo na ang mga konseptong ito, mauunawaan mo kung paano maaaring lubos na magpagaling ang paglalabas ng sama-ng-loob, na naghahatid ng kapayapaan sa puso mong naguguluhan.2
Sabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), na naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kung mapapatawad natin sa ating puso ang mga nakasakit at nakapinsala sa atin, aangat tayo sa mas mataas na antas ng paggalang sa sarili at kagalingan.”3
Pagpapatawad sa mga Taong Nananakit sa Atin
Sa mga unang taon ng Simbahan, si William W. Phelps ay isang malakas na tagasuporta ni Joseph Smith. Isa siya sa mga unang Banal sa mga Huling Araw na ipinadala sa Jackson County, Missouri, kung saan siya tinawag ng Panginoon bilang tagapayo sa panguluhan doon.
Pero nang magsimulang malihis ng landas si Brother Phelps, lumala nang husto ang kanyang pag-uugali kaya inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na kung hindi magsisisi si Brother Phelps, siya ay “aalisin sa” kanyang lugar.4 Hindi siya nagsisi at itiniwalag siya noong Marso 10, 1838.
Bagama’t muling nabinyagan si William, patuloy siyang nahirapan sa Simbahan at sa mga pinuno ng Simbahan. Noong Oktubre 1838, sumaksi siya laban sa Propeta at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan. Humantong ito sa pagkabilanggo ni Joseph Smith noong Nobyembre 1838.
Nang sumunod na limang buwan, nabilanggo ang Propeta sa dalawang piitan sa Missouri, kabilang na ang Liberty Jail.
Noong 1840, dumanas ng malaking pagbabago ng puso si William W. Phelps at sumulat sa Propeta na nagsusumamo ng kapatawaran. Ang liham na isinulat ni Joseph bilang tugon ay nagtapos sa maikling tula:
“‘Halina, kapatid, ngayong lipas na ang digmaan,
“Ang dating magkaibigan, ay magkaibigan na naman.’”5
Malayang pinatawad ni Joseph si Brother Phelps at malugod siyang tinanggap na muli sa lubos na pakikipagkapatiran.
Pagkaraan ng apat na taon, nang malaman ni Brother Phelps na pinaslang ng mga mandurumog sina Joseph at Hyrum, nanlumo siya. Ang pagpapatawad ni Joseph kay Brother Phelps ay maaaring nagbigay-inspirasyon sa kanya nang isulat niya ang magaganda at nakaaantig na mga salita sa himnong “Purihin ang Propeta.”6
Ano ang Hindi Pagpapatawad
Para mas maunawaan ang ibig sabihin ng patawarin ang iba, makakatulong na unawain kung ano ang hindi kasama sa pagpapatawad.
Una, hindi mo kailangang pagkatiwalaan ang taong pinatawad kapag nakumpleto na ang proseso ng pagpapatawad. Halimbawa, sabihin natin na mayroon kang magandang pares ng running shoes na talagang gustung-gusto ko kaya ninakaw ko iyon sa iyo. Hindi nagtagal nakonsiyensya ako sa pagnanakaw, kaya ibinalik ko ang sapatos sa iyo, na humihingi ng kapatawaran. Sumagot ka na pinatatawad mo ako, at umalis na ako. Pero ipalagay natin na nilapitan kita kalaunan at tinanong kung puwede kong hiramin ang sapatos na iyon. Atubili mong ipinakita na napatawad mo na ako, pero medyo matatagalan pa bago mo madama na maaari mo akong pagkatiwalaang muli. Kadalasa’y nangangailangan ng panahon ang paghihilom at pagtitiwala.
Pangalawa, hindi mo kailangang kunsintihin ang maling pag-uugali ng tao dahil sa sitwasyon sa buhay. Sa halimbawa ng sapatos na ninakaw, mahalaga na hindi mo sabihin sa akin na, “OK lang na ninakaw mo ang sapatos. Alam kong hirap ka ngayon.” Ang pagkunsinti sa maling pag-uugali ay nagtutulot sa taong nagkasala na iwasang panagutan ang mga gawaing una sa lahat ay nangangailangan talaga ng kapatawaran.
Pangatlo, ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na ang taong nagkasala ang nagpapasiya kung ano ang nararamdaman mo. Ang ibig sabihin ng pagpapatawad ay pagkatanto na ikaw ang nagpapasiya kung ano ang madarama mo sa pamamagitan ng pamamahala sa mga iniisip mo at pagiging tunay na disipulo ni Cristo. Muli, sa halimbawa ng sapatos na ninakaw, kung sinabi mo sa akin na pinatawad na ako pero masama pa rin ang loob mo tuwing makikita mo ako, malinaw na kailangan ang isang mas malalim na diwa ng pagpapatawad.
Pang-apat, ang pagpapatawad ay hindi nangangailangan ng pagiging malapit sa taong pinatawad. Ang pagpapatawad ay isang proseso ng kalooban, na nangangailangan ng paglalabas ng sama-ng-loob. Hindi ito nangangahulugan na kailangang maging malapit na kaibigan o kasamahan ang taong pinatawad. Para sa ilang tao na nakakaugnay natin sa buhay, angkop na mahalin sila mula sa malayo.7
Panglima, ang pagpapatawad ay hindi nangangailangan na humingi ng paumanhin ang taong pinatawad. Responsibilidad iyon ng taong iyon. Itinuro ni Pangulong Faust: “Nangangailangan ng panahon ang karamihan sa atin upang malimutan ang sakit at kawalan. Marami tayong dahilan para ipagpaliban ang pagpapatawad. Isa na rito ang paghihintay na magsisi ang mga nagkasala bago natin sila patawarin. Subalit dahil sa pagpapalibang iyon, nawawalan tayo ng kapayapaan at kaligayahang maaari sanang nakamtan natin. Kung babalik-balikan natin ang napakatagal nang mga hinanakit hindi tayo liligaya.”8
Pagpapatawad sa Ating Sarili
Ang kakayahang patawarin ang iba ay nagsisimula sa kakayahan nating patawarin ang ating sarili. Pero para sa ilan ang pagpapatawad sa kanilang sarili ay isang hamon. Kung patuloy nilang parurusahan ang kanilang sarili sa mga negatibong kaisipan hinggil sa mga kasalanang pinagsisihan na nila, hindi nila alam na nahahadlangan nila ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na linisin sila mula sa mga negatibong epekto ng pagpaparusa sa sarili.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May isang bagay sa marami sa atin na hindi kayang patawarin at limutin ang nakaraang mga pagkakamali sa buhay—[mga] pagkakamali man natin o [mga] pagkakamali ng iba. Hindi ito maganda. Hindi ito gawain ng Kristiyano. Ito ay tuwirang pagsalungat sa kadakilaan at kamaharlikaan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang pagkatali sa mga dating pagkakamali ang pinakamasamang uri ng pagtutuon sa nakaraan kung saan tayo ay sinasabihang tumigil at huwag magpatuloy.”9
O tulad ng madalas banggitin, “Kapag ipinaalala sa inyo ng diyablo ang inyong nakaraan, ipaalala lang ninyo sa kanya ang kanyang hinaharap!”
Sa aking therapy practice, madalas itanong sa akin ng mga pasyente, “Pero ano ba talaga ang gagawin ko para mapatawad ang sarili ko?”
Una, kailangan nating tanggapin ang katotohanan na nagdusa na ang Panginoong Jesucristo para sa ating mga kasalanan. Tulad ng nalaman natin sa Alma 7:13, “Ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.” Ang pagpaparusa sa ating sarili ay hindi produktibo at nakapipinsala pang gawin!
Pangalawa, hindi lang tayo dapat maniwala sa Tagapagligtas kundi dapat din tayong maniwala sa Kanya. Sa madaling salita, talagang maaari tayong tunay na maniwala sa Kanya nang sabihin Niyang:
“Masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko” (Doktrina at mga Tipan 19:16–17).
Pinayuhan tayo ng Tagapagligtas na magpatawad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:9), kaya sa hindi pagpapatawad sa ating sarili o sa iba, maaaring mali ang palagay natin na ang ating pagdurusa ay maaaring mas makatubos sa atin kaysa sa pagdurusa ng Panginoon. Ang mapagmataas na haka-hakang ito ay naglalagay sa atin sa panganib na sundin ang kaaway sa halip na magtiwala sa nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas.
Hindi natin dapat asahang makalimutan ang nagawa nating mali, pero kaya natin, sa paglipas ng panahon, na kalimutan ang pasakit na dulot ng sama-ng-loob at pagpaparusa sa sarili. Nalaman natin mula sa Alma 36:19 na nagawa ni Nakababatang Alma na sumulong at talikuran ang kanyang nakaraan: “Hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.”
Ang makapagpatawad ay isang banal na kaloob, at ang halaga nito ay hindi masusukat. Ang gantimpala nito ay kapayapaan ng kalooban na mas naglalapit sa atin sa huli sa ating Tagapagligtas.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.