“Ginabayan sa Isang Trabaho,” Liahona, Okt. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ginabayan sa Isang Trabaho
Wala akong makitang trabaho, pero tiwala ako na pagpapalain ako ng Panginoon sa mga pagsisikap kong maging self-reliant.
Sa huling semester ko sa kolehiyo, nadama ko na dapat na akong magsimulang maghanap ng trabaho sa larangang pinag-aralan ko, ang edukasyon. Nagplano akong magtrabaho nang part-time bilang isang guro sa elementarya. Noong panahong iyon, malalaki na ang mga anak ko.
Para makapaghanda sa pagpasok sa workforce, nag-enroll ako sa isa sa mga kurso ng Simbahan sa self-reliance para makatulong na makahanap ako ng trabaho.1 Pagdating ko sa unang klase ko, ako lang ang estudyante roon. Ang guro ay isang ginoong may puntong Amerikano na sabik maglingkod sa iba. Sa mga lesson namin, ipinaliwanag niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tutulong sa akin na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon at kumilos nang may pananampalataya.
Dalawang oras ang biyahe ko papunta sa self-reliance center ng Simbahan sa São Paulo, pero dumarating ako sa klase sa takdang oras bawat linggo. Sineryoso ko ang pagkuha ng kurso dahil mahalaga ito sa akin.
Gayunman, sa pagtatapos ng kurso, wala akong mahanap na trabaho sa pagtuturo. Gayunpaman, sinabi ko sa instructor ko na tiwala ako na pagpapalain ako ng Panginoon at na hindi magtatagal at makakahanap ako ng trabaho. Nag-aral ako para sa mga pagsusulit na kailangan kong kunin upang makipagkumpitensya sa isang posisyon ng guro sa paaralan, at nagsimula akong dumalo sa isang kurso ng self-reliance kung paano magsimula ng negosyo.2
Kaagad matapos kong kunin ang mga pagsusulit, nagmadali akong pumunta sa aking stake self-reliance class. Sinabi ko sa lahat ng naroon kung gaano ako kahanda para sa mga pagsusulit—salamat sa mga pag-aaral at kurso ko sa self-reliance.
Sa huli, nakuha ko ang trabahong gusto ko. Ang saya-saya ko, at nagpasalamat ako na nakabayad ako ng ikapu at mga handog sa Panginoon. Sa ikalawang kurso ko sa self-reliance, hinikayat ako ng Espiritu na kumuha ng EnglishConnect 2 at magsimula ng postgraduate work.3
Labis akong napagpala ng patnubay na ito mula sa Panginoon sa paggawa ng mahahalagang desisyong tulad nito sa buhay ko. Alam ko na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako at na kung susundin natin ang Kanyang mga utos, pagpapalain Niya tayo sa temporal at sa espirituwal ng mga bagay na kailangan natin para umunlad (tingnan sa Mosias 2:41).