2023
Sa Matibay na Saligan
Oktubre 2023


“Sa Matibay na Saligan,” Liahona, Okt. 2023.

Para sa mga Magulang

Sa Matibay na Saligan

si Elder Russell M. Nelson at iba pang mga pinuno ng Simbahan noon sa kumperensya sa Madagascar

Si Elder Russell M. Nelson at iba pang mga pinuno ng Simbahan noon sa isang priesthood leadership conference sa Madagascar, 2011.

Minamahal na mga Magulang,

Sa ating pag-aaral ng Bagong Tipan ngayong buwan, mababasa natin kung paanong ang Simbahan ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Pinatototohanan ni Pangulong Dallin H. Oaks “ang banal na prosesong iyan, kung saan pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan ngayon” (pahina 7).

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Mga Buhay na Propeta

Bilang pamilya, talakayin ang natutuhan ninyo mula sa pangkalahatang kumperensya ngayong buwan. Magbahagi ng mga sipi mula sa artikulo ni Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa mga makabagong propeta at sa mga susi ng priesthood (pahina 4). Anong mga pagpapala ang natatanggap ninyo sa pagsunod sa payo ng mga propeta at apostol ngayon?

Pananampalatayang Makakita ng mga Himala

Anyayahan ang isang miyembro ng pamilya na basahin nang malakas ang Mateo 9:20–22, na nagpapaliwanag sa pagpapagaling ni Cristo sa babaeng “dinudugo.” Paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang makakita ng mga himala? Bakit nagsagawa ng mga himala si Cristo? (tingnan sa pahina 43).

Paano Maging Katulad ni Cristo

Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins kung paano natin masusunod ang paanyaya ng Tagapagligtas na maging katulad Niya sa pamamagitan ng paglalakip ng mga katangian ni Cristo sa ating buhay (tingnan sa pahina 10). Maaari mong ibahagi ang ilan sa kanyang mga halimbawa, tulad ng mga alitaptap o ng inang pinakakain ang isang maliit na bata, para maipakita sa iyong mga anak kung paano magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa kanilang mga pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Manatiling Sumasampalataya

2 Timoteo 4

Sa dakong huli ng kanyang buhay, sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya” (2 Timoteo 4:7). Subukan ang aktibidad na ito para matuto tungkol sa “pananatiling sumasampalataya”:

Bago ang Home Evening

  1. Interbyuhin ang ilang mas nakatatanda na naging tapat sa ebanghelyo. Maaaring sila ay mga lolo’t lola o miyembro sa inyong ward o branch.

  2. Itanong sa kanila ang mga bagay na interesado kang malaman o mga bagay na tulad nito: Anong mga pagsubok ang naranasan at nalampasan ninyo? May naging karanasan ba kayo na kinailangan ng lakas-ng-loob na ipamuhay ang ebanghelyo? Ano ang lubos na nakatulong na manatiling tapat sa inyong paniniwala kay Jesucristo?

  3. Isulat o itala ang kanilang mga patotoo at karanasan.

Sa Oras ng Home Evening

  1. Ibahagi sa inyong pamilya ang mga patotoong narinig mo at mga aral na natutuhan mo.

  2. Ano ang itinuro sa iyo ng mga taong ito tungkol sa pagdaig sa mga paghihirap sa pamamagitan ng pagsampalataya?

Talakayan: Paano kayo mananatiling sumasampalataya habambuhay, sa kabila ng mga hamon?