2023
Mga Turo ng mga Propeta para sa Ating Panahon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Lider ng Simbahan
Oktubre 2023


Digital Lamang

Mga Turo ng mga Propeta para sa Ating Panahon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Lider ng Simbahan

Tingnan ang itinuro ng mga lider ng Simbahan kamakailan sa social media tungkol sa kung paano pinamumunuan at pinagpapala ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga tinawag na tagapaglingkod.

Si Jesucristo na tinuturuan ang mga disipulo

Kaya’t sa Paghayo Ninyo, Gawin Ninyong Alagad ang Lahat ng mga Bansa, ni Harry Anderson

“Kung may isa mang bagay na nagawa ang Pagpapanumbalik,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “iyon ay ang pabulaanan ang matagal nang paniniwala na tumigil nang mangusap ang Diyos sa Kanyang mga anak. Wala nang mas malayo pa sa katotohanan kaysa rito. Isang propeta ang namumuno sa Simbahan ng Diyos sa lahat ng dispensasyon, simula kay Adan hanggang sa kasalukuyang panahon [tingnan sa Bible Dictionary, “Dispensations”]. Pinatototohanan ng mga propeta si Jesucristo—ang Kanyang kabanalan at ang Kanyang misyon at ministeryo sa lupa. Iginagalang natin si Propetang Joseph Smith bilang propeta ng huling dispensasyong ito. At iginagalang natin ang bawat taong humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan.”

Sa pagsasalita noon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, idinagdag pa ni Pangulong Nelson, “Madalas nating awitin ang, ‘Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta’ [Mga Himno, blg. 15]. Nauunawaan ba natin talaga ang ibig sabihin nito? Isipin ang pribilehiyong ibinigay ng Panginoon sa atin na sang-ayunan ang Kanyang propeta, na ang payo ay magiging dalisay, malinis, walang anumang pansariling hangarin, at lubos na totoo!”1

Paano pa tayo napagpapala ng mga propeta at apostol na kumakatawan sa Panginoon sa kanilang mga tungkulin sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol? Ang mga turo kamakailan ng mga lider ng Simbahan sa social media ay tungkol sa papel na ginagampanan ng mga propeta at ng mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya. Maaari mo ring pag-aralan ang iba pa tungkol sa paksang ito mula sa mga nakaraang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa mga propeta.

Isang Mungkahi sa Pakikinig sa Pangkalahatang Kumperensya

Elder David A. Bednar

“Nalalapit na naman ang isa pang pangkalahatang kumperensya. Gusto kong magmungkahi ng isang bagay na mapag-iisipan ninyo na lalong makadaragdag sa epekto ng kumperensyang ito sa inyong buhay. Bumuo ng mga katanungan sa inyong isipan at sa inyong puso. Kapag nananampalataya kayo sa Panginoon para makabuo at mapag-isipan ang mga tanong na iyon, at habang aktibo kayong nakikinig sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, matatanggap ninyo ang mga sagot na kailangan ninyo.”

Elder David A. Bednar, Facebook (video), Mar. 31, 2022, facebook.com/davida.bednar.

Proteksyon at Isang Ligtas na Daungan

Elder Quentin L. Cook

Sa mga doktrina ng Simbahan, hindi magkasalungat ang pananampalataya at paghahangad ng kaalaman; magkasundo at magkatulong ang mga ito. Ngayon … sa Brigham Young University, tinalakay ko ang ilan sa mga doktrina at inisyatibo na ibinigay ng mga Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nitong nakaraang 100 taon.

“Ang mga doktrinang pinili kong talakayin ay mahalaga dahil sa ibinibigay nitong proteksyon sa mga partikular na hamon at kasamaan hindi lamang sa panahong natanggap ang mga paghahayag kundi para protektahan din ang mga darating na henerasyon.

Halimbawa, noong 1922 …, si Heber J. Grant ang propeta at Pangulo ng Simbahan. Ang isang alituntuning patuloy niyang binigyang-diin noon ay ang Word of Wisdom.

“Si Pangulong Grant ay nabigyang-inspirasyon sa kanyang paglilingkod bilang propeta na gawing kinakailangan ang pagsunod sa Word of Wisdom upang makatanggap ng temple recommend. Kilala din siya sa patuloy na pagtuturo ng mga alituntunin ng Word of Wisdom sa loob ng maraming taon ng kanyang paglilingkod.

“Nabubuhay tayo sa panahon na maraming tao ang nagsasabing sinusunod nila ang siyensya sa mga bagay na may kinalaman sa kalusugan. Ang kakila-kilabot na mga resulta ng paninigarilyo at paggamit ng alak ay malinaw na ngayong itinakda ng siyensya. Nagpapasalamat ako na ang mga paghahayag at pahayag ng mga propeta ay kapwa nagbigay ng proteksyon at ligtas na daungan para sa matatapat na miyembro ng Simbahan. Ang pagsunod sa paghahayag ng propeta mula sa tinawag ng Panginoon na propeta ay nagdulot ng kaligtasan at kapayapaan.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Ago. 16, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Ang Papel ni Joseph Smith sa Pag-akay sa Atin Patungo kay Jesucristo

Elder D. Todd Christofferson

“Ikinarangal kong maging kinatawan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kahapon sa The World Peace Dome sa Pune, India, nang idagdag ang estatwa ni Propetang Joseph Smith sa maringal na bulwagang ito na itinayo upang itaguyod ang kapayapaan sa mundo. 

“Kinikilala natin ang patuloy na impluwensya sa kabutihan ni Joseph Smith sa mundo, ang mga paghahayag na nagmula sa kanya, ang kanyang halimbawa ng sakripisyo at paglilingkod, at ang kanyang katapatan at patotoo sa buhay na Diyos.

“Bagama’t iginagalang natin si Joseph Smith bilang propeta, ang pinakamahalagang estatwa para sa akin at sa lahat ng miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay ang estatwa ng Tagapagligtas na si Jesucristo na nakatayo sa lugar na ito.

“Noong 1820, hinangad ng batang si Joseph na mapag-isa sa isang kakahuyan malapit sa kanyang tahanan upang manalangin para humingi ng mga sagot. Habang nananawagan sa Diyos, nakakita siya ng dalawang maluwalhating nilalang, ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na nakatayo sa itaas niya sa himpapawid sa ‘isang haligi ng liwanag.’ Kinausap nila si Joseph at sinabi sa kanya na ang kabuuan ng ebanghelyo ay ipanunumbalik sa lupa sa pamamagitan niya sa hinaharap.

“Mula noon ay tinawag natin ang walang katulad na pagpapakitang ito bilang ‘Unang Pangitain,’ at ito ay naging pundasyon ng lahat ng kasunod na naganap sa plano ng Diyos para sa pagtubos sa ating lahat, na Kanyang mga anak.

“Bilang natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ang pinakamahalagang nilalang na ginagawang posible ang plano ng pagtubos ng Diyos para sa bawat isa sa atin.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Nob. 23, 2022, facebook.com/dtodd.christofferson.

Mga Tinig ng Katotohanan

Elder Neil L. Andersen

“Sino ang pinakikinggan mo?

“Ang sagot sa tanong na ito ay huhubog sa inyong hinaharap at sa inyong walang-hanggang tadhana. Maiimpluwensyahan ba kayo ng marangal, nakahihikayat, mabuti, maalalahanin, at espirituwal na sensitibong mga tinig, o mas maiimpluwensyahan ba kayo ng negatibo, nagrereklamo, nanghihibok, mapangutya, at makamundong mga tinig?

“Makinig sa mga tunay na nagmamahal sa inyo at tapat sa pagnanais na magkaroon kayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.

“Makinig sa mga salita ng propeta at mga apostol ng Panginoon.

“Makinig sa mga bulong ng Espiritu Santo.

“Makinig sa mga salita ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita at pag-unawa sa Kanyang mga kautusan sa inyong puso.

“Ipinapangako ko sa inyo na kapag patuloy kayong nakinig sa mga tinig ng katotohanan, mananatili kayong ligtas sa espirituwal at magiging higit pa sa kung sino kayo ngayon.”

Elder Neil L. Andersen, Facebook, Abr. 14, 2022, facebook.com/neill.andersen

Ang Desisyon na Laging Sundin ang Buhay na Propeta

Elder Ronald A. Rasband

“Talagang natuwa kaming magsalita ni Melanie sa mga missionary sa isang brodkast sa mga missionary training center sa iba’t ibang panig ng mundo kamakailan. Ang mensahe at pangakong ibinigay ko sa mga missionary na iyon ay ibinibigay ko sa bawat isa sa atin: Kung susundin natin ang tinawag na propeta ng Panginoon, mas mapapalapit tayo sa Tagapagligtas at malalaman na Siya ang buhay na Cristo.

“Ang desisyon na laging sundin ang buhay na propeta ay nakaimpluwensya sa buhay ko at sa buhay ng aking pamilya nang higit kaysa sa iba pang desisyon. Alam ko na ang pagpiling ito ay makaiimpluwensya rin sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay.”

Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Okt. 27, 2022, facebook.com/RonaldARasband.

Payo para sa Halos Anumang Mahirap na Kalagayan

Elder Ronald A. Rasband

“Kung kailangan kong pumili ng isang payo na makatutulong sa halos anumang mahirap na kalagayan na kinakaharap natin ngayon, ito ang aking payo: piliing sundin ang buhay na propeta ng Diyos.

“Nagpapasalamat akong maibahagi ang mensaheng ito sa isang live na debosyonal sa mga batang Banal sa mga Huling Araw sa Africa South Area at Africa Central Area. Nang sagutin namin ang mga tanong ng mga taong ito, naisip ko ang mukha ng mga taong nagtatanong. Alam ko na alam ng Panginoon ang bawat isa sa ating mga paghihirap at tanong at nais niyang tulungan tayong makasumpong ng kapayapaan.”

Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Nob. 19, 2021, facebook.com/RonaldARasband.

Pag-aaral Kung Paano Lumakad Kasama ang Panginoon

Elder Ulisses Soares

“Tunay ngang wala nang higit, mas nakakatuwa, at mas nagpapasiglang hamon kaysa sa matutong lumakad na kasama ang Panginoon at kasabay nito ay tumanggap ng kagila-gilalas na pagpapala na makasama Natin Siya. …

“Mangyaring isaalang-alang ang mga sumusunod habang patuloy kayong natututong lumakad kasama ang Panginoon:

“Una, humingi ng inspirasyon sa Diyos kung paano balansehin ang abalang iskedyul ninyo para makapag-ukol ng oras sa regular na pag-aaral ng Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo nang napakalinaw at mabisa sa Aklat ni Mormon.

“Pangalawa, mag-ukol ng mas maraming oras sa Panginoon sa Kanyang mga templo. Ang mga templo ay literal na mga bahay ng Panginoon. At kapag naroon tayo, madarama natin ang malinaw na impresyon na natalikuran natin ang malungkot at mapanglaw na mundo.

“Pangatlo, sundin ang mga salita ng ating mga buhay na propeta. Kapag naglakad kayo na kasama at nakinig sa mga propeta at apostol sa mga huling araw, masusumpungan ninyo ang inyong sarili na naglalakad na kasama si Jesus.

“Si Jesucristo ay buhay at … ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay ibinibigay sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Palagi Siyang malapit, matiyagang naghihintay sa atin kapag tayo ay napapagod sa daan at lumalakad na kasama natin magpakailanman saanman tayo naroon.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Dis. 8, 2022, facebook.com/soares.u.

Mga Sisidlan Upang Ibahagi ang Tubig na Buhay

Sister Susan H. Porter

“Gustung-gusto ko ang pangkalahatang kumperensya! Para sa akin, ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga dakilang pagpapakita ng tubig na buhay na ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas. Sa pag-uumpisa ng sesyon sa Sabado ng umaga, nadarama ko na para akong ang Samaritana sa tabi ng balon, na, nang ialay ng Tagapagligtas ang tubig na buhay, ay sumagot, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako’y hindi mauhaw” (Juan 4:15).

“Kapag umaawit ang Tabernacle Choir at ipinapahayag ang mga patotoo tungkol sa buhay na Cristo, pakiramdam ko ay para akong isang espongha na nakalubog sa tubig na nagbibigay-buhay, na nagnanais na mapuno ng mga mensahe ng mapagmahal na Ama sa Langit para sa akin. Ano ang nais Niyang maunawaan ko?” Ano ang gusto Niyang gawin ko?

“Lubos akong nagpapasalamat sa di-mabilang na mapanalanging mga oras na ginugugol ng mga propeta at apostol at ng iba pang mga lider ng Simbahan upang sila ay maging mga sisidlan upang maibahagi ang tubig na buhay na hinahangad ng ating uhaw na mga kaluluwa.

“‘Sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan’ (Juan 4:14).”

President Susan H. Porter, Facebook, Mar. 31, 2023, facebook.com/PrimaryPresident.

Isang Karagdagang Pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Atin

Sister Susan H. Porter

“Kami nina Sister Amy A. Wright at Sister Tracy Y. Browning ay nagkaroon ng sagradong pribilehiyong mai-set apart ng Unang Panguluhan ilang linggo na ang nakararaan. Nang pumasok kami sa silid, kinamayan ni Pangulong Nelson ang bawat isa sa amin at nag-ukol ng sandali para tumitig na mabuti sa aming mga mata. Sinabi kalaunan sa akin ng anak ko, na kasama ko, na nakadama siya ang matinding pagmamahal at magandang pakiramdam nang kamayan niya si Pangulong Nelson.

“Alam ko na nadarama ni Pangulong Nelson ang pagmamahal na iyon para sa bawat miyembro ng Simbahan! Ito ay pagpapakita ng karagdagang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa atin. Sa katapusan ng linggong ito sa pangkalahatang kumperensya, maririnig natin ang mga mensahe ng pagmamahal at pag-asa mula sa ating mahal na propeta, gayundin sa marami pang inspirado at tapat na mga lider na nagmamahal sa inyo at nagmamahal sa Panginoon. Maaari bang samahan ninyo ako sa pakikinig?”

President Susan H. Porter, Facebook, Set. 30, 2022, facebook.com/PrimaryPresident.

Nagtipon upang Marinig kung Ano ang Ituturo sa Atin ng Panginoon

Sister J. Anette Dennis

“Gustung-gusto ko ang pangkalahatang kumperensya! Para sa akin, ito ay panahon para magtipon kasama ang aking pamilya para pakinggan kung ano ang ituturo sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at ng iba pang mga lider. Nagdudulot ng espesyal na damdamin na malaman na ang mga tao sa buong mundo ay nagtitipon nang sabay-sabay upang makinig sa tinig ng propeta.

“Gustung-gusto ko rin ang kuwento ni Haring Benjamin, isang propeta at hari sa Aklat ni Mormon, nang tawagin niya ang kanyang mga tao na magtipon sa templo upang pakinggan ang kanyang mga turo bago siya namatay. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na dumating silang lahat at ‘itinayo nila ang kanilang mga tolda sa palibot, bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak’ (Mosias 2:5) na ang pintuan ng kanilang mga tolda ay nakaharap sa templo upang makapanatili sila sa kanilang mga tolda at marinig kung ano ang ituturo sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ng kanilang propeta. Nagtipon ang napakaraming tao kung kaya’t isang tore ang itinayo upang mas marinig nila ang mga salita ni Haring Benjamin. Gayunpaman, hindi pa rin siya marinig ng ilan, kaya iniutos niya na ang kanyang mga salita ay isulat at ipadala sa mga taong hindi nakaririnig sa kanyang tinig.

“Ganoon din ang ginagawa natin ngayon. Tuwing ikaanim na buwan, tinatawag tayo ng ating propeta na magtipon upang marinig kung ano ang ituturo sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Iilan lang ang nakakapagtipon sa pisikal kung saan nagsasalita ang propeta at ang iba pang mga lider. Ngunit dahil sa pagpapala ng makabagong teknolohiya, karamihan sa atin ay nakapagtitipon sa sarili nating tahanan upang panoorin o pakinggan ang tinig ng propeta. At pagkatapos, tulad noong panahon ni Haring Benjamin, lahat ng turong iyon ay isinusulat sa sarili nating wika at ipinadadala sa atin upang mapag-aralan at maalala natin ang mga ito. Napakalaking pagpapala ang makinig sa tinig ng propeta at marinig ang salita ng Diyos!”

Sister J. Anette Dennis, Facebook, Abr. 2, 2023, facebook.com/RS1stCounselor.

Pagtuon ng Ating Paningin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Sister Amy A. Wright

“Ang isang imahe na hindi kailanman mawawala sa aking alaala ay naganap sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makaupo nang halos direkta sa likod ng pulpito. Binigyan ako nito ng kakaibang pananaw at pagkakataong makita ang mga mukha ng mga nakikinig habang pinakikinggan nila ang sinasabi ng mga tagapagsalita.

“Sa pagtatapos ng sesyon sa Linggo ng hapon, ang ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, ay nagsalita, at kitang-kita na bawat tao sa Conference Center ay napasigla niya. Bigla na lang, na tila inutusan ng isang tagakumpas, kalahati ng kongregasyon ay lumingon pataas sa kanan at, ang natirang kalahati ay lumingon pataas sa kaliwa.

“Nakababagabag ang pakiramdam noong una na makita na walang nakatingin sa propeta. Bakit? Dahil itinuon niya ang kanilang pansin sa dalawang malalaking screen na nagpapakita ng larawan ng pagdalaw ni Jesucristo sa sinaunang Amerika. Itinuon niya ang kanilang paningin kay Jesucristo!

“Ang napakalaking kahalagahan ng imaheng ito ay naunawaan ko. Ang papel na ginagampanan ng isang propeta, tagakita, at tagapaghayag ay palaging ituon ang ating paningin, sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

“Pinatototohanan ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ni Jesucristo, at si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ni Jesucristo. “Propeta’y sundin; s’ya ang gabay!”

Sister Amy A. Wright, Facebook, Mar. 29, 2023, facebook.com/Primary1stCounselor.

Pagsuporta sa mga Doktrina at mga Katotohanang Itinuro ng mga Propeta

Sister Tracy Y. Browning

“Ilan sa inyo ang naaalala ang mga worksheet sa paaralan kung saan magdodrowing kayo ng mga linya na nag-uugnay ng mga larawan, tao, o bagay na nakalista sa dalawang hilera? Siguro sa isang hilera ay may makikita kang larawan ng isang vase, at sa susunod na hilera ay matatagpuan ang larawan ng isang bulaklak. Ang pagguhit ng linya, na nagkokonekta sa dalawa, ay naglalarawan ng ugnayan ng mga ito.

“Ang mga aktibidad na ito ay nilayong tulungan ang mga mag-aaral na matukoy ang isang ugnayan, koneksyon, o pagkakapareho ng mga bagay-bagay. Sa isang paglilingkod kamakailan sa Lithuania, pumasok sa isipan ko ang gawaing ito mula noong mga unang araw ko sa paaralan nang tanungin ako ng isang maalalahaning missionary na naglilingkod doon kung paano ko inihahanda ang aking sarili para sa pangkalahatang kumperensya.

“Binanggit ko na habang papalapit ang pangkalahatang kumperensya, itinutuon ko nang husto ang aking pag-aaral sa mga mensaheng ibinigay ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. At tiwala kong ginagawa ito dahil alam ko na lahat ng mga mensaheng ibinibigay ng mga General Authority at Pangkalahatang Opisyal ay sumusuporta sa mga doktrina at katotohanang itinuturo ng mga propeta, tagakita at tagapaghayag.

“Sa pag-aaral ko ng mga mensaheng iyon sa buong taon, nadama ko na tila makaguguhit ako ng mga linya mula sa mga mensahe ng mga lider na ito ng Simbahan sa mga mensaheng ibinigay ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. At habang papalapit ang pangkalahatang kumperensya, ang lubos kong pag-aaral ng mga salita ng mga propeta ay nagbibigay sa akin ng matabang lupa kung saan ko maitatanim ang mga karagdagang turo na matatanggap ko sa susunod.”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Mar. 30, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.