2023
Pangkalahatang Kumperensya: Ang Ating Makabagong Manna
Oktubre 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pangkalahatang Kumperensya: Ang Ating Makabagong Manna

Sa pamamagitan ng mga makabagong propeta at apostol, binigyan tayo ng Diyos ng paraan upang mahanap ang espirituwal na pangangalagang hinahangad natin.

mga taong nangongolekta ng manna

Ito man ay ilang ng init at buhangin o apostasiya ng kalituhan at pag-aalinlangan, may pagkagutom kasunod ng Paglabas sa Egipto at pagkagutom kasunod ng pagkamatay ni Jesucristo.

Ang isang gutom ay pisikal, ang isa naman ay espirituwal.

Upang matugunan ang mga pisikal na pangangailangan ng Kanyang mga anak, nagpadala ng manna ang Diyos. Sa mga tao matapos ang malawakang apostasiya, nagpadala Siya ng espirituwal na kahalintulad ng pagkaing ito: ang salita ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng isang buhay na propeta upang akayin tayo sa manna na si Jesucristo.

Tulad ng itinuro sa mga Israelita na umasa na magkakaroon ng pisikal na manna, maaasahan natin ang espirituwal na manna ngayon.

Ang Ating Espirituwal na Manna mula sa Diyos

Habang ang mga Israelita ay nagpagala-gala sa ilang, ang mga nasa panahon ng malawakang apostasiya ay nagpagala-gala “mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa hilaga hanggang sa silangan … upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi nila ito [na]tagpuan” (Amos 8:12).

Ang paggala-gala na ito kalaunan ay humantong sa pagpapanumbalik ni Jesucristo ng Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Tulad ng inihayag ng Panginoon kung saan matatagpuan ng mga tao ng Israel ang kanilang pisikal na manna, inihayag din Niya sa atin kung saan tayo makasusumpong ng tunay na espirituwal na pangangalaga: mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng ating mga makabagong propeta na nagtuturo sa atin tungkol sa tunay na manna—si Jesucristo, ang Tinapay ng Buhay—at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at mga katotohanan.

Hindi natin kailangang magpagala-gala sa paghahanap sa katotohanan, dahil binigyan tayo ng pangako na “tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman!”1 Ang payo ng Panginoon, na itinuro ng mga propeta at apostol sa mga banal na kasulatan at sa pangkalahatang kumperensya, ay maghahatid sa atin ng walang-hanggang kagalakan at tunay na pagkabuhay. Tulad ng malamang na napagod at nabigo ang mga anak ng Israel sa pagsisikap na makahanap ng pagkain para manatiling buhay, tayo rin ay mapapagod at madidismaya kung tatakbo tayo tungo sa ibang mga sanggunian sa paghahanap ng katotohanan.

Pagkakita sa Manna sa Pamamagitan ng Pagsunod

Tulad ng ang mga Israelita ay kinailangang sundin ang Diyos upang pisikal na mapakain, kailangan nating sumunod sa Kanya upang espirituwal na mapakain.

“Nang magkagayo’y sinabi ng Panginoon kay Moises, Kayo’y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila’y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi” (Exodo 16:4; idinagdag ang diin).

Ginamit ng Panginoon ang manna bilang pagkakataon upang matuklasan kung ang mga Israelita ay magiging masunurin sa lahat ng Kanyang mga kautusan. Gayundin, ang pangkalahatang kumperensya ay isang pagkakataon para mapatunayan natin ang ating pagsunod sa Kanya sa pamamagitan ng ating kahandaang makinig sa Kanyang mga propeta. At tulad ng mga Israelita na hindi makapipili kung ano ang susundin at kung ano ang babalewalain, at maaasahan pa rin na darating ang mga ipinangakong pagpapala, gayundin tayo.

Mabilis na nalaman ng mga tao ng Israel na makakakain sila ng manna kung titipunin nila ito ayon sa mga tagubilin ng Diyos—kailangan itong tipunin araw-araw. Natututuhan din natin na ang pakikinig sa mga piling lingkod ng Diyos ay espirituwal na magpapalakas sa atin kapag sinusunod natin ang itinuturo. Ang manna ng mga salita ni Jesucristo na ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay hindi dapat kainin sa isang linggo lamang. Kapag patuloy nating binalik-balikan ang mga mensahe sa kumperensya, na isinasama ang mahahalagang katotohanan nito sa ating araw-araw na pag-aaral, makikita natin na patuloy tayong pinangangalagaan.

Ang Tunay na Manna na Hangad Natin

Alam ng mga anak ni Israel na ang mahimalang manna na ito ay nagmula sa Diyos. At malalaman natin nang may katiyakan na ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay nagmumula sa Diyos kapag lumalapit tayo sa Kanya sa panalangin at inaanyayahan ang Espiritu sa ating buhay araw-araw. Tulad ng itinuro ni Moroni, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Malalaman natin ito dahil sa itinuturo ng mga propeta at apostol, sa kung sino ang palagi nilang itinuturo at pinatototohanan, at sa huli ay kinakatawan at pinaninindigan nila—si Jesucristo.

Tulad ng pagpapadala ng Diyos ng manna, nagsusugo Siya ng mga buhay na propeta.

Pareho silang kumakatawan sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Si Jesucristo ang manna na hinangad ng mga Israelita na siyang hinahangad din natin ngayon.

“Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.

“Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

“Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

“Sinabi nila sa kanila, Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.

“Sinabi ni Jesus sa kanila, Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom” (Juan 6:31–35).

Tinutulungan tayo ng mga propeta na kainin ang Tinapay ng Buhay—na tanggapin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag palagi tayong nakikinig at sumusunod sa kanilang mga turo, tayo ay espirituwal na mapapakain, mapupuspos, at mapapalakas.

Sana’y panoorin nating lahat ang pangkalahatang kumperensya.